Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Tumitindi ang mga paglabag sa mga karapatang-tao

 Read this article in English

Ang pagtortyur at pagmasaker sa siyam na sibilyan at hors de combat noong Abril 16 sa Kananga, Leyte at ang pagpaslang sa dalawang aktibistang sina Elaine "Eden" Marcellana at Eddie Gumanoy noong Abril 22 sa Naujan, Oriental Mindoro ay palatandaan ng ibayong pagtindi ng militarisasyon at mga pang-aabusong militar sa bansa.

Ang naturang mga pagpaslang ay karugtong lamang ng humahabang talaan ng Amnesty International ng mga paglabag sa karapatang-tao mula nang maging pangulo si Macapagal-Arroyo noong Enero 2001 hanggang Enero 2003. Batay sa talaan, mayroon nang 172 biktima ng pagpatay, 127 biktima ng tortyur, 879 kataong inaresto at ikinulong, 9,219 biktima ng pambobomba at pamamaril, 11,179 biktima ng paninira ng ari-arian at 17,564 biktima ng sapilitang pagpapalikas.

Sa Timog Katagalugan naman, naitala ng Karapatan-TK ang 1,072 kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao. Sa walang awang pagpaslang kina Marcellana at Gumanoy, umaabot na sa 66 ang mga sibilyang pinagpapatay ng mga pwersang militar at paramilitar sa rehiyon. Tatlumpu't-apat sa kanila ang pinatay nito lamang huling dalawang taon. Tatlumpu ang kasong naitala sa Oriental Mindoro.

Ayon naman sa Kapulungan Para sa Lupang Ninuno, isang pederasyon ng mga Mangyan, mayroon nang walong kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga Mangyan, dalawa rito mga kaso ng pananalbeyds nitong Marso.

Sumusunod ang ilan sa pinakamatitingkad na kaso mula Marso hanggang Abril 2003:

Abril 25. Namatay si William Masinid at anak niyang si Wilmore, dalawang taong gulang, nang paulanan ng mga bala ang kanilang bahay ng mga elemento ng 8th Special Forces Battalion sa Barangay Mahan-ub, Baganga, Davao Oriental. Hinuli rin ang anim na sibilyang pinaratangang mga gerilya ng BHB, ayon sa Karapatan-Mindanao.

Abril 16. Siyam katao ang tinortyur at minasaker sa Sityo Mahayahay, Barangay San Isidro, Kananga, Leyte nang kubkubin ng mga elemento ng 19th IB ang isang pinaghihinalaang kampo ng BHB. Ang mga biktima ay sina Eugenio Tazan, 54, tagapangulo ng San Isidro Small Farmers' Association; ang tatlong-buwang buntis na si Rowena Superior, 24, myembro ng Bagalungon Small Farmers' Association; Rey Corpin, 13, anak ng ingat-yaman ng Alyansa sa Mag-uuma ug Mamumuo; Obet Quidlat, 16; Benjie Cabugoy, 17; Randy Potoy, 15; Teofilo Sumaya Jr., 24; Joe Cosenillo; at isang nagngangalang Louie.

Lantarang paglabag sa Protocol II ang ginawang pagpatay. Anim sa mga biktima ay mga sibilyan, tatlo rito ay mga menor de edad. Ang tatlong iba pa ay mga Pulang mandirigmang hors de combat. Pawang sa ulo ang tama ng pito sa mga biktima. Pinagpapalo sila ng matigas na bagay at binanlian ng kumukulong tubig bago patayin nang walang kalaban-laban.

Abril 15. Sinalakay ng 300 tropa ng Task Force Davao (pinagsanib na pwersa ng Philippine Marines at Special Forces ng Philippine Army) ang NHA Bangkal, Talomo, Davao City. Bahagi ito ng tuluy-tuloy na pagsosona at iligal na pagrerekisa sa mga komunidad ng Muslim sa lunsod mula noong unang linggo ng Abril.

Dinukot din si Muslimi Maro, residente ng Agdao District, Davao City. Pang-apat siyang Muslim na dinukot ng mga armadong tao, ayon sa Bishops-Ulama League.

Abril 10. Dinampot ng apat na armadong lalaki si Lajmar Jumdail, na taga-Agdao din. Dalawang linggo bago ito, pwersahan ding kinuha ng mga armadong tao sina Datu Abdullah Sabdura Ala at Ustadz Zulkifle Alimuddin.

Marso 31 at 27. Magkahiwalay na dinukot ng mga sundalo ang mga Mangyan na sina Rizal Matri (Marso 27) at pamangkin niyang si Dino Matri (Marso 31) sa Puerto Galera. Pareho na silang patay nang matagpuan kinabukasan.

Samantala, isa pang Mangyan, si Ricky Looy, ang iniulat na nawawala. Ginawa umano siyang giya sa mga operasyong militar ng Philippine Army.

Marso 25. Binulabog ang mga naglalamay sa bangkay ni Florencio "Ka Lerry" de Castro sa Barangay Tagbakin, Tiaong, Quezon. Ang bahay na pinaglalamayan ay pinalibutan ng dalawang pangkat ng 5th Special Forces ng Philippine Army at 26 na tropa ng PNP na naghahanap daw ng mga Pulang mandirigma. Bago ito, pinagbawalan at hinaras ng isang Colonel Isles ng PNP ang mga kasapi ng Karapatan-ST na manguha ng litrato at video ng bangkay ni Ka Lerry, na namartir sa sagupaan laban sa 1st IB sa Majayjay, Laguna noong Marso 20.

Marso 21. Hatinggabi sa Sityo Pagturian, Barangay Villaflor, Puerto Galera, pinasok at hinalughog ng mga nakamaskara at armadong tao ang bahay ni Francisco Rabano. Nang walang makitang armas sa bahay, pinagbabaril nila si Francisco at kapatid niyang si Mariano. Ninakawan din sila ng P25,000 at mga ari-arian. Pagkatapos ay sinunog ang kanilang bahay kasama ang kanilang mga bangkay. Nakatakas ang asawa at anak ni Francisco na siyang nakapagkwento ng malagim na pangyayari.

Marso 14 at 19. Hindi na muling nakita at itinuturing nang mga "desaparecido" sina Teodoro Manongsong at Luis Aspeto, kapwa pinaghihinalaan ng militar na mga Pulang mandirigma, mula nang "ipatawag" sila ni Col. Jovito Palparan sa kampo ng 204th Bde sa Puerto Galera. Si Manongsong ay ipinatawag noong Marso 14 at si Aspeto noong Marso 19.

Marso 12. Dinukot sa kanyang bahay at sinalbeyds si Michael Santiago, residente ng Barangay Pulong Bayabas, San Rafael, Bulacan. Pinalabas ng militar na kasapi ng BHB si Santiago na nakaengkwentro raw nila samantalang isa lamang siyang barangay tanod na walang anumang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Mayo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ibayong labanan ang papatinding militarisasyon sa Mindoro at ibang lugar

Pagpaslang sa mga aktibista sa Mindoro:
Malawakang galit, sumiklab laban sa 204th Brigade

Davao City, laboratoryo para sa mga pasistang hakbangin
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Tumitindi ang mga paglabag sa mga karapatang-tao
Ika-100 pagdiriwang ng Mayo Uno sa bansa:
Mga hamon sa kilusang manggagawa

Libu-libong manggagawa, dumagsa sa lansangan noong Mayo 1
Naghahanap ng mas maginhawang buhay
Kabulukan ng RPA-ABB, ibayong nabubunyag
Sa Ibayong Dagat:
Bitag

BALITA
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.