Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Latian ng Liguasan
Luntiang Lupain, Nais Angkinin

Ang Liguasan Marsh, na matatagpuan sa hangganan ng mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao sa isla ng Mindanao, ay "hulog ng langit" para sa mga imperyalista. Napakaganda at kaaya-aya ng mga tanawin dito. Tiyak na maiibigan ng mga dayuhang turista ang luntiang kalupaan nito, lalo na kung kumpleto sa mga pasilidad tulad ng mga golf course, hotel at resort. Bukod rito, pinagpala ang kabuuan ng 52,421 ektarya nito ng matabang lupang angkop na angkop sa mga halamang pang-eksport. Naaaninag na ng mga dayuhang kapitalista ang mga naglalawakang mga plantasyon! Ang makakapal na kagubatan dito ay naghihintay na lamang sa mga chainsaw ng mga kumpanya sa pagtotroso! Higit sa lahat, nakatuklas din ng mga deposito ng langis dito! "Limpak-limpak na tubo na naman ito!", ang sabi ng mga imperyalista.

Ngunit may isang problema lamang: ang kalakhang bahagi ng Liguasan Marsh ay tinitirahan ng mga mamamayang Moro na baseng masa ng armadong Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang kasaysayan ng mamamayang Moro ay kasaysayan ng pakikibaka para sa karapatan sa pagpapasya sa sarili (right to self-determination) laban sa mga dayuhang mananakop. Matagumpay nilang naipagtanggol ito laban sa kolonyalismong Espanyol. Ngunit sila ay nasakop ng imperyalismong Estados Unidos noong maagang bahagi ng kasalukuyang siglo. Sa kabila ng pagkabigong ito, patuloy na nagpunyagi ang mamamayang Moro sa kanilang paglaban. Sa kasalukuyan, sa ganap na pagsuko sa rehimeng US-Ramos ng pangkating Misuari ng Moro National Liberation Front o MNLF (na siyang bumandila sa armadong pakikibaka ng mamamayang Moro mula pa noong dekada '70), ang inisyatiba sa paglabang ito ay nasa MILF na. Patuloy na umaani ng pagtangkilik sa hanay ng mamamayang Moro ang armadong pakikibaka ng MILF para sa kasarinlan, lalo na sa mayorya ng dating mga kasapi ng MNLF na hindi sumang-ayon sa palasukong linya nina Misuari.

Lupang ninuno ng mamamayang Moro ang Liguasan Marsh. Ang mga likas na yaman nito ay bumuhay sa kanila sa matagal nang panahon, bago pa man dumating ang mga kolonyalistang Espanyol. Dahil sa pagiging "marsh" (o latian) nito, sagana ito sa irigasyon at sari-saring yamang tubig. Kalakhan sa mga mamamayang Moro dito ay mga maralitang magsasakang nabubuhay sa pagbubungkal ng lupa, ang mismong lupang nais kamkamin at pakinabangan ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at ng kanilang mga kasabwat na lokal na naghaharing uring malaking burgesyang komprador at panginoong maylupa.

Marahas na Pagpapalikas sa Mamamayang Moro

Kung ang pangkat ni Misuari ay madaling napaamo sa mga inasukalang punglo ng rehimeng US-Ramos (sa anyo ng pag-alok sa kanila ng pusisyon sa hungkag na Southern Philippines Council for Peace and Development o SPCPD na sa esensya ay daluyan lamang ng mga kontramamamayang patakaran at proyekto ng naghaharing uri), nagbabagang punglo ang ginagamit ng reaksyunaryong estado laban sa militansya ng MILF. Tuluy-tuloy na naglulunsad ng mga malawakang opensibang militar ang AFP sa mga lugar na kontrolado ng MILF, kahit mayroong kasalukuyang "tigil-putukan" sa pagitan nila.

Ayon sa opisyal na linya ng reaksyunaryong gubyerno, ang mga operasyong militar ay nakatuon sa mga sindikato ng kidnapping na namumugad sa mga erya ng MILF. Subalit baluktot na katwiran lamang ito upang salakayin ang Liguasan Marsh at bigyang daan ang "pagpapaunlad" nito. Sa ilalim ng Task Force Tugis (na nasa pangangasiwa ng Philippine Army), dalawang batalyon ng Philippine Army, dalawang kumpanya ng Philippine Marines, isang yunit ng Navy Seals, anim na kumpanya ng Philippine National Police at 15 armored personnel carrier ang itinambak sa lugar. Naglaan din ng P25 milyon si Presidente Ramos para sa kampanyang ito "laban sa kidnapping".

