Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Maghanda laban sa ibayong panghihimasok militar ng US, paigtingin at isulong ang digmang bayan

 Read this article in English

Mensahe sa ika-32 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas

Ni Armando Liwanag
Tagapangulo
Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng teoretikal na gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, buong tatag nating pakilusin ang malawak na masa ng mamamayan upang igawad ang pamatay na dagok sa rehimeng US-Estrada, palakasin ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa at paigtingin ang lahat ng anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Bunga ng matagumpay na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, tayo ay nasa pusisyon upang ipatupad ang kagyat na layunin na ibagsak ang rehimen at isulong ang matagalang layunin na ibagsak ang buong naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at itayo ang demokratikong sistema ng bayan ng mga manggagawa at magsasaka sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Iginagawad natin ngayon ang pinakamataas na parangal kay Kasamang Armando Teng, kagawad ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika, Komiteng Tagapagpaganap at kalihim ng Komisyon sa Timog Luzon ng Partido, na namatay kamakailan sa sakit, at sa lahat ng ating mga rebolusyonaryong martir at bayani.

At ipinapaabot natin ang pinakamainit na pagpupugay sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido, Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), mga alyado sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at sa malawak na masa ng mamamayan para sa lahat ng tagumpay na nakamit sa nakaraang taon.

Malalaki ang pagsulong na nakamit natin sa pagbubuo ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Sa mahigit 100 larangang gerilya sa buong bansa, napalakas ng BHB ang kanyang sarili, nagpatupad ng reporma sa lupa at gawaing masa at nagkamit ng maniningning na tagumpay sa armadong pakikibaka.

Kapwa sa kalunsuran at kanayunan, naitayo natin ang iba�t ibang tipo ng mga organisasyong masa at nadala ang kilusang masa sa bago at mas mataas na antas ng pag-unlad.

Mula nang maluklok sa poder noong 1998, pinatindi ng rehimeng US-Estrada ang pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan sa pagiging sunudsunuran sa dayuhang monopolyong kapitalismo, pagpapalala sa pyudal at malapyudal na kundisyon at walang habas na burukratikong korupsyon. Ito�y lantarang kumilos bilang kaaway ng mamamayan sa kabila ng pagpupustura nitong makamahirap.

Sukdulan ang pagkaarogante, pinutol ni Estrada ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP at nagbantang wawasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Ngayong akusado siya sa mga pinakagarapal na krimen ng korupsyon at pandarambong, desperado siyang lumalaban para makapagpanatili sa pulitika. Ang malawak na masa ng sambayanan, kabilang ang mga kababayan sa ibayong dagat, ay nagngingitngit sa kanyang mga krimen at nananawagang patalsikin siya sa poder. May isang malawak na nagkakaisang prente na lubos na nagbukod sa kanya at kanyang pangkatin at may kakayahan itong patalsikin siya sa poder.

Ang rehimeng US-Estrada ay nasa bingit ng kamatayang pampulitika samantalang ang rebolusyonaryong kilusang masa ay masiglang sumusulong. Ang Partido ay gumaganap ng susing papel sa pagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanan at sa paggawad ng pamatay na dagok sa rehimen. Ang mamamayan ay nasa proseso ngayon ng pagbabaon ng isa pang reaksyunaryong rehimen sa basurahan ng kasaysayan.

I. ANG PANANAGUTAN NG REHIMENG ESTRADA AT NG BUONG NAGHAHARING SISTEMA

Ang rehimeng Estrada ay kapwa produkto at paglala ng nagpapatuloy na krisis ng bulok na naghaharing sistema. Isang nagdudumilat na katibayan ng bulok at naaagnas na katangian ng sistema na ang isang katulad ni Estrada ay naging pangulo ng neokolonyal na republika. Pinagsasanib niya ang kasakiman ng mga imperyalista, ang pinakamasahol sa mga lokal na reaksyunaryo at mga sindikatong kriminal.

Pagkatapos ng krisis sa pinansya at ekonomya ng 1997, nahalal si Estrada mula sa isang pulutong ng mga reaksyunaryong kandidato sa pamamagitan ng ipokritong pagpapalabas sa sarili bilang kampyon ng mahihirap at pagbatikos sa mga krimen at kahinaan ng rehimeng US-Ramos.

Sapul sa simula ng kanyang pagkakaluklok, ipinakita ni Estrada ang kanyang pagmamaliit sa taumbayan, laluna sa naghihirap na masang anakpawis na manggagawa at magsasaka.

Ibinandera niya ang pagtangkilik at pakikipagkaibigan ng mga Marcos, ng pinakabantog na mga kroni ni Marcos tulad ni Eduardo Cojuangco at Lucio Tan at ng mga kriminal na gangster tulad ni Atong Ang. Pinagtibay niya ang mga idiniktang patakaran ng IMF, World Bank at WTO sa isang pagbabaratilyo ng soberanyang pang-ekonomya at pambansang patrimonya. Labag sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas, kanyang inilusot sa Senado ang ratipikasyon ng Visiting Forces Agreement.

Hindi pa man nangangalahati ang kanyang anim na taong panunungkulan, siya ay na-impeach na ng Kongreso at ngayon ay nakasalang sa paglilitis sa Senado dahil sa garapalang panunuhol, katiwalian at burukratikong korupsyon, pagkakanulo sa tiwala ng bayan at paglabag sa konstitusyon ng 1987.

Nagngingitngit ang taumbayan at nagsasagawa ng mga pambansang aksyong masa para patalsikin siya o pwersahin siyang magresayn. Ang kasunduan sa malawak na nagkakaisang prente ng mga organisadong pwersa ay patalsikin siya mula sa kapangyarihan dahil sa imoralidad, korupsyon, kawalang-kakayahan at panunupil.

Tama lamang na magpokus sa pananagutan ni Estrada at ng kanyang naghaharing pangkatin at sa pangangailangang ibagsak sila. Pero hindi natin kinakaligtaan na ang buong naghaharing sistema ay lalupang naging mapagsamantala at mapang-api dahil sa patakaran sa �malayang pamilihan� na idinidikta ng mga imperyalistang kumpanya, bangko at multilateral na ahensyang tulad ng IMF, World Bank at WTO. Pinabilis at pinalala ng mga ito ang pagpiga ng tubo ng mga imperyalista, ang pyudal at malapyudal na akumulasyon ng lupa at burukratikong katiwalian. Ito ay mabilis na nagresulta sa matinding paglaban ng taumbayan at sa pagkakahiwalay ng rehimeng Estrada.

Ang neokolonyal na naghaharing sistema ay mas mabilis na binangkarote ng pagkiling sa mga patakarang �neoliberal� kaysa ng pagkiling sa mga patakarang �Keynesian� na rumurok sa panahon ng pasistang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng mga tadtad-sakatiwaliang public works at walang habas na dayuhang pangungutang. Lalong pinalala ng pagkiling sa patakarang �neoliberal� ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunan bunga ng mapandambong na pasok ng kapital sa pinansya, liberalisasyon ng imports, pribatisasyon ng pag-aaring estado at deregulasyon sa kapinsalaan ng bansa, paggawa at kapaligiran.

