Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Panunupil sa Texas Instruments
Pambubusabos sa mga manggagawa

 Read this article in English

Upang makapagkamal pa rin ng maksimum na tubo sa gitna ng tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, lubos na pinipiga ng mga monopolyo kapitalista ang lakas-paggawa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng walang habas na pagatake sa kanilang sahod, mga benepisyo at karapatang mag-unyon. Sa buong daigdig, malawakang niyuyurakan o tuwirang ipinagkakait ang mga karapatan at ibinababa ang mga pamantayan sa paggawa na ipinagwagi sa loob ng dantaong pakikibaka ng kilusang manggagawa.

Sa Pilipinas, ang pambubusabos sa mga manggagawa at pagsiil sa kanilang mga batayang karapatan ay patakarang malaon nang itinutulak ng mga imperyalista at masugid na ipinatutupad ng papet na gubyerno para sa kapakinabangan ng malalaking kapitalistang dayuhan. Pinakamasahol ang pambubusabos sa mga manggagawa sa mga empresa sa loob ng mga export processing zone (EPZ). Dito, animo�y bilanggo ng mga hamlet o concentration camp ang mga manggagawa sa higpit at lupit ng pamamalakad ng mga kapitalista at pangasiwaan ng EPZ.

Ang sumusunod na artikulo na naglalarawan sa siil na kalagayan ng mga manggagawa sa Texas Instruments (TI) sa Baguio City Export Processing Zone ay batay sa pananaliksik na isinagawa ng mga kadre sa kilusang paggawa sa rehiyon ng Ilokos-Kordilyera.

Ang Texas Instruments ay isang dambuhalang korporasyong Amerikano at isa sa mga nangunguna sa buong mundo sa paggawa ng mga pyesang elektronik, tulad ng mga integrated circuit at semiconductor. Ang mga pyesang ito ang siyang pinakapuso ng mga computer, aplayans, laruang elektronik, mga modernong kagamitang pandigma at iba pang kagamitang elektronik. Unang naitatag ang TI noong 1930 mula sa malaking pinansyang ibinuhos ng US pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig para sa higit na pagpapalakas ng military-industrial complex nito at bilang paghahanda sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang pagawaan ng TI dito sa bansa ang may pinakamalaking bilang ng manggagawa (mga 3,000) sa Baguio City Export Processing Zone (BCEPZ) at isa sa may pinakamalaking bilang ng manggagawa sa buong Hilagang Luzon. Ito rin ay isa sa 11 pinakamalalaking kumpanya sa bansa at siyang may pinakamalaking eksport mula pa noong 1996. Sa taong iyon, unang-una ang TI sa mga empresang nakapag-eksport ng higit sa $1 bilyong halaga ng mga produkto.

Tulad ng iba pang empresa sa mga export processing zone, hindi eksport ng tunay na mga manupaktura ang ginagawa ng TI kundi limitado at bahagyang pagpoproseso lamang (o semi-manupaktura). Muling iniluluwas lamang nito ang mga produktong sa kalakhan ay halos yari na at minanupaktura sa ibang bansa. Sa partikular, ang TI sa BCEPZ ay nag-eespesyalisa sa iisang uri lamang na proseso sa paggawa ng mga semiconductor, ang "assembly and test." Ang iba pang proseso sa 12 produksyon tulad ng pagmamanupaktura at assembly ng pinal na produkto ay ginagawa sa iba pang sangay ng TI na nakakalat sa mahigit 50 bansa.

Mga anti-unyong patakaran at hakbangin

Kilala ang TI sa buong mundo sa pagiging anti-unyon. Matagal nang patakaran nito ang pagbabawal at matinding pagkontra sa pag-uunyon hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi sa lahat ng bahagi ng organisasyon nito sa buong mundo. Mula pa nang maitatag ito, wala pang unyon ng manggagawa ang matagumpay na naitayo saanmang sangay ng TI sa daigdig.

Tinitiyak ng TI ang pag-iral ng ganitong "kapayapaan" sa kabuuan ng organisasyon nito sa pamamagitan ng pinakatusong mga paraan, hanggang sa pasistang mga kaparaanan ng pagkokontrol sa isip at galaw ng mga manggagawa at pagsasagka sa kanilang pag-oorganisa sa sarili. Lahat ng empresa sa BCEPZ ay anti-unyon. Subalit ang pinakamasugid sa mga ito sa paglaban sa unyonismo ay ang TI.

