Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Mula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinakawalan ng imperyalismong US ang di pa napapantayang karahasan sa buong mundo, sa desperadong hangaring hadlangan ang paglaganap ng mga kilusang anti-imperyalista, mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya at mga kilusan para sa sosyalismo. Sa panahong ito, tinatayang aabot sa 8,000,000 katao na ang pinatay ng terorismo at mga aksyong militar ng US. Pakutyang tinatawag ng US na "collateral damage" ang mga tinarget na sibilyan. Kabilang sa pinakamalulupit na krimen nito ang mga sumusunod:
Digmaan sa Vietnam. Dinigma ng US ang Vietnam noong 1954-1975 upang biguin ang pagsisikap ng People's Democratic Republic of Vietnam na pag-isahing muli ang North at South Vietnam sa ilalim nito. Mahigit apat na milyong mamamayan ang pinatay sa teroristang paggamit ng mga bombang napalm (isang tipo ng bombang panunog), bukod sa paghuhulog ng puu-puong tonelada ng mga bombang eksplosibo, mga sandatang kemikal, pag-hamlet sa mga populasyon, pagbilanggo, pagtortyur at walang habas na pamamaril. Kabilang dito ang 500 minasaker sa village (baryo) ng My Lai noong Marso 1968. Karumal-dumal na krimen din ang pagsaboy ng mahigit 18 milyong galong Agent Orange, isang kemikal na pumatay at lumason sa mahigit 1.6 milyong ektaryang mga lupain at kabundukan. Nagdulot din ito ng maraming sakit sa mamamayan. Dulot din nito, malaking porsyento ng mga inang buntis ang naaagasan o kaya ay nagsilang ng mga batang may depekto.
Digmaan sa Korea. Sa desperasyong hadlangan ang pagsaklaw ng demokratiko at sosyalistang gubyerno sa buong peninsula ng Korea, naglunsad ang imperyalismong US ng digma laban sa mamamayan ng Korea mula 1950 hanggang 1953. Humigit-kumulang 2,800,000 ang namatay bunga ng pambobomba o pamamaril sa mga sentro ng populasyong sibilyan at pagpatay sa mga bihag ng digma. Isang tampok na halimbawa ang pagmasaker ng mga sundalong Amerikano sa daan-daang sibilyang South Korean sa No Gun Ri noong 1950.
Pagsuporta sa mga pasistang krimen. Sinuportahan ng US ang kudeta noong 1954 sa Guatemala na nagresulta sa apat na dekada ng pasistang paghahari na nagbunga ng pagkamatay ng mahigit 120,000 magsasakang Guatemalan.
Ang US din ang nasa likod ng kudeta noong 1973 na nagpabagsak sa progresibong gubyerno ni Salvador Allende sa Chile at nagresulta sa pagpatay sa 30,000 katao.
Noon namang 1965, itinaguyod ng US ang kudeta ni Suharto laban sa demokratikong gubyernong Sukarno sa Indonesia. Mahigit 800,000 Indonesian ang ipinapatay at mahigit 500,000 ang ipinakulong ni Suharto. Nang sakupin ng rehimeng Suharto ang East Timor noong 1975, umabot sa 250,000 inosenteng mamamayan ang minasaker nang may direktang kaalaman ang pinakamatataas na upisyal ng US.
Sa Pilipinas, sinuportahan ng US ang batas militar na ipinataw ni Marcos noong 1972. Sa 24 taong paghahari ng diktadurang Marcos, libu-libo ang pinatay at mahigit 40,000 aktibista at iba pang nasa oposisyon ang ibinilanggo.
Iran, 1953. Nakipagsabwatan ang US sa imperyalismong Great Britain sa pagpapabagsak sa gubyerno ni Mohammed Musaddiq matapos na isabansa ang mga operasyon ng industriya ng langis doon. Ibinalik ang kaharian ni Shah Mohammed Reza Pahlavi. Sa kanyang paghahari mula 1953 hanggang 1979, mahigit 70,000 Irani ang pinatay.