Higit kailanman, ang ekonomya ay lalong naging agraryo at malapyudal. Lalupa ngayon itong nakasalig sa pag-eeksport ng hilaw na materyal at mababang halagang-dagdag na mala-manupaktura at dayuhang pangungutang para pinansyahan ang depisit sa kalakalan at pagseserbisyo ng utang. Ang pagtataguyod sa malamanupakturang nakasalig-sa-import at sa pribadong konstruksyon at pagsalig sa komersyal na dayuhang pautang ay sumaid nang husto sa sistemang pampinansya at pang-ekonomya. Kumpara sa pag-eeksport ng anumang produkto, ang pag-eeksport ng mga dekontratang manggagawa ay siyang nagpapasok ng pinakamalaking dayuhang kita. Ang kitang ito ay nilalamon ng mga multinasyunal na bangko at kumpanya at mga mapagsamantalang uri. Ang orasyon ng lahat ng reaksyunaryo ay �global na kumpetisyon�. Pero walang pwedeng i-eksport ang ekonomya ng Pilipinas kundi mga hilaw na materyal, mala-manupakturang reeksport at de-kontratang manggagawa.

Naiipit ang mga ito ngayon ng pandaigdigang kalabisan sa suplay at tunguhing resesyunaryo. Kahit ang pag-eeksport ng kalalakihan at kababaihan ay pinakikipot ng mga pang-ekonomya at ligal na restriksyon sa ibayong dagat, dahil sa pangkalahatang pagtumal at krisis sa labis na produksyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Dahil sa kanyang pagkiling sa patakarang �neoliberal� at lumalalang pagkabangkarote, ang malakolonyal na naghaharing sistema ay hindi man lamang makapangako o makapagkunwaring magpapatupad ng anumang mayor na proyektong industriyal at reporma sa lupa. Nauwi ang rehimen sa pagtataguyod ng mga empresa sa sugal bilang mga �tagapamandilang� proyekto nito. Ipinauubaya nito ang lahat sa tinaguriang malayang pamilihan at nauuwi ito sa pagmamanipula sa tantos ng interes, pagpapabigat ng pasaning buwis ng mamamayan at pagbibigay prayoridad sa malayang daloy ng kapital sa pinansya, pagbabayad sa utang at guguling militar kaysa sa mga serbisyong panlipunan.

Ang malawak na masa ng sambayanan ay sapilitang pinagtitipid samantalang ang mga mapagsamantalang uri ay nagpapasasa sa lahat ng maluhong uri ng konsumerismong nakasalig-sa-import, tulad ng mga mansyon, matatayog na gusali, kotse at mga �high-tech� na produktong pangkonsumo. Pinapatay kapwa ng �downsizing� at pagsasara ng mga empresa ang trabahong regular. Di bababa sa 77% ng pwersa sa paggawa ang upisyal na kinikilalang walang trabahong regular. Sila ay kinakategorya bilang walang trabaho, kulang sa trabaho, kaswal at empleyado-ng-sarili.

Bunga ng malakas na pagtutol ng malawak na masa ng mamamayan, nabigo ang rehimeng US-Estrada na amyendahan ang konstitusyong 1987 para alisin ang mga probisyon na nangangalaga sa pambansang patrimonya at naglilimita sa dayuhang pamumuhunan. Subalit ginamit nito ang Kongreso para ibigay ang pambihirang mga pribilehiyo sa mga imperyalistang bangko at empresa. Bawat tipo ng negosyo ay ibinukas sa mga dayuhang monopolyo. Nagkukutsabahan ang rehimen at mga monopolyo ng langis sa walang tigil na pagtataas sa presyo ng langis at kung gayon sa presyo ng lahat ng mga batayang produkto at serbisyo.

Ang implasyon ay itinutulak ng gastos sa pagbabayad ng utang, depisit na paggastos, pag-iimport at korupsyon gayundin ng kasalatan sa mga batayang produktong pangkonsumo dahil sa pagbagsak ng lokal na produksyon. Sa ilalim ng islogan ng malayang kalakalan, tumutubo ang malalaking kumprador mula sa pag-iimport at pag-eeksport ng asukal, bigas, mais at mantika, habang ginigipit ng importasyon ang kita ng mga magsasaka at manggagawang bukid at ang lokal na produksyon.

Kapalit ng pangangayupapa ng rehimen, si Estrada at kanyang mga kroni ay binigyan ng mga imperyalista ng malaking kaluwagan sa burukratikong korupsyon at represyon. Pero ang mga papet ay umani ng galit ng IMF dahil sa paulit-ulit na paglampas sa itinakdang hangganan ng depisit na paggastos at gayundin sa World Bank dahil sa labis na katiwalian at korupsyon na umaabot na sa 44% ng lahat ng gastos ng gubyerno.

Tinatangkilik ng imperyalismo ang korupsyon at kroniismo sa hanay ng kanyang mga papet pero oras na umalingasaw ang baho ng kanyang punong papet at nagiging pabigat na kaysa sa pakinabang, ang mga imperyalistang amo ay nakahandang maglagay ng bagong punong papet.

Ang depisit sa badyet at kalakalan ay lumalaki. Kasabay nito, natutuyo naman ang dayuhang pautang. Ang pagbaba ng tantos sa interes noong unang dalawang taon ng rehimen ay hindi masustine. Pinabibilis ang lokal na pampublikong pangungutang kaya naman lumalala tuloy ang implasyon. Ang krisis ng lokal na naghaharing sistema ay mahigpit na nakatali sa lumalalang krisis sa labis na produksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista. May labis na produksyon ngayon ng bawat tipo ng produkto relatibo sa lumiliit na pandaigdigang pamilihan. Lumiit ang pamilihan resulta ng �neoliberal� na patakaran sa panggigipit sa sahod at kalagayan sa pamumuhay ng anakpawis.

Maging ang mga �high-tech� na produkto para sa produksyon at konsumo ay matinding tinatamaan ngayon ng krisis sa labis na produksyon.

Ang ganitong tipo ng produkto ang tumiyak sa pangunguna ng US sa pandaigdigang ekonomyang kapitalista sa kabuuan ng huling dekada at umakit ng dayuhang pamumuhunan sa US. Ngayon, ang pagputok ng bula ng �bagong ekonomya� ng US (pinalobong halaga ng mga ari-arian, pag-unlad na nakatuntong sa pagbabawas ng empleyado at sobrang pagtaya sa �high-tech�) ay maaaring magresulta sa pagtakas ng pamumuhunang Europeo at Hapon mula sa US at sa walang katulad na krisis sa ekonomya at pinansya sa pandaigdigang saklaw.

