Sabwatang Mike Arroyo - NAD
Mismong si Miguel "Mike" Arroyo, asawa ng presi-dente, ang nasa likod ng serye ng mga anti-komunistang patalastas ng National Alliance for Democracy (NAD) na lumalabas sa dyaryo mula noong Hulyo.
Ang NAD ay isang anti-komunistang vigilanteng grupong itinatag noong panahon ng rehimeng US- Aquino. Pinamumunuan ito ni Pastor "Jun" Alcover Jr., isang anti-komunistang komentarista sa radyo sa Cebu.
Direktang kumukuha ng pondo ang NAD sa Bigkis-Pinoy, isang grupong party list na binuo ni Mike Arroyo para sa kanyang asawa. Kinukuha naman ng Bigkis-Pinoy ang pinansya mula sa PAGCOR sa pamamagitan ng tagapangulo nitong si Ephraim Genuino na tauhan din ni Mike Arroyo.
Pilit na inilalarawan sa naturang mga patalastas na terorista ang mga rebolusyonaryong pwersa. Idinadawit din ng mga ito ang mga ligal na demokratikong organisasyon tulad ng BAYAN, Bayan Muna at KARAPATAN. Sinisiraan din nito si Kasamang Jose Ma. Sison tulad ng ginagawang paninira ng militar.
Hindi rin pinatawad ng NAD ang iba pang bumabatikos kay Macapagal-Arroyo tulad nina Linda Montayre ng People's Consultative Assembly at Crispin Remulla ng Partido ng Masang Pilipino. Ang mga ito ay kilalang malapit sa mga potensyal na karibal ni Macapagal-Arroyo sa 2004.
Kapansin-pansin ang paglarga ng anti-komunistang kampanya ng rehimeng Macapagal-Arroyo pagkabalik niya mula sa pakikipag-usap kay Presidente Bush ng US noong Nobyembre 2001.
Para rito, muling binuhay ni Mike Arroyo ang NAD. Si Joseph Estrada ang huling nagsisilbing padrino nito.
Noong Hulyo, halatang marami nang pera ang organisasyon nang maglabas ito ng tig-P200,000 patalastas sa mga pambansang pahayagan laban sa rebolusyonaryong kilusan. Pinangangasiwaan mismo ni Jaime Policarpio, dating tauhan ni Estrada na katuwang ngayon ni Mike Arroyo, ang black propaganda ng NAD.
Pinaglunsad rin ang NAD ng mga raling pro-US noong dumating sa bansa si US State Sec. Colin Powell. Nagrali rin ito laban kay Fr. Robert Reyes nang batikusin niya ang di pagpapailalim sa repormang agraryo ng mga lupain ng malalaking panginoong maylupa tulad nina Mike Arroyo at Danding Cojuangco.
Sa state of the nation address ni Macapagal-Arroyo noong Hulyo, sinabi niyang hindi lahat ng nagrarali noon sa labas ng Batasang Pambansa ay laban sa kanya. Pinuntahan niya ang rali ng mga maka-Macapagal-Arroyo na inilunsad ng Bigkis-Pinoy at NAD.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|