Palestine. Itinatag ng US at Great Britain ang Zionistang okupasyon ng Palestine sa pamamagitan ng pagtatatag ng estadong Israel dito noong 1948. Patuloy na nilabanan ng mamamayang Palestine ang Israel. Noong 1987, sa panahon ng Intifada o pag-aaklas ng mamamayang Palestine, mahigit 300 Palestine ang pinatay ng mga sundalong Israeli at mahigit 11,500 ang nasugatan, na karamihan ay mas bata sa 15 anyos. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada 1990, mahigit 800 ang napatay at 16,000 ang ibinilanggo. Sinusuportahan ng US ang patuloy na paglulunsad ng Israel ng mga atake sa mamamayan ng Palestine. MULA NOONG MATAPOS ANG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG, TINATAYANG AABOT SA 8,000,000 KATAO ANG PINATAY NG TERORISMO AT MGA AKSYONG MILITAR NG US. PAKUTYANG TINATAWAG NG US NA �COLLATERAL DAMAGE� ANG MGA TINARGET NA SIBILYAN. |
Libya. Walang habas na inatake at binomba ng US ang mga syudad ng Tripoli at Benghazi sa Libya noong dekada 1980. Nagpataw din ang US ng pang-ekonomyang embargo upang lalong gipitin ito.
Cuba. Tinangkang pabagsakin ng US ang gubyerno ng Cuba sa pamamagitan ng pagbomba ng mga airbase dito at pagsalakay ng mahigit 1,000 Contra na sinanay ng Central Intelligence Agency. Halos 40 taon na ring nakapataw ang isang pang-ekonomyang embargo laban sa Cuba. Para mapagtibay ang embargo, regular na pinapatrulya ng mga barkong pandigma ng US ang karagatan sa palibot ng Cuba.
Nicaragua at El Salvador, dekadang 1980. Direktang sinuportahan at sinanay ng US ang teroristang grupong Contra upang pabagsakin ang gubyernong anti-US sa Nicaragua. Mahigit 30,000 inosenteng mamamayan ang pinatay sa ulol na pananalakay ng mga Contra. Kabilang sa mga pakana ng Contra ang pagtatanim ng mga bomba sa mga daungan.
Sa El Salvador, aktibong sinuportahan ng US ang digmang kontra-rebolusyonaryo na nagresulta sa pagkamatay ng 80,000 mamamayan.
Panama. Pinatay ang 8,000 mamamayan noong Disyembre 1989 nang lusubin ng US ang Panama upang dakpin ang presidenteng si Gen. Manuel Noriega, isang druglord at dating ahente ng CIA. Ginamit ng US na dahilan ang pagkakasangkot ni Noriega sa pagtutulak ng droga. Ang mas malaking dahilan ay ang paggigiit ni Noriega na ilagay sa kontrol ng Panama ang Panama Canal at ang pag-atras ng suporta nito sa mga Contra sa Nicaragua.
Iraq. Mahigit 200,000 mamamayang Iraqi, kabilang ang kababaihan at mga bata, ang nilipol ng pambobomba ng US sa mga establisimyentong sibilyan at pampublikong imprastruktura noong 1991. Kabilang sa malalaking kabuhugangan ay ang kriminal na pagpatay sa ilampung libong nag-aatrasang mga sundalong Iraqi sa 60 milyang haywey sa baybayin ng Kuwait noong Pebrero 26-27, 1991. Ang patuloy na pagpapataw ng "blokeyong pang-ekonomya" laban sa Iraq ay nagresulta na sa pagkamatay ng mahigit 1,500,000 Iraqi, kabilang ang 5,000 batang namamatay bawat buwan.
Yugoslavia, 1999. Pinaulanan ng malalakas na bomba ang Yugoslavia upang pabagsakin ang gubyernong Milosevic at ipwesto ang kapangyarihan ng imperyalismong US sa Balkan Peninsula. Bago nito, sinulsulan ng US at Germany ang digmaang etniko sa pamamagitan ng pagpondo at pag-aarmas sa iba't ibang etnikong grupo at paggatong sa nasyunalismo at rasismo. Daan-daang libo ang namatay sa mga digmaang etniko sa Croatia (1991-92) at sa Bosnia-Herzegovina (1992-1995) nang humiwalay ang mga ito sa Yugoslavia, samantalang milyun-milyon ang napalikas mula sa kanilang mga bayan at nawalan ng kabuhayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|