Sa Pilipinas, ang anakpawis na masang manggagawa at magsasaka at ang panggitnang saray ng lipunan ay matinding pinahihirapan ng malawak na kawalanghanapbuhay, pagbagsak ng tunay na kita, implasyon, pagbagsak ng piso, bumibigat na pasaning buwis at pagkawasak ng imprastruktura at serbisyong panlipunan.

Maging ang nakatataas at mataas-na-panggitnang mga uri ay umaangal sa pagtaas ng halaga ng kanilang marangyang pagkonsumong nakasalig-sa-import. Kaya naman naiiskandalo sila ng kaliwa�t kanang pamamahagi ni Estrada ng mansyon at limousine sa kanyang maraming asawa.

Ang krisis sa ekonomya ang pinagmumulan ng kasalukuyang krisis sa pulitika. Lalong tumindi ang alitan sa pagitan ng mga reaksyunaryo dahil ang kaban ng yaman na mapaghahatian ay labis na lumiit at sinosolo pa ng naghaharing pangkating Estrada. Ang pangunahing nabibiyayaan ng burukratang kapitalismo ay si Estrada mismo, si Eduardo Cojuangco, ilang negosyanteng Pilipino-Tsino at ang sarisaring pamilya ni Estrada.

Kumakabig ng suhol si Estrada sa sumusunod na paraan: pag-iisyu ng mga permit at lisensya, pagdidispusisyon ng pautang ng estado, mga kontrata sa pagsusuplay sa reaksyunaryong gubyerno, malalaking kaso ng pag-iwas sa buwis, teknikal na ismagling, pagmamanipula sa stockmarket at distribusyon ng pondo sa pork barrel na kanyang sinosolo.

Tulad ng isang hepe ng Mafia, inaangkin niya ang bulto ng kita mula sa hweteng, operasyon sa pangingidnap at lokal na pagbebenta at trapik ng pinagbabawal na gamot papuntang US at mga base militar ng US. Gayon na lamang ang personal na kaswapangan ni Estrada kayat ang isang susing myembro ng kanyang �midnight cabinet� ay humiwalay sa kanya at ibinulgar ang kanyang papel bilang hepeng kriminal.

Walang kontrol at napakalantad ng korupsyon ni Estrada kaya naman karamihan sa mga seksyon ng mapagsamantalang uri ang kumukundena sa kanyang baluktot na moralidad at sumasama sa malawak na nagkakaisang prenteng kumikilos para tanggalin siya sa poder. Halos lahat ng mga organisasyon sa negosyo, mga klerikong Katoliko at Protestante at mga ulamang Islam, mga organisasyong sibiko at propesyunal, mga organisasyon ng dilawang unyon at karamihan ng mayor na masmidyang burges ay nanawagan na magresayn si Estrada. Ang mga obispo, kleriko at karaniwang Katoliko ay nagmomobilisa para tapatan ang suporta kay Estrada ng El Shaddai (isang grupong �charismatic�) at Iglesia ni Cristo.

Si Cardinal Sin, dating presidente Aquino at Ramos, ang Lakas-NUCD at United Opposition ay malakas na nananawagang palitan ni bise presidente Gloria Macapagal-Arroyo si Estrada. Ang iba pang makabuluhang grupo ng mga reaksyunaryong anti- Estrada ay ang Council of Philippine Affairs (COPA) na pinamumunuan ni Jose Cojuangco, ang People�s Consultative assembly (PCA) ni dating presidente Ramos, ang Kangkong Brigade (kinabibilangan ng mga gubernador at meyor ng Timog Katagalugan, Metro Manila at Gitnang Luzon) at Kompil II na pinasimulan ng mga maka-Heswitang �sosyal-demokrata� na sa katunayan ay mga Kristyanong-demokratang nabibilang sa mataas na uri.

Nasa proseso ng pagkawasak ang Lapian ng Masang Pilipino (LAMP), ang koalisyong maka-Estrada. Ang mga susing lider ng LAMP sa pangunguna ng ispiker ng Kongreso at presidente ng Senado ay lumipat na sa oposisyon at nananawagan ng resignasyon ni Estrada. Ang mga kongresistang dating nasa LAMP ay pumanig na sa oposisyong kumikilos para i-impeach si Estrada. Hindi napigilan ng mga senador na nananatiling LAMP ang paglilitis sa Senado.

Ang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), na pinakamalaking bahagi ng LAMP, ay nakatakdang buung-buong humiwalay sa LAMP sa pagbagsak ni Estrada. Ang pinakasipsip na mga alagad ni Estrada sa LAMP ay ang sarili niyang Partido ng Masang Pilipino at ang Nationalist People�s Coalition ni Eduardo Cojuangco. Ang mga ito ay inihihiwalay ngayon ng lumalakas na kilusang Estrada resayn.

Kaiba kay Marcos, si Estrada ay walang malakas na kapit sa pwersang militar at pulis. Ang pinakamasugid niyang mga alagad na armado ay nasa Presidential Anti- Organized Crime Task Force (PAOCTF). Ito ang kanyang Gestapo sa pamumuno ng kanyang hepeng birador na si Gen. Panfilo Lacson. Ito ang pinakapinapaburang armadong ahensya na may malaking pondo sa intelihensya na di na-aawdit. Tinatamasa nito ang lisensya sa walang habas na pagpatay at kumikilos bilang tagapagkoordina ng mga kriminal na sindikato.

May matinding away sa pagitan ng pangkating Lacson ng PAOCTF at regular na pwersa ng pulis at militar. Ang mga isyu ay kinatatampukan ng pagmomonopolyo ng PAOCTF ng kita sa proteksyon, pagkabig ng pinakamalaking hati ng pondo sa intelihensya, paboritismo sa promosyon, pakikialam ni Lacson maging sa promosyong militar, ang kita sa mga kontrata sa pagsusuplay at naaantalang pasahod sa mga karaniwang tauhan labas ng PAOCTF.

Lumitaw ang Federation of Retired Commissioned and Enlisted Soldiers (FORCES) at ilang lihim na grupo ng mga upisyal ng pulis at militar sa aktibong serbisyo para manawagan ng pagreresayn ni Estrada. Hinihimok nila ang mga upisyal ng pulis at militar sa aktibong serbisyo na iatras ang kanilang suporta kay Estrada at igalang ang karapatan ng taumbayan na magtipun-tipon. May malaking bilang ng mga upisyal ng pulis at militar na higit na nagpapakita ng kanilang oposisyon kay Estrada at General Lacson at sila ay nakapusisyon para nyutralisahin ang dalawa.

Matagal nang ipinananawagan ng BAYAN ang pagpapatalsik kay Estrada bago pa man sa mga reaksyunaryong anti-Estrada. Ito ang pinakamabigat na ligal na demokratikong koalisyon ng mga makabayan at progresibong pwersa ng uring manggagawa, magsasaka at petiburgesyang lunsod na umaalinsunod sa linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ito ang pinakamulat, pinakamilitante at pinakamaaasahang pwersa sa malawak na nagkakaisang prente sa pagpapatalsik sa naghaharing pangkating Estrada.

