Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sunud-sunod na pandarahas sa mga lider ng ligal na demokratikong kilusan

 Read this article in English

Sa pagnanais ng rehimen at militar na patahimikin ang lumalakas na paglaban ng mga demokratiko at progresibong pwersa, sunud-sunod na isinagawa ang sistematikong pagpaslang at panghaharas sa mga lider at kasapi ng iba�t ibang organisasyong masa at partido. Mula noong Enero, umabot na sa 26 ang biktima ng pasistang karahasan.

Pinakahuling biktima si Victor Concepcion, coordinator ng Anakpawis at pangkalahatang kalihim ng Aguman deng Maglalautang Capampangan, lokal na organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Binaril siya noong gabi ng Marso 17 habang nagpapahinga sa kanyang bahay sa Angeles City.

Bago ito, binaril at napatay si Joel Reyes, drayber ng traysikel at organisador ng Anakpawis sa Jose Panganiban, Camarines Norte nitong Marso 16. Tinuligsa ng Anakpawis ang 902nd IBde at 31st IB na tinukoy na responsable sa pamamaril.

Nitong Marso 14, binaril sa Tacloban City si Atty. Felidito Dacut, 51, regional coordinator ng Bayan Muna sa Eastern Visayas. Si Attorney Dacut ay nakasakay sa dyip nang barilin siya isang kilometro lamang ang layo sa upisina ng Bayan Muna. Maaalalang pinaslang din sa Tacloban ang regional coordinatorng Anakpawis na si Samuel Bandilla noong Oktubre 15, 2004.

Nito namang Marso 13 sa Barangay Guevarra, La Paz, Tarlac, binaril at napatay si Fr. William Tadena samantalang malubha namang nasugatan ang dalawa niyang kasamahan. Si Fr. Tadena, 37, pari ng Philippine Independent Church (PIC) ay aktibo sa Bayan Muna at Anakpawis at kilalang tagasuporta ng mga manggagawa sa Hacienda Luisita.

Matatandaang pinagbabaril ang isa pang pari ng PIC na si Fr. Allan Caparro at ang kanyang asawang si Aileen noong Pebrero 18 sa Abuyog, Leyte. Si Fr. Caparro ay pangalawang tagapangulo ng Promotion of Church People�s Response sa Eastern Visayas. Sugatan kapwa ang mag-asawa.

Nitong Marso 3, binaril din at napatay si Konsehal Abelardo Ladera ng Tarlac City, isa ring myembro ng Bayan Muna at tagasuporta ng mga mangggagawa sa Hacienda Luisita.

Binaril din at napatay si Ernesto Bang sa kanyang tahanan sa Barangay Malangkaw Basud, Labo, Camarines Norte nitong Marso 10. Si Bang ay public information officer ng tsapter ng KMP sa prubinsya.

Nitong Marso 9, binaril at napatay sa harap ng palengke sa Baguio City si Romeo Sanchez, regional coordinator ng Bayan Muna sa Ilocos. Galing si Sanchez sa isang kumperensya ng mga tumututol sa malawakang pagmimina sa rehiyon.

Nitong Marso 7, dinukot ng mga sundalo ng Philippine Army si Mer Dizon, tagapangulo ng Anakbayan sa Zambales. Nakakulong siya ngayon sa provincial jail ng Iba.

Halos 20 araw nang nawawala si Danny Macapagal, dating secretary-general ng Bayan-Nueva Ecija at kasalukuyang coordinator ng Bayan Muna sa prubinsya. Dinukot siya sa harap ng kanyang tahanan sa Cabanatuan City noong Marso 3. Apat pang aktibista ang dinukot sa Nueva Ecija noong araw ding iyon. Wala pa ni isa sa kanila ang natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.

Bago ito, apat na myembro ng Gabriela Women�s Party ang dinakip ng mga sundalo sa Sampaloc, Quezon noong Marso 1. Ilang araw na ikinulong sa himpilan ng PNP sa Sampaloc sina Miralyn Gamba, Leonila Manalo, Nancy Elle at Aileen Ramos at pinaratangang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.

