Mga balita ng pakikibaka
1 sarhento, 2 CAFGU patay sa pananambang sa Compostela Valley
Isang sarhento ng Philippine Army at dalawang elemento ng Citizens� Armed Forces Geographical Unit ang napatay nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Anibungan, Maco, Compostela Valley nitong Hulyo 14. Ang mga inambus ay kabilang sa isang composite team ng 60th IB. Nagsasagawa sila ng combat patrol nang sila�y tambangan.
1 sundalo patay sa ambus ng BHB sa Agusan del Sur
Isang sundalo ang napatay at dalawa pa ang nasugatan matapos silang tambangan ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Kinambukagyang, San Luis, Agusan del Sur nitong Hulyo 18. Ang mga inambus na sundalo ay kabilang sa 36th IB ng Philippine Army na itinalaga upang proteksyunan ang Tecland Inc., na balak magtayo ng plantasyon ng Acacia mangium sa lugar, sa kabila ng pagtutol ng mga katutubong Banwaon. Ang gubat na hahawanin para sa plantasyon ng Tecland Inc. ay kabilang sa lupang ninuno ng mga Banwaon.
Mga operasyong pagpaparusa, inilunsad sa Camarines Norte at Batangas
Pinarusahan ng BHB ang Smart Communications Inc. sa pamamagitan ng pagpapasabog sa cell site nito sa Cabangbang, Daet, Camarines Norte nitong Hulyo 25.
Bago nito, pinarusahan din ng BHB ang JG Summit Petro Chemicals sa pamamagitan ng pagsunog nitong Hulyo 6 sa dalawang bus na air-conditioned na pagmamay-ari ng kumpanya. Ang pamamarusa ay isinagawa sa Barangay Sinloc, Batangas City. Pinababa muna at pinalayo ng mga Pulang mandirigma ang mga pasahero bago buhusan ng gasolina ang mga bus at silaban.
Pinarusahan ang dalawang kumpanya dahil sa hindi nila pagtalima sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagbubuwis.
Pagpapatalsik sa abusadong yunit militar, iginiit ng mga Aeta sa Pampanga
Makailang ulit na nagpiket sa kapitolyo ng Pampanga nitong unang dalawang linggo ng Hulyo ang mga katutubong Aeta upang igiit ang pagpapatalsik sa kanilang barangay ng abusadong 24th IB. Sa pangunguna ng Central Luzon Aeta Association, kinundena ng mga taga-Barangay Nabuklod sa Floridablanca ang pagdukot ng militar sa dalawang lider ng komunidad na sina Barangay Kapitan Angel Binuran at Nelson Mallari, isang konsehal ng barangay. Nawala ang dalawang lider noong huling bahagi ng Hunyo.
Inireklamo rin ng mga katutubo ang patuloy na panghaharas, panghahalughog, paglalasing, pagpapaputok ng baril at pambabastos sa kababaihan ng mga sundalo. Ang Barangay Nabuklod, na nasa hangganan ng Pampanga, Bataan at Zambales ay paulit-ulit nang tinatarget ng mga operasyong militar ng 24th IB mula pa noong Disyembre 1999.
Mga kilos-protesta inilunsad kaugnay ng SONA ni Macapagal-Arroyo
Umabot sa 20,000 katao mula sa mga militanteng organisasyon ang lumahok sa mga kilos-protesta laban sa SONA o state of the nation address ni Gloria Macapagal-Arroyo nitong Hulyo 23. Kabilang sa mga dumalo ang BAYAN, Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno (KMU), Katipunan ng mga Magbubukid ng Pilipinas, Gabriela, Kadamay, Anakbayan, League of Filipino Students, Promotion of Church People�s Rights, Kairos Philippines, Plunder Watch, Courage, Migrante, Health Alliance for Democracy, UP-Cure, Ugat Lahi, Kilusang Agham, League of Concerned Professionals, Ecumenical Movement for Justice and Peace, ProGay, Youth Movement for Justice and Meaningful Change, mga kasapi ng dating Estrada Resign Movement at mga delegasyon mula sa Timog Katagalugan at Gitnang Luson. Naglunsad ng malawakang boykot ng ROTC ang Abolish! at iba pang mga organisasyon ng mga estudyante upang makadalo sa rali.
Naglunsad rin ng mga rali sa mga lunsod ng Baguio, Angeles, Lucena, Bacolod, Dumaguete, Iloilo, Cebu, Tagbilaran, Gen. Santos at Davao at sa lalawigan ng Aklan.
Iginiit ng mga demonstrador ang paglilitis kay Estrada sa kasong pandarambong. Tinutulan nila ang mga patakaran ng imperyalistang "globalisasyon", deregulasyon at pribatisasyon na ipinagpapatuloy lamang ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Binatikos din nila ang patuloy na pagdami ng mga paglabag sa mga karapatang-tao at umiigting na militarisasyon sa kanayunan sa ilalim ng bagong rehimen. At iginiit nila ang kagyat na mga kahilingan ng mamamayan tulad ng P125 across-the-board na pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Isang "Gloria mula sa kahon" ang inihanda para sa rali ng Ugat Lahi, isang progresibong grupo sa sining. Unang iniluwal ng kahon ang effigy ni Macapagal-Arroyo na naglalarawan ng pagtatalima sa interes ng mga naghaharing uri, malalaking dayuhan at lokal na negosyante at militar. Iniluwal din ng kahon ang effigy ni Estrada na nagpapakita na kailangan pang igiit ang pag-uusig sa kanyang kaso ng pandarambong; isang buwaya na nagsisimbulo ng imperyalistang "globalisasyon" at pribatisasyong sakim sa tubo; isang buwitreng naglalarawan ng pagtatangging ibigay ang karagdagang P125 sa sahod ng mga manggagawa at iba pang kagyat na kaginhawaan sa kabuhayan ng mamamayan; at isang asong ulol na naglalarawan ng patuloy na paglabag sa mga karapatang-tao at kawalan ng kapayapaan sa bansa.
Pinasumpa ng mamamayan ang tatlong kinatawan ng Bayan Muna. Hindi na sila nakalahok sa pagbubukas ng Kongreso dahil sa mabagal na paglalabas ng desisyon ng COMELEC hinggil sa pagiging lehitimo ng mga grupong tumakbo sa halalang party list. Sa tinawag na "People�s Proclamation", si Satur Ocampo, na anak ng mga magsasaka mula sa Sta. Rita, Pampanga, ay may hawak na palay bilang simbolo ng masang magbubukid. Si Crispin Beltran ng KMU ay may tangang maso bilang simbolo ng masang manggagawa. Si Liza Masa naman ng Gabriela ay may dalang kulay-ubeng bandila bilang simbolo ng kilusan sa pagpapalaya ng kababaihan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|