Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hinaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa:
Pagpapalakas tungo sa bago at mas mataas na antas

 Read this article in English

Idinaos noong Setyembre ang Ikalawang Pambansang Kumperensya ng Rebolusyonaryong Kilusang Manggagawa upang higit na pagtibayin ang pagkakaisa ng Partido sa mga tungkulin at patakaran sa pagsusulong ng kilusang manggagawa. Ginanap ang walong araw na kumperensya sa isang sonang gerilya at pinamunuan ng Pangkalahatang Kalihiman at ng Pambansang Kagawaran sa Organisasyon. Dumalo ang mga kadre ng kilusang manggagawa mula sa Kamaynilaan, Hilagang Luzon, Gitnang Luzon, Timog Katagalugan, Bikol, Gitnang Visayas, Silangang Visayas, Panay, Negros, Hilagang Mindanao, Timog Mindanao at Malayong-Timog Mindanao. May tagamasid mula Kanlurang Mindanao at iba pang organo ng Partido.

Sa pamamagitan ng Kumperensya nilutas ang ilang pangunahing usaping kinakaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Mahigpit na pinagkaisahan ang mga tungkulin para sa pambansang pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa bago at mas mataas na antas.

Mahigpit ang pangangailangan at umiiral ang batayan upang ibayong palakasin ang kilusang manggagawa tungo sa bago at mas mataas na antas.

Bunga ng napakalubhang krisis sa ekonomya, lalong naging miserable at api ang katayuan ng mga manggagawang Pilipino. Upang ipagtanggol ang kanilang interes at karapatan, kinakailangang palawakin at palakasin ang sama-sama at militanteng pakikibaka ng mga manggagawa.

Sa pamamagitan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, muling pinagtibay ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo sa pagsusulong ng kilusang manggagawa. Matatag ding pinuna at iwinaksi ang malulubhang pagkakamali sa nakaraan�habang matatag na nilabanan at binigo ang todong pangwawasak ng mga rebisyunistang taksil.

Ang mga panimulang tagumpay sa pagpapanibagong-sigla at lakas ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa ay dapat panghawakang mahigpit ng Partido at gawing batayan ng pagsulong sa bago at mas mataas na antas.

Pambubusabos sa mga manggagawa

Patakaran ng papet na rehimeng Estrada na ipagpatuloy at higitan pa ang dati nang pagbubukas ng ekonomya ng Pilipinas sa imperyalistang "globalisasyon." Patuloy ang walang habas na pandarambong ng mga monopolyo kapitalistang dayuhan sa ekonomya ng bansa. Patuloy din ang walang habas na pagsalakay sa kapakanan at mga karapatan ng mamamayan, laluna ng mga manggagawa at magsasakang naghihikahos.

Sa ngalan ng islogang "manggagawang world-class" itinataguyod ni Estrada ang patakaran sa mura at siil na lakas paggawa bilang pangunahing pang-akit sa mga dayuhang mamumuhunan. Labis-labis ang pagpapahirap sa mga manggagawa sa pamamagitan ng:

(a) Sahod na pambusabos. Higit pang pinabababa ang dati nang napakababang sahod. Ang karaniwang minimum na sahod, ayon sa batas, ay P160 bawat araw. Lubha itong napakaliit kung ihahambing sa minimum na halaga ng mga pangangailangan ng isang pamilya, na tinatayang P342.22 bawat araw sa buong Pilipinas. Masahol pa, malaking bilang ng mga empresa (halos 25% ayon sa sarbey ng DOLE) ang di nagpapasahod nang ayon sa nakatakdang ligal na minimum.

Sahod na pambusabos ang patakaran ng reaksyunaryong gubyerno para bundatin sa sobrang tubo ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal. Bahagi ng patakarang ito sa sahod ang walang patumanggang pagbawas kung hindi man tuluyang pagtanggal sa mga benepisyong dapat ibayad sa mga manggagawa; at mga gastos sa produksyong tumitiyak sa malusog at ligtas na kundisyon sa pagtatrabaho.

