![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sa loob ng mahigit isang linggo mula sa mismong araw ng ika-35 anibersaryo ng Partido noong Disyembre 26, 2003, muli na namang inilarga ang matinding kampanya para siraang-puri ang Partido Komunista ng Pilipinas kaugnay ng mga hibang na kampanyang anti-impiltrasyon na naganap noong dekada 1980. Ginamit na daluyan para rito ang isang pambansang dyaryong burges para pagmukhaing demonyo ang Partido sa mata ng publiko. Para pagmukhaing totoo ang mga paninira, nagbatay ito sa ilang mga tunay na pangyayari. Pero hinaluan ito ng mga kasinungalingan, pambabaluktot at mga pangyayaring bahagyang totoo. Nagdetalye sa mga naganap na pang-aabuso pero hindi nagbigay ng detalye sa mga hakbangin ng Partido upang iwasto ang mga ito. Sa rurok ng kampanyang paninira, ginawang pulpito ang editoryal ng dyaryo nitong Enero 2 upang magpahayag ng isang sagad-sagarang anti-komunistang sermon na dumura ng pawang wala-sa-lugar at walang batayang mga batikos sa diumano'y "pananahimik" at "pagtanggi" ng Partido na harapin ang usapin. Ginamit nitong pananakot ang kontra-rebolusyonaryo at anti-komunistang linya na "kinakain ng mga rebolusyonaryo ang sariling mga anak," na "iniluluwal ng rebolusyong komunista ang bangungot ng hibang na pagkatakot" at "bahagi ng buhay ng PKP ang pagpatay sa mga kasama." Kahit pa tahasang baliko ang mga akusasyon, walang sawa ang Partido na makipaglinawan ng paninindigan, patakaran at mga katotohanan tungkol sa usaping ito. Paulit-ulit na ipaaalala ng Partido na malaon na nitong kinundena, itinakwil at iwinasto ang mga kamaliang ito. Ang mga umaatake sa Partido ay nananawagan pa ng pagbubuo ng "Truth Commission" sa layuning alisan ng kasarinlan ang Partido, uriratin ang mga internal na usapin, kasaysayan, organisasyon at pagkilos nito at ilantad ito hindi lamang sa kanila at sa publiko, kundi pati sa kaaway. Nais nilang ilagay sa depensiba at hanapan ng mas marami pang butas ang Partido para magsilbing pambala para sa kanilang demolisyon sa Partido. Sa suma, ang pinakalayunin nila ay wasakin at likidahin ang Partido.
May sariling kaparaanan ang Partido bilang isang partidong may integridad at kasarinlan at katapatan sa sarili at sa adhikain upang gumawa ng sariling pagsisiyasat at pagwawasto at mapagpasyang mapigilan ang pag-uulit ng mga ito. Sa katunayan, ang naturang hibang na mga kampanya ay sinaklaw ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto kung saan nilutas hanggang sa pinakaugat ang mga kamalian at paglabag at muling pinagtibay ang mga wastong rebolusyonaryong prinsipyo. Puspusang pinag-aralan ng Komite Sentral ang mga dahilan ng mga pangyayari upang humalaw ng mga aral, muling pagtibayin at ipwesto ang wastong mga patakaran at proseso at maiwasang maulit pa ang mga kamalian sa hinaharap. Mas maaga pa rito, ang ilang komiteng rehiyon at iba pang nakabababang organo kung saan may naganap ding katulad na kamalian ay gumawa na rin ng kani-kanyang bahagyang paglalagom at pagwawasto. Mariing kinundena ng Partido ang hibang na mga kampanya bilang produkto ng malalang burges at petiburges na suhetibismo at kapusukan, at seryosong pambabaluktot at paglabag sa mga prinsipyo, linya, patakaran at alituntunin ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan. Ang kapabayaan sa gawaing ideolohiya, pagkahirati sa kalunsuran at pamamayani ng mga maling linya ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod noong dekada 1980 ay nagsilbing kundisyon para sa pag-iral ng mga kamaliang ito. Ang mga nagpatupad ng mga hibang na kampanya ay idinaan sa rektipikasyon, reedukasyon at mahigpit na mga prosesong pandisiplina ng Partido alinsunod sa bigat ng kanilang partisipasyon at responsibilidad�mula