Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

III. Mabilis na paglubha ng bulok na naghaharing sistema

 Read this article in English

Ang bulok na naghaharing sistema ng mga uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa ay labis na nagigipit ng pandaigdigang kapitalistang krisis ng sobrang produksyon ng lahat ng tipo ng kalakal at ng mga idinidikta ng US na neoliberal na patakarang �malayang pamilihan� -- denasyunalisasyon, liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakalan, pribatisasyon at deregulasyon.

Mabilis na lumulubha sa paraang lahatang-panig ang pamalagiang krisis ng naghaharing sistema. Ang krisis sa ekonomya at lipunan ay nagdudulot ng sukdulang paghihirap sa malawak na masa ng sambayanan at nagbubunsod ng panlipunang kaguluhan at ng armadong rebolusyon. Nadala ng krisis sosyo-ekonomiko ang krisis sa pulitika sa antas na kahalintulad noong bisperas ng deklarasyon ng batas militar ng rehimeng Marcos.

Umaasa ang Pilipinas sa pag-aangkat ng kasangkapan, panggatong at bahagyang naprosesong mga sangkap at hindi ito lumilikha ng mga produktong kapital (capital goods). At lahat ng tipo ng eksport ng Pilipinas (mga hilaw na materyales na agrikultural at mineral at mga semi-manupakturang may mababang dagdag-na-halaga) ay pabagsak nang pabagsak bunga ng pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon. Kailangang lumikha ang Pilipinas ng mas malaking bulto ng gayon ding uri ng eksport kahit sa mas mababang presyo sa pandaigdigang pamilihan upang kumita ng dayuhang pananalapi o kaya�y magbawas ng mga inaangkat na sangkap para sa produksyon ng mga pangeksport na kalakal at dahil dito�y kikita ito ng mas kaunting dayuhang pananalapi.

Maging ang produksyon sa agrikultura para sa lokal na konsumo ay nababawasan gawa ng tumataas na halaga ng imported na mga sangkap at ng liberalisadong pag-aangkat ng mga produktong pagkain kabilang ang bigas, mais, asukal at karne. Ang lupang maaaring gamitin sa agrikultura ay nabawasan din dahil sa mabilisang akumulasyon ng lupa sa kamay ng iilan para sa ispekulasyon sa real estate bagamat pumutok na ang bula ng pribadong konstruksyon.

Sa kalagayang may pandaigdigang sobrang produksyon ng mga manupaktura tulad ng kotse, materyales sa konstruksyon, consumer electronics at telekomunikasyon, lalong pinabibilis ng mga mapagsamantalang uri ang kanilang lantad na pagkonsumo at pinatitindi ang kanilang pagsasamantala sa uring manggagawa at magsasaka.

Palaki nang palaki taun-taon ang depisito sa dayuhang kalakalan at maaari lamang itong paliitin sa pamamagitan ng pagtitipid, ng pagbabawas sa produksyon at ng disempleyo. Ang pag-eeksport ng kalalakihan at kababaihan para magtrabaho nang dekontrata sa ibayong dagat ang siyang nakakapagpapasok ng mas malaking halaga ng dayuhang pananalapi kumpara sa anupamang produktong pang-eksport. Subalit nalilimitahan ito ngayon ng pandaigdigang krisis sa ekonomya at ng kumpetisyon mula sa eksport na paggawa ng iba pang naghihikahos na bansa.

Sumisirit ang panlabas na pagkakautang ng Pilipinas. Itinutulak pa ito pataas ng lumalaking bayad sa interes ng dating utang at ng panibagong pangungutang upang ipambayad sa dating utang at ipampuno sa patuloy na depisito sa kalakalan. Ang pinakabagong mga dayuhang pautang ay ginamit pangunahin para isalba ang sistema sa pagbabangko. Ang mga utang sa Japan para sa obras publikas ay dumarating nang papatak-patak at may mga kaakibat na kundisyon. Kabilang dito ang mas matataas na interes at mas maiikling taning sa bayaran at pagkakaroon ng mga takdang kontratista at tagasuplay ng materyales na mas matataas ang presyo.

Taun-taon, palaki nang palaki ang lokal na utang pampubliko ng reaksyunaryong estado at pabigat nang pabigat ang ipinapataw nitong mga buwis at sinisingil na kabayaran para sa mga serbisyong publiko sa malawak na masa ng sambayanan upang punan ang patuloy na lumolobong depisito sa badyet. Kalakhan ng gastusin ng gubyerno ay nilalamon ng pagbabayad sa utang, ng pwersa ng pulisya at militar at ng burukratikong korupsyon. Ang perang naimpok para sa seguridad panlipunan (social security savings) ay ginagamit para pondohan ang mga raket sa stock market at mga pagsasanib.

