![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sa ultra-nasyunalistang layuning ibayong palawakin ang imperyong Ruso, libulibong tropa ng reaksyunaryong gubyerno ni Boris Yeltsin at Vladimir Putin ang muling pinalusob sa Chechnya noong Oktubre 1999 upang lipulin ang armadong pwersang Chechen, saklutin ang independyenteng republikang Chechnya at ipailalim ito sa Russia. Sa walang patumanggang pambobomba mula Oktubre hanggang Disyembre 1999, libu-libong Chechen na ang nasawi at umabot na rin sa 118,000 mamamayan ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Karamihan sa mga biktima ay mga sibilyang Chechen dahil sa pagsalakay ng Russia sa mga sentro ng populasyon at pagtarget sa mga sibilyan. Ang naunang simbangis na pagsalakay ng Russia sa Chechnya noong 1994 na epektibong nilabanan at pinaurong ng armadong lakas ng mamamayang Chechen hanggang 1996 ay kumitil sa buhay ng mula 40,000 hanggang 70,000 katao at nagbunsod sa paglikas ng aabot sa mahigit 300,000 mamamayan. Muli, ang malaking mayorya ng mga biktima ay mga sibilyang Chechen na nangamatay sa walang pagtatanging pananalakay at malawakang pambobomba ng Russia. Ang Chechnya ay isang maliit na bansang nasa timogkanluran ng Russia at dating nakapaloob sa Soviet Union bilang bahagi ng Chechen- Ingush Autonomous Soviet Socialist Republic. Matatagpuan ang Chechnya sa rehiyon ng Caucasia, na nasa timogsilangang Europa. Nakaluklok din ang Chechnya sa hilagang dalisdis ng Caucasus, ang kabundukang pumapagitan sa Asya at Europa. Bukod sa Russia sa hilaga, kanugnog ng Chechnya ang Stavropol Territory sa hilagang kanluran, ang Republika ng Daghestan sa hilagang silangan at silangan, ang Georgia sa timog at ang Republika ng Ingushetia sa kanluran.
Karamihan ng mga naninirahan sa Chechnya ay mga mamamayang Nokhchii na katutubo sa rehiyon ng Caucasia. Mayroon silang sariling lenggwahe at kultura at mayorya sa kanila ay Muslim tulad ng maraming mamamayan sa mga kanugnog nitong republika at sa kalapit na rehiyon ng Gitnang Asya. Nang bumagsak ang rebisyunistang rehimeng Gorbachov noong 1991, humiwalay ang Chechnya sa Ingushetia at humanay ito sa dating mga republika ng Soviet Union na nagdeklara ng independensya. Samantala, binuo ng rehimeng Yeltsin (na humalili sa rehimeng Gorbachov) ang Russian Federation na kinabibilangan ng Russia at 20 republikang labi ng dating Soviet Union. Hindi kinilala ng rehimeng Yeltsin ang independensya ng Chechnya at ibinilang pa rin ito sa Russian Federation. Noong 1994, sinalakay ng daan-daan libong tropang Ruso ang Chechnya. Noon pa man ay may estratehiko nang kahalagahan para sa Russia ang Chechnya. Kanugnog lamang nito ang Russia sa hilaga kung kayat nagsisilbing lagusan ang bansa para sa sinumang nagnanais na sumakop sa Russia mula sa timog. Mula noong ika-16 na siglo, pinagagawan na ng Persia, ng Imperyo ng Ottoman at ng Tsaristang Russia ang teritoryo ng Chechnya. Nagbunsod ito ng mga armadong kilusan laban sa mga dayuhang mananakop noong ika-18 at ika- 19 na siglo, na kapwa dinurog ng mga Ruso. Pormal na sinaklaw ng Russia ang Chechnya noong 1859. Nagkaroon ng ibayong halaga ang Chechnya at ang buong rehiyon ng Caucasia sa pagbungad ng ika-20 siglo nang makatuklas ng mayayamang deposito ng langis dito. Hanggang sa kasalukuyan, ang produksyon at pagrerepina ng langis ang nananatiling gulugod ng ekonomya ng Chechnya. Dahil sa yamang langis at estratehikong lokasyon ng Caucasia, pinag-aagawan ito ngayon ng Russia at ng mga imperyalista sa