Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagpaparami at pagpapalaganap ng Ang Bayan: Kumbinasyon ng kilusang masa at paggamit ng modernong teknolohiya

 Read this article in English

Sa pakikipanayam kamakailan sa ilang rehiyon, naibahagi ng mga kasama sa Ang Bayan ang ilang mga karanasan kaugnay ng pagpapahalaga sa AB at ng pagtanggap, pagpaparami at pamamahagi nito. Mula rito, nakitang mainit ang pagtangkilik ng mga kasama, masa at mga alyado sa AB. Sa kalakhan ay masigla ang gawain sa pagpaparami, pagpapalaganap at pag-aaral dito. Gayunpaman, ibayong mapapahusay ang gawain ng pagpaparami at pagpapalaganap ng AB kung mahaharap ang ilang problemang dapat lutasin. Sa layuning makahalaw ng mga aral, ilalahad rito ang mga karanasan sa gawaing ito ng iba�t ibang organo at yunit.


Mabilis na paglalabas at pagpapalaganap ng Ang Bayan sa pamamagitan ng internet. Mas madalas at mabilis ngayon ang paglalabas ng AB upang makasabay ang pampulitikang pamumuno ng Partido sa mabilis na kumpas ng mga pangyayari sa lipunan at rebolusyon. Tungo rito, mabisang nagagamit ang internet upang ang mga inilalabas na isyu ng AB at iba pa nating rebolusyonaryong propaganda ay kaagad na nakukuha saan mang dako ng bansa at daigdig na naaabot ng internet.

Kalakhan ng mga rehiyon at namumunong organo at maging ilan sa mga komite at istap sa antas ng prubinsya at larangan ay mayroon nang kakayahang kumuha ng sariling kopya mula sa internet. Kagyat nila itong napararami at naipamamahagi sa ibang yunit. Ilan na lamang ang umaasa sa lihim na linyang pangkomunikasyon ng Partido para sa mga kopya nila ng AB. Kahit sa mga ito, may direksyong paunlarin, hanggang sa antas ng mga larangan, ang kakayahan ng mga pwersa at yunit na gamitin ang internet sa maingat at ligtas na paraan.


Iba�t ibang paraan ng pagpaparami ng AB. Ang pag-iimprenta ng AB at iba pang rebolusyonaryong propaganda ay ginagawa sa iba�t ibang paraan batay sa kakayahan, rekurso at kalagayan ng mga yunit ng Partido, hukbong bayan at mga organisasyong masa. Napagkukumbina ng mga kasama at masa ang paggamit ng modernong paraan para sa mabilisan, maramihan at mataas na kalidad sa pagpaparami at ang paglulunsad ng kilusang masa para sa tiyak, ligtas at simpleng pagpaparami ng kahit maliit na yunit sa pinakabatayang antas. Pinararami ang AB sa pamamagitan ng v-type, makinang mimeograph, photocopier, computer printer at mga imprentang offset at digital duplicator (mas kilala bilang Riso).

Sa Kabikulan, samantalang may ilang yunit na gumagamit na ng abanteng paraan sa pag-iimprenta, v-type at makinang mimeograph ang pangunahing ginagamit upang paramihin ang AB, Silyab (rehiyunal na rebolusyonaryong pahayagang masa) at iba pang rebolusyonaryong propaganda. Ang v-type ay binubuo ng silkscreen na inunat sa kwadrong kahoy at ginagamit sa pamamagitan ng manwal na paghagod ng tinta sa istensil na ikinakabit dito. Dahil karamihan sa mga yunit ng BHB sa rehiyon ay may kakayahan at rekurso para sa ganitong sistema ng pag-iimprenta, ang tungkulin sa pagpaparami ay mabisa at mabilis na nagagampanan sa malawak na hanay ng organisasyon at nagreresulta sa dami ng kopyang sapat para sa Partido, mga yunit ng BHB at organisadong masa.

