|
|
Para pabilisin umano ang rehabilitasyon ng Mindanao, humihingi ngayon si Estrada ng "emergency powers" sa reaksyunaryong kongreso. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, nais ni Estrada na ipagbawal ang mga welga upang bigyangpabor ang mga kapitalista sa anyo ng mga tax holiday at mga itatakdang insentibo sa mga "economic zone"� ilan sa mismong mga patakarang sanhi ng malawakang pagkawasak ng ekonomya ng bansa. Layunin nitong gawing paborable sa pamumuhunan (investor-friendly) ang Mindanao upang makaakit ng maraming kapitalistang dayuhan at lokal na samantalahin ang mayamang rekurso ng isla. Kabilang din sa mga dagdag na kapangyarihang nais ni Estrada ang pagsuspinde sa awtoridad ng mga korte na mag-utos ng pansamantalang pagtigil ng mga proyekto ng gubyerno kapag may mga tumututol dito. Ang paghingi ni Estrada ng naturang kapangyarihan ay higit na naglilinaw sa tunay na layon ng rehimen�ang alisin ang anumang balakid sa maka-imperyalista at kontramamamayang mga proyekto nito. Sabihin pa, tiyak na mas babagsik ang pagsupil sa sinumang tututol sa ganitong mga proyekto. Sususpindihin din ang implementasyon ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program upang lubusan nang hubarin ang anupamang nalalabing pagkukunwari na interesado ang reaksyunaryong gubyerno sa reporma sa lupa. Ayon sa panukalang Mindanao Rehabilitation and Development Act of 2000 (Senate Bill 2095), ang pakanang "emergency powers" ay ipatutupad ng bubuuing Mindanao Coordinating Council na pangungunahan ni Estrada, lalahukan ng Kongreso at ng hudikatura bilang mga "tagamasid", at kabibilangan ng limang kinatawan mula sa "pribadong sektor" na dili iba kundi mga kapitalista. Bukod sa awtoridad na magbalangkas ng mga patakarang katulad ng una nang nabanggit, ang nasabing konseho ay maaari ring pumasok sa mga kontrata para sa konstruksyon, pagkukumpuni, rehabilitasyon, pagpapahusay o pagmamantine ng mga planta ng kuryente, kalsada, at iba pang imprastruktura sa Mindanao. Malaking kurakutan ang maaasahan dito kagaya sa iba pang kontrata sa pagitan ng gubyerno at mga pribadong kontratista. Mas masahol, may balak pang gawing buong bansa ang saklaw ng "emergency powers" sa halip na Mindanao lamang. Masusuma mula sa mga nabanggit ang nais mangyari ni Estrada sa hinihinging dagdag na kapangyarihan. Nais nitong pahigpitin ang pasistang panunupil at lalo pang ibukas ang ekonomya ng bansa sa pandarambong ng mga imperyalista at pinapaborang malalaking kapitalista, sa kapinsalaan ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Sinasalamin ng paghingi ni Estrada ng "emergency powers" ang desperasyong iahon ang kanyang rehimen sa dinaranas nitong malubhang krisis sa paghahari. Ito ang nasa likod ng pinasisidhing pandarahas ng rehimen sa mamamayan. Ito rin ang dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagkukumahog ni Estradang ibukas ang pambansang ekonomya sa todong kontrol ng malalaking kapitalista. Ang pasista at maka-imperyalistang "emergency powers" ay higit na nagpapatibay sa batayan para patalsikin si Estrada. Kailangang puspusang labanan ang pakanang ito.
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|