Isinasagad ang pagpiga, ang pagpapatrabaho nang labis, ang paglaspag sa katawan at isip ng mga manggagawa. Sa kabila nito, lalong tumitindi ang kakulangan sa mga saligang pangangailangan ng pamilyang manggagawa. Ang resulta ay malaki pang pagbulusok sa dati nang abang pamumuhay ng mga manggagawa. Ang paglaganap at paglala ng mga aksidente sa pagawaan, habang sa mga komunidad, ang pananalasa ng mga epidemya, kriminalidad, pagkasugapa sa droga at bisyo at sapin-saping kabulukan ay ilan lamang palatandaan ng mala-impyernong kalagayan ng mga manggagawa.

(b) Malawakang disempleyo at tanggalan sa trabaho. Tatak ng di industriyalisadong ekonomya ng Pilipinas ang napakalaking bilang ng walang hanapbuhay. Noong Abril, ayon sa dinuktor na resulta ng sarbey ng pamahalaan, umabot na sa 13% ng pwersa sa paggawa o 4.278 milyon ang walang hanapbuhay. Ngunit kung tutuusin, mahigit na sa 20 milyon o kalahati ng kabuuang pwersa sa paggawa ang walang trabaho.

Daan-daang libo pang manggagawa ang nawawalan ng trabaho dahil sa napakalalang krisis. Noong Enero hanggang Oktubre 1998, 2,000 empresa ang naitalang nagsara. Marami pang iba ang nagbabawas ng mga manggagawa katulad ng tampok na kaso ng 5,000 manggagawang sinipa mula sa Philippine Air Lines (PAL). Sa kabuuan, halos 100,000 manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay sa panahong ito. Bukod pa ang libu-libong overseas contract worker (OCW) na umuuwi dahil nawalan ng trabaho.

(k) Kontraktwalisasyon at kaswalisasyon. Sa "deregulasyon" at "pleksibilisasyon" ng paggawa, naging kalakaran ang pagtanggal ng mga manggagawang regular para palitan ng mga manggagawang kontraktwal o kaswal. Umiiral ito hindi lamang sa mga export-processing zone kundi maging sa pinakamalaking mga korporasyong industriyal, gaya ng San Miguel Corporation. Ang kontraktwalisasyon at kaswalisasyon ng paggawa ang pangunahin at isa sa pinakamasahol na paraan ng pagpapababa ng sahod, pagkakait sa mga manggagawa ng mga benepisyo at karapatan, pagpapahigpit ng mga reglamento sa paggawa at pagwasak sa mga unyon.

Tinatayang sa bawat isang regular na manggagawa sa industriya at serbisyo, mayroong anim na manggagawang di regular (kontraktwal, kaswal, aprentis o part-time). Ang mga manggagawang ito'y walang seguridad sa hanapbuhay, mas mababa ang pasahod at mas masahol ang kundisyon sa paggawa. Ginagamit sila upang lalong ilubog ang sahod at gawing mas masahol pa ang kundisyon sa paggawa maging ng mga manggagawang regular.

(d) Malaganap at matinding pag-atake sa mga karapatang unyon at iba pang demokratikong karapatan ng mga manggagawa. Kalakarang mahigpit at malupit na pinaiiral sa mga export-processing zone ang patakarang "walang unyon at walang welga." Tila hayop na ikinukulong sa mga gwardyadong "dormitoryo" ang mga manggagawa para tiyaking hindi sila makapag-oorganisa sa sarili. May blacklist ng mga unyonista at welgista.

Buong-lupit na ginagamit ang pulisya at militar upang lupigin ang mga manggagawang lumalaban. Mula Enero hanggang Hulyo, sa naitalang 58 kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa, 53 sa mga ito ang gawa ng PNP/SWAT at AFP.

Malaganap din ang kriminalisasyon ng pagwewelga at iba pang sama-samang paglaban. Sinasampahan ng mga gawa-gawang kasong kriminal ang mga unyonista at welgista, tulad ng ginawa sa mahigit 300 manggagawa ng PICOP Industries sa Agusan del Norte noong Enero at Marso. Ito'y upang magkadahilan ang pulisya, mga bayarang goons ng malaking kapital, na salakayin, dakpin at ibilanggo ang mga manggagawa.

