Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tungkol sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina

 Read this article in English

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina, ipinagdiriwang natin ang tagumpay ng sambayanang Tsino sa bagong demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Naipagtagumpay ang rebolusyon dahil pinamunuan ito ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Tsina, sa gabay ng Marxismo- Leninismo at ng dakilang pamumuno ni Kasamang Mao Zedong. Dahil dito, pinararangalan natin ang lahat ng mga martir at bayani ng rebolusyon, ang mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Tsina, ang mga Pulang kumander at mandirigma ng Hukbo sa Pagpapalaya ng Bayan (People�s Liberation Army) at ang buong sambayanang Tsino na binubuo ng iba�t ibang nasyunalidad sa lahat ng kanilang pagpupunyagi at pagsasakripisyo tungo sa pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina.

Ipinagdiriwang din natin ang lahat ng mga tagumpay ng sambayanang Tsino sa sosyalistang rebolusyon at sosyalistang konstruksyon at ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura mula nang itatag ang Republikang Bayan ng Tsina. Kaalinsabay nito, kinukondena natin ang pagbabagsak sa kapangyarihan ng proletaryado at ang kapitalistang panunumbalik pagkamatay ni Kasamang Mao at tinutuligsa natin ang mapait na bunga ng pagkakanulo sa sosyalismo.

1. Ang Republikang Bayan ng Tsina: 1949�76 Ang pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina ay isang dakilang tagumpay ng proletaryado at mamamayan ng daigdig. Naghudyat ito ng pinakadakilang rebolusyong panlipunan sa ikalawang hati ng ika-20 siglo, kung saan ang bagong demokratikong yugto ng Rebolusyong Tsino ay tumungo sa sosyalistang yugto. Sangkapat ng sangkatauhan ang nagpalaya ng kanilang sarili sa tanikala ng imperyalismo at ng lokal na naghaharing uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa pamumuno ng rebolusyonaryong proletaryado.

Ang pambansang pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan ay nangahulugan ng saligang pagkakumpleto ng bagong demokratikong rebolusyon at pagwawakas ng malakolonyal at malapyudal na kalagayan. Ang proletaryado at sambayanang Tsino ay tumuloy sa pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, na may sapat na pagpapahalaga sa kinakailangang mga panahon ng transisyon para sa rekonstruksyon at rehabilitasyon at para sa saligang sosyalistang transpormasyon ng pagmamay-ari sa mga kagamitan sa produksyon. Bagamat ang anyo ng estado ay demokratikong diktadurang bayan na nakabatay sa alyansang manggagawa at magsasaka, ang pangunahing pampulitikang salik ay ang makauring pamumuno ng proletaryado sa estado at lipunan sa pamamagitan ng PKT at ang pangunahing sangkap ng kapangyarihang estado ay ang Hukbo sa Pagpapalaya ng Bayan sa pamumuno ng PKT. Ang makauring diktadura ng proletaryado ang nasa bag-as ng demokratikong diktadurang bayan.

Ang pangunahing mga pang-ekonomyang salik ng sosyalismo ay ang sektor ng ekonomya na pag-aari ng estado (na resulta ng pagkumpiska mula sa mga imperyalista at mga burukratang burgesya ng mga negosyong industriyal, mga bangko, mga pangunahing pinagkukunan ng hilaw na materyales at mga linya ng distribusyon ), ang mga kooperatibang negosyo, ang pagtatayo ng mga bagong industriyang pag-aari ng estado at ang yugto-yugtong pagpapaunlad ng kooperatiba sa agrikultura.

Sa pamumuno sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, laging nasa isip ni Kasamang Mao ang tunggalian ng mga uri bilang susing punto at walang paglihis siyang sumunod sa linya ng pagtitiwala at pagsalig sa masa. Sa bisperas ng ganap na tagumpay ng rebolusyong Tsino, inulit niya ang turo ni Lenin na ang sosyalismo ay sasaklaw ng isang buong istorikong panahon at ang tunggalian ng mga uri sa pagitan ng proletaryado at burgesya ay magpapatuloy at iigting sa iba�t ibang mga anyo sa sosyalistang lipunan. Itinaguyod ni Kasamang Mao ang mga rebolusyonaryong prinsipyong nasa Komunistang Manipesto at ang mga nahalaw na aral mula sa Komuna ng Paris ng 1871 at ang karanasang Sobyet, mula sa panahon ng sosyalismo hanggang modernong rebisyunismo.

