Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pananalanta ng pasistang estado

 Read this article in English

Sa Cordillera. Dinukot ng 10 armadong kalalakihang nagpakilalang mga ahente ng Criminal Investigation Service si Lorna Rivera Baba noong Marso 17 sa tapat ng Philippine Independent Church (PIC o Simbahang Aglipay) sa Pidigan, Abra. Si Baba, isang lay worker, ay tinutukan ng baril at dinukot habang papasakay sa kotse. Tinutukan din ang mga kasamahan niyang sina Fr. Noel Dacuycuy at Padi Emelyn Gasco, mga kura paroko ng PIC, at ang drayber at kapatid ni Gasco na si Julius Cesar Gasco na sinipa pa sa ulo. Walang mandamyento de aresto ang mga dumakip at sinabi lamang na si Baba ay sangkot sa kasong karnaping.

Hinalughog naman ng hindi pa nakikilalang kalalakihan noong Pebrero 7 ang upisina ng Dinteg (Cordillera Indigenous Peoples Law Center). Ang Dinteg ay may mga hinahawakang kaso ng mga pambansang minoryang lumalaban sa pagmimina sa kanilang lugar. Kinuha sa upisinang ito ang mga dokumento at papeles, mga disket ng kompyuter at cassette tapes at iba pang mahahalagang kagamitan. Sa araw ding iyon, pinasok ng mga pinaghihinalaang militar ang bahay ni Bishop Juan Marigza, isang tagapagtaguyod ng karapatang-tao.

Kaugnay nito, kinundena ng Promotion of Church and People's Response (PCPR) ang papaigting na pagtugis ng rehimen sa mga taong simbahan. Mariin ding tinutulan ng PCPR ang militarisasyon sa Cordillera at ang pagtatayo ng San Roque Dam na nagbunga na ng dislokasyon sa 60,000 minoryang Ibaloi.

Samantala, inilantad ng organisasyong Innabuyog- Metro Baguio ang mga kaso ng harasment at abusong sekswal ng mga tropa ng Philippine Army sa kababaihan sa Kalinga. Sangkot dito ang mga sundalo ng 21st at 48th Infantry Battalion sa mga bayan ng Balbalan, Lubuagan, Pasil at Pinukpuk at ng 501st Brigade sa Barangay Calanan, Tabuk.

Sa Bulacan. Dinakip noong Pebrero 16 sa San Jose del Monte, Bulacan sina Melencio Ca�ete, 80, lider ng Sandigang Samahan ng mga Magsasaka sa Tungkong Mangga at si Wilfredo Inocillas sa paratang na sangkot sila sa pagpatay sa isang gwardya ni Gregorio 'Greggy' Araneta, manugang ng dating diktador na si Marcos. Plano ni Araneta na makisosyo sa mga dayuhan at itransporma bilang mga commercial complex ang lupang binubungkal ng mga magsasaka. Dahil sa planong ito, pinagsisira ng mga gwardya ni Araneta ang mga pananim ng mga magsasaka at pinagsusunog pa ang kanilang mga tahanan, bagay na kinundena ng organisasyon nina Ca�ete.

Sa Batangas. Noong Marso 6, binaril hanggang sa mamatay sina Terry Sevilla at Roger Allah, mga magsasaka sa Hacienda Looc sa Nasugbu. Kabilang sila sa mga magsasakang mahigpit na lumalaban sa plano ng Fil-Estate Development and Realty Corp. at Manila Southcoast Development Corp. na gawing Harbortown Golf Course and Marinas ang 8,650-ektaryang asyenda.

Sa Oriental Mindoro. Pitong sibilyan ang minasaker ng dalawang lasing na sundalo ng 49th IB nitong Abril 6 sa Barangay San Isidro, Victoria. Dahil sa tindi ng galit ng mamamayan dito at sa iba pang paglabag ng 49th IB sa mga karapatang-tao, napilitan ang rehimen na alisin ang abusadong yunit sa Mindoro.

Sa Albay. Walong maralitang-lunsod ang nasaktan nang marahas na binuwag ng bayarang demolition team at pulisya ang kanilang mga tahanan noong Marso 16 sa Barangay Kapantawan, Lunsod ng Legazpi. Pangalawang tangka na ang demolisyong ito dahil napigil ng barikada ng mga residente ng barangay ang unang tangka.

