Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Di na matagalan ng mamamayan ang rehimeng Macapagal-Arroyo

 Read this article in English

Mabilis na nahiwalay sa mamamayan si Gloria Macapagal-Arroyo. Sa loob lamang ng ilang buwan, mabilis na lumawak ang disgusto ng mamamayan sa naghaharing rehimen bunsod ng kabiguan ni Macapagal-Arroyo na mapagpasyang harapin ang mga pundamental na suliranin ng mamamayan. Tuluy-tuloy na nahihiwalay ang rehimen sa sambayanang Pilipino dahil sa mga hakbangin nitong tahasang pasista, papet at todo-todong anti-mamamayan.

Nagpapatuloy ang lumalalang instabilidad ng naghaharing reaksyunaryong sistemang pampulitika. Lumilitaw ang iba�t ibang indikasyon na nagsasaad na hindi na lalampas si Macapagal-Arroyo sa 2004. Malamang nga na hindi niya matatapos ang kanyang termino at mapupwersang bumaba sa pwesto bago pa man ang 2004. Magiging resulta ito ng pagsasalimbayan at pag-igting ng maraming mga usapin kabilang ang armadong interbensyon ng US, krisis sa ekonomya at kabuhayan, korapsyon at tunggalian ng mga reaksyunaryo at pasistang karahasan laban sa mamamayan. Lahat ng ito ay nag-uudyok ng mga pagkilos at paglaban ng mamamayan.


HINDI KAYANG PASINUNGALINGAN NI MACAPAGAL-ARROYO at ng kanyang mga teknokratang "eksperto" sa ekonomya ang patuloy na lumulubhang krisis sa kabuhayan at kahirapan ng mamamayan. Walang renda ang pagpapatuloy ng mga patakarang dikta ng IMF-WB at WTO. Upang magpabango, sinasalamangka ni Macapagal-Arroyo ang presentasyon ng mga estadistika at nagpapakawala ng matatayog na deklarasyon at pangako sa mamamayan.

Patuloy na bumabagsak ang lokal na produksyong nakatuon sa eksport kasabay ng pagbagsak ng produksyong industriyal sa buong daigdig. Sumisidhi ang suliranin ng disempleyo laluna sa mga industriyang pang-eksport. Walang saysay ang programang "emergency employment" ng reaksyunaryong rehimen na pawang pansamantala, kontraktwal at di tunay na produktibo ang nililikhang mga trabaho.

Sa kabila ng napakasidhing krisis sa ekonomya, matigas na tinatanggihan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mga kagyat na panlipunang benepisyong iginigiit ng mamamayan. Ibinasura nito ang panawagan para sa P125 na karagdagang sahod at ang ipinagkaloob lamang sa mga manggagawa noong Nobyembre ay ang mapanginsultong P30 emergency cost of living allowance. Wala itong ginagawang hakbangin upang ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Sa halip, ipinatutupad ang mga patakarang pabor sa malalaking dayuhang korporasyon sa agrikultura. Tumampok ang maraming demolisyon ng mga komunidad ng mga maralita upang bigyang-daan ang interes ng malalaking dayuhang korporasyon sa real estate.


IPINAKIKITA NI MACAPAGAL-ARROYO NA ISA SIYA SA pinakamasugid na tuta ng imperyalismong US sa kasaysayan ng neokolonyal na republika. Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, idineploy ang mga tropang Amerikano sa larangan ng digma sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Paglapastangan ito sa pambansang soberanya at labag ito maging sa konstitusyon ng reaksyunaryong gubyerno.

Ipinailalim na ng rehimen kapwa ang mga patakarang panloob at panlabas nito sa "digma laban sa terorismo" na pinasimunuan ng US. Lihim na nakipag-usap si Macapagal-Arroyo sa US at pinaspasan nila ni George W. Bush, presidente ng US, ang pagbubuo ng Mutual Logistical Support Agreement (MLSA) na lalong nagpapalakas sa mga dati nang kasunduang yumuyurak sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas. (Tingnan ang artikulong kaugnay ng MLSA.)


SA UNANG TAON PA LAMANG, NALAGPASAN NA NG rehimeng Macapagal-Arroyo ang rekord ng gubyernong Estrada sa mga paglabag sa karapatang-tao. Pinakawalan ni Macapagal-Arroyo nang buong bangis ang reaksyunaryong pwersang militar at pulis upang supilin ang mga paglaban at pakikibaka ng mamamayan.

Sa kanayunan, walang pakundangan ang mga inilulunsad na kampanyang militar. Sa maraming lugar, isinaisantabi na ang dating mga mapagkunwaring "civilian-military operation". Pinaiiral ang walang maskarang pasismo at inihahasik ang malawakang terorismo sa hanay ng mamamayan. Patuloy na dumarami ang bilang ng mamamayang napupuwersang lumikas sa kanilang mga lupang sinasaka dahil sa malawakang mga operasyong militar.

Walang tigil ang mga pagsisikap ng rehimen, sa pamumuno ng mga militaristang upisyal nito, na isabotahe at sagkaan ang usapang pangkapayapaan. Itinigil ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pormal na usapan at pinalitan na lamang ito ng mga impormal na negosasyon para malimitahan ang mga maaaring kamtin ng rebolusyonaryong kilusan mula sa prosesong pangkapayapaan. (Tingnan ang artikulong kaugnay ng usapang pangkapayapaan.)