Natuto siya mula sa mga turo ni Marx tungkol sa mga suliranin sa sosyalistang lipunan, katulad ng mga labi at masamang impluwensya ng naibagsak na uring burgesya at ang mga kontradiksyon sa pagitan ng manggagawa at magsasaka, sa pagitan ng mga kalunsuran at kanayunan at sa pagitan ng pisikal at mental na gawain. Natuto rin siya mula sa mga turo ni Lenin tungkol sa mga pansamantalang kunsesyon sa mga panggitna at maliliit na prodyuser at mangangalakal sa panahon ng transisyon, sa maliitang produksyon ng kalakal na pinagsisibulan ng burgesya, sa pananatili ng lumang mga ideya, kaugalian at gawi at sa impluwensya ng internasyunal na burgesya sa lokal na burgesya.

Sa pamumuno ni Kasamang Mao, ang Partido Komunista ng Tsina ay naging mapagmatyag sa korupsyon sa panahon ng rekonstruksyon at rehabilitasyon. Pagkatapos ng saligang sosyalistang transpormasyon sa pagmamay-ari sa mga kagamitan sa produksyon, nanawagan siya para sa pagbabawas at lubos na pagpawi sa mga pribiliheyo ng makabayang burgesya at sa paggamit sa rebolusyonaryong kasigasigan ng masa para sa pagpapabilis ng pagtatayo ng sosyalismo.

Sa sariling pagsisikap, naipagtagumpay ng Tsina na maitayo ang pundasyon ng kanyang industriya, nakolektibisa ang agrikultura, at naganap ang malaking pagsulong sa mekanisasyong agrikultural at nasustentuhan ang mga batayang pangangailangan ng anakpawis na masang manggagawa at magsasaka. Ang saligang balangkas para sa sosyalistang konstruksyon ay nangangailangan ng pagpapaunlad sa batayan at mabibigat na industriya bilang nangungunang salik, sa agrikultura bilang pundasyon ng ekonomya at magaan na industriya bilang nag-uugnay na salik, sa layuning tugunan ang kagyat na mga pangangailangang panlipunan ng mamamayan at mag-ipon ng rekisitong kapital para sa pagpapaunlad.

Sa serye ng mga limang-taong plano, nagkamit ang Tsina ng gahiganteng mga tagumpay sa sosyalistang konstruksyon. Ang Malaking Igpaw Pasulong ay krusyal sa pagpapabilis sa sosyalistang pag-unlad sa paraang lahatang-panig, sa pagtatayo ng industriya sa balansyadong paraan at sa pagtataas ng antas ng agrikultural na kooperasyon sa pamamagitan ng mga komunang bayan, at sa pangingibabaw sa mga kahirapang dulot ng imperyalistang embargo, ng pagkakanulo ng rebisyunistang Sobyet at ng mga natural na kalamidad at ng pananabotahe ng mga lokal na huwad na komunista na mga tagasunod ni Bukharin at mga rebisyunistang ubos-kayang nagsisikap para palakihin pa ang mga pribiliheyo ng burgesya at ng mga mayamang magsasaka.

Relatibong madaling kilanlin ang mga kontra-rebolusyonaryo na aktibong lumaban sa rebolusyon, parusahan nang matindi ang iilan na may utang na dugo at di nagsisisi. Relatibong madali ring imbestigahan, usigin at litisin ang mga kriminal sa panahon ng kampanyang antikorupsyon. Ngunit pinakamahirap para sa mga proletaryong rebolusyonaryo na tunggaliin ang mga nasa awtoridad sa Partido at estado na sumasalungat sa rebolusyonaryong linya ng pagtatatag ng sosyalismo. Ang mga rebisyunistang ito ay pinamunuan nina Liu Shaochi at Deng Xiaoping.

Ang mga kinatawan na ito ng burgesya ay nagnais na patagalin ang mga pribiliheyo ng burgesya, nagpayaman mula sa hawak na pusisyon o nagtayo ng mga sariling kaharian, nagtaguyod sa konsolidasyon o lubos na pagpapaunlad ng isang burges na ekonomya bago ang sosyalismo, nagtulak ng mekanikal na ideya na ang pagtatatag ng sosyalismo ay usapin lamang ng pagpapaunlad ng mga produktibong pwersa at nagproklama ng unti-unti nang pagkapawi ng tunggalian ng mga uri.

