Pinalaking badyet pandigma ng US
Para sa mas masahol pang pandaigdigang agresyon, militarismo at pandirigma ng imperyalismong US ang ipinanukala ni George W. Bush na $2.128 trilyong pambansang badyet para sa 2003. Idineklara ni Bush na "ang depensa ng US ang numero unong prayoridad" sa badyet.
Ilalaan ang $379 bilyon o 18% ng badyet sa pagpapalakas ng militar ng US at pandaigdigang paglalatag nito. Mas malaki ito nang $48 bilyon o 14.5% kumpara sa kasalukuyang badyet para sa militar ng US. Hihigitan rin nito ang dating rurok ng gastos sa pagpapalakas-militar ng US noong unang bahagi ng dekada 1980 sa panahon ng gubyerno ni Ronald Reagan.
Sa naturang badyet pangmilitar, may nakalaan nang $27.2 bilyong gagastusin para sa paglulunsad ng mga gera ng US sa 2003, kabilang ang $10 bilyon para sa military contingencies o di inaasahang pangangailangang militar. Ginamit na pamantayan para rito ang mahigit $1.8 bilyong ginastos ng US sa bawat buwan ng gera nito sa Afghanistan.
Mula 2003 hanggang 2008, ipatutupad ang limang taong programa para sa pagpapaunlad ng mga sandata. Maglalaan ang US ng $408 bilyon para rito. Mahigit $1 bilyon dito ay ilalaan sa pagpapaunlad at pagpaparami ng Joint Direct Attack Munition (JDAM) at laser-guided bombs at mga katulad na sandatang gumagamit ng pinakaabanteng teknolohiya upang eksaktong tumama ang mga ito sa target.
Dahil sa todo-todong pagbubuhos ng gastusing-militar, lalaki ang depisit sa badyet ng US sa mga susunod na taon. Mababawasan din nang malaki ang inilalaan sa mga panlipunang pangangailangan ng mamamayan, tulad ng kalusugan at edukasyon. Magdudulot ito ng ibayong kahirapan sa mamamayang Amerikano.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|