Walang habas na gumagamit ang militar ng pambobomba sa kanilang pagsalakay. Bunga nito, aabot na sa mahigit 80,000 katao ang sapilitang lumikas sa kanilang mga tahanan. Mayorya sa mga ito ay mga Morong kabilang sa tribung Maguindanao. Marami na ring inosenteng sibilyan ang namatay at maraming tirahan at ari-arian ang winasak. Walang pinagkaiba ito, sa esensya, sa madudugong kampanyang inilunsad sa panahon ng batas militar ng diktadurang US-Marcos laban sa mamamayang Moro.

Malinaw ang layunin ng opensibang militar: "palambutin" ang Liguasan Marsh upang malayang makapasok ang mga burges kumprador at dambuhalang dayuhang kumpanya na nais makinabang sa kayamanan nito.

Kung tutuusin, hindi lamang ang mamamayang Moro ang biktima ng pagpapalikas sa ngalan ng huwad na "kaunlaran". Napakarami nang magsasaka sa buong kapuluan ang napalayas na, o nanganganib na palayasin, sa lupang kanilang sinasaka upang bigyang daan ang pagpapalit- gamit sa lupa (land use conversion) pabor sa mga dayuhang kapitalista at kanilang mga kasosyong Pilipino. Ginagamit ng naghaharing-uri kapwa ang dahas at panlilinlang upang isakatuparan ito.

Partikular sa Mindanao, ginagamit ang "usapang pangkapayapaan" upang lansihin ang mamamayang Moro na abandunahin ang kanilang armadong pakikipaglaban.

Walang habas na gumagamit ang militar ng pambobomba sa kanilang pagsalakay. Bunga nito, umaabot na sa 80,000 katao ang sapilitang lumikas sa kanilang mga tirahan. Mayorya sa mga ito ay mga Moro na kabilang sa tribung Maguindanao.

Ginagamit din ang taktikang "manghati at maghari" upang suhayan ang bangayan sa pagitan ng mga Moro, Kristiyano at lumad. Layunin nitong pahinain ang pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa iisa nilang kaaway: ang mga naghaharinguring mangangamkam ng lupa.

Isang anyo nito ang paggamit ng mga armadong grupong vigilante tulad ng Christian Nationalist Front na kontra sa mga "subersibo" at "separatista". Sa esensya, ito ay isang pangkat na katuwang ng estado sa pandarahas laban sa mamamayang Moro. Nagpapalaganap ito ng mga sentimyentong anti-Moro sa hanay ng mga Kristiyano at lumad upang kumabig ng suporta sa layunin nito. Kung tutuusin, pagbabalik lamang ito ng mga grupong vigilante tulad ng Christian Liberation Army at Ilaga na ginamit laban sa kilusang armado ng mamamayang Moro at maging sa pambansa-demokratikong kilusang rebolusyonaryo sa Mindanao noong dekada '70 at '80.

Ano Ang Magagawa?

Ang kasalukuyang digmaan sa Cotabato ay nagpapatunay ng kawalan ng katapatan ng rehimeng US-Ramos sa mga "hakbanging pangkapayapaan" nito. Habang nagpapahayag ito ng kagustuhang makipag-usap sa MILF para sa kapayapaan, walang habas nitong sinasamantala at nilalabag ang "tigilputukan" at naglulunsad ng mga opensiba.

Hindi lulubayan ng reaksyunaryong estado ang Liguasan Marsh dahil sa laki ng likas na yamang nakataya rito. Patuloy na gagamit ang estado ng karahasan at panlilinlang, patuloy nitong susuhayan at gagatungan ang mga alitan sa pagitan ng mga mamamayan upang hatiin ang kanilang hanay.

Walang ibang paraan para mapigilan ang malagim na hangaring ito kundi ang pag-iral ng mahigpit na pagkakaisa ng lahat ng mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi � Moro, lumad, Kristiyano. Kailangang ipagpatuloy ng mamamayan ang kanilang dakilang armadong pakikibaka upang ibagsak ang estadong sumusupil sa kanilang interes at itayo ang isang lipunang tunay na magtataguyod sa kapakanan ng buong sambayanan.

 


Previous articleBack to topNext article

03 Enero 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang rebolusyunaryong dalawahang taktika sa reaksyunaryong eleksyon

Ibayong Lumulubog sa Kumunoy ng Pagkaalipin
Total Logging Ban sa Mindanao:
Kilusang Masa Laban sa mga Berdugo ng Kalikasan

Pangayaw Laban sa Alsons
Mga Lumad sa Timog Mindanao
Matatatag na Base ng Rebolusyon

Balita
Latian ng Liguasan
Luntiang Lupain, Nais Angkinin
Paglilinaw Hinggil sa Pagpapalaya kay SPO3 Martillano Magtagad
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.