Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Patuloy na dumadausdos ang pambansang ekonomya

 Read this article in English

Patuloy na nasasadlak sa malalim na krisis ang pambansang ekonomya sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Hindi mapagtakpan ng bahagyang kaluwagang dulot ng EDSA 2 ang sumisidhing krisis pang-ekonomya at ang malupit na epekto nito sa mamamayang Pilipino. Pinabubulaanan nito ang reaksyunaryong propaganda na matatag ang mga pundasyon ng ekonomya; gayundin ang propaganda ng rehimeng Macapagal-Arroyo na ang sanhi ng patuloy na pagbagsak ng ekonomya ay ang "kawalan ng tiwala" ng mga dayuhang mamumuhunan dulot ng katiwalian ng nagdaang rehimen.

Malaon nang nakabaon sa krisis ang ekonomya ng bansa. Hindi pa ito nakababawi sa bigwas ng matinding krisis pampinansya noong 1997. Lalo pa itong inilubog ng masugid na pagsasakatuparan ng mga patakarang neoliberal ng liberalisasyon, deregulasyon, denasyunalisasyon at pribatisasyon ng mga nagdaang rehimen na naghatid ng walang kaparis na pagkawasak sa pambansang ekonomya at kahirapan at kasalatan sa mamamayang Pilipino.

Sa kabila nito, walang binabalangkas na bagong pang-ekonomyang programa ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ayon na rin kay Macapagal- Arroyo, ipagpapatuloy nito ang diumano�y makamahirap na programa ni Estrada sa ekonomya. Sa panahong mariing kinukundena ng mamamayan ng buong daigdig ang mga patakarang neoliberal, matigas na naninindigan ang bagong rehimen para sa "globalisasyon" at "malayang kalakalan" alinsunod sa dikta ng imperyalismong US. Hindi nalalayo ang ganitong asta sa masugid na pagsusulong at pagtataguyod ni Gloria Macapagal-Arroyo ng mga batas bago siya maging presidente.

Kauupo pa lamang ni Macapagal-Arroyo, agad nang nagbigay ng "pagtatasa" at mga "rekomendasyon" ang International Monetary Fund at World Bank sa bagong rehimen. Iniutos ng dalawang institusyon ang kagyat na pagkontrol sa dambuhalang depisit ng bansa sa pamamagitan ng pagpapataw ng mga bagong buwis, ibayong pribatisasyon ng mga pampublikong korporasyon laluna sa sektor ng enerhiya at liberalisasyon sa sektor ng pagbabangko.

Nagkakandarapa ang rehimeng Macapagal-Arroyo na maipatupad ang mga diktang ito kapalit ng $300 milyong pautang ng World Bank. Naganunsyo ito ng mga patakaran ng pagtitipid upang mabawasan ang depisit sa badyet. Minamadali na rin nito ang nakabimbing pribatisasyon ng Philippine National Bank at National Power Corporation.

Mga pangkalahatang palatandaan ng krisis

Tinatayang tataas nang hanggang 3% lamang ang gross national product at gross domestic product ng bansa para sa 2001. Ito na ang pinakamababang target sa buong Southeast Asia. Napilitang ibaba ang target mula 4.5%-5.5% dulot ng pagtumal ng ekonomya ng US, ibayong paglubog ng ekonomya ng Japan at inaasahang pagbaba ng eksport ng mga pyesang elektronik.

Ang mga pyesang elektronik ang pangunahing re-eksport ng bansa at ang pinakamalaking pamilihan nito ay ang US. Nitong 2001, bumaba nang 13.6% ang kabuuang iniimport ng US mula sa Pilipinas na nagresulta sa 7.5% pagbagsak ng eksport ng pyesang elektronik ng bansa.

Matigas na naninindigan ang bagong rehimen para sa "globalisasyon" at "malayang kalakalan" alinsunod sa dikta ng imperyalismong US.