Tahasang idineklara ni Estrada ang patakarang antiwelga kaugnay ng kaso ng PAL, habang may mga panukala sa reaksyunaryong Kongreso na ipormalisa pa ang pagbabawal sa welga. Ang mga amyenda sa mga batas paggawa, laluna ang Herrera Law (RA 6715) ng 1989, ay lalong nagpalaki ng mga ligal na butas at dahilan na magagamit ng mga kapitalista para salakayin ang mga unyon at welga. Samantala, patuloy pang umiiral ang ilang anti-manggagawang batas at dekreto na ginawa pa ng pasistang diktadurang Marcos.

(e) Kataksilan ng mga luma at bagong dilawan. Sa harap ng napakatinding pagsasamantala at pangaapi sa masang manggagawa, lalong kasuklam-suklam ang pagtataksil at pagkakanulo sa kanila ng mga luma at bagong dilawan. Ang mga dilawan ay kasabwat ng mga kapitalista sa paglinlang sa mga manggagawa sa tunay na katangian at pamiminsala ng imperyalistang "globalisasyon" at "deregulasyon." Maraming halimbawa ng mga dilawang lider na tumatayong mga kontratista sa paggawa o kabo mismo.

Nakikipagsabwatan sila sa pasistang militar at pulisya sa pagsalakay sa welga at unyon ng manggagawa; at pagbebenta sa pakikibaka ng mga manggagawa.

Pagsulong ng kilusang manggagawa

Malaganap at patuloy na tumitindi ang disgusto at galit ng masang manggagawa. Palatandaan ng nagbabadyang paglawak at pagtindi pa ng mga welga at iba pang pakikibaka ng mga manggagawa ang mahigit 35,000 manggagawang lumahok sa militanteng demonstrasyon noong nakaraang Mayo 1.

Kapansin-pansin ang biglang pagdami ng welga. Mula Enero hanggang Abril lamang, 40 welga na ang naitala, katumbas ng bilang ng welga para sa buong taon ng 1997. Pumutok ang welga sa malalaking empresa tulad ng PAL, PICOP, Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at Light Railway Transit (LRT) na nilahukan ng libu-libong manggagawa. Tampok sa mga welgang ito ang paglaban sa kontraktwalisasyon, mga paglabag sa CBA (collective bargaining agreement) at para sa karagdagang sahod at mga benepisyo.

Sumusulong sa buong bansa ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa P100 dagdag sa minimum na arawang sahod. Bigo ang pagtatangka ng reaksyunaryong estado at mga dilawang lider na tabunan ang usapin ng sahod, hadlangan at iligaw ang pakikibaka para dagdagan ito.

Lumalaki ang bilang ng mga manggagawang lumalahok sa mga pakikibakang anti-imperyalista at antipasista. Libulibo ang lumahok sa mga aksyong protesta laban sa tangka ni Ramos na patagalin ang panunungkulan niya sa Malakanyang sa pamamagitan ng pag-amyenda sa konstitusyon. Umani ng malawak na suporta ang Lakbayan Laban sa Kahirapan at Imperyalistang Pandarambong noong Oktubre 1997, na pinagtulungan pangunahin ng mga manggagawa at magsasaka. Nangunguna rin ang mga manggagawa sa malawakang pagtutol ng mamamayan sa pataas nang pataas na presyo ng gasolina.

Lumalakas ang militante at progresibong unyonismo. Dumarami pa ang mga unyong humahanay sa mga militanteng pederasyon at sentrong manggagawa bunga ng hangad ng masa ng uri na palawakin ang militanteng pagkakaisa at paglaban. Lalong nalalantad ang pagkabangkarote ng oportunismo at kolaborasyunismo ng mga luma�t bagong dilawang lider at pederasyon.

Upang higit pang maisulong ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa, kinakailangang pursigidong palawakin at palakasin ang militanteng kilusang unyon at ang mga pakikibakang pangekonomya ng mga unyon.

Masiglang sumusulong ang kilusang pagwawasto sa rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Naiwaksi at napawi na sa kalakhan ang magkakambal na oportunistang linya ng insureksyunismo at ekonomismo. Ang pamamayagpag ng mga oportunistang linyang ito, laluna noong huling bahagi ng dekada �80, ay nagpahina at matinding puminsala sa rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Tampok dito ang malubhang kapabayaan sa pagpapaunlad sa makauring kamulatan ng mga manggagawa at pagbubuo ng Partido sa hanay nila; paglalayo ng kilusang manggagawa sa antipyudal na kilusang magsasaka sa kanayunan; pagkabatak at paghina ng mga unyon at organisasyong manggagawa bunga ng mga adbenturista at gasgasang aksyon sa lansangan; at pag-uk-ok ng korupsyon at kabulukan sa ilang bahagi.