Bawat manggagawang tinatanggap ng TI ay pinadaraan muna sa isang pang-oryentasyong seminar kung saan idinidiin at ikinukundisyon sa pagtanggap sa kanila ang pagbabawal sa pag-unyon o anumang anyo ng paglaban sa kumpanya. Ang unyon, ayon sa maneydsment, ay sisira lamang sa "katahimikan" sa loob ng kumpanya at maglalagay lamang sa mga manggagawa sa hindi siguradong kalagayan sa trabaho.

May itinayong organisasyon ang TI para mas mahigpit nitong makontrol ang mga manggagawa. Tinatawag nila itong "Kapatiran, Balikatan at Ugnayan". Para ito umano sa "hingahan ng mga hinaing" (airing of grievances) ng mga manggagawa. Gawa nito, sinasabi ng maneydsment sa mga manggagawa sa TI na hindi na kailangan ng unyon dito. Palibhasa­y hindi sarili at hindi rin tunay na organisasyon ng mga manggagawa ang "Kapatiran, Balikatan at Ugnayan," kundi itinayo at minamanipula ng maneydsment, paghahapag lamang ng mga hinaing ang nangyayari sa mga pulong nito at wala nang iba. Pero kahit ito­y hinahadlangan ng nangingibabaw na takot. Walang karapatan ni kapangyarihan ang mga manggagawa na makipagtawaran sa kumpanya. Nasa kumpanya na kung tutugunan o hindi, at kung papaano tutugunan kung sakali, ang mga hinaing ng mga manggagawa.

Para masagkaan ang pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa, mahigpit na ipinagbabawal din ng kumpanya na makipag-usap ang mga manggagawa sa isa­t isa sa panahon ng trabaho. Maging sa loob ng shuttle bus na sumusundo sa kanila sa pagpasok at naghahatid sa kanila mula sa trabaho, at pati sa mga hintayan ng bus ay bawal silang mag-usap-usap. Lalong bawal sa kanilang makipag-usap sa ibang tao. Ito ay tinagurian ng kumpanya bilang isang "mortal sin"(mortal na kasalanan).

Noong 1981, dalawang taon matapos itatag ang BCEPZ at gayundin ng TI, ang mga manggagawa sa Texas Instruments ang siyang unang nagsubok na magtayo ng unyon sa BCEPZ. Limandaan (500) pa lamang ang mga manggagawa noon sa TI at 300 sa kanila ang kaagad naghangad at nagbalak makapagtayo ng unyon. Ngunit dahil sa panghihimasok at panggugulo ng dilawang Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines, naging disorganisado ang pagtatayo ng unyon sa TI. Sa gayon, nabigo ang mga manggagawa.

Sinamantala ito ng maneydsment at kaagad na gumawa ng mga hakbangin para tuluyan nang maudlot ang pagtatayo ng unyon sa kumpanya. Ipinadala sa ibang bansa ang ilan sa mga nag-lider sa naunsyaming unyon upang mag-training; ang iba pa ay binigyan ng matataas na pusisyon, sahod at mga benepisyo; at ang iba ay inilipat-lipat ng departamento at hinaras. Nagtanim ng mga espiya sa hanay ng mga manggagawa. Hinigpitan ang pagmamanman sa kilos ng mga manggagawa at pagaalerto sa mga posibleng pasok ng mga organisador ng unyon. Naglunsad ng mga anti-unyong seminar. Sabay na pinairal ang iba­t iba pang anyo ng panlilinlang at pananakot sa mga manggagawa.

Kalunus-lunos na kalagayan sa paggawa

Dahil walang unyong mangangalaga sa interes ng mga manggagawa, libre ang kapitalista na magpairal ng kalunus-lunos na mga kalagayan sa paggawa.

Pinipiga ng kapitalista hanggang sa kaibuturan ang produktibidad ng mga manggagawa. Apat sa halip na dalawang makina lamang (na siyang karaniwan sa ibang pagawaan ng semiconductor maging sa ibang bansa) ang sabay-sabay na pinaoopereyt sa bawat manggagawa ng TI. Balak pa ng kumpanyang gawin itong anim.

Pinagtatrabaho ang mga manggagawa nang walang kahit saglit na pahinga sa loob ng walong oras. Hindi pinapayagang maiwanan ang mga makina nang kahit ilang sandali, para pumunta sa palikuran, halimbawa. Kundi­y sisitahin, pagagalitan at iuulat sila ng mga superbisor. Hindi pinapayagang umupo ang mga manggagawa rito.