Nasa $267 milyon (P13.35 trilyon) na ang depisit ng balance of payments (ang kabuuang balanse ng pumapasok at lumalabas na salapi sa bansa). Ibig sabihin nito, mas malaki ang kabuuang kapital na lumabas sa bansa sa pamamagitan ng kalakalan, mga remitans, transaksyon sa mga bangko at pamumuhunang tuwiran at portfolio kaysa pumasok noong nakaraang taon. Patuloy na nagbababala ang mga maka-imperyalistang ahensya laban sa pamumuhunan sa Pilipinas. Nitong unang kwarto ng 2001, umabot ng $466.7 milyon ang pamumuhunang portfolio na lumabas sa bansa kontra sa $464.7 milyon na pumasok dito ($1.7 milyon depisit). Sangkatlo lamang ang halagang pumasok kumpara sa $339.4 milyon noong unang kwarto ng 2000.

Tanda ng lalong pagtumal ng ekonomya ang pagbaba ng antas ng kalakalang panlabas ng Pilipinas. Sa unang kwarto ng 2001, bumaba ito nang 7.2% kumpara sa nakaraang taon. Nagtala ng sarplas sa kalakalan ($612 milyon o P30.6 bilyon) pero dahil lamang mas malaki ang pagbaba ng importasyon (11.7%) kaysa pagbaba ng halagang ine-eksport (3.3%). Ito ang unang pagkakataong bumagsak ang kabuuang halaga kapwa ng import at eksport. Tanda ito ng pagkalimas ng lumang imbentaryo na siyang nagtulak pataas ng halaga ng eksport sa nakaraang mga taon sa kabila ng tuluy-tuloy na pagbagsak ng mga import simula 1998.

Simula nang bumagsak ang import ng bansa, maraming empresa na nakaasa sa inangkat na materyales ang malawakang nagtanggal ng mga manggagawa upang umiwas sa matataas na gastos sa produksyon. Ang iba�y tuluyang nagsara. Sa harap ng tuluy-tuloy nang pagbagsak ng kalakalang panlabas sa taong ito, tiyak na dadami pa ang mga manggagawang sisipain sa trabaho at mga pabrikang magsasara.

Kasabay nito, bumaba nang 2.4% kapwa ang lokal na produksyon at kabuuang benta ng bansa. Pinakamalaking nagtala ng pagbaba ang produksyon ng pagkain, makinaryang elektrikal at mga damit. Tumaas naman nang 7.8% ang gastos sa produksyon at 10.4% ang gastos sa pagbebenta.

Nitong Pebrero 2001, umakyat sa 6.7% ang tantos ng implasyon mula 3.9% sa loob ng isang taon. Kabilang sa nagtala ng pinakamalaking pagtaas ng presyo ang LPG at gaas at mga bayarin para sa kuryente at tubig. Dagdag rito, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina nang P0.20-0.24 kada litro sa Mayo. Patuloy ring tumaas ang presyo ng gamot at mga serbisyong pangkalusugan. Nagkakahalaga na lamang ngayon ng P0.63 ang piso noong 1994.

Nananatiling di istable ang palitang piso-dolyar. Nananatiling nasa humigit-kumulang P50 ang halaga ng piso kumpara sa dolyar sa kabila ng mga pagsisikap ng Bangko Sentral ng Pilipinas na kontrolin ang ispekulasyon dito at umakit ng bagong kapital sa pamamagitan ng relatibong mas mababang tantos ng interes.

Said na ang pondo ng reaksyunaryong gubyerno. Umaabot na sa $52 bilyon (P2.6 trilyon) ang pangkabuuang utang ng bansa at tinatayang aabot sa P200 bilyon ang depisit sa pambansang badyet para sa taong ito. Ayon sa mga teknokrata ng gubyerno, mananatili ang taunang depisit hanggang taong 2003.

Epekto sa mamamayan

Inaamin ng rehimeng Macapagal-Arroyo na tumaas sa 11.4% mula 9.4% noong nakaraang taon ang tantos ng disempleyo (24% ng kabuuang pwersa ng paggawa). Ngunit sa katunayan, umaabot ng hanggang 50% ng kabuuang pwersa ng paggawa ang

walang trabaho at kulang sa trabaho. Dulot ito ng malawakang tanggalan sa trabaho, kawalan ng mga bagong trabaho at pleksibilisasyon ng paggawa.