Pasok sa BAYAN ang mga sektoral na alyansa at organisasyong pangunahing kinabibilangan ng masang anakpawis tulad ng Kilusang Mayo Uno (manggagawa), COURAGE (mga empleyado ng gubyerno), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (magsasaka), PAMALAKAYA (mangingisda), Kadamay (maralitang-lunsod), GABRIELA (kababaihan) at Anakbayan (kabataan). Pasok din dito ang mga pormasyon ng petiburgesyang lunsod tulad ng League of Filipino Students (LFS), Alliance of Concerned Teachers (ACT), CONTEND (mga guro sa unibersidad at kolehiyo), KARAPATAN (karapatang-tao), Promotion of Church People�s Response (PCPR) at marami pang sektoral na alyansa at organisasyong propesyunal at nakabatay-sa-isyu. Saklaw ng BAYAN ang mga pwersang Kaliwa at Panggitna na umaalinsunod sa pambansa-demokratikong linya. Sa malawak na nagkakaisang prente, nakikipagtulungan din ito sa mga manggagawa, magsasaka at panggitnang sektor na di organisado o nabibilang sa mga organisasyon at institusyong may pamunuang nabibilang sa Gitna o Kanan sa ideolohiya at pulitika.

Ang malawak na nagkakaisang prente ay binubuo ng Kaliwa, Gitna at Kanan na anti- Estrada. Ito ay isang buhaghag na alyansang binibigkis ng iisang layunin na patalsikin si Estrada. Naging mas madali para sa Kaliwa at Gitna na makipagkaisa sa mga pwersa ng Kanan, na malinaw na reaksyunaryo pero anti-Estrada, kaysa sa ilang maliliit na grupong umaastang Kaliwa pero nagtatangkang ilihis ang konsentradong bira kay Estrada at sabotahiin ang malawak na nagkakaisang prente.

Ang Sanlakas at iba pang maliliit na grupong Trotskyista ay kumikilos ayon sa instruksyon ng eksperto sa psywar ng militar (ng Intelligence Service ng AFP sa partikular) para ilako ang linyang �resign all� para sagipin si Estrada. Sa kaso naman ng Akbayan, ang ilan sa mga lider nito ay mga loyalista ng rehimeng Estrada, habang ang iba naman ay nananawagan ng pag-i-impeach o pagreresayn ni Estrada. Ang Sanlakas at Akbayan ay bumabangga sa malawak na nagkakaisang prente at kung gayon ay inihihiwalay ang sarili sa kilusang masa. Natagpuan ng mga taksil ang kanilang pampulitikang libingan sa ilalim ng rehimeng US-Estrada.

Ang mga buhong na katulad nina Horacio Morales at Edicio de la Torre, na nangungunang tauhan kapwa ng Akbayan at JEEP ni Estrada, ay kabilang sa mga punong ahente sa psywar ng rehimeng Estrada. Sila ang may pakana sa linya na dapat diumanong mapawalansala si Estrada tulad ng mga �subersibo� sa panahon ng rehimeng Marcos sa bisa ng mga �teknikalidad� at hindi raw dapat bumagsak ang rehimen dahil hindi naman ito mapanupil.

Ang rehimeng US-Estrada ay kapwa tiwali at mapanupil. Ginagamit nito ang militar, pulisya, mga pwersang paramilitar at pribadong armadong pangkat para ipatupad ang anti-manggagawang patakaran, pagkaitan ang masang magsasaka at pambansang minorya ng kanilang lupa at dahasin ang mga aksyong protesta ng masa. Pinatitindi nito ang mga kampanyang militar ng pagsupil laban sa rebolusyonaryong baseng masa at pwersa ng Partido Komunista ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa nakaraang taon, sa ilalilm ng �Oplan Makabayan� at ibang kaugnay na kampanya, naglunsad ang rehimen ng malawakang kampanyang militar ng pagsupil laban sa mga rebolusyonaryong pwersa sa buong kapuluan, na nagdidiin sa tatlo hanggang limang rehiyon sa bawat panahon. Nagsagawa ito ng malawakang paglusob sa mga kampo at erya ng MILF sa bigong pagtatangkang manulsol ng sobinismong Kristyano, magpakita ng lakas at ibaling ang atensyon ng publiko mula sa mga iskandalo at korupsyon.

Subalit ang BHB ay matagumpay na nakapaglunsad ng maningning na mga taktikal na opensiba laban sa mahihinang bahagi ng kaaway habang maalam na umiiwas sa mas malakas na pwersa ng kaaway. Ang hukbo ng MILF ay nagpapatupad na rin ng pakikidigmang gerilya at nagbibigay ng maririing dagok sa kaaway.

Ang malakihang gastos sa kagamitan at operasyon ng militar at pulisya ay pumapatong sa burukratikong korupsyon at nagbubunga ng di-makayanang depisit na paggastos. Ang walang habas na paggastos militar, pagwasak sa kabuhayan at ari-arian at malawakang pagpapalikas sa mahigit isang milyong mamamayan ay pumipinsala nang malaki sa ekonomya. Kung kayat ang pagbabayad sa sahod ng karaniwang mga empleyado ng gubyerno at tropa ay nabinbin nang maraming buwan.

Lubhang demoralisado ang militar, pulisya at pwersang paramilitar ng kaaway dulot ng korupsyon ng rehimeng Estrada, ng pagdausdos ng halaga ng kanilang sahod, ng pagod mula sa walang tigil ngunit bigong mga operasyong kontra-rebolusyonaryo, ng paparaming pagsamsam ng armas mula sa kanila ng mga rebolusyonaryo, at ng mabibigat na pinsalang pinalalasap sa kanila ng mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan at hukbo ng MILF.

Ang masang anakpawis ng manggagawa at magsasaka, ang panggitnang saray panlipunan at ang kalakhang bahagi ng mga mapagsamantalang uri ay pabor sa pagpapatalsik sa poder sa naghaharing pangkating Estrada. Maging ang mga among imperyalista ay nagpahiwatig na naubusan na ng silbi ang pangkatin. Tapos na ang naghaharing pangkating Estrada. Wala na itong paraang makaalpas mula sa pagkakahiwalay sa harap ng patuloy na lumalalang krisis ng naghaharing sistema. Nakakaharap ngayon ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa ang malalaking oportunidad upang magpalakas at umani ng mas malalaking tagumpay.

II. ANG MAHIGPIT NA TUNGKULING IBAGSAK ANG REHIMENG ESTRADA

Matatag at militanteng itinataguyod ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong masa ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan kasabay ng pakikipagugnayan sa malawak na nagkakaisang prente at kilusang masang lumitaw para sa ispesipiko at kagyat na layuning patalsikin sa kapangyarihan ang naghaharing pangkating Estrada.

