Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Samantalahin ang krisis sa paghahari ng reaksyunaryong rehimeng Estrada

 Read this article in English

Mabilis na lumulubha ang krisis ng naghaharing sistemang pampulitika at rumurupok ang paghahari ng reaksyunaryong rehimeng Estrada. Ipinatutupad ni Estrada ang sagad-sagarang mga makadayuhan at mapanupil na patakarang nagpapalalim sa sarili nitong paglilibingang hukay. Nagiging ibayong malinaw ang posibilidad na, katulad ni Marcos, maibabagsak si Estrada mula sa kanyang pedestal sa Malakanyang dulot ng masisidhing hidwaan ng mga reaksyunaryo, ng malawakang pag-aalsa ng mamamayan at ng walang-humpay na mga armadong bigwas ng Bagong Hukbong Bayan at Moro Islamic Liberation Front.

Ang paglala ng krisis ng naghaharing sistema at ang tagibang na paghahari ng pangkating Estrada ay mabuting bagay na kailangang samantalahin ng Partido at rebolusyonaryong kilusan. Lalo nitong inilalantad ang kabulukan ng naghaharing mapang-aping sistema at nagbibigay-pagkakataong mabilis na magtipon ng lakas ang mga rebolusyonaryong pwersa at paigtingin ang mga pakikibakang armado at di armado.

Patuloy na nahihiwalay ang rehimeng Estrada sa malawak na mamamayan dulot ng todo-larga nitong pagsasakatuparan ng mga patakarang anti-mamamayan at antinasyunal. Mabilis na nalantad ang kahungkagan ng islogang �maka-mahirap� ni Estrada matapos niyang ipamalas ang sagarang pagkapapet at pagkapasista. Masugid na ipinatutupad ni Estrada ang dikta ng IMFWB-WTO tungo sa lubusang pagbubukas ng bansa sa pamumuhunan at pagtatambak ng mga produktong dayuhan; at sa ibayong paglala ng katayuang malapyudal at paglalim ng krisis sa lokal na ekonomya.

Garapalang ipinaggigiitan ni Estrada na kailangang isubasta ang pambansang patrimonya upang mabuhay sa panahon ng tinatawag na globalisasyon. Kung kaya�t nagmamatigas siyang baguhin ang konstitusyon upang palalain pa ito at bigyan ang mga dayuhan ng buong karapatan na dambungin ang likas-yaman ng bansa at magmay-ari ng lahat ng tipo ng negosyo, kabilang na ang mga public utility (tulad sa tubig, kuryente at transportasyon), mga bangko, pagtitingi, mga paaralan, masmidya at advertising.

Dumaranas ang Pilipinas ngayon ng mas malalang krisis sa ekonomya bunga ng todo-largang pagsasakatuparan ng liberalisasyon simula noong dekada �90. Gayunpaman, at sa kabila ng lumalawak na kritisismo sa liberalisasyon kahit ng mga reaksyunaryong estado sa mga bansang malakolonya, lalo pang nauulol si Estrada na lubusang ibuyangyang ang Pilipinas sa pandarambong ng mga dayuhang malaking kapitalista. Sa pagmamatigas niyang baguhin ang konstitusyon ng 1987 at ipatupad ang mga batas at patakarang makaimperyalista, pinaglalagablab ni Estrada ang diwang makabayan ng malawak na mamamayan at pinagtitibay ang kapasyahang labanan ang pagkapapet ng reaksyunaryong gubyerno. Sa pamamagitan ng walang kaabug-abog na pagkatuta ni Estrada, higit na nagiging malinaw sa mamamayan na ang kanilang kahirapan at pagdurusa ay direktang nakakawing sa paghahari ng mga dayuhang malaking kapitalista sa Pilipinas.

Bangkarote ang gubyernong Estrada. Sa desperadong pagtatangka umanong buhayin ang ekonomya, nalubog ito sa mahigit P100 bilyong depisito sa badyet. Halos ubos na ang mga pampublikong ari-ariang maaaring ibenta, bagsak ang kuleksyon ng buwis at inalis na ang mga taripa alinsunod sa liberalisasyon. Dagdag dito, mas malaking bahagi ng badyet ng gubyerno ang nilulustay sa di produktibong pagbabayad-utang at sa pagpapabundat sa halimaw na pwersang militar.

Hayagang nagtutunggalian ang tanggapan ng presidente, ng Kongreso at ng iba pang mga kawanihan at lokal na upisyal sa karerang makapagbulsa ng pinakamalaking bahagi ng nasasaid na pondo. Ang tunggaliang ito ay umabot na rin sa loob mismo ng kampo ni Estrada sa pagitan ng pinakamalalapit nitong alipures kaugnay ng usapin ng pagkontrol sa pinakamalaking mga pondo at kontrata. Bunga ng pag-uunahang ito ng mga reaksyunaryong pulitiko, lalong nagiging batbat ang burukrasyang sibil at militar ng korupsyon at krimen. Pinagkakaitan nila ang publiko ng nararapat na serbisyo, at mas masahol pa, ay ibinubulsa nila ang kabang-yaman at inilalagak ito sa kanilang mga iligal na operasyon.

