Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Santambak na kasinungalingang pseudo-repormista

 Read this article in English

Sagot sa bayad na patalastas ng ilang elemento ng CBCP-NASSA kaugnay ng PTC

1. Ang mga utak ng bayad na patalastas ng CBCP-NASSA sa isyu ng 16 Abril ng PDI ay ang mga pekeng social democrat at mga nagpapanggap na repormista na ang tunay na pakay ay anti-komunistang pang-iintriga. Nag-aasta silang repormista para lamang ipagtanggol ang bulok na sistema at pasistang estado. Ang mga pinuno nila ang nasa tuktok ngayon ng National Security Council at National Intelligence Coordinating Agency at mga makapangyarihang ahensya sa gabinete at Malakanyang. Lantad silang nangunguna sa pagtutulak ng total war at pasistang witch hunt ng AFP-PNP at direktang kakutsaba ng mga eksperto sa saywar at pasistang berdugo ng AFP-PNP, laban sa rebolusyonaryong kilusan.

May mga nakapirma sa bayad na patalastas na maaaring ipagpalagay na walang masamang intensyon at malamang na natangay lamang ng mga intriga, kasinungalingan at disimpormasyon laban sa BHB. Sinisikap natin silang abutin at paliwanagan. Kaalinsabay, kailangang linawin sa publiko ang mga isyung ibinabato at binabaluktot ng bayad na patalastas. Batid din natin na may ilang pagkakamali at pagkukulang kaugnay ng ilang aksyong militar na nasasangkalan ng mga eksperto sa saywar ng AFP-PNP para mang-upat ng isteryang anti-terorista laban sa BHB.

2. Ang bayad na patalastas ay nagbibigay ng mga propaganda pointers para sa mga reaksyunaryong burukrata at NGO laban sa PTC ng BHB. Ang mga nasabing punto sa kabuuan ay nagtutulak ng Ultra-Kanang mga pananaw tungkol sa usapang pangkapayapaan at lubhang demagohikong nagbubunton ng sisi sa BHB para sa talamak na korupsyon at kabulukan ng reaksyunaryong eleksyon at reaksyunaryong pulitika, at pati sa labis-labis na laki ng agwat sa kabuhayan ng mga mayaman at maralita.

Sinasamantala ng bayad na patalastas ang mga ilusyong burgis at petiburgis kaugnay ng reaksyunaryong eleksyon at sinasakyan ang buhos ng mga intriga at pambabaluktot laban sa BHB mula sa pabrika ng mga balita sa Kampo Aguinaldo�para mangalap ng suporta sa pagpapaigting ng total war at pasistang panunugis ng AFP-PNP. Base sa kasalukuyang realidad ng bansa, hindi rin nalalayo ang pagbibigay-matwid at pagsuporta sa sigeng pinaiigting na interbensyong militar ng US.

3. Pundamental na paninindigan ng BHB sa reaksyunaryong eleksyon. Ang BHB ay hindi lumalahok sa reaksyunaryong eleksyon. Walang pasubaling pinatutunayan ng buong kasaysayan ng papet na republika at ng ibayong sumasahol na realidad sa sosyo-ekonomya at pulitika na hindi makakaasa dito ang sambayanan ng tunay na solusyon sa napakalalang krisis at mga pundamental na problema ng bansa. Ang reaksyunaryong eleksyon ay prosesong pulitikal na mahigpit na kontrolado mula umpisa hanggang katapusan ng imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryong kakutsaba nito. Lubos ang pagkontrol nila sa mga pangunahing pinagmumulan ng pondong pangampanya, sa mass media, mga tuntunin at makinaryang burukratiko, mga pinakamalakas na reaksyunaryong partido, at iba pang pinakamahalagang kasangkapan para tiyakin ang panalo sa reaksyunaryong eleksyon. Lagi pang nakaantabay ang makinarya sa panlilinlang at pandarahas ng reaksyunaryong estado para labanan at sagkaan ang impluwensya at panalo ng mga tunay na progresibong kandidato.

Gayunman, iginagalang ng BHB ang karapatan at pagsisikap ng mga ligal na progresibong pwersa na lumahok sa reaksyunaryong eleksyon para samantalahin ang anumang puwang doon�gaanuman kaliit o kalimitado�para isulong ang mga adhikain at kapakanan ng sambayanan. Napakalaki ang mga disbentaheng hinaharap nila, napakalaki at napakarami ng kalamangan sa kanila ng mga pwersang reaksyunaryo at pro-imperyalista.