Habang abala ang mga reaksyunaryo sa kanilang mga alitan at tunggalian para sa pampulitikang kapangyarihan at habang sumusulong ang malawak na nagkakaisang prente para tanggalin si Estrada sa kapangyarihan, mapabibilis ng rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan ang kanilang gawaing masa sa kayununan at kalunsuran at maisasagawa ang solidong pag-oorganisa ng masa sa gitna ng rumaragasang kilusang masa para sa pagpapatalsik kay Estrada.

Pinadudulas ng malawak na nagkakaisang prente ang gawain ng mga rebolusyonaryong pwersang pukawin, organisahin at pakilusin ang masa ng mamamayan nang milyun-milyon. Makikinabang sa patakaran ng nagkakaisang prente ng Partido ang ligal na kilusang demokratiko at maging ang armadong rebolusyonaryong kilusan.

Habang ang malawak na kilusang masa ay dumadaluyong sa buong bansa at ang kaaway naman ay napipilitang pangalagaan ang sarili sa pamamagitan ng pagtitipon ng mas maraming tropa sa kalunsuran, maaaring samantalahin ng Bagong Hukbong Bayan ang pagbabawas ng tropa ng kaaway sa kanayunan para paigtingin ang mga taktikal na opensiba.

Ang pagtitipon ng malawak na nagkakaisang prente ng mga pwersa laban sa pinakamakitid na target�ang kasalukuyang naghaharing pangkatin�ay hindi nangangahulugan ng pagbabago ng programa ng bagong demokratikong rebolusyon at ng istratehikong linya ng matagalang digmang bayan. Ito�y nangangahulugan lamang ng pagpapabilis ng kumpas ng mga protestang masa at rebolusyonaryong paglaban na magagamit ng mga rebolusyonaryong pwersa para lalo itong lumakas at umabante.

Nagpupunyagi ang Partido na ipatupad ang pamumuno nito at mapanatili ang kasarinlan at inisyatiba nito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng pangmatagalang programa ng bagong demokratikong rebolusyon kahit pa ito ay nakikipagtulungan sa malawak na hanay ng mga alyado para ipatupad ang mahigpit na tungkuling patalsikin sa poder ang naghaharing pangkating Estrada. Ang pagbugso ng ligal na kilusang masa ay tumutulong sa pagpapaigting ng armadong pakikibaka na siyang pangunahing anyo ng pakikibaka.

Habang pinananatili ang kanyang kasarinlan at inisyatiba, walang-tigil na pinalalaganap ng Partido ang linya ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, pinalalawak at pinalalalim ang rebolusyonaryong baseng masa, pinaiigting ang digmang bayan batay sa kapasidad at hinihimok ang mga makabayan at progresibong pwersa sa ligal na kilusang masa na kagyat na pakilusin ang milyun-milyong mamamayan.

Ang rebolusyonaryong pwersa ay may malinaw na pag-unawa sa kagyat at pangmatagalang layunin ng kilusang masa. Walang kalituhan sa kanilang hanay kung anong moda ng pagkilos ang nararapat sa kalunsuran at sa kanayunan. Ang mga �Kaliwa� at ang Kanang oportunistang nasa mataas na pusisyon at naghasik ng kaguluhan sa loob ng Partido noong mga taong 1980 ay matagal nang lumayas at pumanig sa kaaway.

Ang mga �Kaliwang� oportunista ay nag-ilusyon na kaya nilang pabagsakin ang buong naghaharing sistema kasabay ng naghaharing pangkating Marcos sa pamamagitan ng insureksyon sa kalunsuran o magkasabay na militarismo sa kanayunan at insureksyon sa kalunsuran. Sila ngayon ay mga lantarang ahente sa psywar at paniniktik ng kaaway tulad nina Romulo Kintanar, Arturo Tabara at Benjamin de Vera. Samantala, sina Filemon Lagman at iba pang Trotskyista ay patuloy na nagpapanggap na mas �Kaliwa� kaysa sa Kaliwa sa pamamagitan ng pananawagan sa kagyat na pagbibitiw ng lahat ng reaksyunaryong upisyal sa kanilang inutil na pagtatangkang hatiin ang malawak na nagkakaisang prente at ilihis ang konsentradong banat sa naghaharing pangkating Estrada.

Ang matagal nang mga Kanang oportunista sa nakaraan tulad nina Horacio Morales at Edicio de la Torre ay walang kahihiyang lumulublob sa burukratikong korupsyon kasama ng kanilang �populistang� idolong si Estrada at kabilang sila sa mga pinakaaktibong ahenteng psywar ng rehimen na lumalaban sa malawak na nagkakaisang prente at sa malawak na kilusang masa. Si Morales ang pinakapusakal na kakutsaba ni Estrada at Eduardo Cojuangco sa pagnanakaw mula sa mga magsasaka sa nyugan ng pondo mula sa coconut levy at sa pagbabandila bilang reporma sa lupa ng korporatibong pangangamkam ng lupa ni Cojuangco.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan, sa ilalim ng pamumuno ng Partido, ay may malinaw na gagap sa kasalukuyang balanse ng pwersa sa pagitan ng armadong rebolusyon at ng armadong kontrarebolusyon. Wala silang anumang oportunistang ilusyon na ang kilusan sa pagpapatalsik kay Estrada ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong maagaw ang kapangyarihan mula sa mga reaksyunaryo o makibahagi sa kapangyarihan bilang kagyat na resulta ng katuparan ng kasalukuyang pagsisikap na patalsikin si Estrada.

Mulat sila na hindi pa nila maibabagsak ang buong naghaharing sistema ngunit maaari nilang samantalahin ang krisis ng naghaharing sistema at ang pagkakahati ng mga reaksyunaryo, ibagsak at parusahan ang kasalukuyang naghaharing pangkatin at palakasin ang kanilang hanay nang sa gayon ay humakbang pasulong sa bagong demokratikong rebolusyon.

Sa pagpupursigeng nagkakaisang prente sa anumang panahon, itinutuon ng Partido ang pinakamalawak na hanay ng mga pwersa laban sa pinakamasahol na reaksyunaryong nasa kapangyarihan bilang pinakamakitid na target. Sa paglaban at paggapi ng magkakasunod na kaaway, lumalakas at umaabante ang Partido hanggang sa panahong kaya na nitong ibagsak ang buong naghaharing sistema.

Upang ibagsak ang buong naghaharing sistema, kinakailangang baliin ang gulugod ng armadong pwersa ng kaaway sa kanayunan at durugin ang makinaryang burukratiko at militar ng reaksyunaryong estado. Upang ibagsak ang naghaharing pangkating Estrada sa partikular, posibleng maisagawa ito ng malawak na nagkakaisang prente at kilusang masang ligal tulad ng nangyari kay Marcos noong 1986.

�Kaliwang� oportunismo ang mag-ilusyon na ang pangmatagalang layuning ibagsak ang naghaharing sistema ay makakamit sa proseso ng pagkakamit ng kagyat na layuning ibagsak ang naghaharing pangkating Estrada. Sa kabilang banda, Kanang oportunismo ang paglimot sa pangmatagalang layuning ibagsak ang naghaharing sistema at pagsusuko ng kasarinlan at inisyatiba ng Partido sa malawak na nagkakaisang prente.

