![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Tumataas ang antas ng paglaban ng mamamayang Iraqi habang patuloy na nahihirapan ang US na makakuha ng signipikanteng multilateral na suporta para sa okupasyon nito ng Iraq. Nitong Nobyembre 2, labing-anim na tropang Amerikano ang napatay nang tamaan ng surface-to-air missile ang sinasakyan nilang Chinook na helikopter sa nayon ng Albu-Isa sa bayan ng Baisa sa Fallujah, Iraq. Tatlo pang Amerikano (isang sundalo at dalawang sibilyang kontratista ng US Army Engineering Corps) ang napatay noong umaga ring iyon sa Baghdad nang pasabugan ng bomba ang kanilang sasakyan. Nasaksihan ng mga sumaklolong tropang Amerikano ang pagbubunyi ng mamamayan sa Albu-Isa sa pagbagsak ng helikopter at pagkamatay ng sakay nitong mga tropa. Nagsisisigaw sila na mga "baboy na Amerikano" ang mga namatay na dayuhang tropa. Pangalawang pinakamatinding atake ito laban sa mga pwersang okupasyon na pinamumunuan ng US mula nang salakayin nito ang Iraq. Umaabot na sa 139 sundalong Amerikano ang namatay mula nang ideklara ng US na tapos na ang gera. May abereyds na dalawang kabaong ang iniuuwi sa US araw-araw. Bago ito, umabot sa 43 sundalo ang napatay at mahigit 200 ang nasugatan bunga ng serye ng pambobomba ng mga pwersang gerilya noong Oktubre 27 laban sa pwersang koalisyon at mga papet nito.
Naganap ang pagpapasabog isang araw makaraang paulanan ng mga rocket ang Rashid Hotel na tinutuluyan ni US Deputy Defense Sec. Paul Wolfowitz. Bagamat nakaligtas siya sa mga atakeng ito, napatay ang isang mataas na upisyal militar ng US. Ang pinakahuling mga atakeng ito ay tanda ng tumataas na antas ng kakayahan at koordinasyon ng mga pwersang Iraqi na lumalaban sa okupasyon. Sa kabilang banda, bukod sa $87.5 bilyong badyet na inaprubahan ng Senado ng US para tustusan ang mga tropang okupasyon ng US sa Afghanistan at Iraq, wala nang ibang makuhang makabuluhang suporta ang US, laluna mula sa France at Germany. Bigo ang inorganisa ng US na kumperensya para mangalap ng pinansyal na suporta para sa "rekonstruksyon ng Iraq" sa Madrid, Spain nitong Oktubre 24. Lumalakas din ang pagtutol sa okupasyon di lamang sa labas kundi sa US mismo. Noong Oktubre 25, mahigit 100,000 katao ang naglunsad ng mga kilos protesta sa Washington, D.C. Pinakamalaking demonstrasyon ito laban sa panggegera ng US mula nang ideklara ni Bush na tapos na ang mayor na kumprontasyon sa Iraq. Ang mga nagpoprotesta ay nagmula sa 145 lunsod, kabilang ang 800 pamilya ng mga sundalong Amerikanong nakapakat sa Middle East. Samantala, may 25,000 katao ang nagmartsa sa plasa sa harap ng City Hall ng San Francisco, California. Pinamunuan ang mga kilos protestang ito ng United for Peace and Justice at International ANSWER (Act Now to Stop War and End Racism). ![]()
|
| |||||||||||||||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|