Balita
Mga manggagawa sa Sulpicio Lines, nagtagumpay sa welga
Nagtagumpay ang dalawang araw na welga ng mga manggagawa ng Sulpicio Shipping Lines nitong Hulyo 29-30. Ang welga, na pinamunuan ng Unyon ng Mandaragat sa Sulpicio Shipping (UMSS) at Solid Towage and Litherage, ay nakapagpatigil sa byahe ng 24 sa 27 barkong pampasahero at pangkargo ng Sulpicio Lines. Napatigil ng unyon ang iligal na pagpapatalsik ng mga manggagawa sa trabaho. Natigil din ang makapangyarihang papel ng dilawang Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines sa pagtatanggal ng mga manggagawa.
Sumuporta sa welga ang Kilusang Mayo Uno-Alliance of Nationalist Genuine Labor Organizations (KMU-ANGLO) at Professional Solidarity for Social Concerns. Malaking bulto sa mga tumigil sa trabaho ay mula sa 900 empleyado ng Pier 12, North Harbor sa Tondo, Maynila. Sumunod na kumilos ang mga manggagawa sa Cebu City, Tacloban, Ormoc at Cagayan de Oro.
Piketlayn sa Nestlé, dinahas
Mariing kinundena ng mga nagwewelgang manggagawa ng Nestlé Philippines sa Cabuyao, Laguna ang tumitinding pag-atake sa kanilang hanay ng mga negosyante, labor agencies, mga elemento ng Special Warfare Team (SWAT), Regional Mobile Group at mga gwardya ng Nestlé. Ang reklamong ito ay bunsod na dalawang insidente ng pandarahas sa kanilang piketlayn noong Hunyo 23 at Hunyo 24.
Ayon sa Pamantik (Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalungan), nagsasagawa ng pangkalahatang pulong ang mga kasapi ng United Filipino Employees-Drug, Food and Allied Services-KMU nang dahasin sila ng mga pulis, gwardya at mga bayarang goons. Inulan ng mga bato, kahoy at tear gas at binomba ng water cannon ang nagpupulong na 500 welgista.
Mahigit 30 welgista ang sugatang dinala sa ospital bunga ng tatlong oras na sagupaan sa pagitan ng mga bayarang tauhan ng imperyalistang kumpanya at mga welgista.
Welga sa Bondex Garments at Alsons, tagumpay
NAIPAGTAGUMPAY noong Hunyo ng mahigit 100 welgista ng Bondex Garments Corporation sa Export Processing Zone sa Angeles, Pampanga ang tangka ng maneydsment na tanggalin ang mga upisyal at kasapi ng kanilang unyon.
Ang isang linggong welga ng mga manggagawa ng Bondex ay sinuportahan ng mahigit 400 manggagawa ng sister company nitong Goldon Garments Factory. Pinag-isa na rin ngayon ang unyon ng Bondex at Goldon at sinimulan ang negosasyon para sa bagong Collective Bargaining Agreement ng mga manggagawa ng Goldon.
Sa Cagayan de Oro City naman, naibalik sa trabaho ang 81 manggagawa ng Alcantara & Sons (Alsons) matapos ang limang taong paghihintay ng katarungan. Inatasan kamakailan ng National Labor Relations Council Fifth Division ang Alsons na ibalik sa trabaho ang mga manggagawa at bayaran ang naipon nilang sahod na nagkakahalaga na ngayon ng P17 milyon. Bago ito, sinisante ang mga manggagawa matapos ideklara ng NLRC na iligal ang kanilang welgang inilunsad noong Agosto 23, 1998. Ang Alsons ang isa sa pinakamalalaking kumpanya ng mga produktong kahoy sa Pilipinas.
Mountaineer, kinidnap ng RPA-ABB
NABUNYAG nitong Hulyo ang pagdukot at pagpatay ng kontra-rebolusyonaryo at bandidong pangkating RPA-ABB sa isang mountaineer na nawawala noon pang Pebrero. Ang mountaineer na si Leovic Gutierez ay kasama ng 11 pang iba na umaakyat sa Mt. Madia-as sa Culasi, Antique noong Pebrero 16 nang dukutin siya ng mga elemento ng RPA-ABB sa ilalim ni Daniel Batoy (alyas Mokong at Arlene). Si Batoy ang pinuno ng RPA-ABB sa Panay.
Ayon sa salaysay ni Joshue Alejo, isa sa mga giya ng mga mountaineer, kinasabwat siya ng RPA-ABB para dukutin si Gutierez at humingi ng ransom para sa kalayaan nito. Kunwa'y sumali pa ang mga tauhan ng RPA-ABB sa mga tropa ng Philippine Army sa paghahanap kay Gutierez mula Marso hanggang Hunyo. Sinabi rin ni Alejo na dinala rin siya ng RPA-ABB noong Hunyo 1 sa Barangay Monlaque, Ibajay, Aklan at tinortyur para aminin na siya ang "pumatay at nakaaalam kung saan inilibing si Gutierez."
Sa isang pahayag sa midya, sinabi ni Julian Paisano, tagapagsalita ng Coronacion "Waling-Waling" Chiva Command ng BHB-Panay na maaaring pinatay ng RPA-ABB si Gutierez para pagtakpan ang kanilang krimen.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|