Ihinahayag ng rehimeng Estrada na ang gross domestic product (GDP) ng bansa ay lumago mula sa antas nito noong isang taon. Guniguni lamang ito. Ang halaga ng GNP ay pinalobo sa pamamagitan ng mga pagtatasang nakabatay sa hula, ng mga kontraproduktibong gastusin at ng lubhang mabababang pagtasa sa tantos ng implasyon. Maging ang rehimen ay umaamin na malayong maabot ng ekonomya ang antas ng GNP noong 1997.

Dahil sa lumalalang krisis sosyo-ekonomiko, kumikitid ang puwang para sa pagbibigayan sa hanay ng mga nagpapaligsahang paksyon sa pulitika ng mga uring mapagsamantala. Walang kasinsakim ang naghaharing pangkatin at mas madali itong nalalantad. Nagiging mas mapait at mas marahas ang ribalan sa pulitika sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Ang kabulukan ng reaksyunaryong estado ay lantarang naipamamalas sa garapalang korupsyon ni Estrada, ng kanyang maraming mga asawa at mga anak at ng kani-kanilang mga dummy at kroni na sangkot sa lahat ng uri ng kahinahinalang mga transaksyon na may kaugnayan sa mga kontrata sa estado, paglapit sa mga institusyon sa pinansya ng estado at mga pribilehiyo sa negosyo. Tulad noong panahon ng pasistang rehimeng Marcos, hinalinhan ng isang monopolistikong sistema ng presidential pork barrel ang relatibong mas malawak na sistema ng congressional pork barrel. Ang pagkakaluklok ng naghaharing pangkating Estrada ay salamin ng walang katulad na pagdausdos ng sistema sa ekonomya at pulitika. Ang suporta sa pinansya at pulitika ng pamilyang Marcos, ng pinakapusakal na mga kroni ni Marcos at ng mga panginoon ng krimen ay nakapagluklok sa poder ng isang presidenteng dati�y isang popular na aktor sa pelikula subalit isang lasenggong salat sa katinuan ng isip. Sa loob ng napakaikling panahon, isinisigaw na ng marami na siya�y patalsikin o piliting magbitiw.

Dahil sa umaalingasaw na korupsyon at lumulubhang pagkakahiwalay nito, bulnerable ang rehimeng US-Estrada sa kudeta. Maraming grupo ng mga upisyal militar ang nagnanais na palitan si Estrada ng kanyang pangalawang pangulo alinsunod sa konstitusyon ng 1987 ng reaksyunaryong estado. Nagkakaisa sila sa pagkundena kay Estrada dahil sa kanyang kabulukan, kahinaan ng utak at paboritismo para sa ilang upisyal sa militar at pulisya na nagpapatakbo ng mga sindikatong kriminal.

Ang mga mapamwersang mga aparato ng estado ay binabasag ng paksyunalismong sumasalamin sa mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryong pulitiko at ng mga sindikatong kriminal na sangkot sa ismagling, pasugal, pagbebenta ng droga, prostitusyon, pangingikil, kidnap-for-ransom, iligal na pagtotroso at iba pa. Ang pinakamatataas na upisyal ng militar at pulisya ay nagsisilbing operatiba ni Estrada sa mga pinakamapagkakakitaang gawaing kriminal.

Bukambibig ng kasalukuyang naghaharing pangkatin ang dogma ng �malayang pamilihan� at naniniwala ito na ang todong pagsusubasta ng pambansang patrimonya sa mga dayuhang monopolyo ang siyang magbubunsod ng pagiging kumpetitibo ng Pilipinas sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit ninanais ng rehimen na amyendahan ang reaksyunaryong konstitusyon o kaya�y magpasa ng mga batas para matamo ang gayong layunin.

Garapal ang pagtutol ng rehimen sa pambansang industriyalisasyon. Ni hindi ito nagkukunwaring pabor ito rito, di tulad ng mga dating rehimen na nagpalabas na ang malalaking proyektong kumprador ay mga pangunahing proyekto sa pagpapaunlad ng industriya. Pakutya nitong tinutukoy na proyektong pangkaunlaran at kontra-kahirapan ang mga casino at iba pang negosyong sugalan. Hinayaan nitong mangabulok na lamang ang mga imprastruktura sa buong bansa at nilustay ang pondo ng bayan sa ilang magagarbong proyekto sa obras publikas sa gitna ng samutsaring nagkalat na walang-saysay na mga proyektong batbat din ng katiwalian.

