Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Patuloy na palakasin ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa! Isulong ang mga pakikibaka ng mamamayan habang patuloy na nilalabanan ang mga pakana ng kampong Estrada!

 Read this article in English

Mabilis ang pagsambulat ng makabuluhang mga pangyayari nitong huling mga araw: Inaresto si Estrada noong Abril 25 matapos siyang sampahan ng kasong pandarambong at iba pang kasong kriminal; tinipon ng kampong Estrada ang malaking pwersa sa EDSA nitong huling linggo ng Abril; isinugod sa Malakanyang ang mga pwersang ito nitong Mayo 1; at kaagad ginamit ng kampong Macapagal-Arroyo ang pagkakataong ito upang maglunsad ng ganting-salakay sa katunggaling kampong Estrada.

Nasa likod ng mga ito ang mga sumusunod: ang inabot ng pagsusulong ng mga paglaban ng mamamayan sa napatalsik na pangkating Estrada, ang pagtindi at paghantong sa lantad na karahasan ng salpukan sa pagitan ng pangkating Estrada at ng rehimeng kampong Macapagal-Arroyo, at ang pansamantalang pangingibabaw ngayon ng huli. Higit na tumampok sa naturang mga pangyayari ang katindihan ng problema sa karalitaan at kaapihan ng malawak na masa ng sambayanan, laluna sa panig ng masang anakpawis, at ang kakagyatan ng kinakailangang resolusyon sa mga ito.

Tagumpay pangunahin ng rumagasang kilusang masa at pag-aalsa noong Pebrero ang pagpapatalsik sa rehimeng Estrada. Tagumpay rin ng kilusang masa ang pagkakaaresto kay Estrada at mga mayor niyang kasapakat. Matapos ang naunang pag-aalinlangan, ipinatupad ito ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa puspusang paggigiit ng mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa at mamamayan.

Ang tagumpay sa pag-aagawan nila ng kampong Estrada sa poder nitong Mayo 1 ay ang kin sa partikular ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Gayunman, may responsibilidad rin ang rehimen sa paglikha ng sitwasyong nagbunsod ng kaguluhang ito.

Naging posible ang tangkang muling pag-agaw sa poder bunga ng mahabang panahon ng pagpapatumpik- tumpik at pag-uurongsulong ng rehimeng Macapagal- Arroyo sa pagsasampa ng kaso at pag-aresto kay Estrada at mga kasapakat niya. Sa gayon, naging maluwag ang kalagayan para makapaghanda ang kampong Estrada, makapagmaniobra at ma ka pag tipon ng mga pwersa at rekurso. Kaalinsabay, tuluy-tuloy ang iba�t ibang ligal at pailalim na maniobra nina Estrada para harangin ang paglilitis sa kanila at pilitin ang nakaupong rehimen na makipagkompromiso.

Ang pag-aresto kina Estrada ay humamon sa mga pwersang maka-Estrada para kaagad na isagawa ang planong marahas na agawin ang poder at itayo ang isang military o civilian-military junta, kundi man ibalik si Estrada sa pagkapresidente. Nagkumbina ito sa minimum na layuning makapiga ng paborableng mga konsesyon mula sa isang nadestabilisang rehimen bago ang eleksyon. Sa loob ng ilang araw, nagbuhos sila ng ilang bilyong piso para sa tangkang ito.

Bahagi nito ang paglulunsad ng kudeta sa pamamagitan ng mga hawak pa at inaasahang maaakit nilang pinuno at pwersa ng PNP at AFP. Pangunahin na rito ang mga hawak pa ni Gen. Panfi lo Lacson sa PNP at ang mga hawak pa ni Col. Gregorio Honasan na bahagi ng RAM-Guardians. Kaakibat din ng plano ang pagsubo ng mga natipon nilang masa sa EDSA para magsilbing battering ram sa atake sa Malakanyang at pamain sa madugong pananalakay sa rehimen.

Ngunit kinapos ang natipon nilang armadong pwersa. Ginamit ang panunuhol para kumbinsihin ang mga pinunong militar at pulis na humahawak ng mga kumand na bumaligtad, na siya ring isang dahilan ng pagsingaw ng plano. Maagang natiktikan ng rehimen ang mga tao at galaw sa likod ng planong kudeta at nakagawa ito ng mga paghahanda at hakbangin upang biguin ito. Gayundin, sa bisperas ng pagsalakay sa Malakanyang, kapalit ng mga konsesyon ay nahimok din ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang Iglesia Ni Cristo at El Shaddai na limitahan ang pagtulong sa kampong Estrada at sa planong destabilisasyon.

