Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Tinyente ng Air Force, napatay sa engkwentro sa Batangas
Isang tinyente ng Philippine Air Force (PAF) ang napatay habang nasugatan ang dalawa pang sundalo nang makasagupa nila ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Pebrero 22 sa Barangay Cumba, Lian, Batangas. Pinamumunuan ni 1Lt. Moreno Corbito ang siyam-kataong patrulya ng 730th Combat Group ng PAF nang tamaan siya ng isnayper ng BHB.
Ang pangkat ni Corbito ay bahagi ng pinagsanib na pwersa ng 730th Combat Group ng PAF at ng 401st at 402nd Provincial Mobile Group ng Batangas PNP. Sinusuyod nila noon ang isang lugar sa Barangay Cumba nang magsimula ang labanan bandang 6:30 ng umaga.
Dahil sa kanilang pagkatalo, pinagbabaril ng militar hanggang mapatay ang dalawang sibilyan. Pilit nilang pinalalabas na mga kasapi ang mga ito ng BHB. Dalawa pang sibilyan ang arbitraryong hinuli at inakusang BHB. Ayon sa KARAPATAN-Batangas, iligal na ikinulong ang dalawa sa Air Force Base sa Nasugbu. Dagdag dito, dalawang bahay sa baryo ang sinunog ng mga tropa ng militar.
Bunsod ng karahasang ito, nilisan ng taumbaryo ang kanilang mga sakahan at tirahan sa apat na baryo ng Lian (Cumba, Puting Kahoy, Umayingan at Kapito) at tumungo sa mga lugar na malapit sa haywey.
Ang matitinding operasyong militar sa apat na baryong ito ang tugon ng rehimen sa mahigpit na pagtutol ng mamamayan sa napipintong pagtatayo rito ng San Miquel Complex, proyekto ng malaking burgis kumprador na si Eduardo "Danding" Cojuangco. Tinututulan din ng mamamayan ang pagtatayo sa lugar ng isang planta ng semento.
2 sundalo patay, 3 sugatan sa ambus sa Misamis Occidental
Dalawang sundalo ang napatay at tatlo pa ang nasugatan nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma ng BHB nitong Pebrero 28 sa Sapang Dalaga, Misamis Occidental.
Bandang alas-10 ng umaga nang tambangan ng mga gerilya ang isang dyip ng Philippine Army na may lulang mga sundalo mula sa 10th IB na pinamumunuan ni Lt. Col. Pedro Andanar. Isa sa mga napatay si 1Lt. Asangi Tumpilan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|