Noong Enero at Pebrero, 12 aktibista ang pinaslang, lima ang dinukot at apat ang hinaras ng mga pulis at militar sa mga prubinsya ng Pampanga, Bataan, Nueva Ecija at Aurora.

Dinukot at pinatay sa Masantol, Pampanga noong Pebrero 18 si Roger Viray, pangalawang pangulo ng Pamalakaya-Bulacan. Pinatay naman sa Balanga, Bataan noon ding Pebrero 18 sina Rodel Pelayo at Joey Abraham, parehong kasapi ng Central Luzon Aeta Association. Si Renato Espino, isang manggagawa at coordinator ng Anakpawis ay pinatay din noong Pebrero 18 sa Mexico, Pampanga. Si Rodrigo Lampa, Bayan Muna coordinator, ay pinatay noong Pebrero 16 sa Guagua, Pampanga. Sa Guagua rin pinaslang ang mag-amang sina Noel at Nicanor Garcia, kapwa mga myembro ng KMP.

Kabilang pa rin sa mga sinalbeyds sina Crispin Amazona, na dinukot noong Pebrero 14 at natagpuang patay kinabukasan sa Dingalan, Aurora; at Felino Briones na pinaslang noong Enero 25. Nawawala naman si Esteban Pastor, na dinukot noong Pebrero 11 sa San Luis, Aurora.

Samantala, inilantad ni Atty. Romeo Capulong, pangunahing abugado ng National Democratic Front at husgado ng espesyal na korte ng United Nations na pinagtangkaan ang kanyang buhay noong Marso 7. Punong konsultant din ng mga welgista sa Hacienda Luisita si Attorney Capulong. Ayon sa kanyang salaysay, isang van na may lulang dalawang lalaki ang nagtungo sa kanyang bahay sa Nueva Ecija. Biglang umalis ang van nang mag-alerto ang mga gwardyang nagbabantay kay Attorney Capulong. Bago ito, aniya, ilang araw nang minamanmanan ang kanyang bahay ng mga taong nagpapanggap na mga manininda.

Malinaw sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan na ang rehimeng Arroyo ang may kagagawan sa panibagong serye ng karahasan laban sa mga kilalang progresibong indibidwal.

Nagbabala ang negotiating panel ng National Democratic Front na tuwiran nitong isasara ang pakikipagnegosasyon sa rehimeng US-Arroyo kung patuloy na isasapanganib ng rehimen ang buhay ni Attorney Capulong. Malaon nang pinag-iinitan ng mga lantarang pasistang upisyal ng rehimen sina Capulong at mga upisyal ng mga progresibong organisasyon at partido dahil sa pagsuporta nila sa welga sa Hacienda Luisita.

Ilang linggo lamang bago ang pagpaslang kay Konsehal Ladera, naglabas ang AFP Northern Luzon Command (Nolcom) ng listahan ng kunwa�y mga operatiba ng PKP at BHB sa hayag na kilusang masa. Katawa-tawa silang pinaratangang responsable sa walang pakundangang pangmamasaker ng militar at PNP sa mga welgista ng asyenda noong nakaraang taon. Bago ito, idineklara ni Gloria Arroyo ang welga sa asyenda bilang �usapin ng pambansang seguridad.� Isa itong pang-uupat sa militar na maglunsad ng walang habas na pang-aatake sa ligal na demokratikong kilusan.

Hindi nalalayo ang kampanyang pandarahas na ipinatutupad ngayon sa iba�t ibang bahagi ng bansa sa mga karumal-dumal na taktikang ginamit ng mga berdugong militar sa Mindoro sa nakaraang mga taon.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Marso 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang terorismo ng rehimeng US-Arroyo

Sunud-sunod na pandarahas sa mga lider ng ligal na demokratikong kilusan
Palparan, naghahasik na ng pasistang dahas sa Eastern Visayas
Mga asasinasyong pulitikal, tatak ng US
Matagumpay na pagbubuo ng balangay ng PKM
Karanasan sa Nueva Ecija:
Paglutas sa mga usapin sa hanay ng mamamayan

Pagbubuntis sa loob ng hukbong bayan
Imperyalistang pagtotroso at pagmimina, lalabanan
Rubout sa Bicutan
Presyo ng langis, sunud-sunod ang pagtaas
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.