Nagsisikap din ang rebolusyonaryong kilusan na samantalahin ang lahat ng pagkakataon para isulong ang mga adhikain at pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista. Alinsunod dito, handa itong makipagkasundo at makipagtulungan sa lahat ng pwersa at elementong mapagkaibigan kahit panandalian, para maisulong ang pakikibakang bayan at kumuha ng mga pakinabang para sa mga rebolusyonaryong pwersa, baseng masa at kilusang masa.

Mulat din ang rebolusyonaryong kilusan sa pagsamantala ng lahat ng pagkakataon, maging ang mga alitan ng mga reaksyunaryo, para labanan, ihiwalay at pahinain ang mga pinakamasahol na reaksyunaryo, na pinakamalaki ang kasalanan at pamiminsalang ginagawa sa kapakanan ng bansa, sambayanan at rebolusyon.

4. Pahirap sa mga kandidatong mahirap? Malaking kabulastugan ang pantasyang nilulubid ng bayad na patalastas na may malayang kumpetisyon ng mga kandidatong mayaman at mahirap sa reaksyunaryong eleksyon, bagay na ginugulo raw ngayon ng BHB.

Matagal bago pa man ang panahon ng kampanya, ang mga pangunahing reaksyunaryong paksyon, ang mga pinakamakapangyarihan at pinakamakwartang paksyon, angkan, burukrata at pinansyer (lehitimo man o hindi) sa iba't ibang antas ay kumikilatis, pumipili at naghahanda na ng kanilang mamanukin sa reaksyunaryong eleksyon. Sa pilian pa lang ng kandidato at pagbubuo ng tiket ng mga pangunahing partidong namamayani sa reaksyunaryong pulitika, sarado na ang pinto sa mga kandidatong maralita at laluna sa mga kandidatong makamaralita. Ito ang realidad sa reaksyunaryong pulitika at reaksyunaryong eleksyon mula ibaba at lalo pa sa mas mataas na mga antas. Isang anomalya sa reaksyunaryong pulitika ang maralitang kandidato sa munisipalidad pataas.

Pero kung sakali man at may kandidatong maralita o "walang kakayahang magbayad" na tumatakbo sa anumang pwesto sa reaksyunaryong eleksyon, makatitiyak siya o sila na ang BHB o mga patakaran nito ang pinakamaliit na dapat niyang problemahin sa pagbangga sa mga kandidatong pinili, suportado at pinopondohan ng mga namamayaning reaksyunaryong paksyon.

Kumpara sa daan-daang milyong ibinubuhos ng mga reaksyunaryong partido at pulitiko sa eleksyon sa munisipalidad pataas, ang access fee o PTC ng BHB ay kakarampot lamang. Mas mahalaga sa pananaw ng BHB ang tanda ng paggalang at pagpapasintabi sa rebolusyonaryong kapangyarihan sa mga sona at baseng gerilya. Ang mga sona at baseng gerilyang ito ay naipundar sa pamamagitan ng buhay-at-kamatayang pakikibaka at di matatawarang mga sakripisyo ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa. Mas mahalaga rin para sa BHB ang oportunidad na makipag-usap sa lahat ng handang makipagkaibigan o makipagmabutihan at mangalap ng suportang walang kundisyon para sa kapakinabangan ng BHB, baseng masa at kilusang masa.

Ang pasya ng BHB sa mga kahilingan sa permisong makapangampanya sa mga sona at baseng gerilya nito ay hindi solo ni pangunahing nakabatay sa halagang ibinabayad. Di hamak na mas matimbang ang kahandaang gumalang at makipagmabutihan hindi lamang sa rebolusyonaryong pwersa kundi higit pa sa mamamayan sa lugar. Kaugnay nito, pinaninindigan ng BHB ang karapatang pigilin ang sinumang nais gumalugad sa mga sona at baseng gerilya nito para lamang magkalat ng lason at poot, mang-espiya at manabotahe laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga pumapasok sa mga sona at baseng gerilya nang walang pakundangan at bukod pa'y nagdadala ng mga armadong escort na goons o pasistang militar ay ipinapalagay na may masamang intensyon at tama lamang na harapin ng nababagay na armadong aksyon ng BHB.