Ang tunggalian ng mga uri ay naging tuluy-tuloy sa pagitan ng mga proletaryong rebolusyonaryo at ng mga burges na taksil sa loob mismo ng Komite Sentral ng PKT. Sa Ika-8 Kongreso ng PKT, si Mao ay patraydor na kinutya ng mga tinatawag na eksperto bilang isang walang nalalaman sa ekonomya. Sa katunayan, siya ang may pinakamahusay na pagkakaunawa sa Marxista-Leninistang ekonomyang pampulitika, sa panlipunan at pang-ekonomyang kalagayan ng Tsina at sa mga aral mula sa karanasang Sobyet. Naging target siya ng napakalupit na atake ng mga maka-Kanan at ng mga nakatagong rebisyunista hanggang sa panahon ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura.

Ang mga tauhan ng Partidong nasa awtoridad na tumahak sa kapitalistang landas ay gumamit ng pinakamapanlinlang na mga taktika para labanan ang sosyalistang linya ni Mao sa Malaking Igpaw Pasulong. Magiit nilang isinulong ang kanilang Kanang linya. Nang hindi tinanggap ang kanilang Kanang linya, mabilis silang bumaling sa ultra- Kaliwang linya para masabotahe at masira ang wastong linya at patakaran. Nang manawagan si Mao ng mga pagbabago, inangkin nila ang mga kredito dito upang lalo pa siyang atakihin. Patuloy niyang ginamit ang kanyang materyalista at diyalektikong pananaw sa teorya at praktika at sumulong nang paalun-alon.

Lagi siyang nakikipaglaban sa prinsipyadong paraan, humahalaw mula sa kanyang malalim at kumprehensibong pag-aaral at praktika ng Marxismo- Leninismo at sumasalig sa masa at sa demokratikong debate at panghihimok. Nanawagan siya para sa isang kilusan sa sosyalistang edukasyon at tinukoy ang hanay ng mga rebisyunistang burukrata bilang pinakamapanganib na pinagsisibulan ng burgesya. Ngunit hindi nakamit ang layunin ng kilusan sa sosyalistang edukasyon dahil sa pananabotahe at promosyon ng sarili ng mga rebisyunistang taksil.

Natukoy ni Kasamang Mao na ang ilang bahagi ng Partido Komunista at sosyalistang estado ay naagaw na ng burgesya at may mahigpit na pangangailangang maglunsad ng makauring pakikipagtunggali sa mga naglalandaskapitalista at tiyakin ang pagpapatuloy ng sosyalismo. Kaya, inihapag niya ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura (DRPK) upang bakahin ang rebisyunismo, pigilan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Layunin ng Rebolusyong Pangkultura na itaguyod ang tunggalian ng mga uri bilang susing kawing sa pagtatayo ng sosyalismo, palaganapin ang pangingibabaw ng sosyalistang mga relasyon sa mga pwersa sa produksyon at rebolusyonisahin ang superistruktura upang isakatuparan ang hegemonya sa kultura ng uring manggagawa at paglingkuran ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Sa maikling pananalita, hawakan nang mahigpit ang rebolusyon at itaguyod ang produksyon.

Ang pinakadakilang nakamit ni Kasamang Mao ay ang kanyang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado. Sumibol ito mula sa kanyang pag-aaral ng mga turo at karanasan ng kanyang sinundang mga dakilang komunista, mula sa mayamang rebolusyonaryong kasaysayan at sirkunstansya ng sambayanang Tsino at mula sa kanyang pagpuna at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo at sa pagkakanulo sa sosyalismo ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet.

Ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura ay pumukaw, nag-organisa at nagpakilos sa daan-daang milyong mamamayang Tsino. Ito ay demokrasya sa pinakamalawak na saklaw na wala pang kapantay sa buong kasaysayan ng sangkatauhan at isang proseso kung saan ginamit ng mga manggagawa at magsasaka ang kanilang mga demokratikong karapatan upang itaguyod, ipagtanggol at isulong ang sosyalismo. Sinalakay nito ang kampo ng burgesya sa loob ng Partido Komunista, lalong inilapit ang Partido sa mamamayan, iniayon ang kilos at tinatanggap ng mga kadre sa pamantayang itinakda sa Komuna ng Paris at tinanggal ang natitirang labis na mga pribilehiyo ng lumang burgesya.

