Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ibayong pagyurak sa soberanya ng mga bansa: Doktrinang Bush

 Read this article in English

Sa moderno at sibilisadong mundo, pundamental na prinsipyo sa ugnayan ng mga bansa ang pagrespeto sa pambansang soberanya. Pinakasaligang prinsipyo ito sa pagbubuo ng United Nations matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Itinataguyod rin ito ng iba't iba pang pandaigdigang institusyon at kumperensya. Higit pa itong pinalawig sa mga prinsipyo tulad ng pagrespeto sa karapatan ng mga bansa sa pagpapasyan sa sarili, di panghihimasok sa internal na usapin ng ibang bansa, pagkilala sa teritoryal na integridad ng bawat isa, pagkakapantay-pantay ng mga bansa, mapayapang pakikipamuhay at hindi pagsasalakayan.

Sa nakaraang 50 taon, paulit-ulit na nilabag ng US ang soberanya ng mga bansa sa paggigiit nito ng imperyalistang interes sa lahat ng dako ng mundo. Isinagawa ito sa Vietnam, Laos, Cambodia, Korea, Yugoslavia, Iraq, Nicaragua, Panama, Haiti, Grenada at iba pang mga bansa.

Sa paglunsad ng gerang agresyon laban sa Afghanistan at pagdeklara ang "gerang walang hangganan", binubuksan ng imperyalismong US ang bagong kabanata ng walang kapantay na paglapastangan at pagbalewala sa prinsipyo ng pambansang soberanya at mga kaakibat na alituntunin sa ugnayang internasyunal.

Noong nakaraang taon, buung-buong inangkin ng US ang karapatang salakayin ang Afghanistan nang walang anumang pagkilala sa kalayaan nito bilang isang bansa. Sinamantala ng imperyalismong US ang mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001 upang ideklara ang "gerang kontra-terorismo" at bigyang katwiran ang agresyon nito sa Afghanistan. Upang buuin ang isang multinasyunal na "koalisyong kontra-terorismo" para suportahan ang naturang gera, mabigat nitong ipinataw ang sariling kapasyahan sa lahat ng bansa sa mundo sa pamamagitan ng pagbabanta ng mga parusang pang-ekonomya o pagsalakay-militar sa alinmang bansang di umanib sa "koalisyon".

Bunsod ng bruskong diplomasya ng US at pakikipagkutsabahan ng mga papet nitong rehimen, 136 na bansa ang "tumulong" sa US, kabilang ang 89 na bansang "pumayag" sa paglipad ng mga eroplanong militar ng US sa kanilang himpapawid, 76 na "nagpahintulot" sa paglapag ng mga eroplanong militar ng US sa kanilang teritoryo at 23 "nag-alok" na gamitin ang kanilang bansa bilang lunsaran ng mga opensibang operasyon ng mga tropang Amerikano. Kung tutuusin, ang lahat ng ito'y katumbas ng bahagi hanggang lubusang pagsuko ng kasarinlan ng kanilang mga bansa.

Noong Enero 31, lalo pang pinilipit ni Bush ang kamay ng ibang bansa. Diretsahang nagbanta ang hepeng butangero ng imperyalismo na yayapakan nito ang alinmang bansang hindi susunod sa pasya nito. Sa kanyang State of the Union Address (talumpati tungkol sa pambansang kalagayan) sa harap ng kongreso ng US, idineklara niyang "kung hindi sila (ang ibang bansa) kikilos, Amerika ang kikilos". Isa itong deklarasyong lipos ng arogansya at tahasang paglapastangan sa karapatan ng mga bansa na magpasya sa sarili. Unilateral na itinatakda ng US ang pagkilos ng mga bansa sa daigdig ayon sa mga dikta nito.

Isang "doktrinang Bush" ang pinaiiral ngayon ng imperyalismong US: ipinangingibabaw ang "paglaban sa banta ng terorismo" bilang nakapangyayaring prinsipyo sa ugnayan ng mga bansa, upang bigyang katwiran ang paglulunsad ng "gerang walang hangganan" at ang tahasang pananalakay ng US sa alinmang bansa para tugisin ang mga banta sa monopolyo kapitalistang interes nito.

Pilit na ipinalalamon ng imperyalismong US sa internasyunal na komunidad na higit na importante ang bagong "doktrinang Bush" kaysa anupamang prinsipyong nagsasaalang-alang sa kalayaan at soberanya ng mga bansa.

Hindi kagulat-gulat kung gayon na matapos pag-initan ang al Qaida at ibagsak ang rehimeng Taliban sa Afghanistan, inihanay ni Bush bilang "Axis of Evil", o sentro ng kasamaan, ang North Korea, Iraq at Iran - mga bansang may rekord ng paglaban sa US at pagtutol sa pagpapataw ng imperyalistang kapangyarihan sa kani-kanilang bansa.

Nitong nakaraang mga taon, nagtatago pa ito sa likod ng mga multilateral na pagkilos, tulad ng paggamit sa UN at sa Multinational Peacekeeping Force upang ikubli ang pagsalakay nito sa Iraq at Yugoslavia. Ngayon ay kumikilos na ito nang isahang-panig at walang pagsangguni kanino man -- laluna sa usapin ng pagpapadala ng mga pwersang militar -- saan mang panig ng mundo. Pinangangambahan na ito kahit ng ibang mga imperyalistang bansa.

Agresibong naghahanda, naghahanap at lumilikha ng digmaan ang US. Layunin nitong higit na pasaklawin at palalimin ang imperyalistang hegemonya at "globalisasyong" patakaran nito. Hangarin ng US na bigyang-sikad at iahon mula sa resesyon ang pumapalya nitong ekonomya sa pamamagitan ng higit pang pagpiga sa mga neokolonya at pagpapalakas ng industriyang pandigma nito. Ipinapataw nito ang kapangyarihang pangmilitar sa iba't ibang panig ng mundo upang supilin ang anti-imperyalista at rebolusyonaryong paglaban ng mga mamamayan ng daigdig.

Ang mismong walang kaabug-abog na paglapastangan sa mga karapatan ng mga bansa, pagwawasiwas ng lakas at kapangyarihan sa buong mundo, at ibayong pagpapahirap na idudulot nito sa mamamayan ng daigdig ay bubwelta rin sa imperyalismong US. Anumang kagyat na pakinabang na matatamo ng imperyalismong US sa pagsagasa sa mga karapatan at kapakanan ng mga bansa at mamamayan ng daigdig ay tiyak na may katumbas na mas mabibigat na pinsalang matatamo nito sa pangmatagalan kundi man sa kagyat. Titindi ang galit at lalakas ang paglaban ng lahat ng sinasalanta at pinahihirapan ng imperyalismo hanggang tuluyan nang maibabagsak ang pang-aapi at pambubusabos nito sa buong mundo.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagbayarin nang mahal ang sukdulang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo
Ang panunumbalik:
Armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas

Ibayong pagyurak sa soberanya ng mga bansa: Doktrinang Bush
Pinalaking badyet pandigma ng US
Pagbatikos sa doktrinang Bush
Ang kapangyarihang militar ng US sa Asia-Pacific
North Korea handang lumaban sa agresyong US
Pagpapaalis sa mga Amerikanong "tagapayong militar" sa Colombia, iginiit ng FARC
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Sa mga nagdaang Balikatan: Mga paglabag sa karapatan ng mamamayan
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Pananalanta sa panahon ng mga base militar ng US sa Pilipinas
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1913): Noong unang nanghimasok ang imperyalismong US sa bansa
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Mga alingawngaw ng armadong panghihimasok ng US sa Vietnam
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.