Dapat nating buong pagsikapan na panatilihin at palakasin ang malawak na nagkakaisang prente para patalsikin ang naghaharing pangkating Estrada o pwersahin itong magbitiw. Ngunit habang itinataguyod nila ang malawak na nagkakaisang prente, dapat kundenahin ng ligal na makabayan at progresibong pwersa ang batayang mga suliranin ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at iharap ang mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan.

Sa kasalukuyang katayuan ng malawak na nagkakaisang prente, laluna sa ligal na larangan, ito ay nagbubukod sa rehimeng Estrada at may mataas na potensyal ito para ibagsak ang rehimen sa pamamagitan ng mapayapa, malakihan at militanteng aksyong masa sa buong bansa hanggang ang mga ito ay humantong sa pagkubkob sa palasyo ng pangulo ng hindi bababa sa isang milyong mamamayan hanggang magbitiw si Estrada. Kasama sa mga susing pwersa para maisakatuparan ang ganitong higanteng mobilisasyon ang BAYAN, Estrada Resign Movement, Simbahang Katoliko, United Opposition, COPA, PCA, Kangkong Brigade at Kompil II.

Ang rurok na aktibidad ng pagkubkob ng hindi bababa sa isang milyong mamamayan sa palasyo ng pangulo at mga operasyong pamparalisa ng sistema ay dapat maging kasinlaki ng pag-aalsang 1986 na nagpabagsak sa pasistang rehimeng Marcos. Dapat din nitong lampasan ang huwad na �prayer rally� ng El Shaddai at Iglesia ni Cristo kamakailan para suportahan si Estrada.

Sa pagpapanatili at pagpapalakas ng malawak na nagkakaisang prente, dapat nating mulat na ipatupad ang rebolusyonarong makauring linya na kinabibilangan ng sumusunod:

1Dapat hawakan ng uring manggagawa ang pamumuno sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang lihim na Partido ay dapat magpatupad ng pamumuno sa pamamagitan ng paggamit ng tamang pamamaraan at estilo, laluna sa kalunsuran.

2Dapat palakasin ang batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka. Dapat palakasin ng kilusang masa ang kilusang unyon sa kalunsuran at ang armadong rebolusyon sa kanayunan.

3Dapat lubos na patingkarin ng alyansa ng mga progresibong pwersa ang pwersa ng petiburgesya sa kalunsuran. Dapat pang mas higit na paunlarin ng kilusang masa ang pampulitikang edukasyon, organisasyon at mobilisasyon ng petiburgesya sa kalunsuran kaalinsabay ng masang anakpawis.

4Dapat lubos na patingkarin ng alyansa ng mga positibong pwersa ang mga pwersa ng panggitnang burgesya. Maliit lamang ang bilang ng panggitnang burgesya ngunit kailangang himukin silang suportahan ang kilusang masa.

5Dapat itaguyod ang pansamantalang pakikipagalyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada, kahit pa ang mga alyadong tulad nila ay hindi matatag at hindi maaasahan. Ang pakikipag-alyansa sa kanila ay nagmumula sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo. Ito ay nagpapabilis sa pakakahiwalay ng kaaway at nagluluwal ng makabuluhang tuwiran at di- tuwirang suporta sa kilusang masa.

6Batay sa tagumpay sa limang punto sa itaas, lubos nating maihihiwalay ang naghaharing pangkating Estrada bilang kaaway at maibabagsak ito. Sa proseso, lalakas at aabante ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.

Sa malawak na nagkakaisang prente para ibagsak ang rehimeng Estrada, kabilang sa Kaliwa ang mga batayang organisasyong masa, sektoral at multisektoral na mga alyansang tunay na nagtataguyod ng mga karapatan, interes at mithiin ng uring manggagawa, magsasaka at petiburgesya sa kalunsuran. Ang mga ito ang batayang pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan.

Ang Panggitna ay kinabibilangan ng mga pwersang petiburges sa pangkalahatan at ng panggitnang burgesya na nagnanais ng reporma sa loob ng naghaharing sistema para sa kanilang �panggitnang-uring� interes at sa ngalan ng mamamayan. Kritikal sila sa masasamang aspeto ng sistemang panlipunan ng malaking kumprador at panginoong maylupa ngunit kapos sa rebolusyonaryong paninindigan para ibagsak ang naghaharing sistema at itayo ang demokratikong sistemang bayan.

Ang anti-Estradang Kanan ay kinabibilangan ng mga pwersang kumakatawan sa mga reaksyunaryong uring malaking kumprador at panginoong maylupa, nagtuturing kay Estrada bilang isang di-mabatang pasanin para sa naghaharing sistema at nagnanais na palitan siya para mapalakas ang naghaharing sistema. Maaaring mapanatili sa malawak na nagkakaisang prente ang mga pwersang ito habang hindi nalulutas ang kontradiksyon nila sa naghaharing pangkating Estrada na magaganap lamang sa pagpapatalsik sa huli.

Ang pakana ni Estrada para manatili sa kapangyarihan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

1.Anti-komunistang isterya, pananakot at pang-iintriga para hatiin ang malawak na nagkakaisang prente at kilusang masa at paggamit ng kapangyarihan at mga rekurso ng kanyang pusisyon laban sa kilusang masa.

2. Pagkontrol sa di-kukulangin sa walong senador sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pabor, suhol at pondo ng pork barrel at pagngangawa na ang paglilitis sa Senado ang tanging �prosesong konstitusyonal� na nararapat humarap sa mga kaso laban sa kanya.

3. Pandaraya sa eleksyon ng Mayo 14, 2001 matapos makuha sa Senado ang pagpapawalang-sala sa kanya o mapigilan itong gumawa ng hatol bago ang kampanya para sa eleksyong 2001.

May pangkalahatang konsensus sa malawak na nagkakaisang prente na maaari at dapat patalsikin si Estrada mula sa kapangyarihan sa pamamagitan ng mga aksyong masa sa buong kapuluan na magreresulta sa pagkubkob sa palasyo ng pangulo hanggang sa magbitiw si Estrada. Ngunit may ilang espesyal na grupo sa hanay ng mga Kanang anti-Estrada na may malakas na ilusyon na mapapatalsik si Estrada nang walang pagkubkob ng masa sa palasyo o na siya ay mahahatulang nagkasala ng Senado.