Nasugpo ang atake sa Malakanyang sa pamamagitan ng superyor na armas at kontra-atake ng militar at pulis. Ang mga nagpasimuno sa atake ay kinasuhan ng rebelyon, pakikipagsabwatan para sa rebelyon at sedisyon; may mga ikinulong at yaong mga nagtago ay idineklarang mga pugante.

Ang nabigong kudeta at atake sa Malakanyang ay desperadong hakbang ng kampong Estrada bunga ng sunud-sunod at napipinto pang higit na pagkatalo sa pakikipagtuos sa nakaupong rehimen. Maasahang ibayo pang magiging marahas ang mga salpukang ito sa darating na panahon lalupa�t patuloy na lumalakas ang panawagan at pakikibaka ng mamamayan para parusahan sina Estrada.

Matinding bigwas ang tinamo ng kampong Estrada sa bigong pagsalakay nila sa Malakanyang. Higit na lumakas ang kamay ng pangkating Macapagal-Arroyo laban sa kampong Estrada. Sinasamantala niya ito ngayon para higit na ilampaso ang kampong Estrada, tiyaking mananalo sa darating na eleksyon at konso lidahin ang sariling lakas.

Kaakibat ng pagsupil sa mga pwersang maka-Estrada ang pagdedeklara ng state of rebellion sa Metro Manila. Isinagawa ang mga mapanupil na hakbangin, kabi lang ang pag-aresto nang walang warrant, pagtatayo ng mga tsekpoynt, pagsona sa mga maralitang komunidad at pagbabawal ng anumang aksyong masa sa tapat ng Malakanyang. Inamin ni Macapagal-Arroyo na ang idineklara niyang state of rebellion sa Metro Manila ay maaaring humantong sa tahasang deklarasyon ng batas militar kung hindi pa huhupa ang sitwasyon. Nitong Mayo 7, binawi rin ng rehimen ang deklarasyon ng state of rebellion nang matiyak na nasa kontrol na nito ang mga pangdestabilisang pagkilos ng mga pwersang maka- Estrada.

Kaalinsabay nito, isinagawa ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mga lihim na negosasyon sa Iglesia ni Cristo, sa El Shaddai at mismong kay Estrada bago at pagkatapos ng Mayo 1 sa tangkang ihiwalay ang mga lider ng planong pag-agaw sa poder.

Hindi pa nareresolba ng pansamantalang pagkatalo ng kampong Estrada ang pag-igting ng bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryo. Ubus-ubos ang itinaya ng kampong Estrada sa pambato nilang si Estrada. Kaya ginagawa nila ang lahat upang harangin ang paglilitis at pagpaparusa kay Estrada at iba pang sinampahan ng mga kaso. Sa kabilang panig, isinasagawa ng kasalukuyang rehimen ang mga hakbanging tumutugon sa malakas at laganap na panawagang parusahan sina Estrada; kaakibat na rin ng hangarin nilang lubusin ang kontrol sa poder, pribilehiyo at pakinabang.

Hindi tatantanan ng pangkating Estrada ang nakaupong rehimen. Ngayon ay higit itong natutulak sa karahasan. Malaki pa ang reserbang kakayahan ng kampong Estrada at patuloy na gagawa ito ng mga plano at paraan at magbubuhos ng pwersa at rekurso para makabawi at makabalik sa poder. Muli itong magtitipon ng pwersa at maghihintay ng tamang panahon at tyempo. Magpapatuloy at maaaring bumulwak muli sa marahas na bakbakan ang kampong Estrada at kampong Macapagal-Arroyo.

Sa ganitong kalagayan, patuloy ang sabay na pagpapatupad ng rehimen ng paggamit ng kamay na bakal at pakikipagkompromiso kina Estrada upang manyutralisa kundiman tuluyang mapawi ang peligro mula sa hanay nila. Kailangan ang patuloy na pagmamatyag sa iba pang pakikipagareglo at akomodasyong maaaring gawin ng rehimen sa kampong Estrada.

