Mga balita ng pakikibaka
Upisyal ng PNP pinarusahan sa Occidental Mindoro
Pinarusahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Occidental Mindoro ang assistant provincial police director for operations sa Occidental Mindoro na si Sr. Supt. Winston Ebersole. Ang pamamarusa ay isinagawa noong umaga ng Hulyo 29 sa Barangay Labangan, Poblacion San Jose ng naturang prubinsya.
Si Ebersole ay pinarusahan dahil sa marami niyang kasalanan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa Occidental Mindoro. Sa isang dalawang-pahinang pahayag, inilatag ni Kasamang Victor Rivero, tagapagsalita ng Lucio de Guzman Command ng BHB sa Mindoro, na si Ebersole ang responsable sa pagtortyur at pagsalbeyds noong Nobyembre 1987 kay Kasamang Lucio de Guzman. Ang pangkalahatang kumand ng BHB sa Mindoro ay ipinangalan sa huli, na noo'y kalihim ng komite ng Partido sa isla ng Mindoro.
Si Ebersole rin ang salarin sa pagsalbeyds noong taon ding iyon kay Arnel Mendoza, isang lider estudyante. Si Mendoza, ani Kasamang Rivero, ay ihinulog sa dagat mula sa isang helikopter.
Ang naturang mga krimen ay isinagawa ng 268th Philippine Constabulary Coy na pinamumunuan noon ni Ebersole.
Sangkot din si Ebersole sa pagbubuo ng mga anti-komunistang grupong vigilante at sa pagpapatakbo ng mga sindikato ng mga upahang mamamatay-tao, magnanakaw, manghoholdap at mga iligal na nagbebenta ng mga baril.
2 Pulis patay sa ambus sa Agusan del Sur
Dalawang pulis ng Talacogon Police Station sa Agusan del Sur ang napatay matapos tambangan ng mga Pulang mandirigma nitong Agosto 1.
Sina SPO3 Antonio Godoy Labarete at PO1 Darwin de Jesus Tecson Jr. ay nagsasagawa ng regular na pagpapatrulya nang ambusin ng mga gerilya sa Del Monte Gym, Talacogon, bandang alas-10 ng gabi habang nagdiriwang ng kapistahan ang barangay.
Kaagad na namatay ang dalawang pulis. Nasamsam ng BHB mula sa kanila ang isang .45 at isang 9 mm.
Rekruter ng CAFGU, pinarusahan
Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma si Isabelo Barbecho II, aktibong rekruter para sa Citizens' Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), bandang umaga nitong Agosto 25.
Si Barbecho ay dating kapitan ng Barangay Pawa, Matnog, Sorsogon. Pinarusahan siya ng mga Pulang mandirigma matapos niyang balewalain ang ilang beses nang babala ng rebolusyonaryong kilusan laban sa masugid niyang pagrekluta ng kalalakihan sa barangay upang ipasok sa CAFGU. Pasimuno rin siya ng pagtatayo ng lambat-paniktik na nagpahamak sa mga rebolusyonaryong pwersa sa barangay at mga karatig .
Si Barbecho ay kapatid ni Col. Isabelo Barbecho III, dating kumander ng 2nd IB na nananalanta naman sa Juban, Sorsogon.
Depensiba ng BHB sa Cebu, nagawang opensiba
Dalawang elemento ng Scout Rangers na kabilang sa Task Force Cebu ang napatay nang kubkubin ng kanilang yunit ang isang kampo ng BHB sa Sityo Bungyas, Barangay Ampungol, Sogod, Cebu City nitong Agosto 20. Nasugatan din ang pinuno ng naturang tropa na si SSgt. Antonio Salinas..
Papalapit ang mga tropa ng Scout Rangers na kukubkob sa hinihimpilan ng BHB nang 10:25 ng umaga nang matunugan ng mga Pulang mandirigma. Agad na nakapamutok ang mga gerilya, dahilan upang magkaroon ng kaswalti sa panig ng reaksyunaryong tropa. Umatras ang mga itong bigo sa tangkang kubkubin ang mga Pulang mandirigma. Walang kaswalti sa panig ng BHB.
Mga kinatawan ng BAYAN MUNA, pinasumpa na
Ang mga kinatawan ng Bayan Muna na sina Crispin Beltran (Ka Bel), Satur Ocampo (Ka Satur) at Liza Masa (Ka Liza) ay nanumpa na bilang mga kongresista nitong Agosto 20.
Sa isang panayam, sinabi ni Ka Satur na ang trabaho sa kongreso ay ekstensyon lamang ng demokratikong kilusan ng mamamayan.
Noong Agosto 21, isinumite na ng Bayan Muna ang mga kauna-unahang panukala nila sa Kongreso: ang House Bill No. 2605 na nananawagan para sa P125 pambansang across-the-board na pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, at ang House Bill No. 2606 na nananawagan para sa P3,000 pagtaas ng buwanang sahod ng mga kawani ng gubyerno.
Pagkatapos maisumite ang mga panukala, lumahok ang tatlong kinatawan sa isang human chain sa kalsadang pumapalibot sa Batasan Pambansa. Kabilang sa mga bumuo ng human chain ang iba't ibang militanteng organisasyon.
Ilang buwan na nabimbin ang pagpapasumpa sa Bayan Muna nang repasuhin ng Korte Suprema ang kwalipikasyon ng mga grupong lumahok sa eleksyong party list.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|