Nagbigay ito ng rebolusyonaryong karanasan at pagsasanay sa mga kabataan at nagpahina sa impluwensya ng petiburgesya bilang pinakamalaking batayang panlipunan ng modernong rebisyunismo sa sosyalistang lipunan. Pinatungo nito ang mga kabataan sa mga manggagawa at magsasaka upang matuto mula sa kanila. Itinaguyod nito ang rebolusyonaryong edukasyon at lumikha ng kapuri-puring mga obrang pangkultura at makasining na produksyon. Nagsanay ito ng maraming manggagawang pangkalusugan, laluna sa kanayunan.

Itinayo nito ang mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika na nagkukumbina ng mga kinatawan ng Partido, ng masa at ng hukbong bayan at binalanse ang proporsyon ng kabataan, nasa kalagitnaang-edad at matatanda. Gumawa rin ito ng bagong sistema ng pamunuan sa pagawaan na nagkukumbina sa mga kinatawan ng Partido, mga manggagawa at mga eksperto na nagrerelyebo sa paggampan ng mga tungkulin. Nagsikap itong palawakin ang epektibong saklaw ng mga komuna hanggang sa antas ng bayan.

Natamo ng DRPK ang kanyang mga layunin sa loob ng 10 taon, simula 1966 hanggang 1976. Sa kanyang panahon, nagtagumpay ito sa pagrebolusyonisa kapwa sa pundasyong panlipunan at sa superistruktura ng lipunang Tsino. Itinaas nito ang antas ng produksyong industriyal at agrikultural, kaya nga nagawa ng mga rebisyunistang taksil na maghihiyaw ng demagohiko at ekonomistang kahilingan para tamasahin ang bunga ng natamong inisyal na kaunlaran. Kung walang rebolusyong pangkultura, ang proletaryong rebolusyonaryong linya ni Mao ay mas maaga sanang natalo ng mga burges na taksil.

Habang nagpapatuloy ang rebolusyong pangkultura, hindi makapaniwala ang ilan na ang mga katulad nina Liu Shaochi at Deng Xiaoping ay maaaring maging mga rebisyunistang taksil dahil sa kanilang natamong mataas na katungkulan sa PKT. Ngunit ang kawastuan ni Mao sa paghahahapag ng suliranin ng rebisyunismo at ang pagsasagawa ng rebolusyong pangkultura ay lubos na napatunayan ng aktwal na pagpapanumbalik ng kapitalismo pagkatapos niyang mamatay.

Ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura ay pinakamataas na antas ng pag-unlad ng Marxista-Leninistang teorya at praktika hanggang sa ngayon. Tulad ng Komuna ng Paris ng 1871, ang rebolusyong pangkultura ay nagtagumpay lamang sa loob ng ilang panahon ngunit naglatag ng saligang mga prinsipyo at pamamaraan para sa ibayong pagpapaunlad upang magtamo ng mas malalaki at higit na pangmatagalang mga tagumpay sa pagtatayo at pagtatanggol sa sosyalismo hanggang makamit ang komunismo.

Mayroong ilang mga kamalian na nagpahina sa rebolusyong pangkultura at nagdala sa kanyang pagkatalo pagkamatay ni Mao. Mababanggit natin ang ilang malalaking pagkakamali. Ang Kanan at ultra-Kaliwang mga oportunista ay kapwa nang-upat ng paksyunalismo. Ang diktadura ng proletaryado ay hindi mabisang napairal upang permanenteng patahimikin ang mga maka-Kanan at hadlangan silang makipagkumbina sa mga sentrista laban sa Kaliwa. Gayunman, ang mga kamaliang ito ay hindi nagpapawalang-saysay sa teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado.