Susi sa pagpaparami ng AB at iba pang rebolusyonaryong propaganda sa pamamagitan ng ganitong teknolohiya ang masiglang partisipasyon ng masa. Kalakaran na ang pagtutulungan ng hukbo at masa sa iba�t ibang bahagi ng pagpaparami ng mga nakasulat na propaganda. Mula ito sa pagbili ng mga suplay, aktwal na paghahagod, pagtiyak sa seguridad habang nag-iimprenta, hanggang sa pamamahagi ng mga babasahin sa mga kasama at pwersa ng hukbong bayan, masa at mga alyado. Malaki ang naitutulong ng mga guro, mga propesyunal at iba pang nag-uupisina na nakatira sa kanayunan sa pagbili ng papel, istensil at tinta at sa paghiram ng makinang mimeograph sa mga paaralan.

Sa ibang rehiyon, pinararami ang AB at iba pang rebolusyonaryong babasahin sa pamamagitan ng mga komersyal na imprentang offset na pag-aari ng mga alyado o pinatatakbo ng mga organisadong manggagawa. Sa isang rehiyon, may lambat ng mga imprentang salit-salitang ginagamit ng mga kasama. Sa pamamagitan ng ganitong sistema, mas mabilis ang pagpaparami at natitiyak na mas malinis at kaiga-igayang basahin ang mga kopya. Marami na ring rehiyon ang gumagamit ng digital duplicator.

Sa kalunsuran ng karamihan ng mga rehiyon, karaniwan ang paggamit ng makinang mimeograph, photocopier at computer printer. May ilang gumagamit na rin ng imprentang offset at digital duplicator para sa sa maramihang pag-iimprenta. Pinararami rin ng mga indibidwal na kasapi ng Partido, mga alyado at kaibigan ang mga rebolusyonaryong babasahin sa pamamagitan ng mga photocopier o computer printer sa kanilang mga upisina o eskwelahan. Ipinamamahagi ito nang paisa-isa sa kanilang mga kaibigan, kaklase o kaupisina.


Mabilis na pamamahagi ng mga kopya ng AB sa mga sonang gerilya. Sa pamamagitan ng malawak at masiglang kilusang masa, matagumpay na nakapagbreyktru ang isang rehiyon sa suliranin ng mabagal na sentralisadong pamamahagi ng mga kopya ng AB at lokal na rebolusyonaryong pahayagan sa batayang antas ng Partido, hukbong bayan at mga organisasyong masa. Mula sa mga unang binabagsakan ng mga kopya mula sa imprenta, isinasabalikat ng mga aktibistang masa ang buong gawain sa pagtitiyak na ligtas at mabilis ang pagpaparsela, pagbibyahe at pamamahagi ng libu-libong kopya ng mga rebolusyonaryong pahayagan hanggang makaabot ang mga ito sa lahat ng mga yunit ng Partido at hukbong bayan sa mga prubinsya, larangan at seksyon at sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa mga kinikilusang baryo. Maging ang paghahatid sa mga kopya nito sa mga alyado at masmidya ay isinasabalikat ng mga aktibistang masa. Marami ring mga drayber at konduktor ng mga sasakyang pampasahero ang naaasahan sa pag-iingat, pagbibyahe at paghahatid ng mga parsela. Sa loob lamang ng tatlong araw, agad na natatapos ang buong proseso ng pamamahagi.

Mahalagang mapag-aralan ng iba�t ibang rehiyon ang karanasang ito upang makita kung paano makapagpapatupad ng katulad nito ayon sa kani-kanilang kalagayan.


AB, materyal para sa pag-aaral. Mainit ang pagtangkilik sa AB bilang mahalagang kasangkapan sa pag-aaral sa pagsusuri at paninindigan ng Partido sa mga tampok na isyu at gabay sa pagkilos ng mga kasama at rebolusyonaryong masa.

