Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tumitinding pakikibakang unyon sa SMC

 Read this article in English

�Durugin ang IBM-SMC (Ilaw Buklod ng Manggagawa-San Miguel Corporation) bago matapos ang 2003.� Ito ang utos ni Eduardo �Danding� Cojuangco sa kanyang mga tauhan noong ikalawang hati ng 2002. Agad sinimulan ng mga galamay ni Cojuangco ang komprehensibong pag-atake sa mga unyong kaanib ng IBM, ang pederasyon ng mga tunay, palaban at makabayang unyon sa San Miguel Group of Companies. Kabilang din sa mga inaatake ang unyon ng Cosmos Luzon (binili ni Cojuangco mula sa mga Concepcion noong 2001) na nakaanib sa NAFLU, isa ring militanteng pederasyon. Ang IBM at NAFLU ay kapwa kabilang sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Malaki ang papel na ginagampanan ng IBM sa pagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawa sa isa sa pinakamalalaki at pinakamalalakas na kumitang empresa sa Pilipinas. Nitong nakaraang tatlong taon, pinamunuan ng IBM ang kolektibong pakikipagtawaran at iba pang pakikibakang unyon na nakapagkamit ng makabuluhang mga benepisyo para sa masang manggagawa. Ilan lamang sa mga korporasyon sa ilalim ng San Miguel Group of Companies na may halos sabay-sabay na naipagwaging mga collective bargaining agreement (CBA) na paborable sa mga manggagawa ang SMC Brewery; Campo Carne; La Tonde�a Distillers Inc. (ngayo�y Ginebra San Miguel Inc.) sa Cabuyao, Laguna; Philippine Dairy Products Corporation (ngayo�y Magnolia Corp. na); at Primepak.

Dahil sa walang pasubaling paninindigan ng IBM para sa kagalingan ng mga manggagawa, dumaranas ito ngayon ng ibayong panggigipit. Pitong unyon sa ilalim ng IBM ang nahaharap ngayon sa matitinding laban. Ito ang mga unyon sa SMC Brewery sa Metro Manila; Ginebra San Miguel Inc. sa Cabuyao, Laguna, Sta. Barbara, Pangasinan at Lucena City; Campo Carne; Cosmos sa Canlubang, Laguna; at Monterey. Dagdag dito, ginigipit din ang San Miguel Group Cooperative. Kung pagsasama-samahin, mahigit 4,600 manggagawa ang imbwelto rito, kabilang ang libu-libong mga kaswal.

Pinakamalaki rito at nakararanas ng lahatang-panig na atake ang unyon sa SMC Brewery sa Metro Manila na sumasaklaw sa mahigit 2,000 manggagawa sa Polo Brewery, Glass and Metal Closure, Pandacan Complex at tatlong malalaking bodega. Taun-taon mula huling kwarto ng 2001 pa lamang ay nagsampa na ng mga gawa-gawang kaso laban sa unyon si Reggie Regala, isang dilawang lider unyon at kasapakat ng maneydsment. Kabilang sa mga pilit ikinakaso sa unyon ang oportunismo sa pinansya at di pagtupad sa ilang teknikal na rekisito ng Bureau of Labor Relations. Sa mga batayang ito, tinatangka ni Regala na agawin ang unyon mula sa IBM at ianib ito sa Association of Genuine Labor Organizations o AGLO, na pinamumunuan ng mga oportunistang taksil. Sunud-sunod rin ang pagkatalo ng unyon sa mga kasong isinampa laban dito at pati mga apila ay ibinabasura ng mga bayarang korte.

Samantala, dahil sa tuluy-tuloy na tangkang wasakin ang unyon, pagtatanggal at sapilitang pagpaparetiro sa 118 manggagawa at lansakang paglabag sa CBA, nagsampa ng notice of strike ang mga manggagawa ng SMC Brewery noong Marso, na hinarang sa pamamagitan ng Assumption of Jurisdiction (AJ) ng DOLE nitong Mayo. Bagamat ginagamit ngayon ng maneydsment ng SMC ang AJ para pigilan ang anumang hakbang ng IBM, hindi nagpapapigil ang kumpanya na magsisante pa ng mas maraming manggagawa.