Ang mga salik para sa kombiksyon ni Estrada ng kinakailangang dalawang-katlo ng mayorya ng Senado ay kinabibilangan ng sumusunod: ang bisa ng lumalawak na aksyong masa, ang lakas ng ebidensya at payo ng mga tauhan ng US sa mga senador na bitiwan na si Estrada. Kaalinsabay nito, kabilang sa mga salik para sa di pagkakaroon ng hatol ng pagkakasala o pagpapawalang-sala pa nga ay ang pagpapatagal ng paglilitis hanggang sa maabutan ito ng panahon ng pangangampanya sa eleksyon, ang suhol mula kina Estrada at Eduardo Cojuangco, ang pagbawi ni Bush ng kasalukuyang pusisyon ng US at ang huwad na pangako ni Estrada sa mga senador na magbibitiw siya kung siya�y mapapawalang-sala o matapos ang eleksyon kapag matalo ang kanyang mga kandidato sa Senado. Napakabigat at di-mapasusubalian ang ebidensyang naiharap na sa paglilitis sa Senado laban kay Estrada. Sapat na sapat na ito para mahatulan siyang maysala sa suhol at katiwalian at kabulukan. Ang pinakamabigat na ebidensya laban sa kanya ay ang mga testimonya nina Gob. Chavit Singson, bise presidente ng bangko na si Clarissa Ocampo at iba pang testigo at kaugnay na mga dokumento ng bangko. Napatunayan nang walang pasubali na ginagamit ni Estrada ang alyas na Jose Velarde para magkamal ng nakaw at aregluhin ito sa mga transaksyon sa bangko.

Wala pa ring katiyakan na mahahatulang maysala si Estrada. Kung hindi siya mapapawalang-sala ng kanyang masusugid na tagasunod sa Senado bago magsimula ang panahon ng pangangampanya sa eleksyon, maaaring patagalin ng kanyang abugado ang paglilitis hanggang sa masapawan na ito ng nabanggit na panahon. Anumang paghupa ng kilusang masa laban kay Estrada ay tiyak na magbibigay daan sa pananatili ni Estrada sa kapangyarihan at mahahayaan siyang makaganti sa iba�t ibang pwersang kabilang sa malawak na nagkakaisang prente, laluna pagkatapos ng eleksyong 2001.

Upang matiyak ang pagpapatalsik kay Estrada sa kapangyarihan, sa loob ng unang kwarto ng 2001, ang kilusang masa alinsunod sa malawak na nagkakaisang prente laban sa kanya ay di dapat maglubay at sa halip ay magpaigting pa. Dapat magkaroon ng malahiganteng aksyong masa para magbigay babala sa Senado na ang pagpapawalang-sala kay Estrada o ang pag-iwas magdesisyon bago ang simula ng panahon para sa kampanyang elektoral ay mag-uudyok ng mas malalaki at mas militanteng aksyong masa kaysa nakaraan laban sa rehimen at sa lumiliit na bilang ng mga sumusuporta dito.

Kung hindi mahahatulan ng Senado ng pagkakasala si Estrada, dapat magsagawa ng mga aksyong masang tulad ng nagpabagsak sa rehimeng Marcos. Dapat nating tandaan na napatalsik si Marcos sa kabila ng kanyang paggigiit na siya ang nanalo sa snap presidential election ng 1986. Malamang na manakot si Estrada na gagamit ng pwersa sa kanyang desperadong pagnanais na pigilin at hatiin ang malawak na nagkakaisang prente habang kanyang minamanipula ang resulta ng eleksyong 2001 para �maibangon ang sarili�.

Dapat panatilihin ng Kaliwa ang kanyang kasarinlan at inisyatiba, samantalahin ang krisis ng naghaharing sistema, himukin ang mga Panggitna sa mga aksyong masa at panatilihin ang kooperasyon ng Kanang anti- Estrada. Tama lamang na nagsagawa ng komun na mga pagkakasundo ang mga pwersa ng pambansademokratikong kilusan sa ibang pwersa at nagbigay ng katiyakan na patuloy na magiging mapayapa at higit na lalawak at magiging militante ang mga aksyong masa.

Paulit-ulit na ipinahayag ng Partido na alinsunod sa sarili nitong linya, hindi ito magdedeploy ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan para sumama sa mga ligal na aksyong masa sa kalunsuran dahil ang nararapat na papel ng BHB ay paigtingin ang mga armadong taktikal na opensiba sa kanayunan. Ang mga aktibo at retiradong upisyal ng militar at pulis ay nanawagan din para sa pagbibitiw ni Estrada at nagdeklara na irerespeto nila ang karapatan ng mamamayang magtipon at magpahayag. Posible, kung gayon, tulad ng mga huling araw ng pasistang rehimeng Marcos, na mapigilan ang naghaharing pangkating Estrada na gamitin ang pwersang militar at pulis laban sa umaalsang masa.

Posible ring sunud-sunod na manawagan kay Estrada ang mga delegasyon ng dayuhang nagpapautang at ang mga aktibong heneral na ito ay magbitiw. Matatandaan natin kamakailan lamang na si Suharto ay mapayapang bumaba sa poder sa ganitong paraan. Umaasa ang naghaharing pangkating Estrada na sasagipin ito ng bagong halal na pangulo ng US. Nakakalimutan nito na mula pa ng panahon ng Republikanong administrasyon ni Reagan, ang mga papet ay napapatalsik sa pamamagitan ng paghihigpit sa pagpapautang at sa ultimong babala ng pagpapatalsik na idinaraan sa mga lokal na delegasyong militar.

Kahit nariyan ang posibilidad ng mapayapang pagpapatalsik kay Estrada, nananatili rin ang posibilidad na ang mga loyalistang Estrada sa militar at pulis, sa pamumuno ni Gen. Panfilo Lacson, ay maghahasik ng terorismo sa mga susing pwersa o elemento na kabilang sa malawak na nagkakaisang prente, guluhin at atakihin ang mga aksyong masa o higit pa, magkudeta laluna laban kay bise presidente Macapagal-Arroyo.

Kaugnay nito, makatarungan lamang na magsagawa ng mga kontra-hakbang ang FORCES at mga lihim na grupo ng mga aktibong tauhang militar at pulis laban sa mga sagadsaring maka-Estrada. Kahit hindi magsagawa ng kudeta para itayo ang isang hunta-militar o militarsibilyan, maaari nilang tiktikan, ihiwalay at arestuhin ang mga loyalistang Estrada sa kanilang mga kriminal na aksyon.

Kung gumamit ng dahas ang rehimeng Estrada laban sa mga di-armadong masang nagsasagawa ng kanilang demokratikong karapatan na magtipon, ang Partido, BHB at NDFP ay handang saluhin ang mga mapipilitang magtago, paigtingin ang digmang bayan at isagawa ang ilang taktikal na opensiba na malinaw na magpapatunay ng kainutilan ng pangkating Estrada na mamahala.

Ang mas marahas pang pagkilos ni Estrada para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan ay hindi lamang magpapainit sa mamamayan na maglunsad ng higit pang malalaki at matitinding aksyong masa kundi magbibigaykatwiran din sa hukbong bayan na magsagawa ng pagpaparusa sa pinakapusakal na mga elemento ng naghaharing pangkatin, laluna sa mga mandarambong at mga lumalabag sa karapatang-tao, saanman sila naroroon sa Pilipinas.

