Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Iginigiit na tigil-putukan, tinutulan ng PKP

Tahasang tinutulan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang iginigiit ng Malakanyang na magdeklara muna ng tigil-putukan ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bago buksang muli ang pormal na usapang pangkapayapaan.

Sa isang pahayag, tinukoy ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, na ang gayong paabot ng rehimeng Arroyo ay labag sa The Hague Joint Declaration na nagtakda ng apat na puntong substantibong adyenda para sa usapang pangkapayapaan. Ayon sa The Hague Joint Declaration, pag-uusapan lamang ang tigil-putukan at disposisyon ng mga armadong pwersa matapos maresolbahan ang mga ugat ng gera sibil sa Pilipinas. Matatalakay lamang ang mga ito sa adyenda hinggil sa mga repormang sosyo-ekonomiko at reporma sa pulitika at konstitusyon.

Bukod rito, ani Rosal, hindi tinutupad ng rehimen ang obligasyon nito alinsunod sa mga dating napagkasunduan, na gumawa ng mga positibong hakbang upang matanggal ang PKP, BHB at ang punong konsultant ng NDFP sa listahan ng US ng mga "terorista." Bigo ang rehimeng Arroyo na ipagtanggol ang pambansang soberanya sa harap ng gayong panghihimasok ng US sa mga panloob na usapin ng Pilipinas�bagay na paglabag din sa mga batayang prinsipyong nakasaad sa The Hague Joint Declaration.

Lider ng Bayan Muna, pinatay sa Lucena City

Isa na namang lider ng Bayan Muna ang sinalbeyds ng mga tropa ng militar at paramilitar. Binaril at ilang beses na sinaksak si Ronnie Almaote, 38 taong gulang, sa loob mismo ng kanyang bahay nitong Pebrero 6. Naghahanda ng hapunan para sa kanyang pamilya si Almaote nang pasukin ng mga armado ang kanyang bahay sa Purok Matahimik, Barangay Cotta, Lucena City. Si Almaote ay coordinator ng Bayan Muna sa Lucena City.

Mga Amerikanong espiya sa bansa, pinalalayas

Pinalalayas ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga lihim na operatibang paniktik ng US na nasa bansa ngayon. Tinuligsa rin ng Partido ang pagpapahintulot dito ng rehimeng Arroyo. Ayon kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, dapat kagyat na tukuyin ng rehimen ang naturang mga tropa at ipag-utos ang pagpapaalis sa kanila.

Inamin mismo ni Francis Ricciardone, ambasador ng US sa Pilipinas, na may di kukulangin sa 70 pwersa ng US Army sa Mindanao ngayon upang mag-espiya laban umano sa mga terorista at magsanay din ng mga tropang Pilipino sa gawaing paniktik.

Sa ngayon ay nakapagpapanggap ang mga operatiba bilang military adviser at nakakapasok sa bansa gamit ang inilulunsad na mga pinagsanib na pagsasanay-militar. Inianunsyo ng rehimeng Arroyo nitong Enero ang nakatakdang paglulunsad ng 28 pinagsanib na pagsasanay-militar sa Pilipinas na lalahukan ng AFP at mga tropang Amerikano ngayong 2005�bagay na magbibigay-daan sa pagdami ng mga espiya ng US sa bansa.

Sa kaugnay na balita, nabunyag ang plano ng US na magbuo ng mga lihim na tim ng mga operatiba na mangangalap ng sariwang datos paniktik para magamit ng Special Forces sa kanilang mga operasyon. Ang tinatawag na Strategic Support Teams na nasa ilalim ng Defense Intelligence Agency ay balak umanong pakawalan sa Pilipinas, Indonesia, Somalia, Yemen at Georgia � mga bansang kumakanlong umano ng mga terorista.

Designasyon kay Palparan sa Eastern Visayas, tinututulan

Mariing tinututulan ng mga organisasyong masa tulad ng Samahan Han Gudti nga mga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas (SAGUPA-SB) ang paghirang kay Brig. Gen. Jovito Palparan Jr. bilang hepe ng 8th Infantry Division ng Philippine Army nitong Pebrero. Tiyak na lalong iigting ang militarisasyon at mga pang-aabuso sa karapatang-tao sa Eastern Visayas, anang SAGUPA-SB.

