Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!

Ang sumusunod ay halaw sa mensahe ng Partido Komunista ng Pilipinas sa okasyon ng ika- 29 anibersaryo nito na ginunita nitong Disyembre 26, 1997.

Nakamit ng Partido ang mga signipikanteng pagsulong at mga maningning na tagumpay noong nakaraang taon sa mga larangan ng gawaing pangideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon.

Napakapaborable ng kasalukuyang kondisyon para sa pagsusulong ng rebolusyon. Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng naghaharing sistema sa bansa ay mabilis na lumulubha. Ang malawak na masa ng sambayanan ay napupukaw na magsulong ng armadong rebolusyon dahil sa di-matiis na papatinding pagsasamantala at pang-aaping kanilang dinaranas.

Pandaigdigan at Pambansang Kalagayan

Dinaranas ng buong daigdig ngayon ang mga mapaminsalang epekto na dulot ng pandaigdigang monopolyo kapitalismo. Labimpitong taon nang ipinapatupad ng monopolyo kapitalismo ang patakaran ng "neoliberalismo", na sa esensya'y nagpapabilis sa konsentrasyon ng kapital sa kamay ng monopolyong burgesya. Ginagamit nito ang mga islogan tulad ng "liberalisasyon", "deregulasyon" at "pribatisasyon" para gamitin ang rekurso ng estado at higanteng mga korporasyon sa paghuthot ng papalaki at papalaki pang tubo mula sa mga proletaryado't aping sangkatauhan.

Sa ilalim ng islogang "globalisasyon", isang parirala para sa neoliberal na alamat ng "malayang pamilihan", inilalako ng tatlong pandaigdigang sentro ng kapitalismo (US, Hapon at Unyong Europeo) ang mga tinatawag na emergent markets, na mga target ng ispekulatibong kapital at pagtatambak ng mga sobrang produkto. Kalakhan ng mga ito ay matatagpuan sa Silangang Asya, Timog Silangang Asya at Tsina, kung saan ang ipinangangalandakang "milagro ng Asya" ay nabasag sa pagsapit ng kasalukuyang pampinansyang krisis.

Inilalantad ng krisis sa Asya ang mapangwasak na katangian ng monopolyo kapitalismo, lalo't higit sa ilalim ng bandila ng patakarang neoliberal. Nangangahulugan ito ng pagwasak sa mga produktibong pwersa ng mga pinakapinapaborang kliyenteng estado. Bumabaling ito sa mga imperyalistang bansa sa pamamagitan ng pagkitid sa kanilang pandaigdigang pamilihan at larangan ng pamumuhunan.

Labimpitong taon pa lamang tumatakbo ang patakarang neoliberal ngunit naitulak nito ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa di pa naabot na antas ng kabagsikan mula ng katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lalong umiigting lahat ng batayang kontradiksyon. Kabilang dito ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalista at ng mga inaaping mamamayan at bansa, sa hanay ng mga kapangyarihang imperyalista mismo, at sa pagitan ng proletaryado at ng burgesya sa mga imperyalistang bansa.

Sa darating na panahon, ang pagbulusok ng mga panlipunan at pang-ekonomyang kalagayan ay tiyak na tutungo sa pag-usbong at pag-unlad ng higit pang mas maraming rebolusyonaryong kilusan. Ang mga rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado sa ilalim ng pamumuno ng mga Marxista-Leninistang partido ay lilitaw at uunlad lamang kakabit ng lumalalang krisis ng monopolyo kapitalismo, ng lumalaking inter-imperyalistang kontradiksyon at ng muling pagsigla ng mga rebolusyonaryong pakikibaka ng mga inaaping mamamayan at bansa sa ikatlong daigdig at mga dating blokeyong-Sobyet na bansa.