Sa kaso naman ng Ginebra San Miguel Inc. sa Sta. Barbara, Pangasinan, lumalabas na inutil ang mga korte nang balewalain ng maneydsment ang sunud-sunod na mga desisyon nitong paborable sa mga manggagawa. Matagumpay na napatalsik sa pamamagitan ng isang certification election noong Setyembre 2002 ang dilawang Association of Labor Unions-TUCP bilang kinatawan ng mga manggagawa. Subalit hindi kinilala ng maneydsment ang bagong unyong nakaanib sa IBM at pilit na pinalalamon pa rin sa mga manggagawa ang walang kwentang �sweetheart� CBA na pinagkutsabaan ng kumpanya at mga dilawang lider ng ALU.

Talo ang ALU sa lahat ng kasong ligal, mula sa DOLE hanggang sa Korte Suprema. Dahil sa pagbabasura ng maneydsment sa mga desisyon ng korte, pumutok ang welga ng mga manggagawa noong Enero 2003. Naglabas ng AJ ang DOLE pagkaraan ng siyam na araw. Pitong buwan nang sinusuway ng mga manggagawa ang AJ at pana-panahong napaparalisa ng welga ang produksyon sa planta.

Bagamat may hidwaan ngayon sina Gloria Arroyo at Cojuangco kaugnay ng pagkontrol sa SMC at mga kaugnay na empresa at naggigirian sila ngayon bilang paghahanda sa labanan sa eleksyon sa 2004, matingkad sa mga labanang nagaganap sa loob ng San Miguel Group of Companies ang nagpapatuloy na sabwatan ni Cojuangco at ng gubyernong Arroyo sa pagdurog sa militanteng unyonismo. Partikular sa San Miguel, sinuman ang mangibabaw kina Arroyo at Cojuangco ay tiyak na makikinabang kapag nawala ang IBM at mapalitan ito ng company union o isang unyong maka-kapitalista. Naniniwala rin kapwa si Cojuangco at si Arroyo na ang pagkawasak ng militanteng unyonismo sa SMC ay mangangahulugan ng tuluyang pagkawasak ng KMU, ang progresibong sentro ng paggawa.

Kasapakat nina Arroyo at Cojuangco sa tangkang pagdurog sa militanteng unyonismo ang mga pederasyong hawak ng mga oportunistang taksil. Partikular na pinapaboran ni Cojuangco na ipalit sa IBM ang Alab-Katipunan, na pinamumunuan ni Nilo de la Cruz, lider ng RPA-ABB, dahil naging pribadong hukbo na ni Cojuangco ang RPA-ABB sa Negros. Subalit bumukas na rin si Cojuangco sa iba pang dilawang pederasyon nang tumutol ang mismong mga abugado ni Cojuangco sa pagkiling niya sa Alab-Katipunan. Hindi mapalagay ang mga abugado sa anila�y katraydoran na ipinamalas na ni dela Cruz at ng RPA-ABB.

Ang tangkang pagwasak sa IBM ay bahagi lamang ng tumitinding panggigipit sa hanay ng mga manggagawa at pagbawi sa mga benepisyong dantaong ipinaglaban ng kilusang paggawa.

Ang imbing plano ni Cojuangco at gubyernong Arroyo na durugin ang IBM at ang iba pang tunay, palaban at makabayang unyon sa ilalim ng KMU ay dapat puspusang mailantad at labanan ng mga manggagawa katulong ang mamamayan at iba pang pwersang nagtataguyod sa pakikibaka ng uring manggagawa at sa pakikibaka para sa demokrasya, kalayaan at katarungang panlipunan.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Agosto 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Tinatahak ng AFP ang landas ng kabiguan

Matinding korapsyon sa AFP
Ang garapal na pagpatay kay Jessica Chavez
Mga Ulat Koresponsal:
Pananaig ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog

Pagpapaigting ng pampulitikang interbensyon ng US sa bansa:
Paggamit sa prosesong pangkapayapaan

Tumitinding pakikibakang unyon sa SMC
Ka Bert Olalia�dakilang bayani ng uring manggagawa
Matatagumpay na opensiba ng BHB
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.