Pasistang kontratista
Bukod sa US Armed Forces, laganap na kinakasangkapan ng imperyalismong US sa mga �kontra-teroristang� operasyon nito ang may 20,000 military contractor sa Iraq. Kadalasan, ang mga ito'y mga dating heneral at kawal na inuupahan ng gubyerno ng US at sinusuwelduhan ng hanggang $200,000 upang gawin ang mga kaparaanang kung tutuusin ay bawal sa balangkas ng militar gaya ng tortyur at pagpatay sa mga bihag.
Si Jonathan Keith Idema, halimbawa, ay isang dating myembro ng Special Forces. Ang kanilang mga ginagawa, aniya, ay koordinado sa CIA at suportado ng matataas na upisyal ng US. Noong Hulyo 5, 2004, pinasok ng mga pulis na Afghan ang isang pribadong bilangguang pinatatakbo niya. Doon, natagpuan ang tatlong lalaking nakabitin mula sa kisame samantalang lima pa ang bugbog at nakagapos sa loob ng isang madilim at maliit na kwarto.
Dati ring sundalo ng Special Forces si David A. Passaro. Inutusan siya ng gubyernong US na kunan ng impormasyon si Abdul Wali, inakusahang terorista sa Afghanistan. Nang igiit ni Wali na wala siyang alam, binugbog siya ni Passaro gamit ang mabigat na metal flashlight hanggang sa siya'y mamatay.
Nitong mga nagdaang taon, nasangkot ang mga kontraktor sa samutsaring kaso ng pang-aabuso�mula sa mga paglapastangang rasista gaya ng sa Croatia hanggang sa sex trafficking sa Bosnia. Bagaman nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal sina Idema at Passaro, walang pumipigil sa imperyalistang gubyerno na umupa ng libu-libo pang kapalit nila.
|