Agresibong palawakin ang kilusang manggagawa!
Habang patuloy ang paglubog ng ekonomya sa walang katapusang krisis, lalong lumalaki ang pangangailangan para sa malakas at malawak na kilusang masa upang salagin ang epekto nito sa mamamayan. Sa kalunsuran, susi rito ang paglawak ng militanteng kilusang manggagawa at kanilang mga unyon. Paborable sa pagmumulat at pagpapakilos ng milyun-milyong manggagawa ang kasalukuyang krisis pang-ekonomya. Ngunit dala rin nito ang malawakang tanggalan, pagsasara ng mga pabrika at pagkabuwag ng mga nakatayo at naitatayong mga unyon. Kung kaya't hindi lamang mahalaga ang pagpaparami ng mga militanteng unyon, kailangang agresibo at mabilis itong isagawa upang tugunan ang mga hamon ng panahon.![](../../angbayan/images/040907/klsmggw.gif)
Halos 10% lamang sa 36 milyong manggagawa ang mayroong unyon. Napakaliit na porsyento lamang sa mga unyong ito ang mayroong mga collective bargaining agreement at mas maliit pa ang maituturing na bahagi ng militanteng kilusang unyon.
Sa ilalim ng maka-kapitalista at mapaniil na batas paggawa ng bansa, napakahirap magbuo ng unyon. Naparaming ipinapataw na ligal na rekisito na dapat munang tugunan at napakabagal ng proseso ng pagpaparehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE). Maaaring umabot sa dalawa hanggang tatlong taon ang proseso bago maging lehitimo ang unyon. Upang kilalanin at makipagtawaran dito ang kapitalista, dadaan muli sa butas ng karayom ang unyon.
Mas masahol pa, maraming nakatayo at katatayo pa lamang na mga unyon ang napahihina, kundiman agad na nabubuwag oras na makipagtunggali ang mga ito sa mga kapitalista. Gamit ang mga mapaniil na batas at taktika, katulad ng pag-uutos ng assumption of jurisdiction (AJ), dinudurog at tinitiyak ng mga kapitalista, katuwang ang DOLE na hindi na makababangon ang mga militanteng unyon.
Gayunpaman, ang lahat ng ito ay hindi dapat sumagka sa agresibong pagpapalawak ng militanteng kilusang unyon. Mahaba na ang karanasan ng kilusang manggagawa sa hakbang-hakbang na pagtatayo ng unyon kahit sa pinakagipit na kalagayan at sa kabila ng pinakamahigpit na mga batas.
Marami nang tagumpay ang kilusang paggawa na kailangang gamiting tuntungan upang pasaklawin at pabilisin ang proseso ng pag-oorganisa sa mga manggagawa. Nariyan ang mga militanteng pederasyon at sentro ng paggawa na marapat gamitin upang abutin ang maraming pabrika at engklabong hindi pa kailanman natayuan ng unyon. Kailangang pahigpitin ang pagtutulungan ng mga pambansang sentro sa mga rehiyunal na pormasyon upang ibayong itulak ang pagpapalawak at pagpapatatag ng militanteng unyonismo laluna sa pinakamalalaking lunsod ng bansa.
Maaaring gumamit ng iba-iba o kumbinasyon ng mga pamamaraan at taktika upang maitayo ang isang unyon sa pinakamabilis na paraan. Bilang panimula, maaaring itayo ang mga asosasyon at organisasyong masa upang maabot ang pinakamalawak na bilang ng mga manggagawa. Pinakaepektibo ito sa mga pabrika at engklabong napakahigpit ng patakaran laban sa pag-uunyon.
Magsisilbing katuwang ng mga unyon ang mga organisasyong ito sa pakikipaglaban para sa kagalingan at mga karapatan ng mga manggagawa sa loob at labas ng pabrika. Magsisilbi rin ang mga ito bilang malalim na balon ng mga militanteng lider-unyon at kasapi.
Maluwag na makapagsasagawa ng mga pagkilos ang mga organisasyong ito sa loob at labas ng pabrika upang makapagpalawak at makapagpatatag. Liban sa pagwewelga, maaaring maglunsad ang mga ito ng mga aksyong protesta at iba pang uri ng mga sama-samang pagkilos upang igiit ang mga isyung pang-unyon kahit hindi pa nakatayo ang unyon.
Kahit naitayo na ang mga unyon, maaaring patuloy na isulong ng mga organisasyong ito ang iba't ibang isyu ng mga manggagawa. Ang suporta nito ay lalong nakapagpapalakas sa unyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|