Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Mga pihit sa laban ng mga manggagawa sa Lepanto Mining

 Read this article in English

Umabot nang halos limang buwan ang laban ng mga manggagawa sa maneydsment ng Lepanto Consolidated Mining Corporation (LCMC) bago nila matagumpay na naigiit ang kanilang mga kahilingan. Mula Nobyembre 2002 hanggang Marso 2003, dumaan sa masalimuot na proseso ang paghinang ng lakas ng mga manggagawa, katuwang ang kanilang mga pamilya, komunidad at mga tagasuporta. Pinamunuan ito ng bagong halal na militanteng liderato ng unyon na pumalit sa naunang dilawang liderato.

Ang LCMC ang pinakamalaking prodyuser ng ginto at tanso sa bansa at may 2,586 pwersa sa paggawa. Kumikita ito ng $47 milyon (mahigit P2.54 bilyon) kada taon sa eksport. Nakabase ang operasyon nito sa Mankayan, Benguet.

Pangunahin sa mga nilabanan ng mga manggagawa ang patakarang kontraktwalisasyon ng kumpanya, sapilitang pagpapatrabaho sa mga pista upisyal, pag-oobliga sa mga manggagawa na pumasok nang lubhang mas maaga kaysa kanilang regular na iskedyul, di pagbibigay ng kanilang pamaskong bonus, di pagdaan sa karampatang proseso at karakarakang pagtatanggal ng mga manggagawang pinaghihinalaan ng "high grading"¹ at iba pang di makatarungang patakaran ng maneydsment kabilang ang ilang prubisyon ng kanilang collective bargaining agreement.

Ikinasa nila ang kanilang welga noong Pebrero 1, 2003, matapos ang serye ng mga kabiguan sa pakikipagnegosasyon sa maneydsment at ilang linggong pag-iipon ng lakas, pagpapatibay ng kaisahan at paghahanda sa laban sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga sama-samang pagkilos.

Sa proseso ng welga, napanday ang katatagan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya at nahimok ang kanilang komunidad at kalapit na mga komunidad na suportahan ang laban sa pinakamalaking kumpanya ng pagmimina sa bansa.

Ipinadeklara ng LCMC na iligal ang welga sa pamamagitan ng Assumption of Jurisdiction (AJ) ng DOLE at inutusan ang mga manggagawa na bumalik sa trabaho. Ang mga di sumunod ay agad na sinisante. Sa halip na matinag, sinuway ng mga manggagawa ang utos ng DOLE at matatag na ipinagpatuloy ang welga.

Sa loob ng isang buwang nakatirik ang welga, ilang ulit na tinangka ng maneydsment ng LCMC na buwagin ang piketlayn sa pamamagitan ng lokal na pulisya. Sinubukan din ng kumpanya na magpapasok ng mga iskirol ngunit binigo ito ng mga welgista. Maraming manggagawa ang sinaktan, hinaras at marami rin sa kanila ang iligal na inaresto at ikinulong.

Kasabay nito, binitag at pinresyur ng maneydsment ang pamunuan ng unyon upang pumirma sa isang di makatarungang kasunduan kung saan walang anumang kunsesyong ibinigay ang LCMC, kundi ang pahintulot na pabalikin sa trabaho ang mga manggagawa at ang pangakong pag-uusapan ang mga kahilingan ng mga manggagawa sa kundisyong sisisantehin ang buong pamunuan ng unyon. Dahil sa kawalang-kahandaan ng pamunuan ng unyon at sa pag-aakala ng presidente ng unyon na maaari nang "isakripisyo" ang pamunuan alangalang sa kapakanan ng mga manggagawa, napilitan ang presidente na sumang-ayon sa Memorandum of Agreement (MOA) ng LCMC na nangangahulugan ng pagsuko ng welga.