Salamat kay Kasamang Mao, may matibay tayong sandatang magagamit at mapapaunlad upang gapiin ang mga rebisyunistang taksil na tiyak na lilitaw sa mga sosyalistang lipunan na itatayo ng mga manggagawa at mamamayan sa hinaharap. Sa kasalukuyan, may malinaw tayong kasagutan sa mga pang-uuyam ng mga imperyalista at lokal na mga reaksyunaryo na ang sosyalismo ay hindi makalulutas at makapipigil sa panunumbalik ng kapitalismo.

Sa pamumuno ni Kasamang Mao, ang Republikang Bayan ng Tsina ay nagpatibay ng isang sosyalistang patakarang panlabas. Ito ay pinapatnubayan ng nangingibabaw na prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo. Itinangi at pinag-ugnay nito ang mga rebolusyonaryong kilusan ng mga mamamayan at ang implementasyon ng limang prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhay sa diplomatikong ugnayan ng mga estado. Pinangunahan ni Kasamang Mao ang mga tunay na komunista at mga partido ng manggagawa sa pagbaka sa modernong rebisyunismo, kabilang na ang pangkalahatang linya ni Krushchov ng mapayapang pakikipamuhay at ang tahasang sosyal-imperyalismo ni Brezhnev.

Binigyan ng Tsina ng pinakamataas na pagpapahalaga ang pagbibigay ng suportang moral at materyal sa pandaigdigang kilusang komunista at manggagawa at sa mga digma ng pambansang pagpapalaya laban sa imperyalismo sa Asya, Aprika at Amerika Latina. Kaakibat ng dakilang pagsasakripisyo, ang Tsina ay nagsilbing makapangyarihang likuran at nagbigay ng lahat ng makakayang suporta sa mamamayan ng Korea at Indotsina na naglunsad ng mga digmang mapagpalaya laban sa imperyalismong US.

2. Kapitalistang Panunumbalik: 1976� Kasalukuyan

Sa pagdiriwang natin sa maniningning na tagumpay ng Republikang Bayan ng Tsina hanggang 1976, dapat nating kundenahin ang pagbabagsak sa proletaryado sa kapangyarihan at ang panunumbalik ng kapitalismo sa ilalim ng mapanlinlang na islogan ng mga reporma at ang muling integrasyon ng Tsina sa pandaigdigang sistemang kapitalista sa ilalim ng mapanlinlang ding islogan ng pagbubukas. Ang anti-sosyalistang kontra-rebolusyon ay nagpatuloy simula noong 1976 at walang kaduda-duda mula noong Ikatlong Plenum ng ika-10 Komite Sentral ng PKT noong Hulyo 1977 sa impluwensya ng mga naglalandaskapitalista sa pamumuno ni Deng Xiaoping.

Pagkatapos agawin ang kapangyarihang pampulitika, mas mabilis at mas garapalang pinanumbalik ng mga rebisyunistang Tsino ang kapitalismo kaysa mga rebisyunistang Sobyet. Ang nangungunang papel ng proletaryado sa pagpaplanong pang-ekonomya at pangangasiwa sa mga negosyo ay isinasantabi. Ang 3-sa-1 kumbinasyon ng mga kinatawan ng Partido, ng mga manggagawa at mga ekspertong bumubuo sa pamunuan ng pagawaan ay binuwag.

Ang naburges na mga burukrata at eksperto ay naging labis na makapangyarihan. Nagpatupad sila ng pagkukwentang batay sa gastos at tubo para sa pagkakamal ng yaman at nagkaroon sila ng kapangyarihang umupa at magtanggal ng mga manggagawa at bumili at magbenta ng kagamitan at produktong sa tingin nila ay kikita para sa kanilang nakahiwalay na mga yunit. Hinikayat ang mga organo at yunit ng Partido at ng hukbong bayan na magmay-ari at magpatakbo ng negosyo para sa kanilang makitid na kapakinabangan at sa gayon ay nabulok at nagbalik-loob sa kapitalismo.

Ang lumang burgesya ay tumanggap ng malalaking halaga ng kapital sa iba�t ibang paraan at hinayaang magtayo ng mga pribadong negosyo at humiram ng pondo mula sa mga bangkong pag-aari ng estado. Ginawang pribado ng mga burukrata ang mga industriya sa kanayunan na sa umpisa ay sa ilalim ng ligal na kathang-isip na pangungupahan ng maneydsment (management lease). Ang mga komunang bayan ay binuwag sa ilalim ng paurong na islogan ng sistema ng responsibilidad ng bawat pamahayan (household responsibility system). Nangahulugan ito ng pagwasak sa pundasyon ng nakatatayo-sa-sariling sosyalistang ekonomya at ng mabilis na paglitaw ng mga mayamang magsasaka sa kapinsalaan ng mayorya ng mga magsasaka.

