Koleksyon ng mga litrato ng BHB, inilunsad
Inilabas nitong Abril 30 ang librong Pulang Mandirigma: Images of the New People's Army, isang koleksyon ng iba't ibang larawan ng BHB, sa Balay Kalinaw sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City. Ang librong ito ay ikatlo lamang sa ganitong uri ng mga libro at una sa nakaraang 15 taon.
Nagsalita si Kasamang Coni Ledesma, kagawad ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) tungkol sa kabuluhan ng libro. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng gawain sa araw-araw ng mga Pulang mandirigma sa paglilingkod sa bayan at pagtataguyod ng Pulang kapangyarihang pampulitika, aniya, mariing pinasisinungalingan ng libro ang itim na propaganda na ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay terorista.
Ka Coni Ledesma |
Tumawag si Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas, upang upisyal na pasinayaan ang paglulunsad ng librong inilimbag ng Kawanihan sa Impormasyon ng PKP. Sinamantala ni Ka Roger ang pagkakataon upang ilantad ang terorismo ng reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines (AFP) at batikusin ang mga pang-aabuso ng AFP kamakailan sa Quezon, Mindoro at Rizal.
Idinaos ang isang maikling programa na kinatampukan ng mga rebolusyonaryong awitin at mga mensahe ng pakikiisa ng mga aktibista, kabilang ang lokal na balangay ng International League of Peoples' Struggles. Mayroon ding maliit na eksibit ng mga piling larawan mula sa libro at mga likhang sining mula sa mga sonang gerilya.
Ang paglulunsad ng libro ay naisagawa sa tulong ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND).
Ang pagbubuo ng libro
Tulad ng isinaad ni Ka Roger sa kanyang paunang salita, masigasig na sinuportahan ng mga kasama ang pagbubuo ng libro. Positibong tinugon ng mga kasama sa buong bansa ang panawagan na magpadala ng mga litrato o mag-imbita ng potograper na kukuha ng mga larawan. Mahigit isang libong kopya na ng libro ang inorder ng mga kasama, hindi pa man din ito nailalabas.
Aabot sa 10,000 larawan ang natipon. Karamihan ng mga ito'y iniambag ng mga kasama sa mga larangang gerilya na kinuha gamit ang kani-kanilang mga analog o digital na kamera o maging ang kamera ng kanilang mga cellphone. Nag-ambag naman ng ilandaang larawan ang ilang propesyunal na photojournalist mula sa mga espesyal na pagbisita sa mga sonang gerilya bilang paghahanda sa libro o mula sa dati na nilang mga kuha. Ilang daan din ang pinagpilian mula sa koleksyon ng mga larawan ng Liberation, ang upisyal na pahayagan ng NDFP.
Sa pagbubuo ng libro, isinaalang-alang ang mga kundisyon ng digmang bayan. Nakansela ang ilang mga byahe ng mga potograper dahil sa pinatinding mga operasyong militar o kaya'y naantala ang kanilang pagbabalik. Masusing pinili ang mga larawan upang hindi malagay sa alanganin ang seguridad ng masa at mga kasama sa mga sonang gerilya.
Walang kaparis na pagsulyap sa araw-araw na buhay ng ating mga Pulang mandirigma ang ibibigay sa mga makatutunghay sa 125 litratong black and white at 150 pahina ng 8" por 8" librong ito. Katulad ng isinaad ni Ka Roger: "Ipinakikita nito ang malawak na aktibidad ng BHB —ang kanilang pagbagtas sa bukid, kabundukan at pusod ng gubat sa paglalakbay mula sa isang baryo tungo sa susunod, ang pagbubukas ng mga bintana at pintuan ng masa, ang maalab na pagsalubong at paghahanda ng mainit na kape para sa kanila, ang paggampan ng BHB ng gawain bilang mag-aaral at guro, kaibigan at tagapayo, tagaluto at panadero, dentista at medik, mandirigma at kasama sa pakikibaka ng sambayanan."
|