pagpuna sa may pinakamagagaan hanggang pagtiwalag sa Partido sa may pinakamabibigat na kasalanan. Ang mga nanatiling matapat sa rebolusyon ay nagpuna ng sarili sa harap ng mga kasama at naapektuhang masa at tumulong sa pagkukumpuni ng mga pinsala sa mga rebolusyonaryong gawain at organisasyon at sa masa. Lumahok din sila upang makatulong sa rehabilitasyon ng mga nailigtas na biktima at mga naiwang mahal sa buhay ng mga hindi na nailigtas. Ngunit ang mga pinakapangunahing nagpasimuno at may pinakamasahol na mga kriminal na pananagutan sa mga hibang na kampanyang anti-implitrador ay tumangging managot sa mga kasalanan at iba pang seryosong kamalian nila. Sa kasagsagan ng kilusang pagwawasto noong maagang bahagi ng dekada 1990, tumalilis sila sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Ipinagpalagay nilang maswerte silang nakaiwas sa kanilang mga pananagutan at responsibilidad. Kabilang sila ngayon sa mga pasimuno ng maliliit na grupong pseudo-reformist at Trotskyista na may misyong wasakin ang Partido, pagtakpan ang kanilang sariling mga krimen at kamalian, at sikaping malisyosong maipasa ang mga ito bilang "orihinal na kasalanan" ng Partido mismo.
Nagbubuo sila ng mga grupo at institusyong pseudo-reformist, naglalabas ng mga materyales na naghahalo ng mga pambabaluktot, sensesyunalismo at bahagyang katotohanan, at naglulunsad ng mga antipartidong kampanya. Itinataguyod at pinopondohan sila ng mga internasyunal at lokal na anti-komunista at kontra-rebolusyonaryong organisasyon at institusyon. Ang ilan ay tahasan nang nagpapaupa sa mga reaksyunaryong pulitiko at mga ahensyang paniktik ng gubyerno ng US at Pilipinas. Nililinlang at sinusulsulan nila ang iba pang nalilito lamang at di pa nakatatanggap ng katotohanan at mga wastong paliwanag. Namantine ng Partido ang rebolusyonaryong integridad nito at nakapaglinis ito ng hanay sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto at edukasyon upang labanan ang mga ideolohikal at pampulitikang sanhi ng oportunismo at kriminalidad at lubos na mapigilan ang pag-uulit ng mga ito. Nagpapataw ito ng mga aksyong pandisiplina nang walang parusang kamatayan at di naglulunsad ng iba na namang isterya. Ang mga matapat na nagsisi at may minor lamang na mga kasalanan ay palaging napapatawad at may pagkakataong magbago, magpanibagong-hubog at manatiling rebolusyonaryo o anupama'y mabigyan ng amnestiya. Karamihan sa mga naging biktima ng mga hibang na kampanyang anti-impiltrador na nabubuhay pa at nananatiling matapat sa Partido at rebolusyon ay nagpatuloy sa pagkilos o pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Malinaw sa kanila ang paliwanag ng Partido sa puno't dulo ng mga pangyayari. Batid nilang hindi ito likas sa Partido at rebolusyon kundi kagagawan ng mga tusong bumaluktot at lumabag sa mga saligang prinsipyo at magagandang praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at proletaryong rebolusyon. Sa abot-kaya ng Partido, sinikap nitong ibigay sa nailigtas na mga biktima at sa pamilya ng mga hindi na nailigtas ang mga kinakailangang suportang ideolohikal, sosyal, medikal at materyal upang matulungan sila sa rehabilitasyon at sa pangingibabaw sa mga latay ng kanilang mga mapait na karanasan at mabigat na kawalan. Inuunawa ng Partido kung may ilan sa mga biktima at pamilya nila na hanggang ngayon ay nahihirapang tanggapin ang mga paliwanag at pagwawasto ng kilusan sa mga nangyaring pagkakamali bagamat hindi naman humantong sa pag-aatake sa Partido at pagtaksil sa rebolusyon. Hangad ng Partido na makipag-ugnayan at makipag-ayusan sa kanila. Patuloy ang pagsisikap ng Partido na abutin ang pailan-ilang pamilya na hindi pa nahahagilap hanggang ngayon. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|