Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ilang aral mula sa mga kamalian at kabiguan ni Misuari

 Read this article in English

Kabiguan ang kinahinatnan ng mahabang serye ng mga kamalian at oportunismo sa pamumuno ni Nur Misuari sa Moro National Liberation Front(MNLF). Kinatangian ito ng palasuko at walang kwentang pakikipagkasundo sa gubyerno, pagkalunod sa kabulukan ng reaksyunaryong sistemang pampulitika at, nang magipit dito, paghantong sa mga desperado at unsyaming mga aksyon.

Matapos mahiwalay sa loob mismo ng MNLF at sa mamamayang Moro, nagtangka si Misuari na makabawi sa huling sandali sa pamamagitan ng pagpapaatake nitong Nobyembre 20 sa kampo ng 104th Brigade ng AFP sa Jolo, Sulu. Bigo ang desperadong planong ito para mapigilan ang eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nagtapos sa kanyang pagiging gubernador.

Ang mga pwersa ng MNLF na dapat maaga pa at maayos sanang naiatras para sa seryosong pagbabalik sa armadong pakikibaka at pagtatakwil sa kasunduang anti-Moro ay nalustay lamang sa pagsabak sa kanila sa mga adbenturistang pag-atake. Napaghandaan ng AFP ang atake kaya minimum ang mga kaswalti sa panig nito. Isang malaking dagok ang pangyayari sa mga pwersa ng MNLF na pinamumunuan ni Misuari laluna�t mula sa hanay nila ang karamihan sa humigit kumulang 150 kaswalti sa labanang ito. Bigo rin ang pakikipaglaban sa AFP ng iba pang pwersa ng MNLF na naiwan ni Misuari sa Zamboanga at Maguindanao nang tumakas siya patungong Malaysia. Naunahan at nakumpiskahan ng mga armas ang iba pang pwersa ng MNLF sa Cotabato City. Umani rin sila ng galit ng mamamayan dahil sa kawalan ng pagsaalang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan at nang-hostage pa sila ng mahigit 160 sibilyan sa pagtakas.

Ang serye ng mga kabiguang dinanas ng paglaban ng MNLF sa ilalim ng pamumuno ni Misuari, na sumapit ngayon sa sukdulan, ay resulta ng istorikong panloloko at pang-aaping ginawa at patuloy na ginagawa ng reaksyunaryong rehimen mula pa noong panahon ng diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyan sa proseso ng pakikipagnegosasyon at pagbibigay-kunsesyon diumano sa mamamayang Moro na lumalaban sa gubyerno. Resulta rin ito ng naging palasuko at oportunistang patakaran at asal ni Misuari sa pakikipagkasundo at tuluyang pagsanib sa reaksyunaryong gubyerno sa anyo ng isang huwad na awtonomus na pamahalaang rehiyunal.

Dulot ng mga ito, matinding batikos ang inabot ni Misuari mula sa mga rebolusyonaryong pwersa. Nang makipaglokohan sina Misuari sa diktadurang Marcos sa pagbubuo ng Tripoli Agreement, humiwalay ang mga pwersa ng MNLF na nagnanais na tuluy-tuloy na isulong ang rebolusyong Bangsamoro at binuo nila ang MILF. Pagkatapos muling magpalinlang si Misuari sa rehimeng Ramos noong 1996, karamihan sa mga pwersa ng MNLF na nanatiling matapat sa adhikain ay lumipat na rin sa MILF. Habang tumatagal, nakikita ng iba pang pwersa ng MNLF at mamamayang Moro na ang pakikipagkasundo ng MNLF sa gubyerno ay walang ibinubungang bentahe sa kanila at sa kanilang pakikibaka laban sa pambansang pang-aapi at para sa pagpapasya-sa-sarili. Higit na malinaw nilang napagtatanto ang kabiguang kinasadlakan ng pakikibaka ng MNLF sa ilalim ng pamumuno ni Misuari.

Marami sa mga tumagal pang nanatili sa MNLF ang hindi nakatiis sa nakita nilang katiwalian at kabulukan ni Misuari. Nitong Abril 2001, pinatalsik ng Konseho ng 15 (o Komiteng Tagapagpaganap) ng MNLF si Misuari bilang tagapangulo sa pamamagitan ng "pagretiro" sa kanya patungong "chairman emeritus" o "tagapangulong pandangal". Pinagtibay ng Komite Sentral ng MNLF ang desisyong ito. Ayon sa resolusyong binuo ng Konseho ng 15, ganap na silang nawalan ng tiwala kay Misuari. Tinukoy nito ang kanyang "diktatoryal, arogante at mapanghating estilo ng pamumuno". Anang resolusyon, "Mula sa pagpirma sa kasunduang pangkapayapaan ng GRP at MNLF noong Setyembre 2, 1996 at pag-upo ni Misuari bilang gubernador ng ARMM at tagapangulo ng SPCPD, sa pangkalahatan ay wala siyang nakamit para sa kapakanan ng MNLF at ng mamamayang Bangsamoro."