Regular na aktibidad ng mga yunit ng hukbo ang pormal na pag-aaral ng buu-buong isyu o kaya�y mga piling artikulo ng AB. Nagsisilbing instrumento ang AB sa konsolidasyon ng Partido hanggang sa batayang antas. Sa pamamagitan ng mas madalas ngayong paglalabas (buwanan), higit na nakapagsisilbi ang AB sa pagsubaybay at pagsusuri ng mga mambabasa sa mga isyu at takbo ng pulitika sa bansa at mga pangyayari sa daigdig. "Damang-dama ang pamumuno ng Partido sa rebolusyon at sa kilusang masa, at nagsisilbi itong giya sa mga kasama," anang ibang kasama.

Tinukoy din ng mga kasama na nakapagpasigla at nakapagpadali ng pagbabasa ang mas kaiga-igayang presentasyon ng AB. Inihalimbawa nila ang pag-igsi ng mga artikulo, pag-igsi ng mga pangungusap at pagiging ilustratibo at kawili-wili ng mga drowing.

Sa rehiyong Ilokos-Kordilyera, ang AB ay ginagamit din bilang materyal para sa mga pagsasanay sa literasiya ng mga kasama. Pinapipili ang mga estudyante ng gusto nilang artikulo at ito ang ginagamit sa pagsasanay. Ang mga drowing ay ginagamit naman ng maraming instruktor bilang biswal sa iba pang mga pag-aaral.

Sa parehong rehiyon, palaging tinitiyak ng mga organong teritoryal na ang mga guro sa teritoryong saklaw nila at kanugnog na puting purok ay nabibigyan ng mga kopya ng AB. Ginagamit ng mga guro ang AB bilang sanggunian sa pagtuturo. Madalas na ring natatagpuan ang mga kopya ng AB sa mga silid-aklatan ng ilang paaralan.


Pagpapalaganap ng mga nilalaman ng AB sa mga lokal na istasyon ng radyo at lokal na pahayagan. Sa Cagayan Valley, ang ilang mga artikulo sa AB ay buung-buong ibinobrodkas sa ilang istasyon ng radyo na napakikinggan sa malawak na bahagi ng Hilagang Luzon at maging sa buong bansa. Tampok dito ang pagpapalaganap sa lokal na radyo ng espesyal na isyu ng AB noong Hulyo tungkol sa pagpapataw ng parusang kamatayan sa pasistang si Col. Rodolfo Aguinaldo. Buu-buo itong sineryalisa sa Bombo Radyo at isinahimpapawid sa lahat ng mga istasyon nito sa buong Pilipinas.

Bukod rito, may dalawa pang lokal na pahayagan na pana-panahong naglalathala ng mga buu-buo ring artikulo mula sa AB at mga pahayag mula sa iba pang pambansa at panrehiyong organo ng Partido Komunista ng Pilipinas.

 


Previous articleBack to topNext article

Oktubre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pag-ibayuhin ang mga rebolusyonaryong pagkilos sa harap ng gerang agresyon ng US at ng tumitinding reaksyon
Ang digmang agresyon ng US sa Afghanistan
Ano ang Northern Alliance?
Tuluy-tuloy ang protesta sa Pilipinas laban sa digmang agresyon at reaksyon
Nagngingitngit na galit laban sa gubyernong US at UK
Mga Ulat Koresponsal: Mga suliranin ng mga magsasaka�t manggagawang bukid sa mga niyugan sa Kabikulan
Mga Ulat Koresponsal: Mga pakikibaka ng mamamayan laban sa Lepanto Mines
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo sumusulong sa Cagayan Valley
Mga Ulat Koresponsal: Paglalabas ng Kalatas habang nasa gawaing masa
Sagot sa tuluy-tuloy na atake ng kaaway sa Gitnang Luzon: Puspusang pagtangan at pagpapakahusay sa pakikidigmang gerilya
Pagpaparami at pagpapalaganap ng Ang Bayan: Kumbinasyon ng kilusang masa at paggamit ng modernong teknolohiya
Pananalanta ng pasistang estado: Mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao (Hulyo-Oktubre 2001)
Naghuhuramentado ang mga terorista at mersenaryong AFP at PNP ni Macapagal-Arroyo sa kanayunan:
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.