![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang mamamayan sa Oriental Mindoro, laluna ang masang magsasaka, ay kasalukuyang nililigalig at sinasalanta ng matinding militarisasyon sa ilalim ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Mula unang linggo nitong Mayo, dumagsa at nag-operasyon sa Mindoro ang may tatlong batalyon ng Philippine Army (kabilang ang Scout Rangers) at PNP Special Forces, dagdag sa mga dati nang mga pwersa ng kaaway na nakapakat dito. Layunin ng kanilang mga operasyong militar na halukayin ang kanayunan at tugisin ang mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan. Ngunit walang ibang napipinsala sa mga operasyong ito kundi ang masang magsasaka at minorya sa prubinsya. Kaugnay nito, naglabas ng pahayag noong Mayo 25 ang Lucio De Guzman Command (LDGC) ng Bagong Hukbong Bayan sa Oriental Mindoro. Tinuligsa ng LDGC ang matinding militarisasyon sa isla at nanawagan sa mamamayan na magpakatatag at itaas ang antas ng paglaban sa harap ng ganitong hamon. Ayon sa LDGC, "Nababahala na ang naghaharing uri sa mga munting tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan na nakamit nitong nakaraang buwan sa larangan ng pulitika at militar na nagresulta sa paglawak at paglalim ng baseng masa ng rebolusyon." Reaksyon din ito ng kaaway sa nailunsad na mga taktikal na opensiba ng BHB, pagparusa ng kilusan kina Ret. Maj. Cesar Platon at Rep. Marcial Punzalan Jr., at pagpapatupad ng patakarang maningil ng access fee mula sa mga reaksyunaryong kandidato nitong nakaraang eleksyon. Kagyat pagkatapos ng eleksyon noong Mayo 14, iniutos ni Macapagal-Arroyo ang pagpapaigting ng mga opensibang militar sa mga larangang gerilya kung saan naganap ang naturang mga rebolusyonaryong hakbangin. Idinagdag pa ng LDGC na bukod rito, gustong makabawi ng AFP at PNP sa kahihiyang dinanas nila sa pagkakabihag kay Army Maj. Noel Buan nang matagal na panahon at sa maayos na pagpapalaya sa kanya batay sa makataong kadahilanan. Nakatutok sa Mindoro ang Habol Tamaraw o Campaign Plan 01-2001 ng Southern Luzon Command (SOLCOM). Ekstensyon ito sa Mindoro ng Oplan Makabayan sa Timog Katagalugan. Mula Mayo 7, idinagdag sa mga sandatahang pwersa ng kaaway sa Mindoro ang dalawang batalyon ng Army (16th IB at 74th IB), dalawang kumpanya ng Scout Rangers (2nd at 18th SRC) at isang kumpanya ng Special Forces (6th SFC). Bukod sa mga operasyong kombat, nagsasagawa rin ang mga ito ng mga operasyong paniktik at nagdudulot ng malawakang mga paglabag sa mga karapatang-tao. Mataas ang kumpyansa ng LDGC na mabibigo ng hukbong bayan at rebolusyonaryong masa ang matitinding operasyong militar ngayon sa Oriental Mindoro. Ibinatay ito ng kumand sa pagbigo ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mga malakihang operasyong militar at sikolohikal mula 1987 hanggang 2000 (Oplan Saliksik I & II, Enero-Marso 1988; Oplan Upland Linis, Oktubre 1988; PNP Experiment, 1991-92; at iba pang kasunod na malakihang operasyong militar at sikolohikal noong 1999-2000 sa pangunguna ng Task Force Mindoro at Task Force Seagull). Anang LDGC, sobra ngayong nababanat ang mga sandatahang pwersa ng kaaway at nagigipit na rin sila sa rekurso habang masyadong nagkokonsentra sila sa ilang lugar. "Sa pagkonsentra ng kanilang operasyong militar sa Romanbul (Roxas-Mansalay-Bulalacao - AB) na posibleng ilunsad nila bago lumakas ang ulan ng Hunyo, tiyak na luluwag ang ibang bayan at kanayunan ng prubinsya para sa ating pagpapalawak ng baseng masa at sa mga piling aksyong militar ng ating Hukbong Bayan." Lumalaking disbentahe para sa mga kaaway ang patuloy na pagnipis ng pakat nila sa ilang lugar. "Kahit sa mga lugar na kanilang kinokonsentrahan ng operasyong militar, may mga pagkakataon ding makakabira tayo sa napapahiwalay at mahinang bahagi ng kaaway." Sa kabilang banda, kabisado ng BHB ang tereyn sa kanayunan. Higit sa lahat, nakasandig ang tiwala ng LDGC sa matibay na suporta ng mamamayan, "dahil nasa ating panig ang makatarungan at makataong batayan ng paglaban ng inaapi at pinagsasamantalahang uri upang mabago nang lubusan ang kanilang kalagayan at ang buong lipunan." Sa pagsisikap ng reaksyunaryong hukbo na gawin ang lahat upang mawasak ang mahigpit na ugnayan sa pagitan ng masa at BHB, anang LDGC, hindi sila nangingiming pinsalain "ang pinagsasamantalahan at aping mamamayan ang mapipinsala. Sasalantain ng mga pasistang tropa ang kanilang kabuhayan, bubulabugin ang kanilang pamumuhay sa komunidad at yuyurakan ang kanilang mga karapatan. Sa harap ng mga ito, nanawagan ang LDGC sa mamamayan ng prubinsya na manindigan at magpakatatag. Pinaghanda ng LDGC ang mamamayan upang harapin ang panibagong direktiba ng rehimeng Macapagal-Arroyo na lipulin ang BHB. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|