Sa ilalim ng konseptong malaking kumprador ni Deng ng modernisasyon at burges na liberalisasyon ng ekonomya, ibinigay ang mga pribilehiyo sa pamumuhunan at pangangalakal sa mga dayuhan at lokal na malalaking burgesya sa katwirang ang paraan ng pagpapaunlad sa Tsina ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng akses sa dayuhang pamumuhunan, teknolohiya at sa pandaigdigang pamilihang kapitalista. Kaya ang ginawa ng mga imperyalista at lokal na burgesya ay gawing Taiwanisado ang ekonomyang Tsino. Isinailalim ito sa mga diktang patakaran ng dayuhang monopolyo kapitalismo at mga mutilateral na ahensya tulad ng IMF, World Bank at WTO.

Ang eksport ng semimanupakturang may mababang dagdag na halaga sa mga imperyalistang bansa at ang pag-import ng mga produktong pangkonsumo mula sa nabanggit na mga bansa ay lubhang tumaas ang kahalagahan hanggang sa antas na nakaimplu-wensya na ang mga ito sa mga padron ng pamumuhunan at pagkonsumo sa Tsina na katulad na ng sa mga neokolonya. Ang mabibigat at batayang mga industriyang pag-aari ng estado ay nauk-ok, napailalim kapwa sa mga pribado at burukratang kapitalista at nasaklaw ng pribatisasyon at pagsasara na katulad ng sa dating mga bansa ng blokeng Sobyet.

Nagbalik ang pinakamasasamang salot ng pre-rebolusyonaryong Tsina. Kapansin-pansin ang dumaraming maramihang disempleyo, trabahong binabayaran ng pantawid-gutom lamang na pasahod, implasyon, arbitraryong pagbubuwis, burukratikong korupsyon, usura, pagpapalabuy-laboy, pagtutulak ng droga, pamamalimos, prostitusyon, pagbili at pagbebenta ng kababaihan at kabataan at pagpatay ng mga sanggol na babae. Ang Tsina ngayon ay sukdulang nahahati sa mga nagsasamantala at pinagsasamantalahang mga uri. Habang may iilan lamang na nagpaparangya ng kanilang kayamanan, ang napakalaking mayorya ng mga mamamayan ay dumaranas ng pagdarahop at pasakit. Malaganap ang panlipunang ligalig.

Ang panlipunang pagkakasaraysaray ng pre-rebolusyonaryong Tsina ay nagbalik. Ang malalaking kumprador, malalaking panginoong maylupang umaakto ring mga k o m e r s y a n t e - usurero, at mga bulok na mga burukrata ay nambubusabos sa mamamayan. Mahigit 90% ng mamamayan ay mga manggagawa at magsasaka na dumaranas ng pang-aapi�t pagsasamantala kung kaya nakakapaglabas sa bansa ng dambuhalang tubo ang mga imperyalista at nakakapagpayaman nang �maluwalhati� ang lokal na burgesya nang una sa mamamamayan.

Ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika ng mga rebisyunistang Tsino ay nangahulugan ng pagbagsak ng proletaryado at pagdatal ng makauring dikatadura ng burgesya. Ngunit paminsanminsan pa ring tinatawag na sosyalistang kaayusan ito ng mga bagong burgesyang pinuno ng Tsina upang linlangin ang mamamayan. Minsan, sinisisi nila ang sosyalismo sa pasakit at pagdurusa ng mga mamamayan na sila mismo ang may kagagawan. Kaya, sinisiraan nila ang terminong sosyalismo sa pamamagitan ng kanilang mapang-api at mapagsamantalang mga patakaran, laluna ang malaganap na nakikita at kinamumuhiang estilong Guomindang na burukratang kapitalistang korupsyon.