Kung sakali ma�t manatili sa kapangyarihan ang naghaharing pangkating Estrada lampas pa sa unang kwarto ng 2001, higit pang lalala ang pampulitika�t pangekonomyang krisis ng naghaharing sistema at higit na susulong ang rebolusyonaryong paglaban. Ang pagputok ng bula ng �bagong ekonomya� ng US ay pumapalo na sa ekonomya ng Pilipinas. Lumpo na nga sa pagkabulgar ng kanyang mga krimen, si Estrada ay tiyak na hindi na makakapamahala sa bansa.

Higit pang magiging perwisyo para sa mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo na panatilihin si Estrada sa kapangyarihan at iwanan ang dating taktika na pinapalitan ang laos nang papet ng isang relatibong bagong papet para matakpan ang sarili nilang pananagutan. Higit pang paborable para sa rebolusyonaryong kilusan kung pananatilihin siya sa poder nang walang taning kaysa sa kaagad siyang papalitan.

III. MGA PROSPEK MATAPOS ANG PAGPAPATALSIK KAY ESTRADA

Kapag bumagsak ang naghaharing pangkating Estrada, si bise presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang maluluklok sa papet na pampanguluhan ayon sa konstitusyong 1987 ng reaksyunaryong estado. Siya ang magiging bagong punong kinatawang pampulitika ng mga lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Mulat sa lubha ng krisis ng naghaharing sistema, malamang na sisikapin niyang umakit ng suporta sa isang tipo ng konseho na may kalaparan kahit man lamang para makonsolida ang kanyang paghahari. Gumawa na siya ng mga paghahanda para rito sa pagbubuo ng United Opposition, pagpapanatili ng isang paa sa Lakas- NUCD, pag-eengganyo sa Council of Philippine Affairs, People�s Consultative Assembly at Kompil II at pakikipagkonsultahan sa mga lider ng mga simbahan, negosyo at militar gayundin sa BAYAN at Bayan Muna.

Mula ngayon hanggang sa pagbagsak ni Estrada, kung siya nga ay kagyat na babagsak, ay walang sapat na panahon para radikal na mabago ang timbangan ng lakas sa pagitan ng armadong kontra-rebolusyon at armadong rebolusyon o magbuo at magpalakas ng isang konsehong tagapamahala na tunay na maglilingkod sa pambansa at demokratikong interes ng mamamayan.

Ang mga pangako ni Macapagal-Arroyo sa ligal na Kaliwa sa proseso ng kilusan para alisin sa poder si Estrada ay liliit ang halaga para sa kanya kapag nagsimula na siyang sumunod sa utos ng mga imperyalista at maglingkod sa interes ng mga lokal na reaksyunaryo. Mas aasa na siya sa suporta ng Lakas-NUCD at United Opposition sa kanyang paghahari.

Habang kinokonsolida ang kanyang pusisyon, sisikapin niyang lumikha ng klima ng malawak na suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabalat-bungang suporta sa reporma sa lupa, kaunlaran at �social safety net� habang nangangayupapa sa mga neokolonyal at �neoliberal� na dikta ng mga imperyalista, IMF, World Bank at WTO. Sang-ayon sa mabuting payo, maaaring palayain niya ang lahat ng bilanggong pulitikal, mangako ng hustisya at kabayaran sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao, muling buhayin ang mga kasunduan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP at ipagpatuloy ang naturang negosasyon.

Dahil sa lubha ng krisis ng naghaharing sistema, ang bagong rehimen ay mapipilitang sumunod pang lalo sa mga dikta ng mga imperyalista at kasabay nito ay sikaping iwasan ang galit ng mamamayan sa pamamagitan ng ilang pabalat-bungang hakbang at mapanlinlang na taktika, na kung hindi niya gagawin ay magpapabilis sa kanyang pagkakahiwalay. Ang mismong krisis din ng naghaharing sistema ang magtutulak sa ligal na mga demokratikong pwersa na igiit ang mga repormang kapaki-pakinabang sa mamamayan, habang ang Partido at mga rebolusyonaryong masa ay nagpapatuloy sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Ang patuloy na paglubha ng mga saligang problema ng mamamayan sa ilalim ng bagong rehimen at ang pagtindi ng panlipunan at pang-ekonomyang krisis ng naghaharing sistema ay magbubunga ng mas malalang krisis pampulitika. Kasimbilis ng paglalantad ng rehimen ng kanyang anti-mamamayan, antinasyunal at antidemokratikong katangian, ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan ay iigting at isang malawak na nagkakaisang prente ang tiyak na tatayo.

Ang mga imperyalistang bangko, empresa at multilateral na ahensya sa pautang (IMF, World Bank, WTO atbp.) ay magpapatuloy magpataw ng mga kundisyong maglalagay sa kanilang papet sa alanganing pusisyon. Ang patuloy na lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay lalong magpapalala sa krisis ng lokal na naghaharing sistema at magmimistulang inutil ang anumang pagtatangka ng bagong rehimen na magpalubag-loob, manlinlang o manakot sa mamamayan.

Sa harap ng pagputok ng bula ng �bagong ekonomya� sa US, ang tunguhin sa resesyon ng buong pandaigdigang sistemang kapitalista ay higit na lalalim. Mangangahulugan ito ng pagliit ng pangangailangan sa mga imperyalistang bayan para sa mga hilaw na materyales at mala-manupakturang eksport mula sa Pilipinas at sa paghina ng kakayahan ng papet na rehimen na bayaran ang dayuhang utang. Lalo lamang mababaon sa krisis ang bagong rehimen at sisindihan ang galit ng mamamayan ng pangangayupapa nito sa dikta ng mga imperyalista at pagtatambol ng islogan ng �malayang pamilihan�.

Kapag ang papet na rehimen ay muling malantad at mahiwalay dahil sa papalubhang krisis at paglaban ng mamamayan, ang mga imperyalista ay maghuhugas ng kamay sa anumang responsibilidad sa krisis at maaari pa ngang magtangkang agawin ang inisyatiba sa pagbatikos sa rehimen, kadalasan kaugnay ng burukratikong korupsyon. Subalit sa paglaban sa bawat rehimen, naitataas ng mamamayan ang rebolusyonaryong kamalayan, militansya at lakas laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nakahanda sa ideolohiya, pulitika at organisasyon na harapin ang bagong naghaharing pangkatin sa pagtangan nito ng papel bilang kaaway ng mamamayan. Ang lakas na naipon ng mga rebolusyonaryong pwersa sa proseso ng paglaban sa buong naghaharing sistema at pagpapabagsak sa rehimeng US-Estrada ay magagamit laban sa bagong naghaharing rehimen. Ang krisis ng naglalahong naghaharing sistema ay hindi malulutas kundi lalo pang lalala. Patuloy nitong papaburan ang pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon.

 


 Back to top 

26 Disyembre 2000
Edisyong Pilipino


Maghanda laban sa ibayong panghihimasok militar ng US, paigtingin at isulong ang digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.