Sa gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at mga aral na hango sa paglalagom ng mga karanasan sa kilusang manggagawa, hakbang-hakbang na napangibabawan ang malulubhang pagkakamali at kahinaan. Matatag na pinangibabaw ang linya ng rebolusyong dalawang-yugto at programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

Tuluy-tuloy na nakapagpapalakas ang Partido sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Masiglang pinag-aaralan ng mga kasapi ng Partido at aktibistang manggagawa ang dokumento ng paglalagom ng Partido, lipunan at rebolusyong Pilipino, kalagayan ng uring manggagawa, ekonomyang pampulitikang Marxista at iba pa.

Patuloy na pinauunlad ang gawaing masa ng Partido sa hanay ng mga manggagawa. Higit na nasisinsin ang pagtatalaga ng mga kasapi at kadre at pag-oorganisa ng mga yunit at organo ng Partido at kilusang lihim sa mga unyon, lalung-lalo na sa hanay ng masang kasapian ng mga unyon. Hakbang-hakbang na binubuo ang mga sangay ng Partido kaalinsabay ng pagbubuo o transpormasyon ng mga unyon bilang mga saligang organisasyon ng mga manggagawa. Ang tungkuling ito�y mabilis na naisasagawa lalung-lalo na sa hanay ng mga manggagawang dati nang saklaw ng militanteng unyonismo.

Malaki-laking bilang ng mga aktibistang masa ang napapanday sa mga gawain ng pagsusulong ng kilusang manggagawa. Gayumpaman, malaki pa ang dapat ilawak at ibilis ng pagoorganisa ng mga lihim na grupo at komiteng pangorganisa ng mga manggagawa , gayundin ng mga sangay at grupo ng Partido sa hanay ng masang manggagawa. Ang pagpapalawak ng mga lihim na organisasyon sa mga pabrika at komunidad ng manggagawa ay matagal na napabayaan at nasagkaan ng konserbatismo at di makatotohanang mga pamantayan.

May partikular na halaga ang pag-oorganisa sa mga mala-proletaryado, para epektibong mapakitunguhan ang laganap at malalang problema sa kawalan ng trabaho at iba pang mukha ng kahirapan.

Sumisigla ang pagtungo ng mga manggagawa sa kanayunan para lumahok sa kilusang magsasaka at armadong pakikibaka. Pero kailangan pang tuluy-tuloy na palaganapin sa kilusang manggagawa ang mga pag-aaral sa mga usapin sa pagsusulong ng sandatahang pakikibaka at kilusang antipyudal sa kanayunan. Ito�y upang maipatimo sa mga manggagawa ang kahalagahan ng maramihang paglahok nila rito.

Patuloy na isinisistematisa at pinalalakas ang paglalatag ng pwersa sa mga estratehikong empresa, malalaking konsentrasyon ng mga manggagawa at mga pangunahing sentrong lunsod ng bansa. Importante ito sa lahatang-panig na pagpapalakas ng kilusang manggagawa sa buong bansa.

Mga tungkulin

Upang higit pang maisulong ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa, kinakailangang pursigidong palawakin at palakasin ang militanteng kilusang unyon at ang mga pakikibakang pang-ekonomya ng mga unyon. Kinakailangang sistematiko at matatag na paunlarin ang mga ito sa antas ng pakikibakang pampulitika alinsunod sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Ang papatinding pambubusabos at kahirapan ng mga manggagawa ay nagtutulak sa kanila na magtanggol at lumaban.