Kanluran. Ang masidhing pagnanais ng mamamayang Chechen na makaalpas mula sa dominasyon, pangaapi at pagsasamantala ng Russia ang siya ngayong ginagatungan ng mga imperyalista upang mapasakamay nila ang mga deposito ng langis ng Chechnya at ang mga oil pipeline na tumatagos sa rehiyon ng Caucasia. Para rito, kinakasangkapan ng mga imperyalista ang mga reaksyunaryong pulitiko sa dalawang bansa at mga warlord na Chechen upang ibayong paglagablabin ang sobinismo at pundamentalismong Islamiko sa rehiyon. Iwinawasiwas ng mga warlord ng Chechnya ang islogan na patalsikin ang Russia mula sa Caucasia at buuin ang isang unipikadong estadong Islamiko sa rehiyon na magbibigkis sa Chechnya, Daghestan, Ingushetia at iba pang bansa rito. Upang ipatupad ang layuning ito, pinamunuan noong Agosto ng mga warlord na sina Shamil Basayev at Khatab ang 2,000 tropa sa pagsalakay at pambobomba sa iba�t ibang lunsod sa Russian Federation, kabilang na ang Moscow, kabisera ng Russia. Gumanti ang Russia sa pamamagitan ng malawakang pagbomba sa mga nayon ng Chechnya at ng Grozny (kabisera ng Chechnya) mismo na ikinamatay ng maraming sibilyan. Pagsapit ng Oktubre, sinalakay ng aabot sa 140,000 tropang Ruso ang hilagang Chechnya at inokupahan ang sangkatlo ng teritoryong Chechen.
Ang kaso ng Chechnya ay walang malaking pagkakaiba sa kaso ng Kosovo. Parehong ginagatungan ng mga imperyalista ang ultranasyunalismo at sobinismo at pinag-aapoy ang mga tensyong etniko at relihiyoso upang magbunsod ng gera at bigyang-matwid ang imperyalistang panghihimasok at ang pagtatalaga ng mga tropa ng US at mga alyado nito sa rehiyon. Ang mga tropa nina Basayev at Khatab ay pinopondohan, inaarmasan at sinasanay din ng mga imperyalisa. Tumatanggap sila ng malaking ayuda mula sa mga imperyalista na ipinadadaloy ng huli sa mga reaksyunaryong maka-US na rehimeng Arabo na nag-eeksport ng langis. Ayon sa isang ulat, nagbigay ng $20 milyon ang Jordan sa mga warlord na Chechen para sa pagsalakay sa Daghestan. Kung hindi dahil sa ayudang ito ay madaling babagsak ang Chechnya, na sa kabila ng matinding diwang mapanlaban ng mamamayan ay di hamak na mas maliit at mas mahina kung ikukumpara sa Russia. Sa kabila ng pag-agaw ng Russia sa Grozny, ipinagpatuloy pa rin ng mga gerilyang Chechen ang digmaan para sa malayang bansa. Patuloy ding sasamantalahin ng mga imperyalista ang sitwasyon sa Chechnya. Naaayon sa kanilang estratehikong interes na magpatuloy at magtagumpay ang pakikibaka ng Chechnya upang manatili itong independyente. Lalong pabor sa kanila kung maitatayo ang isang unipikado at anti-Rusyang Islamikong republika sa rehiyon na magsisilbing dagdag na pangontra sa Russia. Samantala, kaakibat ng kaguluhang bunsod ng mga imperyalista ang malawakan at lantarang paglabag sa mga karapatang-tao at sa mga pandaigdigang batas ng digma, na bumibiktima sa daan-daan libong sibilyan at umaani ng matinding pagbatikos mula sa iba�t ibang dako ng mundo. Patunay itong muli na hindi mag-aatubili ang monopolyo kapital na isakripisyo ang buhay, kagalingan at ari-arian ng mga mamamayan ng daigdig sa altar ng superganansya. Dapat ilantad at mariing tutulan ang agresyon ng Russia sa Chechnya. Dapat ding kundenahin ang pang-uupat ng mga imperyalista ng mga kaguluhang etniko at relihiyoso upang hatiin ang mga mamamayan ng daigdig at ilihis sila sa landas ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista upang madali silang magapi at mapaghaharian. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|