Lalong mainam para sa pagsusulong ng rebolusyon ang inabot ngayong ibayong katindihan ng kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo at lubos na kaguluhan ng kabuuan ng reaksyunaryong sistemang pampulitika sa bansa. Sa harap ng ganitong kalagayan, higit nating palakasin ang mga pwersa ng rebolusyon at pahinain ang kaaway sa pamamagitan ng pagpapalakas ng rebolusyonaryong pagkilos at nagkakaisang prente, pag-iibayo ng atake natin sa kaaway at pagpapaigting pa sa kanilang mga hidwaan, kaakibat ng pagsusulong ng mga pakikibakang masa at armadong pakikibaka.

Samantalang hindi tayo naglulubay sa paglaban sa mga pakana ng kampong Estrada, kailangang patuloy nating labanan sa kabuuan ang naghaharing reaksyunaryong estado at sistema at ang mga kontrarebolusyunaryo at anti-mamamayang patakaran at gawain ng naghaharing rehimen. Kailangang mahusay na pagkumbinahin ang aktibong pangunguna sa mga kampanya, alyansa at aktibidad para singilin si Estrada at mga kasapakat niya sa mga kriminal nilang pananagutan; itaguyod ang mga makatarungang daing at pakikibaka ng masa; at magpalawak at magpalakas ng nagkakaisang prente sa magkaakibat na pagsusulong ng mga layuning ito.

Kaisa natin sa ngayon ang maraming anti-Estradang pampulitikang pwersa at tunguhin sa laban para hadlangang makabalik sa poder ang kampong Estrada, at sa paniningil para sa mga kriminal na pananagutan nito. Hanggang sa isang antas, maibibilang rito ang kampong Macapagal-Arroyo.

Gayunman, kailangang iwasan nating mabuslo o mabitag sa burges repormistang balangkas ng �pagsuporta sa gubyernong Macapagal-Arroyo para ipreserba ang mga tagumpay ng EDSA 2�, �pagsang-ayon sa deklarasyon ng state of rebellion para ipagtanggol ang batas at kaayusan�, at mga katulad nito. Kailangang tuluytuloy na panghawakan ang saligang usapin na ang rehimeng Macapagal- Arroyo ang papet na tagapangasiwa ng reaksyunaryong estado at pangunahing instrumento ngayon sa pagsasamantala, pagpapahirap at pang-aapi ng imperyalismo at lokal na mga reaksyunaryo sa mamamayang Pilipino.

Sa ngayon, dahil walang signipikanteng mga konsesyon na ibinibigay ang rehimeng Macapagal- Arroyo para iangat ang kabuhayan ng mamamayan, walang umiiral na sapat na dahilan at makabuluhang batayan para itrato ito bilang taktikal na alyado. Samantala, nagpapatuloy ang matinding bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryo, ang di pa tapos na laban natin sa pangkating Estrada, ang laban din natin ngayon sa naghaharing rehimen, at ang higit pang pagsusulong sa kabuuan ng pakikibakang bayan. Maaari pang humantong ang mga ito sa iba�t ibang hugis at direksyon.

Ang mga nalinlang at isinubo ng kampong Estrada sa pagsugod sa Malakanyang ang siyang nagtamo ng mga bigwas mula sa kontra-atake ng mga militar at pulis. Habang isinusubo sa atake ang mga pwersa nila, kumalas sa eksena ang mga pasimuno ng salakay sa Malakanyang para iligtas ang mga sarili, sumilong sa ginhawa ng kani-kanilang tahanan at maghugaskamay sa kanilang pangunahing responsibilidad sa pangyayari.

Para sa kanilang pagtatangkang agawin ang reaksyunaryong poder, ginamit ng kampong Estrada na pambala sa kanyon ang malaki-laking bilang mula sa natipon nilang pwersa sa EDSA. Ang pinakamatigas at pinakamalaking bahagi ng mga ito ay mga tagasunod, mga bayaran at lumpen na hinakot ng mga pulitikong maka-Estrada.

Nalinlang at namobilisa ng mga pulitikong ito ang malaking bilang ng maralitang lunsod at iba pang malaproletaryado sa lunsod at kanayunan sa pamamagitan ng pagpapamudmod ng salapi at paggamit ng �maka-mahirap� na demagohiya, bukod sa iba pang pang-akit. Si Estrada diumano�y kumakatawan sa masang naghihirap. Nananawagan siya at ang mga pulitikong maka-Estrada ng �digmaan ng mahihirap laban sa mayayaman�, samantalang kabilang sila sa pinakamalalaking burukrata kapitalista at burges kumprador. Ang mga nalilinlang nila ay dumaranas ng matinding kahirapan at kaapihan, habang nagbubuhay-hari at nagpapakasasa naman si Estrada, mga pamilya at kroni niya sa pandarambong at pagnanakaw ng bilyun-bilyong piso mula sa mamamayan at sa kaban ng bayan.