Lalong pinasisidhi ng liberalisasyon ang kahirapan sa kanayunan. Patuloy ang dislokasyon ng mga magsasaka dala ng walang patumanggang pagpapalit-gamit ng lupa at pagtatambak ng mga murang produktong agrikultural mula sa ibang bansa. Bumabagsak ang presyo ng mga lokal na produktong agrikultural dahil sa sobrang pag-angkat ng murang mga produktong agrikultural. Ito ay habang tumataas ang gastos ng mga magsasaka para sa inangkat na butil at mga pestisidyo. Kamakailan, lalong bumagsak ang dati nang napakababang presyo ng lokal na palay dahil sa sobrang importasyon (mahigit 550,000 metriko tonelada). Inaprubahan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pag-angkat sa kabila ng sapat na lokal na produksyon upang punan ang minimum access volume (pinakamababang dapat angkatin ng isang bansa) alinsunod sa General Agreement on Tariffs and Trade. Gayundin, dahil sa importasyon, mayroong sobrang suplay ng bawang, manok at iba pang pagkain.

Taliwas sa pangako ni Macapagal-Arroyo, patuloy ang tanggalan ng mga kawani ng gubyerno dulot ng pribatisasyon ng mga pampublikong korporasyon at institusyon. Nakaamba namang magtanggal ng 100,000 manggagawa ang mahigit 300 kumpanya pagpasok ng ikalawang kwarto ng taon dahil patuloy na tumataas ang gastos sa produksyon at bumabagsak ang benta. Pinakaapektado ang mga manggagawa sa sektor ng elektroniks. Nagbanta rin ang mga pribadong kumpanya na nasa public utilities na magtatanggal ng mga manggagawa kung hindi pagbibigyan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang kanilang kahilingang itaas ang presyo ng kanilang mga serbisyo.

Nananatiling nakapako sa P250 ang minimum na sahod, samantalang mahigit pa sa P418 (P501 sa Metro Manila) kada araw ang kinakailangan ng isang anim-kataong pamilya upang disenteng makapamuhay. Hanggang sa ngayon, hindi dinidinig ang iginigiit na P125 dagdag sa sahod ng mga manggagawa at P2,500 para sa mga kawani ng gubyerno. Binabalak pa ng rehimeng Macapagal-Arroyo na kaltasan ang kanilang napakababa nang sahod at sweldo sa pamamagitan ng pagpapataw ng hanggang 12% pagtaas ng obligasyong kontribusyon sa SSS at GSIS.

Hangga�t palasunod ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa dikta ng imperyalistang amo nito na ipatupad ang patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, tiyak na titindi pa ang krisis sa ekonomya. Upang bigyang-kaluwagan ang mga dayuhang kapitalista at ang naghaharing uri, tiyak din na ipapasa ng rehimen ang mabibigat na pasanin ng krisis sa mamamayan.

Kung kayat lalong nagiging kagyat ang pagsusulong ng mga pang-ekonomyang pakikabaka para maibsan ang dinaranas na kahirapan at kasalatan ng masa ng sambayanan at maipagtanggol ang kanilang kabuhayan at mga karapatan. Kailangang paigtingin ang pakikibaka laban sa malawakang tanggalan, kontraktwalisasyon at kaswalisasyon na umaatake sa trabaho at mga karapatan ng mga manggagawa. Kailangan ding lalo pang palakasin ang paglaban sa pribatisasyon ng pampublikong sektor. Lalong nagiging makatarungan ang paggigiit para sa karagdagang sahod ng mga manggagawa at mga kawani ng gubyerno.

Sa kanayunan, kailangang patuloy na palakasin ang pakikibaka laban sa malawakang pagpapalitgamit ng lupa at liberalisasyon sa agrikultura. Higit dito, kailangang patuloy na ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa upang tuluy-tuloy nang maiangat ng mga magsasaka ang kanilang kabuhayan.

 


Previous articleBack to topNext article

Abril 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Paghandaan ang mas malalaki pang laban, kamtin ang mas malalaki pang tagumpay!

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Patuloy na dumadausdos ang pambansang ekonomya
Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Tunggalian at aregluhan sa hanay ng naghaharing uri

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Mainit ang pagtanggap ng mamamayan sa pag-aresto kay Estrada
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal
Pambansang Tagapagsalita,
Partido Komunista ng Pilipinas
Abril 26, 2001

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Nagpapatuloy ang pananalanta ng pasistang estado

Central Cordillera Agricultural Programme:
Pagsasamantala sa likod ng "tulong pangkaunlaran"

Maj. Noel Buan:
Bihag ng digma, pinalaya ng BHB

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.