Kailangan ding patuloy na mahigpit na panghawakan ang wastong kumbinasyon ng konsolidasyon at pagpapalawak. Dapat tuluy-tuloy na buuin ang mga lihim na sangay at grupo ng Partido at palaganapin ang edukasyon sa linyang pambansademokratiko at sa Marxismo-Leninismo- Maoismo; kasabay ng pagsusulong ng mga pakikibakang masa, pagpapalawak ng mga unyon at pagpaparami ng mga aktibistang masa. Kailangang aktibong pamunuan ang masa sa papalawak nang papalawak na saklaw habang nagpapatatag sa sariling hanay. Sa darating na taon, dapat bigyan ng pangunahing pansin ang sumusunod na mga partikular na tungkulin:

  1. Malawak, masinsin at solidong ilatag ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa pamumuno ng Partido sa buong bansa

      1.1. Palakihin ang bilang ng mga sangay ng Partido at rebolusyonaryong unyon ng mga manggagawa.

      1.2. Palakasin ang makinarya ng Partido para sa kilusang manggagawa. Magpalitaw at magsanay ng malaking bilang ng mga kadre at lider masa sa pambansa at lokal na antas.

      1.3. Bigyan ng partikular na pansin ang pagoorganisa sa mga manggagawang kababaihan at bata (child workers).

      1.4. Ubos-kayang paunlarin ang kilusang manggagawa sa mga rehiyong may mataas na konsentrasyon ng mga manggagawa sa industriya, pati na mga sonang pang-eksport.

  2. Palawakin ang kilusang welga na umaabot sa papalaking bilang ng mga pagawaan at manggagawa. Isulong ang masisigla at malalakas na pakikibakang pang-ekonomya sa mga welga sa pagawaan at koordinadong welga sa lokalidad. Ikoordina sa buong bansa ang pakikibaka para sa dagdag na sahod, para sa pagtatanggol ng mga karapatan sa pag-uunyon, laban sa kontraktwalisasyon, disempleyo, pribatisasyon at iba pang patakarang umaapi at nananalasa sa uring manggagawa.

  3. Patuloy na palakasin ang pakikipag-alyansa sa hanay ng uri, mala-proletaryado, uring magsasaka at iba pang demokratikong sektor.

  4. Itaas at mas mahusay na gamitin ang kapasidad sa gawaing propaganda at pangkultura sa pambansa, panrehiyon, panlalawigan at lokal na antas.

  5. Palakihin ang bilang ng mga napakikilos sa mga pakikibakang pampulitika.

  6. Masiglang palaganapin ang pag-aaral sa Marxismo- Leninismo-Maoismo at mga prinsipyo�t linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Bigyan ng partikular na pansin ang teoretikal na pag-aaral sa kritika sa imperyalismo, neokolonyalismo, neoliberalismo, Trotskyismo, rebisyunismo, oportunismo at dilawang unyonismo.

  7. Sistematikong paunlarin ang malaking bilang ng mga kadreng manggagawa para sa rebolusyonaryong kilusang manggagawa, kanayunan at iba pang pangangailangan ng rebolusyon.

  8. Palakihin ang suporta sa kanayunan.

  9. Masiglang mag-ambag at magpatibay ng pakikipagkaisa sa anti-imperyalistang pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan sa buong daigdig.

Tinatanaw

Tumatanaw ang Partido sa mas mabilis na paglakas ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa bago at mas mataas na antas. Tampok na katangian ng mas mataas na antas na ito ang ilang ulit pang paglawak at paglaki ng militanteng kilusang unyon, gayundin ng lihim na organisasyon ng Partido at mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon sa mga pabrika at komunidad ng mga manggagawa.

Ang papatinding pambubusabos at kahirapan ng mga manggagawa ay nagtutulak sa kanila na magtanggol at lumaban. Sa pamumuno ng Partido, ang militanteng kilusang manggagawa ay magsisilbing isang malakas na muog ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Oktubre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!

"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Sistemang Kapitalistang nasa Krisis
Panawagan sa Ilokos-Kordilyera:
Pangibabawan ang mga sagka! Kamtin ang lahatang-panig na pagsulong!

Cordillera People's Democratic Front:
Natatanging Prente ng Mamamayang Kordilyera

Hinaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa:
Pagpapalakas tungo sa bago at mas mataas na antas
Krisis sa Kanayunan
'Padrino' ng reporma sa lupa?
Samar:
Nagwawasto at sumusulong

Rebolusyong Agraryo sa Timog Luzon
Mga Contra:
Nasa Abanteng Yugto ng Disintegrasyon

Bagong Trotskyistang Pangkat
Pangkating Magdangal-Bill-Olive:
Bagong Grupong Bandido at Rebisyunista

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.