Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang patuloy na pamamayagpag ng mga pamilya at kroni ni Joseph Estrada

 Read this article in English

Mahigit nang isang buwan ang lumipas matapos ang EDSA 2 na nagpatalsik kay Joseph Estrada ngunit hanggang ngayo�y ni hindi pa nalilitis si Estrada at ang kanyang pinakamalalaking kroni. Sa katunayan, patuloy na namamayagpag ang mga ito dulot ng kainutilan ng rehimeng Macapagal-Arroyo na mapagpasyang usigin ang mga kaso laban sa kanila. Masahol pa, nakikipagareglo ang kasalukuyang rehimen kay Estrada at mga tauhan nito kapalit ng suportang ligal at pinansyal na lubos nitong kinakailangan laluna sa parating na eleksyon.

Bago pa man mapatalsik si Joseph Estrada noong Enero 20, abalang-abala na ang kanyang mga kroni sa pakikipagtawaran sa kampo ni Macapagal-Arroyo. Matapos magpasasa sa kabang bayan, isinalba ang kani-kanilang mga sarili at ari-arian sa pamamagitan ng "pagbawi" ng kanilang suporta kay Estrada. Tanda ng kabulukang likas sa reaksyunaryong pulitika, sila ngayo�y hinahayaan lamang o kinakandili pa nga ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Pinakagarapal ang ginawang "pagbalimbing" ni EDUARDO "DANDING" COJUANGCO at LUCIO TAN, dalawa sa may pinakamalaking pakinabang sa rehimeng Estrada, at ang walang kakurap-kurap na pagtanggap sa kanila ni Macapagal-Arroyo. Matapos ang pagkalas ng partidong Nationalist People�s Coalition ni Danding sa alyansa ni Estrada at ang pagpapahayag nito ng suporta kay Macapagal-Arroyo habang nagbabanta ng destabilisasyon, iniatras ng bagong rehimen ang bantang pagpapalit kay Danding bilang taga pangulo ng San Miguel Cor poration (SMC). Matatandaang ibinigay ni Estrada ang chairmanship ng SMC kay Danding noong 1998 gamit ang sekwestradong mga sapi.

Dagdag dito, inihain ni Macapagal-Arroyo kay Danding at ibang panginoong maylupa sa Philippine Coconut Producers Federation o Cocofed ang mahigit 95% sekwestradong sapi sa United Coconut Planters Bank (UCPB). Ito ay sa pamamagitan ng desisyon ng Sandiganbayan na nagdeklarang pribadong pag-aari ang naturang mga sapi. Sa nakaraang 15 taon, ang naturang mga sapi ay itinuring na pampublikong pondo kung kaya�t hawak ito ng Philippine Commission on Good Government. Itinatakda ng desisyong ito ng Sandiganbayan ang maaaring mangyari sa katulad na sitwasyon ng 27% sekwestradong sapi sa SMC. Inaangkin ni Danding ang 37.6% sa kabuuang sekwestradong sapi sa UCPB at buong 27% sa SMC.

Gayundin, matapos lumabas si Lucio Tan bilang "kaibigan" ng kampong Macapagal-Arroyo, inihayag ng bagong rehimen ang kahandaan nitong aregluhin ang kanyang kaso ng di pagbabayad ng P25.27 bilyong buwis. Ipinagpaliban din nito, sa pamamagitan ng Bangko Sentral, ang pagbabayad sa P25-bilyong pautang na ipinagkaloob nito sa Philippine National Bank (PNB) noong Oktubre 2000. Pumayag din ang BSP na bayaran ni Tan sa ibang paraan (hindi sa anyong salapi) ang P15 bilyon sa inutang nito. Dumanas ang PNB, na pagaari ni Tan, ng mabibigat na withdrawal matapos mabunyag ang mga kriminal na aktibidad ni Estrada noong nakaraang taon. Higit sa lahat, binigyang-katiyakan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang patuloy na pagkabuhay at paglago ng imperyo ni Tan at kanyang mga kasapakat sa ilalim ng kanyang rehimen.

Ang iba pang mga kroni na nagsulputan at nag-alok ng "kooperasyon" sa bagong rehimen ay agad ding tinanggap ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Ito ay sa kabila ng mga pahayag ng mga abugadong umusig kay Estrada na sobra pa sa sapat ang pinanghahawakang ebidensya ng gubyerno upang hatulan at ibilanggo si Estrada sa mahigit pitong kaso ng pandarambong.