Sa Leyte. Tatlong kabataan at dalawang bata na diumano'y mga Pulang mandirigma ang pinaulanan ng bala ng mga tropa ng 82nd Reconnaisance Company sa Sityo Bugho, San Isidro, Caligharan, Leyte nitong Abril 3. Malubhang nasugatan sa naturang pamamaril sina Jean Ann, 4; Jennifer, 2; Joseph, 17; Nilo, 20; at Joey, 25. Ibayong ligalig ang idinulot ng mga sundalo sa mga sugatan nang umali-aligid pa ang mga tropa sa ospital na pinagdalhan sa kabataan.

Nitong Marso 12, kinubkob at walang-pakundangan ding pinagbabaril ng mga tropa ng 43rd IB ang isang bahay sa Bontoc, Southern Leyte. Nasawi ang mandirigmang si Aniceto dela Cruz, ang kanyang asawang si Angela, ang kanilang 13-taong gulang na anak na si Sarah at dalawa pang babae.

Nasugatan sa kubkob ng mga berdugo si Edfu, 12-taong gulang na anak ng mag-asawang dela Cruz. Bilang patunay ng kawalang pagsasaalang-alang ng rehimen sa kanyang mga karapatan bilang bata, dinakip ng mga sundalo si Edfu at sinampahan ng kasong iligal na pag-iingat ng armas. Pilit ding pinahawakan ng militar si Edfu sa Department of Social Welfare and Development sa kabila ng kahilingan ng kanyang lola na ilipat ang bata sa pangangalaga niya upang makapiling ni Edfu ang kanyang mga kapatid at iba pang kamag-anak. Gaya ng ginagawa ng pasistang gubyerno sa ibang batang nadadakip, ginagamit si Edfu sa kontrarebolusyonaryong propaganda nito.

Sa Mindanao. Mahigit nang 100,000 mamamayan ang napilitang lumikas sa mga prubinsya ng Maguindanao, Lanao del Norte at Lanao del Sur bunga ng todo-largang pananalakay ng briga-brigadang tropa ng AFP at pulisya laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ito ay sa kabila ng kasunduang tigil-putukan ng magkabilang panig.

Sa iba pang dako ng Mindanao, patuloy ding nililigalig ng reaksyunaryong hukbo ang mamamayan sa pagsusulong ng kontra-rebolusyon.

Noong unang linggo ng Marso, 63 magsasaka, kabilang ang mga lumad, tatlong buntis, 14 na bata at anim na sanggol ang pwersahang pinalayas ng 403rd Infantry Brigade sa Sityo Kalut, Barangay Sta. Filomena. Napilitan ang mga magsasakang iwan ang kanilang aanihing mais at gulay at mga alagang hayop dahil dito. Pagkatapos, pinalabas ng 403rd Infantry Brigade na matagumpay nilang nireyd ang isang kampo ng BHB.

Di bababa sa pito sa mga lumikas ang marahas na dinakip ng mga sundalo, dinala sa detatsment, pinapirma sa blangkong papel, kinunan ng litrato at inutusang magpakita sa detatsment bawat buwan. Kapagdaka'y naglabas ng ulat-militar ang AFP na ang naturang mga magsasaka'y mga sumukong mandirigma.

Noong Pebrero 17, tinambakan ng 40 tropa ng 30th Special Forces ng Philippine Army ang Sityo Limot, isang komunidad ng mga lumad sa Barangay Tigbawan, Baganga, Davao Oriental. Pinaratangan ng mga tropang militar na pawang mga myembro ng BHB ang mga residente ng Sityo Limot. Nauna rito, 26 na residente ng Baganga ang pinaratangan din ng mga pasistang sundalo bilang mga Pulang mandirigma. Labinlima sa kanila, kabilang ang dalawang batang nag-eedad 10 at 12 ang tinutukan ng baril, pinaghubad at pwersahang tinuli.

Noong Pebrero 7, dalawang Pulang mandirigma ang pinugutan ng ulo at sinunog ng isang CAFGU sa harap mismo ng mga minoryang Talaandig sa Katalawan, Kabanglasan, Bukidnon. Bahagi ito ng kampanya ng militar na pigilin ang mga lumad sa pagtulong o pagsanib sa rebolusyonaryong kilusan.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Wakasan ang rehimeng US-Estrada!

Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
- Armando Liwanag

Hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis
Aksyong pagpaparusa sa mga kumpanya at negosyo, inilunsad ng BHB
Pang-aapi sa mga migranteng manggagawa
Pagkakaisa at pakikibaka ng mga migranteng manggagawa
Krisis sa sistema ng pagbabangko
Ipagdiwang sa Mayo Uno:
Ibayong militansya at paglaban ng uring manggagawa

Rebolusyonaryong pakikibaka sa Negros, patuloy na sumusulong
Pananalanta ng pasistang estado
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.