Hindi rin tinitiyak ang kanilang kaligtasan sa paggawa. Napakaraming nakapamiminsala sa kalusugan sa kalagayan ng paggawa sa TI. Sa buong mundo, ang industriya ng semiconductor ay ikatlo sa mga industriyang pinakadelikado sa kalusugan ng mga manggagawa dahil sa kanilang sobrang eksposyur sa asido, gas at iba pang nakalalasong kemikal. Ang karaniwang epekto ng eksposyur sa mga nasabing kemikal ay skin allergy, pagkakalbo, at mga sakit sa baga. May ilang kaso na rin ng abnormalidad sa mga batang ipinapanganak ng nanay na nakalanghap ng nasabing mga kemikal.

Sa TI, pinagagamit ang mga manggagawa ng acetone, ethyl alcohol, flux, hydrochloric acid, lead, perchloro ethylene at trichloro ethylene sa pagpoproseso ng mga produktong elektronik. Habang tumatagal ang eksposyur nila sa mga kemikal na ito, ang mga manggagawa ay nakararamdam ng pagkahilo, deliryo, pagkaulyanin, koma, panunuyo ng lalamunan at pangangati ng balat at mata. May ilang diumano­y protective gadget na ipinagagamit ng kumpanya sa mga manggagawa. Pero ang mga ito­y tulad lamang ng mga maskara at ilang kasuotang hindi sapat para maiwasan ang mapanganib na epekto ng mga kemikal na nanunuot hanggang sa kalamnan.

Malaki rin ang panganib na mabulag ang mga manggagawa. Ang matagalan at paulit-ulit na paggamit ng microscope (kagamitan para silipin ang ilandaang bahagi ng isang chip na kasing nipis ng kuko sa daliri) ay walang palyang sumisira sa kanilang mga mata, bagay na maaaring humantong sa pagkabulag.

Ang hindi pagpayag ng kapitalista na umihi man lamang ang mga manggagawa ay nagiging sanhi ng urinary tract infection (sakit sa pantog o sa bato). Dahil pirmi rin silang nakatayo, madalas na nangangalay, naninigas (bunga ng pamumulikat) at namamaga ang mga ugat (varicose veins) sa paa ng mga manggagawa.

Mas pinangangalagaan pa ng kapitalista ang mga makina kung kaya palaging nakatodo ang air-conditioning sa pabrika, isa pang bagay na nagdudulot sa mga manggagawa ng iba­t ibang sakit sa baga, tulad ng hika.

Mataas na tantos ng pagsasamantala

Ipinagmamalaki ng TI na kapalit nito ay mas mataas diumano ang pasahod nito kumpara sa ibang kumpanya sa bansa. Karaniwang umaabot ng mga P300 bawat araw o P7,000 bawat buwan ang naiuuwi ng mga regular na manggagawa roon�-halos doble ng minimum na sahod.

Subalit maliit pa ito kumpara sa sahod na tinatanggap ng mga manggagawa sa ibang pagawaan ng semiconductor sa bansa at lalo na sa ibayong dagat.

Ang totoo, napakataas ng tantos ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa TI. Batay sa mga datos noon pang 1994, sa bawat pisong sinasahod ng manggagawa, P50 ang sobrang-halagang nililikha niyang napupunta sa kapitalista. Ibig sabihin, wala pang 2% ng halagang nililikha ng manggagawa ang napupunta sa kanya at mahigit 98% nito ay inaangkin ng kapitalista.

Gayundin, hindi kaagad-agad na regular ang sahod na ibinibigay ng kumpanya sa mga manggagawa. Marami itong mga paraan para makakuha ng mura at kundi man libre ay halos libreng paggawa. Bago pa maging regular na manggagawa sa TI, kailangan munang dumaan sa pretraining at pagkatapos ay sa probationary period na tumatagal nang anim na buwan.