Ngunit nang iharap ito para sa pagtitibay sa pangkalahatang pulong ng kasapian, matatag silang nagkaisang pawalambisa ang kasunduan. Sa halip, higit pa nilang pinagtibay ang kanilang hanay at ikinasa ang ikalawang sikad ng laban. Bunga nito, lumakas ang loob at mapagkumbabang nagpuna sa sarili ang presidente ng unyon, at matatag at tuluy-tuloy na sumuporta sa solido at determinadong paglaban ng masang manggagawa.

Samantala, tuluy-tuloy ang buhos ng suporta ng mamamayan sa komunidad, ng simbahan, mga organisasyon ng mga magsasaka, mga lokal na balangay ng Bayan Muna at iba pang grupo. Nagpadala sila ng pagkain, nagbahay-bahay sa mga komunidad sa paligid para magpaliwanag at mangalap ng karagdagang suporta at lumahok sa mga rali at piket ng mga manggagawa at iba pang pagkilos sa labas ng minahan. Bagamat nagsisilbing abugado at alipures ng LCMC ang mayor ng Mangkayan, mas malawak ang nahimok na suporta sa mga manggagawa mula sa mga lokal na gubyerno sa Benguet, kabilang ang buong Association of Barangay Councils ng Mankayan, ang mga lokal na pamahalaan sa mga katabing munisipalidad, gayundin si Gov. Raul Molintas.

Sa tulong ni Governor Molintas, napilitan na rin ang maneydsment na maayos na harapin ang mga kinatawan ng mga manggagawa, iatras ang naunang panukalang MOA at makipagkasundo sa mga manggagawa.

Mga tagumpay

Ang welgang ito ay ang unang welga laban sa maneydsment ng LCMC sa loob ng 55 taon. Ang pinakahuli ay noon pang 1949 kung saan iginiit ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod at kilalanin ang kanilang unyon. Ito rin ang unang pagkakataong namayani ang tunay, palaban at patriyotikong unyonismo ng mga manggagawa sa loob ng mahabang panahon. Sa proseso ng welga, napanday ang katatagan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya at nahimok ang kanilang komunidad at kalapit na mga komunidad na suportahan ang laban sa pinakamalaking kumpanya ng pagmimina sa bansa.

Matapos ang welga, naibalik sa trabaho ang lahat ng mga tinanggal na manggagawa. Napagkasunduan ng mga manggagawa at ng LCMC na hindi gagawa ang kumpanya ng anumang ganting aksyon laban sa mga manggagawa. Dagdag dito, naiigiit ng mga manggagawa na iregularisa ang lahat ng mga kaswal na manggagawa matapos ang kanilang mga kontrata. Napagkasunduan na rin ang iba pang mga usaping kinaharap ng unyon.

Tumimo sa mga manggagawa ang kahalagahan at kapangyarihan ng sama-samang pagkilos para sa kanilang kapakanan. Sa loob ng ilang linggo, napatunayan nila na ito ang pangunahing paraan sa pakikibakang unyon. Walang takot nilang sinuway ang sarisaring pakana ng maneydsment at kapasyahan ng DOLE para biguin ang kanilang laban. Sa ganitong paraan, naranasan nila ang demokrasya sa kanilang hanay, epektibo nilang naharap ang mga maniobra at karahasan ng kapitalista at estado sa piketlayn at nakamit nila sa pangkalahatan ang kanilang mga kahilingan.

________________________

¹ Pagpupuslit ng high grade o mataas na grado ng buhanging naglalaman ng ginto. [Back]

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hulyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Bigwasan pa ang rehimeng Arroyo ng mga taktikal na opensiba

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Lumalaganap, dumadalas

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Walang pinsalang tinamo ang BHB sa engkwentro sa Pampanga at Zambales - Ka Roger

Mga Ulat Koresponsal:
Matagumpay na pagtatayo ng isang rebolusyonaryong unyon

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay at mahahalagang aral mula sa welga sa Central Azucarera de Tarlac

Mga Ulat Koresponsal:
Mga pihit sa laban ng mga manggagawa sa Lepanto Mining
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.