5. Paghadlang sa karapatan sa impormasyon ng mamamayan sa mga sona at baseng gerilya? Ang karaniwang mamamayan sa mga sona at baseng gerilya ng BHB, kumpara sa ibang bahagi ng bansa, ay di hamak na mas maalam at mas malalim na nakauunawa sa tunay na kalagayan ng lipunan, mga pangunahing isyu, at tunay na katangian at interes ng mga pangunahing pwersang pulitikal sa bansa. Hindi galing sa tuwing ikatlong taong mga sarswela at buladas ng mga nangangampanyang reaksyunaryong kandidato ang ganitong kaalaman nila, kundi sa mulat na paglahok sa mga pakikibakang bayan at walang pagod na edukasyong pampulitika at pag-oorganisa ng mga samahang masa, organo ng kapangyarihang pampulitika, komite ng NDF at mga yunit ng BHB. Ang karaniwang mamamayan sa mga sona at baseng gerilya ng BHB ay di hamak na mas matalas na nakakakilala sa tunay na mga nagtataguyod sa kapakanan ng sambayanan at sa mga kinatawan at tagapagtanggol ng mga dayuhan at lokal na mapagsamantalang uri. Pinatutunayan nila ito hindi lamang at hindi pangunahin sa kung ano ang isinusulat sa balota sa mga reaksyunaryong eleksyon, kundi sa pakikipaglaban sa sari-saring pwersang nagtatangkang manghuthot, mang-api at manlinlang sa kanila. Ang mamamayang mangmang at hindi pukaw ay hindi pwedeng magrebolusyon. Obligadong mag-aral at matuto ang mamamayan sa mga sona at baseng gerilya ng BHB dahil kailangan nila ang armas ng kaalaman para pangalagaan ang kanilang pagkakaisa at labanan ang walang humpay na mga intriga at disimpormasyon, mga pananakot at panggigipit, at walang-awang mga pananalakay ng mga pasistang tropa ng AFP-PNP-CAFGU.

6. Pagpapalala sa korupsyon? Matinding parusa sa masa ng sambayanan ang walang patumanggang korupsyon at kabulukan na lumulukob mula ulo hanggang paa sa burukrasyang sibil at militar ng reaksyunaryong gubyerno. Salungat sa pagpapalabo ng bayad na patalastas ng CBCP-NASSA, ang tunay na nasa kaibuturan ng kabulukang ito ay ang labis na panghuhuthot ng mga mapagsamantalang uring dayuhan at lokal, ang lubhang parasitikong pananaw at gawi ng mga reaksyunaryong naghahari sa tuktok ng sistemang pampulitika at pang-ekonomya, at ang tusong pagmanipula ng imperyalismong US sa kasakiman at pagkapapet ng mga lokal na naghaharing uri para pikit-matang mapasunod ang reaksyunaryong gobyerno sa anumang dikta ng Washington at mga internasyunal na ahensyang kontrolado nito gaya ng IMF-WB-WTO. Nagmamalinis ang imperyalismong US tungkol sa korupsyon pero sila mismo ang nag-uudyok at pinakamalaking nakikinabang dito. Ang mga ito ang nasa likod ng pagalagwa ng korupsyon sa reaksyunaryong gubyerno sa panahon ni Marcos, gayundin sa lalo pang pagsahol nito sa panahon ni Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Sukdulang batak ng lohika at imahinasyong socdem ang isisi sa kakarampot na singil sa PTC ang daan-daang bilyon taun-taon na nalulustay sa pondong publiko bunga ng talamak na korapsyon at kabulukan-huwag nang kwentahin pa ang ibang pinsalang dulot ng labis-labis na pagbaluktot at pagsalaula sa mga patakarang pambansa.

Pinakamahaba at pinakamasugid ang rekord ng mga pwersang rebolusyonaryo at progresibo sa pagbaka sa korupsyon at mga bulok na pulitiko. Sari-saring panunupil at pangaabuso ang sinuong nila para labanan ang mga pinakamalaking mandarambong mula kay Marcos hanggang kay Estrada at hanggang kay Jose Pidal. Kahit nakikipagkompromiso o nananahimik na ang iba, ang mga ligal na progresibong pwersa sa pamamagitan ng kilusang protesta at iba pa, ay matatag at walang pagod na nagpapatuloy sa paglaban para papanagutin sa hustisya ang mga mandarambong na gaya ni Marcos at Estrada. Ginagawa rin ng mga iligal na rebolusyonaryong pwersa ang lahat ng makakaya para usigin at papanagutin ang mga pinakamalalaking mandarambong. Isang patunay ang tuluy-tuloy na malaking timbang na ibinibigay ng NDFP sa usaping ito sa paghahanay ng mga problemang dapat harapin ng usapang pangkapayapaan ng NDFP at GRP.