Ang naghaharing partido, ang Partido Komunista ng Tsina, ay dinagsa ng mga naging paurong sa pulitika na hindi man lamang mga komunista kundi mga bulok na burukrata, negosyante at purong karerista. Ginagamit nila ang pangalan ng partido komunista para gawing lehitimo ang paghahari ng bagong burgesya. Hiwalay ito sa masa at kumikilos laban sa kanilang mga karapatan at interes. Kinatatakutan nito at sinisikap na hadlangan ang rebolusyonaryong kilusang masa. Kumikilos ito bilang isang burukratikong aparatong may iisang-direksyon lamang, mula sa taas-pababa, para sa pagbibigay ng utos.

Ang burges na liberalisasyon sa Tsina ay tuluy-tuloy na umunlad. Ang natitira na lamang na katanungan ay kung kailan magpapasya ang burukratang burgesya mismo na tanggalin ang mga karatula ng sosyalismo at ng partido komunista katulad ng sa Unyong Sobyet. Kaya ang mga taga-ugit ng patakaran sa US ay tusong nagpayo sa pinakamasusugid na mga anti- Komunistang Tsino na iwasan ang anumang marahas na paghamon sa awtoridad na Tsino at hayaan ang mapayapang pagyabong ng kapitalismo.

Gayundin, ang mga nasa awtoridad sa Taiwan ay tiwala na ang kapitalistang katangian ng ekonomyang Tsino ay di maiiwasang tumungo sa lubos na Taiwanisasyon ng sistemang pampulitika ng Tsina. Sa ganitong balangkas nila ginagawang prekondisyon ang pakikipag-isa sa Tsina. Alam mismo ng mga awtoridad na Tsino na ang pagdami ng mga pribadong kapitalistang empresa ay tutungo sa pagdami ng mga organisasyong pampulitika sa labas at laban sa umiiral sa turing at bulok na partido komunista.

Ang kapitalistang pagpapanumbalik ay nagdulot ng marahas na panlipunang kaguluhan sa mahigit 80 lunsod noong 1989 at ng maraming pag-aalsa ng mga magsasaka at welga ng mga manggagawa sa dekada �90. Hinigitan ng lahat ng ito ang mga pangmasang pag-aalsa, mula sa pag-aalsa sa Hungary noong 1956 hanggang sa mga welga ng Solidaridad na Polako (Polish Solidarity) noong dekada �80, na nagbadya ng pagwawakas ng sosyalistang pagkukunwari sa Silangang Europa at sa Unyong Sobyet sa panahong 1989-91.

Ang panlipunang kaguluhan at mararahas na pangyayari sa Tsina noong 1989 ay hindi kinasangkutan ng labanan sa pagitan ng sosyalistang kaayusan at ng mga nagnanais magtayo ng burges na republika. Ito ay labanan sa pagitan ng sosyal-pasismo at ng naagrabyadong mamamayan na nagpoprotesta sa mga manipestasyon ng kapitalistang panunumbalik tulad ng malawakang kawalan ng trabaho, implasyon at korupsyon, kahit pa sabihing sa hanay ng masa ay may ilang anti-komunistang petiburges na nagnanais ng burges na demokrasya.

Ang mga burges na naghahari sa Tsina ay patuloy pa ring kumikilala sa Marxismo-Leninismo at Kaisipang Mao Zedong sa salita kahit iwinaksi na nila ito. Ipinagmamayabang nila ang Dengistang teorya at praktika ng kapitalistang kontra-rebolusyon. Ang burges na liberalisasyon ng kulturang Tsino ay kapansin-pansin sa muling pagdagsa ng mga ideyang maka-imperyalista, malaking burges, petiburges at pyudal na mga ideya at paniniwalang Confucian. Ang Tsina ay naging pinakamalaking tagakonsumo ng basurang kultura mula sa US, Taiwan at Hongkong.

Ang sistema ng edukasyon, masmidya at produksyong panlibangan ay lubusan nang naburges. Ipinalalaganap ang anti-sosyalistang pangungutya at paghamak sa mga manggagawa at magsasaka (laluna dahil sa kanilang kahirapan at kakulangan ng pormal na edukasyon). Ang mataas na halaga ng edukasyon ang humadlang para makakuha ng pormal na edukasyon ang malaking proporsyon ng mga kabataang nasa edad para mag-aral. Ito ngayon ay pribilehiyo ng iilan. Gayundin sa pangangalaga sa kalusugan at disenteng pabahay.