Partikular sa Pilipinas, ang pangekonomya at pampulitikang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema nito ay mabilis na bumubulusok sa antas at paraang maihahambing sa unang hati ng '80s. Sa pamamagitan ng programang "Pilipinas 2000," inakalang magagawang isang ekonomikong "tigre" ang Pilipinas, o isang bagong-industriyalisadong bansa pagsapit ng taong 2000. Ngunit ang planong ito ni Ramos ay walang itinulak ni isang batayang industriyal na proyekto. Itinuring nitong dikinakailangan ang repormang agraryo at tuluyan nitong itinali ang bansa sa mga kontra-kaunlarang patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na lubusang naglilingkod sa mga bangko at kumpanyang multinasyunal.

Talagang wala namang anumang layunin na gawing isang bagong-industriyalisadong bansa ang Pilipinas. Ang tunay na layunin ay buksan ang bansa bilang emergent market para sa pagtambak ng sobrang produkto at sobrang kapital, lalu na ang ispekulatibong kapital mula sa ibayong dagat, at para ipailalim ang bansa sa dikta ng mga imperyalistang pwersa at ng IMF, World Bank, APEC, WTO at iba pa.

Ngayon, ang manupakturang nakatuon sa eksport ay matinding tinatamaan ng pandaigdigang krisis ng labis na produksyon. Sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng liberalisasyon sa kalakalan, ang mga mineral at agrikultural na eksport ng Pilipinas ay higit pang iniipit ng matagalang krisis ng sobrang produksyon sa hilaw na materyales. Ang kawalan ng repormang agraryo at kakulangan ng mga insentiba at suporta para sa lokal na produksyon ng pagkain ay pinalalala ng ligal na pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural sa mga residensyal, komersyal at industriyal na estado at ng malaganap na pangangamkam ng mga real estate, plantasyon, minahan, logging at iba pang katulad na kumpanya.

"Sa darating na panahon, ang pagbulusok ng mga panlipunan at pang-ekonomyang kalagayan ay tiyak na tutungo sa pag-usbong ng higit pang mas maraming rebolusyunaryong kilusan."

Simula Hulyo 11, 1997, bumaba ang halaga ng piso mula 26 hanggang sa mahigit 40 sa US dolyar o ng higit 50% at patuloy pa itong bumababa. Nahihirapan ngayon ang Pilipinas na makapangakit ng dayuhang pondo bilang utang o di kaya'y direktang pamumuhunan. Napipilitan itong tumungo sa pagtitipid at palalain ang pagsasamantala sa sambayanan.

Nagdudumilat ang mga batayang kontradiksyon ng mga uri sa Pilipinas. Noong 1997, lalo noong ikalawang hati, bumugso ang mga kilos protesta ng masa sa pambansang saklaw at dumami rin ang mga taktikal na opensiba ng armadong rebolusyon. Dumadami ang mga welga't kilos-protesta na inilulunsad ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang taga-lunsod, estudyante at iba pang kabataan.

Mabilis na lumalala ang krisis sosyo-ekonomiko ng naghaharing sistema at gayundin ang krisis pampulitika. Tumitindi ang mga ribalan at tunggalian ng mga pampulitikang paksyon ng naghaharing uri. Tulad ng mga namumunong reaksyunaryong pulitiko, ang burukrasyang sibil at tauhan ng pulisya't militar ay higit pang nagiging mas brutal at tiwali kaysa dati.

Ang nalalapit na eleksyon ay huwad dahil sa iyon ay monopolisado ng mga tradisyunal na pulitiko ng mga mapagsamantalang uri. Hindi nito sinasalamin ni kayang tugunan ang mga batayang kahilingan ng mamamayan. Hindi rin nito kayang resolbahan ang ribalan ng mga reaksyunaryong paksyon kundi lalo pang pinalalala ito.

Bilang pagsunod sa kanilang mga amo sa pulitika, sinusupil ng militar, pulisya at pwersang paramilitar ang mamamayan at naglulunsad ang mga ito ng kampanya ng paniniil laban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Maraming upisyales ng militar at pulisya ang kasangkot mismo sa pinakamasahol na mga sindikatong kriminal.