Kaugnay nito, ano ang gustong ipagmalaki ng mga pekeng socdem at mga pekeng repormista, ng mga promotor at benepisyaryo ng multibilyong raket sa PEACe bonds, ng mga burukratang civil society na nagpapakasasa sa mga pusisyon at pribilehiyong ipinabor sa kanila ng rehimeng Macapagal-Arroyo at iba pang reaksyunaryong rehimen mula kay Aquino, at ngayo'y kabilang sa mga pinakanag-uulol na tagapagtanggol ng bulok na sistemang reaksyunaryo at estadong papet at pasista?

7. Ano ang totoong pinakamalaking hadlang sa pagabante ng usapang pangkapayapaan? Ipinapangalandakan ng bayad na patalastas na ang paghahangad daw ng NDFP na magawaran ng status of belligerency ang pinakamalaking hadlang sa pag-abante ng usapang pangkapayapaan. Ito rin ang matagal nang sinasabi ng mga militarista at mga pekeng socdem na pareho ang pangarap na mapasurender o di kaya'y kumpletong madurog ang armadong rebolusyon. Sa katunayan, ang obsesyon ng mga militarista at pekeng socdem sa pagpapasurender o di kaya'y todong pagtugis at pagdurog sa mga rebolusyonaryong pwersa ang nasa likod ng mga pinakamalalaking pagkaantala at gusot sa pagsulong ng usapang pangkapayapaan. Udyok ng mga militarista sa pamumuno ni Angelo Reyes ang arbitraryong pagtalikod ni Estrada sa usapang pangkapayapaan pagkatapos niyang pirmahan ang CARHRIHL, kasunod ang pag-uutos ng all-out-war laban sa rebolusyonaryong kilusan. Udyok ng mga militarista at mga pekeng socdem ang arbitraryong pagsuspindi ni Macapagal-Arroyo sa usapang pangkapayapaan nang mahigit dalawang taon sa pagaakala nilang pwedeng sindakin ang NDFP ng gerang anti-terorismo ni Bush at interbensyong militar ng US.

Ang usapang pangkapayapaan sa katunayan ay matagal nang umabante nang lampas sa usapin ng pagsuko ng NDFP. Sa The Hague Joint Declaration pinagkasunduan ang usapang pangkapayapaan base sa pangkalahatang balangkas ng mga prinsipyo ng pambansang soberanya, demokrasya at hustisya sosyal na tinatanggap ng magkabilang panig. Pinagkasunduan din ang pag-iwas sa anumang prekundisyong sisira sa likas na katangian at layunin ng negosasyong pangkapayapaan. Sa kasalukuyan, hinaharap sa usapang pangkapayapaan ang usapin sa implementasyon ng CARHRIHL, ang unang komprehensibong kasunduan sa pagitan ng dalawang Partido, at ang pag-abante sa mga usapin ng mga pundamental na reporma sa sosyo-ekonomya. Lubhang kaduda-duda, kung gayon, ang adyendang nasa likod ng tangka ng bayad na patalastas ng CBCP-NASSA na muling palakihin ang usapin diumano sa status of belligerency ng NDFP. Ito ay malinaw na panibagong tangka para pihiting paatras ang usapang pangkapayapaan at ibalaho na naman ito sa usaping pinakamalapit sa puso ng mga militarista at pekeng socdem�ang paghingi sa pagsurender ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Hindi maitatatwa ang pag-iral ng dalawang hukbo at dalawang magkahiwalay na kapangyarihang pampulitika sa bansa: ang papet at reaksyunaryong GRP at AFP sa isang panig, at ang rebolusyonaryong kapangyarihan at hukbong bayan sa kabila. Ang layunin ng usapang pangkapayapaan sa pagitan nila ay ang paghahanap ng mga puntong katanggap-tanggap sa magkabilang panig tungo sa ikalulutas ng mga pundamental na suliraning pambansa at panlipunan na ugat ng armadong labanang sibil, bukod sa pagsubok na magkasundo sa paglutas ng mga suliranin at usapin na magdudulot ng kagyat nang pakinabang sa sambayanan.

 


 Back to topNext article

19 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Santambak na kasinungalingang pseudo-repormista
Sagot ng NDFP negotiating panel sa bayad na patalastas ng CBCP-NASSA
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.