Pumasok ang bagong pamunuan ng MNLF sa taktikal na alyansa sa MILF at nagbuo sila ng Unity Pact (Kasunduan ng Pagkakaisa) na nagbubukas sa magkasanib na paghawak ng MILF at MNLF sa kapangyarihan sa konteksto ng maaaring mabuong panibagong kaayusan para sa awtonomya ng Bangsamoro.

Nagsikap maghabol si Misuari sa dumadausdos na niyang kapangyarihan at prestihiyo. Ipinatawag niya ang Ika-4 na Kumperensya ng Mamamayang Bangsamoro sa Zamboanga City noong Abril 29-30. Sa porum na ito, idineklara niyang bumabalik na ang MNLF sa orihinal na layunin nitong magtayo ng isang hiwalay na Republikang Bangsamoro. Nagbitiw siya ng papuri sa tuluy-tuloy na paglaban ng MILF at sa pagdadala nito ng linya ng kasarinlan at pinalabas din niyang kalahok sa kumperensya ang mga pwersa ng MILF. Nagbanta siyang babalik sa armadong paglaban ang MNLF kung patuloy na mabibigo ang gubyerno ng Pilipinas na ipatupad ang Tripoli Agreement.

Inaasahan ni Misuari na katulad noong mga panahon ng rehimeng Ramos at rehimeng Estrada, patuloy niyang maaantala ang pagdaraos ng panibagong eleksyon sa ARMM sa pamamagitan ng pagbabanta sa gubyerno upang patuloy siyang payagang umupo bilang gubernador ng rehiyon. Subalit sinamantala na ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagpapatalsik sa kanya bilang tagapangulo ng MNLF, ang pagkitid ng personal na base niya at ang pagbagsak ng kanyang kapangyarihan at prestihiyo. Mas interesado na si Macapagal-Arroyo na gamitin ang ARMM para makakuha ng suporta sa kanyang reeleksyon sa 2004.

Gumawa ang rehimen ng iba�t ibang paraan para limitahan ang kapasidad ni Misuari na muling makapagmaniobra. Nireyd ng PNP ang bahay ng isa sa mga asawa niya at kinumpiska ang mga armas ng PNP na nakaimbak doon. Inakusahan din ng PNP si Misuari ng pag-iimbak ng armas sa Marawi at ng pagbabalak na maghasik ng gulo sa Zamboanga at Lanao del Sur. Ilang ulit na sadyang hinaras ng AFP at PNP ang mga pwersa ng MNLF na nasa pamumuno niya upang hamunin silang lumaban. At nabitag nga si Misuari sa pagsabak sa adbenturistang pag-atake at pagdanas ng malalaking pagkatalo ng malaking pwersa ng MNLF sa Jolo at mga kasunod pang labanan. Nawala na ang dating suporta sa kanya ng Malaysia at alanganin na rin ngayon ang suporta sa kanya ng OIC. Nitong Nobyembre 24, dinakip siya ng mga awtoridad ng Malaysia sa Jampiras, bandang Sabah, at ngayo�y nakakulong sa Malaysia.

Sa harap ng mahabang serye ng mga kamalian, kabiguan at oportunismong kinalubugan ng MNLF sa pamumuno ni Misuari, lalong tumaas at kuminang ang prestihiyo ng MILF bilang tagapamandila ng pakikibaka ng Bangsamoro laban sa pambansang pang-aapi at para sa pagpapasya-sa-sarili. Bunga ito ng patuloy na mahigpit na pagtataguyod nila sa mga saligang interes ng mamamayang Moro at sa kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili, determinadong pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagtangging magpalinlang sa hapag ng usapang pangkapayapaan o sumuko sa harap ng mga todong atake ng gubyerno.

May signipikanteng bilang pa ang mga naiwan ni Misuari sa paksyon niya sa MNLF. Katulad ng iba pang dating kasamahan nilang sumanib na sa MILF, malaking bilang sa mga ito ay nais pa ring magpatuloy sa pakikibaka laban sa pambansang pang-aapi at para sa pagpapasya-sa-sarili. Mainam kung sa gayong direksyon ang patutunguhan nila ngayon sa harap ng mga kabiguang pinagdalhan sa kanila ng naging bangkarote, oportunista at bigong pamumuno ni Misuari.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Ibayong isulong ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa!
Ilang aral mula sa mga kamalian at kabiguan ni Misuari
Mga punto hinggil sa itinakbo ng mga kasunduan sa pagitan ng MNLF at GRP
Kulang na kulang ang pagbaba ng presyo ng langis
Mga ulat koresponsal: Pagtindi ng militarisasyon sa TK
Kampanyang militar laban sa Abu Sayyaf: Naghahasik ng lagim sa Basilan
Ilang matitingkad na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa Basilan
Pinakamatitinding operasyong militar sa Cagayan Valley sa loob ng kalahating dekada
Paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Catanduanes: Nang masa�t Hukbo�y magkaisa
Ilang kwento sa likod ng mga taktikal na opensiba sa Bikol
Bagong papet na pasistang rehimen sa Afghanistan at ang estratehikong interes ng imperyalismong U.S.
Mga balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.