Ang malawakang panlilinlang na nagagawa ng kampong Estrada sa mga dukha at ang malaki-laking bilang ng mga napakilos mula sa hanay nila para sa tangkang ibagsak ang gubyernong Macapagal-Arroyo ay palatandaan ng inabot nang sidhi ng krisis pangkabuhayan, laluna para sa masang anakpawis. Masidhi ang kanilang galit sa dinaranas na gutom at kahirapan; at matindi ang pagnanais na makaahon mula rito. Ibinaling ito ng kampong Estrada sa �mayayaman sa Makati na nasa likod ni Macapagal-Arroyo� upang gatungan ang imbing pakana nitong makabalik sa poder.

Malisyosong inangkin ng kampong Estrada ang papel bilang tagapagdala ng �digmang makauri�. Binaluktot ang kahulugan nito upang palabuin ang esensyal na rebolusyonaryong nilalaman at pagsilbihin ito sa kani lang reaksyunaryong layunin. Ikinalat ang bulag na galit sa sinu mang itinuturing na �elitista� kabilang ang petiburgesyang duma ranas din ng pang-aapi sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Kailangang ilinaw ng mga re bolusyonaryong pwersa ang kahulugan ng �digmang makauri� sa pamamagitan ng pagpapakita ng obhetibong hanayan ng mga uring inaapi at nang-aapi sa ilalim ng kasalukuyang sistemang panlipunan; at ang tungkuling pagkaisahin ang lahat ng api laban sa imperyalismo at mga reaksyunaryong naghaharing uri.

Ang lawak ng nagawang panloloko ni Estrada ay nagbibigaydiin sa laki at kakagyatan ng tungkulin nating imulat, organisahin at pakilusin ang masa ng sambayanan, laluna ang batayang masa, para sa kanilang kapakanan at sa rebolusyon. Kailangang bigyang-diin ang paggigiit sa mga kongkretong kalutasan sa mga kagyat na hinaing at isyu ng masang anakpawis, katulad ng pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, pagsusulong ng antipyudal na kilusang masa sa kanayunan, pagtataguyod sa interes ng mga maralitang lunsod at iba pa at sa mga makabuluhang pagbabagong makatutugon sa hirap na kalagayan at matinding pa nga ngai langan ng maralitang mamamayan. Kaalinsabay nito, kailangang maipamalas sa masa ng sambayanan na ang tunay at pangmatagalang solusyon sa mga problema nila ay nasa pagkilos nila para iahon ang sarili at ang kanilang uri at sa pagsasanib ng mga hinaing at interes nila sa rebolusyonaryong simulain at pagkilos.

Ang mabilis na kumpas ngayon ng mga makabuluhang pangyayari, ang pagtalas ng mga isyung panlipunan, ang sigla ng mamamayan sa pagtitipon, pagpapahayag ng mga hinaing at paghahangad ng mga kalutasan sa mga isyung ito ay pawang batayan para sa malaking pagsulong ng rebolusyon. Naghahanap ang mamamayan ng mapagpasyang kalutasan sa kanilang mga saligang suliranin, na hindi niresolba ng EDSA 1 at EDSA 2 at laluna ng hungkag na islogang �Erap para sa mahirap� ng tinaguriang EDSA 3.

Kailangang masapul at masamantala ng mga rebolusyunaryo at progresibong pwersa ang ganitong kalagayan at tuluy-tuloy na pasiglahin ang demokratikong kilusang masa hinggil sa mga kagyat at saligang isyung panlipunan. Sa gayon, makakamit ng kilusang masa ang mas makabuluhang mga tagumpay at pakinabang na di kayang abutin ng kahit ilang pagaalsa sa EDSA.

 


 Back to top 

06 Mayo 2001
Edisyong Pilipino


Patuloy na palakasin ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa! Isulong ang mga pakikibaka ng mamamayan habang patuloy na nilalabanan ang mga pakana ng kampong Estrada!
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.