PARTIKULAR NA NAKAPAGPAPAGALIT SA MAMAMAYAN ang nagpapatuloy at lalong lumulubhang korapsyon laluna sa mga kaso ng pambabraso sa negosyo, mga tiwaling negosasyon at sikretong pakikipagkasundo sa malalaking kroni tulad nina Danding Cojuangco at Lucio Tan at pakikipag-areglo sa kampong Estrada.

Ang kanyang walang kahihiyang pagkapapet, walang pakundangang pasismo, todo-todong pagbubukas ng ekonomya at tahasang burukratikong katiwalian, ay naguudyok sa mamamayan na patalsikin ang naghaharing rehimen bago pa ang 2004.

Ginagamit ni Macapagal-Arroyo ang burukratikong kapangyarihan katulad ng paggamit dito ni Estrada at iba pang presidente sa nakaraan, upang mabigyang-pabor ang sariling mga kamag-anak, kaibigan at kasosyo sa negosyo. Sangkot sa mga anomalyang ito mismong si Macapagal-Arroyo at ang kanyang asawang si Miguel "Mike" Arroyo.


SA LOOB LAMANG NG ISANG taon, nagiging malinaw sa malawak na masa na ang rehimeng Macapagal-Arroyo ay walang pundamental na pagkakaiba sa ibinagsak nilang kasuklam-suklam na rehimeng Estrada. Bumabagsak ang popularidad ni Macapagal-Arroyo nang mas mabilis kumpara sa lahat ng nagdaang presidente sa kanilang unang taon. Ipinakikita rin ito maging ng iba�t ibang sarbey.

Sa ginawang paggunita ng unang taon ng EDSA 2, kaunti ang natirang kasama ng gubyerno na nagbunyi. Maraming pwersang nasa likod ng malalaking demonstrasyon noong Enero 2001, sa partikular ang mga organisasyong kaanib ng Bagong Alyansang Makabayan at partidong Bayan Muna, ang humugos sa lansangan upang kundenahin ang sinasabi nilang pagtalikod ni Macapagal-Arroyo sa EDSA 2. Sa pagtatangkang busalan ang mga sigaw ng mamamayang dumaraing sa pagpapahirap at pagmamalupit ng rehimeng Macapagal-Arroyo, pinigilan ng mga sundalo at pulis ang libu-libong demonstrador na makapagrali sa EDSA.

Ang kanyang walang pakundangang pasismo, todo-todong pagbubukas ng ekonomya at tahasang burukratikong katiwalian, at laluna ang kanyang walang kahihiyang pagkapapet, ay nag-uudyok sa mamamayan na patalsikin ang naghaharing rehimen bago pa ang 2004.

Sa sitwasyong ito, mahalagang ilinaw na ang higit na importanteng salik sa anumang mapayapang pagbabagsak sa naghaharing rehimen ay ang pagbubuo ng pinakamalawak na prente ng mga demokratikong pwersa na singlawak o mas malawak pa sa mga pwersang nagpabagsak kay Estrada noong Enero 2001.

Kinakailangang patampukin ng malawak na prenteng ito ang mga isyung anti-imperyalista at ang mga suliranin at hinaing ng masa ng sambayanan, laluna ng masang anakpawis; at hikayatin ang malalawak na pagkilos sa lansangan ng daan-daan libo hanggang milyong mamamayan. Kailangang magbantay sa mga nambubuyo ng kudeta at putsismo na may layuning pangunahan ang inisyatiba at isaisantabi ang lakas ng mamamayan.

Mahalaga ring bigyang pansin ang paghimok sa mga personaheng nasa loob mismo ng naghaharing rehimen na makiisa at makilahok sa mga pakikibakang anti-imperyalista at maka-mamamayan.

Higit sa lahat, kinakailangang palakasin ng mga rebolusyonaryong pwersa, kabilang ang mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan at Moro Islamic Liberation Front, ang armadong pakikibaka sa kanayunan.

Mulat ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa sa kakayahan nito at ng mamamayan na ibagsak ang alinmang reaksyunaryong naghaharing pangkatin sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Subalit higit sa lahat, upang makamit ang mga pundamental na pagbabago para sa interes ng masang anakpawis, kinakailangang ibagsak hindi lamang ang alinmang reaksyunaryong naghaharing pangkatin kundi, sa kalaunan, ang buong sistemang kinakatawan nito. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng armadong pakikibaka na siyang wawasak sa makinarya at istrukturang burukratiko-militar ng buong reaksyunaryong sistema.

 


 Back to topNext article

Enero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Di na matagalan ng mamamayan ang rehimeng Macapagal-Arroyo
Lalong sumisidhi ang hidwaan sa hanay ng naghaharing uri
Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan: Sinasagkaan ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Paglapastangan sa prinsipyo ng pambansang kasarinlan: Nanganganib ang pagpapatuloy ng usapan
Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas
Mga tropang Amerikano:
Muling nagbabase sa Pilipinas

Pagtutol sa pagpasok ng mga armadong tropa ng US, lumalawak
Mutual Logistics Support Agreement:
Bagong katawagan, lumang kasunduan

Mga ulat-koresponsal:
Di mapagtakpan ang mga pang-aabuso ng 5th ID sa Isabela

Mga ulat-koresponsal:
5th ID, sangkot sa illegal logging

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.