Balita
4 SANDATA, NAKUMPISKA SA QUEZON
Apat na matataas na kalibreng baril ang nakumpiska ng isang yunit-gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa San Antonio, Quezon. Sa isang reyd na inilunsad nitong Oktubre 11, bandang 4:30 n. h. sa Barangay Matipungo, nakumpiska ang isang M16, dalawang karbin, isang garan at dalawang granada. Tinarget ng reyd ang bahay nina Brgy. Capt. Domingo Mendoza at Raymundo Gavieno, hepe ng barangay tanod sa baryo.
CONVOY NG MILITAR, INAMBUS SA AGUSAN SUR
Tatlong sundalo ang namatay at lima ang sugatan nang tambangan ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan ang isang convoy ng Philippine Army ngayong Setyembre. Ang pananambang ay inilunsad nitong Setyembre 10 sa Dimasalang, San Luis, Agusan del Sur.
HEPE NG PULIS, PINARUSAN SA MINDORO
Pinarusahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Oriental Mindoro si Insp. Leodicario Turno, hepe ng pulis sa bayan ng San Teodoro. Si Turno ay sakay ng isang motorsiklo nang tambangan siya nitong Oktubre 22, alas-12 ng tanghali, sa Barangay Lumang Bayan, San Teodoro.
NDFP-GITNANG KABISAYAAN, NAGPAHAYAG HINGGIL SA PAGSUKO NI DECASA
Inilinaw ng National Democratic Front (NDF) sa Gitnang Kabisayaan sa isang pahayag ang mga sirkunstansya kaugnay ng pagsuko ni Jaima Decasa sa reaksyunaryong AFP noong Setyembre 3. Si Decasa, dating bise alkalde ng Bohol, ay sumanib sa Bagong Hukbong Bayan noong Marso 1999. Sa direksyon mismo ng hepe ng AFP na si Hen. Angelo Reyes at ng Malakanyang, kinasangkapan ang mga kamag-anak, kaibigan at mga dating kapartido ni Decasa para maging madali ang proseso ng kanyang pagsuko.
Inilantad ng NDF ang pagbabayad ng P600,000 kay Jude Estrada, anak ni Joseph Estrada, bilang �legal facilitation fee� upang matulungan si Decasa at dalawa pang akusado na makalusot sa kaso ng pagpatay kay Ernesto Hingpit noong Mayo 1998.
Ayon sa NDF, tumugma ang mga maniobra ng kaaway sa mga internal na kahinaan ni Decasa. Anang NDF, nabigo si Decasa na iangat ang kanyang kamulatan mula sa simpleng personal na galit sa kalabang pulitiko patungo sa lahatang-panig na rebolusyonaryong kamulatan. Nahirapan din siyang magwaksi sa sariling mga anti-mamamayang gawi sa nakaraan at pangibabawan ang personal na sentimentalismo.
15,000 MAGSASAKA NAGRALI SA MAYNILA
Mahigit 15,000 mga magsasaka mula sa Hilaga- at Gitnang Luzon, Timog Katagalugan at Kabikulan ang nagmartsa patungo sa Maynila upang igiit ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Sa loob ng tatlong araw, mula Oktubre 19 hanggang 21, tinuligsa rin ng mga magsasaka ang plano ng rehimeng US-Estrada na pahintulutan ang mga dayuhang monopolyong kapitalista na magmay-ari ng lupa sa Pilipinas at ang iba pang makadayuhang mga patakarang nais isulat sa konstitusyon ng Republika ng Pilipinas.
|