Sa programa nilang apprenticeship para sa mga bagong gradweyt, karamihan ay tinatanggal makaraan lamang ang tatlong buwan at pinaghihintay sa pangakong trabaho kapag kailangan na ng kumpanya ng karagdagang regular. Ang lahat ng aprentis ay binibigyan lamang ng 75% ng minimum na sahod pero pinagtatrabaho na katulad ng mga regular. Kumukuha rin ang TI ng mga estudyante mula sa mga technical school na binibigyan ng OJT o "on-the-job training" sa loob ng limang buwan na ang kapalit ay grade sa paaralan sa halip na sahod. Ang mataas na antas ng teknolohiya, ang pagmamaksimisa sa bilang ng mga makinang pinaoopereyt at dami ng mga operasyong pinagagawa sa bawat manggagawa, at ang mahigpit na pagpipiga sa bawat minuto ng manggagawa na binibili ng kapitalista ay mga paraan para mahuthot ng huli ang maksimum na sobranghalaga mula sa paggawa ng mga manggagawa at sa gayon ay mapatindi ang pagsasamantala sa kanila. Katambal nito­y ang malaking kapinsalaan sa kalusugan ng mga manggagawa at ang matinding panunupil at pangaapi sa kanila.

Elitista at anti-manggagawang doktrina

Ang pinakatuso at epektibong pamamaraan ng maneydsment para masagkaan ang pag-uunyon ng mga manggagawa sa TI ay ang pamimilipit sa isip ng mga manggagawa. Diumano, sila ay hindi mga manggagawa kundi mga "TI-ers" (taga-TI). Tinatawag din silang "Production Specialists". Idinidikdik ng maneydsment na ang mga "TI-ers" ay mga pribilehiyadong uri: hindi api, hindi pinagsasamantalahan at hindi naghihirap gaya ng karaniwang mga manggagawa. Sinusuhayan pa ito ng maneydsment sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming insentibo at gantimpala para sa "zero absenteeism", maraming taong serbisyo sa kumpanya, atbp.; paglalathala sa panloob na pahayagan tungkol sa mga "success stories" ng napo-promote na mga manggagawa; at madalas na paglulunsad ng mga pang-aliw na aktibidad tulad ng mga palaro, kantahan, disco, picnic at beach party. Sinisikap ng kapitalista na pagtakpan ang matinding pagsasamantala nito sa mga manggagawa sa pamamagitan ng mga panlinlang, pang-aliw at pangunswelong mga aktibidad at pabuya.

Kahimat sa mahabang panaho­y nagagawa ng TI hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong daigdig na makapanlinlang at makapangontrol ng isip at galaw ng mga manggagawa at makasagka sa kanilang sariling pag-oorganisa, hindi nito ito magagawa nang magpasawalanghanggan. Sa ngayon, kahit sa napakahirap na kalagayan ng pagoorganisa sa loob ng kumpanya, mayroong mga mulat-sa-uring aktibista na lihim at maingat na nagsisikap magmulat at mag-organisa ng mga kapwa manggagawa sa TI. Ang mga manggagawa sa Texas Instruments ay babangon at babangon sa makauring kamulatan at paglaban, tulad ng ginawa noong 1981 ng karamihan ng mga unang manggagawa sa TI. Kaugnay nito, mahalagang matutukan ng Partido, bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa, ang pagpursige sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagbibigay ng mahusay na pamumuno sa kanila.

 


Previous articleBack to topNext article

04 Marso 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan at labanan ang mas maigting pang mga opensibang militar at panunupil pagkatapos palayain ang mga bihag sa digmaan

Paninindigan ng NDFP
Paggalang sa Karapatan ng mga Bihag sa Digmaan

Sa okasyon ng ika-30 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan
"Labanan ang kaaway hanggang sa tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon!"

Sagisag ng Bagong Hukbong Bayan
Mga Ulat Koresponsal
Pananaig sa konserbatismo at pagsusulong ng armadong pakikibaka sa Gitnang Kabisayaan

Mga Ulat Koresponsal
Pagtalikod Sa Reaksyon, Pagsanib Sa Rebolusyon

Panunupil sa Texas Instruments
Pambubusabos sa mga manggagawa
Panunupil sa Texas Instruments
Pang-aapi sa kababaihan

Ang ICMLPO
Tungo sa pandaigdigang proletaryong pagkakaisa at pagtutulungan

Ang ICMLPO
MGA SIPI

Sosyalistang pagkakaisa?
Ang usapin ng pagkakaisa at ang mga Contra

Sa Ibayong Dagat
Imperyalistang pananalakay sa Balkan Peninsula

Pinagtubuan ang digma
Pahayag
Itigil ang digmang pananalakay ng U.S. at NATO

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.