MARK JIMENEZ: Binansagang "henyo" ni Estrada sa larangan ng negosyo, kasabwat si Jimenez sa mga kasunduang gumamit ng pampublikong pondo ng SSS at GSIS sa mga pribadong transaksyon ng pinaborang mga korporasyon. Ilan sa mga kasunduang inareglo niya ay ang pagsasanib ng Philippine Commercial Incorportated Bank (PCIB) at Equitable Bank at ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at First Pacific kung saan kumita sila ni Estrada ng limpak-limpak na salapi bilang suhol at komisyon. Bahagi rin siya sa mga unang nagmanipula ng mga sapi ng Best World Resources, na pagmamay-ari ng isa pang kroni na si Dante Tan. Labas sa kanyang pagkakasangkot sa mga kaso dito sa Pilipinas, nahaharap din siya sa mga kaso ng pagbibigay ng iligal na kontribusyon sa Democratic Party, hindi pagbabayad ng buwis at mail fraud sa US.

Nagprisinta si Jimenez sa mga tagausig noong nililitis si Estrada sa senado. Tinanggap siya bilang testigo ng estado ng Department of Justice at kasalukuyang nasa Witness Protection Program nito. Sa gayon, ligtas siya sa mga kasong isinampa sa kanya bilang kasabwat sa mga krimen ni Estrada. Dagdag dito, pansamantalang ligtas din siya sa kanyang mga kaso sa US dahil mananatili siya sa Pilipinas hangga�t di natatapos ang paglilitis sa mga kaso ni Estrada. Sa kasalukuya�y tumatakbo siya bilang kongresman ng ikaanim na distrito ng Maynila.

JAIME DICHAVES: Lumabas ang pangalang Dichaves sa paglilitis kay Estrada nang akuin niya ang P3.2-bilyon bank account na nakapangalan kay Jose Velarde (isang alyas ni Estrada) sa PCI-Equitable Bank. Si Dichaves ay isa sa mga direktor ng Belle Corporation na sangkot sa jai alai at naglustay ng pondo ng SSS at GSIS sa iba�t ibang transaksyon nito. Kasosyo siya ni Laarni Enriquez, paboritong kabit ni Estrada, sa ibang mga negosyo nito at siya rin ang tagakolekta ng "tong" para kay Estrada mula sa National Telecommunications Commission. Mismong ang Malakanyang ang nagpangalan sa kanya bilang pangalawang pinakamalaking ismagler sa Subic Freeport.

Inaalok ni Justice Secretary Hernani Perez si Dichavez na maging testigo ng estado kapalit ng paglibre sa kanya sa isang kaso ng pandarambong laban kay Estrada. Ang tanging hiningi ni Perez ay ang lokasyon ng iba pang bank account ni Estrada at ang mansyong "Boracay". Kasalukuyang nagtatago sa US si Dichaves at ang kanyang pamilya.

CHARLIE "ATONG" ANG: Si Ang, na pinakamalapit na kasugalan ni Estrada, ang namamahala sa mga kriminal na sindikato ni Estrada na sangkot sa iligal na sugal. Binigyan siya ni Estrada ng mga krontrata sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Ginawa pa siyang konsultant ng Pagcor sa operasyon nito sa jai alai.

Tulad kay Jimenez, nagprisinta rin si Ang bilang testigo kapalit ng pagtanggal ng kanyang pangalan sa mga kasong pandarambong laban kay Estrada. Bagamat di pa hayagang pumapayag ang bagong rehimen sa kundisyon ni Ang, kinuha na nito ang kanyang pahayag sa Hongkong kung saan siya nakabase ngayon.

Labas sa tatlong ito, nag-alok din ng testimonya si Edward Serapio, abugado ni Estrada, at ang kabit ni Estrada na si Rowena Lopez. Si Serapio ay umaktong "tagapamagitan" ni Estrada at ng iba�t ibang kriminal na sindikatong kinakandili nito. Dagdag sa listahan ng mga kroni ay sina William Gatchalian, Jacinto Ng Sr, Lucio Lao Co, Jose Luis Yulo, Dante Tan at Luis "Baby" Asistio na pawang mga kasabwat ni Estrada sa pandarambong ng kabang bayan ngunit sa kasalukuyan ay buong-layang nakagagalaw at nakapamumuhay sa loob ng bansa.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang mga tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng reaksyunaryong eleksyong 2001

Lacson: Berdugo, trapo
Ang patuloy na pamamayagpag ng mga pamilya at kroni ni Joseph Estrada
Kailangang tumayo ang usapang pangkapayapaan sa pundasyon ng mga nakaraang kasunduan
Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!
Balik-tanaw sa modelo ni Gloria Macapagal-Arroyo:
Ang papet na rehimeng Macapagal (1962-65)

Mga Ulat Koresponsal:
Balita mula sa rehiyon ng Cagayan Valley

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.