Si Palparan ay kilalang "Berdugo ng Mindoro" dahil sa paglaganap ng mga karahasang militar laban sa mamamayan sa isla sa panahong siya ang hepe ng 204th Infantry Brigade. Siya ang may pakana sa mga kaso ng pagdukot at pagsalbeyds tulad ng nangyari noong Abril 2003 kina Ka Eden Marcellana at Ka Eddie Gumanoy, mga lider masa ng Southern Tagalog. Nang ilipat siya sa Rizal, dumanas din ang mamamayan doon ng matinding pang-aabusong militar. Sa kabila nito, hinirang pa rin siyang puno ng "peace-keeping contingent" sa Iraq at nitong huli ay nagsilbi siya bilang chief of staff ng Philippine Army bago siya itinalaga sa Eastern Visayas.

Mga guro, naglunsad ng pambansang kilos-protesta

Nagdaos ng pambansang kilos protesta nitong Enero 28 ang mga guro sa pamumuno ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) upang ipaglaban ang P3,000 across the board na umento sa sweldo at ang pagtataas ng badyet para sa edukasyon.

Sa Maynila, naglunsad ng torch parade patungong Mendiola noong gabi ang 2,500 guro sa pamumuno ng Manila Public School Teachers' Association. Nagmula sila sa 74 na paaralan sa Taguig-Pateros, Muntinlupa, Pasay, Para�aque, Makati, Mandaluyong, Navotas, Valenzuela at sa University of the Philippines. Kasama nilang nagmartsa ang mga myembro ng Anakbayan at League of Filipino Students at pati mga magulang.

Anila, ang rehimeng Arroyo ang salarin sa pinakamalubhang krisis ngayon sa sektor ng edukasyon. Habang binabarat ang pondo para sa edukasyon, kalakhan naman ng badyet ay nakalaan sa bayad-utang. Samantala, gahigante ang badyet ng reaksyunaryong militar at pulis, na winawaldas sa mga luho, bisyo at korapsyon.

Bago ito, sama-samang lumabas sa kanilang mga paaralan at upisina bandang tanghali ang ilandaang guro, estudyante at kawani ng gubyerno sa pangunguna ng Quezon City Public School Teachers Alliance, ACT at Courage. Nagdaos sila ng koordinadong piket sa Quezon Memorial Circle. Kinagabihan, naglunsad ng vigil ang 300 guro at kabataang estudyante sa isang paaralan sa Batasan Hills.

Sa Vigan, Ilocos Sur, nagmartsa ang 150 guro, kawani at estudyante ng University of Northern Philippines. May mga pagkilos din sa La Union, Baguio at Mountain Province.

Nagdaos ng motorcade-rally sa Tarlac City ang mga guro mula sa siyam na paaralan. May aksyong protesta rin sa mga syudad ng Cabanatuan at Angeles at ilang bayan sa Bulacan.

Sa Bacolod City, nagmartsa ang 500 guro sa harap ng kapitolyo, kasama ang kabataan, maralita ng lunsod at mga kawani ng gubyerno. Naglunsad rin ng rali at pagsisindi ng mga kandila sa Iloilo City.

Sa Davao City, kumilos ang mga guro sa 12 paaralan.

Organisasyon ng mga mangagawa sa agrikultura, binuo

Idinaos nitong Enero 20 ang unang pambansang kongreso ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) sa Quezon City. Ang UMA ang magsisilbing pambansang sentrong unyon na may layuning bigkisin, palawakin at paigtingin ang pakikibaka ng mga manggagawang agrikultural para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Binubuo ito ng mga organisasyon ng mga manggagawa sa mga asyenda at plantasyon tulad ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura�Gitnang Luzon (UMA-GL), National Federation of Sugar Workers (NFSW) at iba pa na kalakhan ay nasa Leyte, Bukidnon, Cebu at Panay.

Tinuran ni Prof. Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples' Struggle (ILPS), na palagiang ikampanya ng UMA ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa lahat ng ligal na paraan. Gayundin, pinaalalahanan niya ang UMA na isulong "ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya dahil kailangan ang pambansa at demokratikong kapangyarihan para lubusin ang reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at iba pang pagbabago na inaasam-asam nating lahat."

 


Previous articleBack to top 

07 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo

Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya
Pagmimina sa Central Luzon
Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko

Mga Ulat Koresponsal:
Rebolusyonaryong patakaran sa Panay hinggil sa kapaligiran

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala

Sa Ibayong Dagat:
Di masusupil ang Maoismo sa China

Sa Ibayong Dagat:
Pagpapalaya sa Auschwitz, ginunita

Sa Ibayong Dagat:
Pagbubuo ng estadong papet ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.