Sa desperasyong pangalagaan ang poder nito, ikinakasa ni Estrada ang buong pasistang makinarya upang supilin ang paglaban ng mamamayan at kahit ng mga reaksyunaryong kalaban niya sa pulitika. Ginagamit ng reaksyunaryong gubyerno ang tinaguriang kampanyang antikrimen upang ibayong palakasin ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines, laluna sa pagsasagawa ng digmang kontra-rebolusyonaryo sa kanayunan at ng paniniktik at iba pang mapanupil na hakbangin laban sa ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran. Nakaugnay dito ang pagtatalaga ni Estrada sa pusakal na pasistang si Hen. Panfilo Lacson bilang hepe ng PNP.

Ang pagpapalakas ng pasistang makinarya at pagigting ng pasismo ay direktang nakaugnay sa papasidhing pagsasamantala ng mga imperyalista at ng naghaharing reaksyunaryong pangkat. Tugon ito ng reaksyunaryong gubyerno sa mga bigwas na dinaranas nito mula sa lumalawak na oposisyon ng mga karibal na reaksyunaryong pulitiko, sa militanteng mga protesta at pakikibaka ng masang anakpawis laban sa mga patakarang anti-mamamayan at makadayuhan at sa paparaming mga taktikal na opensiba ng BHB.

Sa iba�t ibang okasyon sa nakaraang taon, ipinamalas ng mga reaksyunaryong karibal ni Estrada na may kakayahan silang magtipon ng rekurso at maglunsad ng mga demonstrasyon sa lansangan. Malawakan itong sinuportahan ng mamamayan, laluna ng petiburgesyang lunsod, sapagkat itinaguyod nito ang mga demokratikong paninindigan laban sa panunumbalik ng mga Marcos, paninikil sa karapatan sa pamamahayag at sa balak na pagbabago sa konstitusyon ng 1987.

Patuloy na tumataas ang antas ng protesta at mga pakikibakang masa sa kalunsuran, laluna ng mga manggagawang lumalaban upang kamtin ang nararapat na pagtaas sa tinatanggap na sahod. Tampok din ang mga paglaban ng mga kawani ng gubyerno, mga guro sa mga pampublikong paaralan at iba pang mga aping sektor na binabayo ng krisis at mga patakarang lalong nagpapabigat sa mabigat na nilang mga pasanin.

Bunga ng tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, may kakayahan ngayon ang BHB na maglunsad ng paparami at papalaking mga taktikal na opensiba sa buong bansa alinsunod sa kakayahang militar ng BHB at sa papalalim na suportang masa na tinatamasa ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan. Ang mga armadong opensibang ito ang nagdudulot ng pinakamabigat na bigwas sa reaksyunaryong gubyerno, humihigop ng malaking rekurso nito sa pagpapalakas ng makinaryang militar, bumabasag sa ilusyon ng demokrasyang sibil at nagbibigay-inspirasyon at tapang sa mamamayang Pilipino na lumaban.

ANG PAGLABAN ng rebolusyonaryong kilusan sa rehimeng US-Estrada ay bahagi ng pangmatagalang pakikibaka upang ibagsak ang naghaharing sistema. Ang krisis nito sa pulitika ay sasamantalahin ng PKP upang agresibong palawakin ang kasapian ng Partido, ibayong palakasin ang armadong rebolusyonaryong kilusan at patatagin ang pambansa-demokratikong pagkakaisa ng mamamayang Pilipino. Pinatatatag ng Partido ang rebolusyonaryong integridad at inisyatiba nito upang epektibo nitong mabuo ang pagkakaisa ng o makiisa sa iba�t ibang mga pwersa upang patalsikin ang naghaharing reaksyunaryong pangkating Estrada o pwersahin itong magbitiw sa poder.

 


 Back to topNext article

12 Nobyembre 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang krisis sa paghahari ng reaksyunaryong rehimeng Estrada
Editoryal:
Batiin ang ika-21 siglo at ang bagong milenyo nang may kapasyahang paigtingin ang rebolusyon

Hinggil sa mga batayan at espesyal na taktikal na opensiba
Ang unos ng paglaban sa globalisasyon
Ang lumalawak na imperyo ni Lucio Tan
Sa pag-upo ni Lacson bilang hepe ng PNP:
Paghasa sa pasistang pangil ng rehimeng US-Estrada

Tumitinding pasismo ng rehimeng US-Estrada
Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Tungkol sa diumano�y malawakang pagrerekrut ng BHB ng mga mandirigmang bata

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Ilang mahahalagang impormasyon

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Memorandum hinggil sa minimum na rekisitong edad para sa mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Pag-oorganisa ng mga bata sa kanayunan

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Ang miserableng kalagayan ng mga manggagawang bata sa Pilipinas

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Kontra-rebolusyonaryong karahasan laban sa mga bata sa kanayunan

Hinggil sa usapin ng nasyunalidad at karapatan sa pagpapasya sa sarili
Malawakang pagkilos para sa karapatang-tao, idinaos
Ang moro-morong negosasyon sa pagitan ng rehimeng US-Estrada at pangkating Tabara-dela Cruz
Di makataong pagtrato kay Ka Parago, kinundena
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.