Kung mula 1949 pataas ay may ilang bilang ng mga estudyanteng Tsino na nag-aral at nag-angkat ng rebisyunistang mga ideya at naging mga teknokrata at naghahari sa Tsina, gayundin ngayon, na may mas malaking bilang ng mga estudyante na nag-aral sa US at iba pang imperyalistang bansa na nagdala sa Tsina ng anti-sosyalista at makaimperyalistang mga ideya at naging mga teknokrata ng lantarang kapitalismo.

Ang proletaryado at mamamayang Tsino lamang ang makakahawak sa kanilang kapalaran at makalulutas sa kanilang mga suliranin. Nasa kanila ang sosyalistang pamana ni Kasamang Mao. Magagamit nila ang Marxismo- Leninismo-Maoismo para patnubayan sila sa landas ng pagrerebolusyon laban sa mga nagpanumbalik ng kapitalismo. May mataas na potensyal para sa isang tunay na rebolusyonaryong partido komunista sa Tsina ngayon.

Sa diwa ng proletaryong internasyunalismo, kailangang ilantad at kundenahin ng mga tunay na partido komunista ng daigdig ang burgesya ng Tsina sa kanilang tiwaling pag-angkin at paggamit sa pangalan ng partido komunista at terminong sosyalismo para pagsilbihan ang kanilang malisyosong mga layunin para mapanumbalik ang kapitalismo at isagawa ang sosyal-pasismo. Ang mga tunay na komunista ay sapat nang nagdusa sa makasaysayang pangyayari ng paghahari ng mga rebisyunista na nangwasak sa sosyalismo ngunit nakapagpapatuloy pa rin sa maling paglalarawan sa kapitalismo bilang sosyalismo.

Sa pagpuna at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo at kapitalistang panunumbalik sa Tsina, nakayanan at napagtagumpayan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga propaganda ng mga imperyalista at reaksyunaryo na ang sosyalismo ay walang saysay at walang patutunguhan, na pinatunayan sa diumanong pagbagsak at pagkakawatak-watak ng mga naghaharing rebisyunistang partido sa dating Unyong Sobyet at Silangang Europa at ng lantarang integrasyon ng Tsina sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay matatag na patuloy sa puspusang pagpuna at pagtatakwil sa kapitalistang pagpapanumbalik sa Tsina at umaasa sa pag-usbong ng isang tunay na partido komunista sa patnubay ng Marxismo-Leninismo- Maoismo. Ngunit bukas din lagi ang PKP sa mga pampulitikang ugnayan sa Tsina, sa kanyang mga makabayan at progresibong organisasyon at mamamayan ayon sa linya ng internasyunal na nagkakaisang prente sa mga isyung itinataas laban sa imperyalismo.

May patakarang panlabas ang Tsina na kolaborasyon at kuntensyon sa imperyalismong US. Sa bahagi ng US, isinusulong din nito ang patakaran ng �pakikipagmabutihan� at �pagbabakod�. Ang mga tunay na kontradiksyon ay hindi umaayon sa mutwal na kagustuhan ng Tsina at US na magmantine ng isang estratehikong pagtutulungan.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay laging tutulong sa Tsina sa mga isyu ng paggigiit ng kanyang soberanya at kalayaan mula sa hegemonikong mga imposisyon ng US. Higit na puspusan at militante pang susuportahan nito ang mga rebolusyonaryong pagsisikap ng proletaryado at mamamayang Tsino upang ibalik ang Tsina sa landas ng sosyalismo.

Itinuturing ng PKP ang usapin ng pakikitungo sa Tsina bilang isang napakahalagang usapin kapwa sa malapitan at matagalang panahon dahil siya ay kalapit-bansa, inangbayan ni Mao at ng lagi nang makapangyarihang proletaryado at mamamayang Tsino, target siya ng hegemonyang imperyalista at may papalaking papel sa pandaigdigang mga usapin. Kaya lagi nang kanais-nais at kinakailangan na magkaroon ng mutwal na pagtutulungan sa pagitan ng mamamayang Tsino at mamamayang Pilipino laban sa imperyalismo at reaksyon.

 


 Back to top 

01 Oktubre 1999
Edisyong Pilipino


Tungkol sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.