Hindi talaga napapayapa ng rehimeng USRamos ang mamamayang Moro. Patuloy pa rin ang armadong pakikibaka ng mamamayang Moro para sa sariling pagpapasya.

Ang mga obhetibong kalagayan ay napakainam para sa Partido upang pamunuan ang mamamayang Pilipino sa paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Dahil sa kilusang pagwawasto, lumawak at lumalim ang baseng masa para sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.

Ibayong Paglakas ng Partido

Mula 1992, muling napasigla at higit pang napalakas ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang Partido sa mga larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ginawang posible ng pagwawasto ng mga mayor na pagkakamali at kahinaan ang paglawak at konsolidasyon ng Partido. Simula ng nakaraang taon, ang Partido ay umaani ng signipikanteng mga tagumpay sa pagtupad ng mga panlabang tungkulin nito.

"Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay higit na lumalakas at sumusulong. Buong sigasig nitong isinusulong ang malawak at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalapad at lumalalim na baseng masa."

Napataas na ng mga kadre't kasapi ng Partido ang kanilang kamalayan sa isang bago at mas mataas na antas. Muli nilang pinagtibay at gi-nagamit ang saligang rebolusyunaryong prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kasaysayan at kasalukuyang sirkumstansya ng Pilipinas at sa kanilang kongkretong rebolusyonaryong praktika. Ang kilusang pagwawasto ay inilunsad bilang buhay na pag-aaral ng rebolusyunaryong teorya ng proletaryado. Sa ilalim ng pamamatnubay ng mga sentral na dokumento ng pagwawasto, ang mga panrehiyong komite ng Partido ay nakatapos na ng kanilang paglalagom.

Ang mga kasapi at kandidatong-kasapi ay nakakuha na ng Batayang Kursong Pampartido na gumagamit ng bagong teksto. May signipikanteng bilang ng mga kadre't kasapi ang nakatapos na ng intermedya at abanteng kurso ng Partido, na pinangungunahan ng Kordilyera, Timog Katagalugan at Hilagang Mindanao. Karamihan sa mga organo at yunit ng Partido ay nakapagsagawa ng pang-ideolohiyang konsolidasyon at nagpapatuloy ito kasabay ng paglaki ng kasapian ng Partido at ng gawaing masa.

Ang pangangailangan para sa bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay higit na nagiging malinaw at mahigpit. Ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino ay ibayong lumalim at lumala sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay higit na lumalakas at sumusulong. Buong sigasig nitong isinusulong ang malawak at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalapad at lumalalim na baseng masa. Sa nakaraang taon, ang BHB ay magiting na tumugon sa panawagan ng Partido sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ayon sa kakayahan. Ang mga platung gerilya ng BHB sa rehiyong Timong Katagalugan ang pinakanatatangi sa paglulunsad ng mga matatagumpay na reyd at ambus, at naging halimbawa sa iba pang mga rehiyon sa usapin ng pagpaplano at pagpapatupad. Maraming mga dating lugar na naunang nawala dahil sa mga mayor na pagka-kamali sa linya ay nabawi na at may mga bagong lugar na napapaunlad na rin.

Napalaki at napasigla ng Partido ang pangorganisasyong lakas nito mula nang buong bwelong nakasulong ang kilusang pagwawasto. Nakonsolida na nito ang dati nang mga kadre't kasapi ng Partido at narekluta na ang pinakasulong na mga rebolus-yonaryong aktibistang masa bilang mga kandidatong kasapi. Ang mga sangay ng Partido sa mga pabrika, linya ng transport, opisina at komunidad sa kanayunan at kalunsuran ay nadagdagan. Lumaki ang kasapian ng Partido sa mas maraming rehiyon. Nananatiling mahigpit ang ugnay ng Partido sa naghihikahos na masa ng manggagawa't magsasaka.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1997
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sumulong sa Ika-30 Anibersaryo!

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!
New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan

Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao

Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan

Balita
Pakikidigmang Gerilya:
Sumusulong sa Buong Kapuluan

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.