Ineengganyo nitong magkamal ng lupa ang ilang malalaking kumprador-panginoong maylupa na kinakandili nito. Nirereklasipika nito bilang diagrikultural ang ilang pirasong lupain sa ilalim ng huwad na programa ng reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno upang maihain ang mga ito sa mga panginoong maylupa at mga ispekulador sa real estate. At nakatutuya nitong sinasabihan ang mga magbubungkal na walang lupa na kung nais nilang magmay- ari ng lupa, kailangan lamang nilang bumili ng lupa sa umiiral na presyo sa merkado o kaya�y bumili ng stocks sa mga korporasyong agrikultural na pagmamay- ari ng mga tulad ni Eduardo Cojuangco.

Alinsunod sa islogan ng �malayang pamilihan�, tinalikuran na ng mga imperyalista at ng reaksyunaryong estado ang anumang pagkukunwari sa lipunan. Walang hangganan ang kapalaluan sa pulitika at kahayukan ng mga mapagsamantalang uri. Nagdudulot ito ng katakut-takot na paghihirap sa mamamayan at nag-uudyok sa kanilang maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa estado.

Ibayong nagpapakawala ng hayag na terorismo ang rehimen at nagpapairal ng di deklaradong batas militar kahit na nahaharap ito sa grabeng kahirapan sa pinansya sa pagmamantine ng hukbo at pulisya. Nagdeklara ito ng todo-todong gera laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan at kaugnay nito�y winakasan ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP. Kaalinsabay, pilit nitong nililinlang ang mamamayan na ang pakana nitong lokalisadong negosasyon para sa pagpapasuko ang siyang kapalit ng dating negosasyong pangkapayapaan.

Upang magkaroon ng mas murang pambala sa kanyon kumpara sa mga regular na pwersang militar at pulisya, dinaragdagan ng rehimen ng ilampung libo ang mga pwersang paramilitar. Ipinapain at ipinanananggalang sila ng mga regular na pwersa habang nagpapatrulya at nag-oopensiba at sa gayo�y nahaharap sa mas malaking panganib habang tumatanggap ng mas maliit na bayad. Dagdag dito, ineengganyo ng rehimen ang malalaking kumprador at panginoong maylupa na mag-organisa ng mga pribadong armadong gang. Bumubuo rin ng mga grupong vigilante, death squad at kunwa�y relihiyosong mga armadong kultong panatiko ang mga upisyal militar, bukod pa sa mga upisyal na yunit paramilitar.

Ang neokolonyal at neoliberal na patakaran ng denasyunalisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ay lantarang pag-atake ng mga imperyalista at ng papet na rehimen sa mga karapatangtao (partikular na sa mga karapatan sa lipunan, ekonomya at kultura) ng mamamayan. Ito ang ginagawang katwiran para sa napakalaganap na paglabag sa mga kalayaang sibil at pulitikal tulad ng arbitraryong pag-aresto, pagtortyur, ekstrahudisyal na pagpatay, panununog, pandarambong, pambobomba sa mga komunidad, pagblokeyo ng pagkain at sapilitang malawakang pagpapalikas.

Bilang tugon sa tumitinding mga atake sa mamamayan, masiglang umabante ang ligal na demokratikong kilusan. Nakapagpahayag ng mga protesta at kahilingan hinggil sa mga usaping sosyo-ekonomiko at pampulitika. Nakapaglunsad ng edukasyong masa at mga kampanyang masa at aksyong protesta ang mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, taong simbahan at iba pang sektor ng lipunan alinsunod sa kani-kanilang makauri at sektoral na interes gayundin sa kanilang kumon na interes laban sa naghaharing pangkatin, sa mga imperyalista at mga lokal na mapagsamantalang uri.

Nakapagkampanya ang mga manggagawa laban sa patakaran ng pleksibilidad ng paggawa, sa pagpatay sa mga regular na trabaho, sa pag-ipit sa sahod, kaswalisasyon at madaliang kontraktwalisasyon at sa todong-atake sa kanilang mga batayang karapatan. Naigiit ng mga magsasaka ang pagpapatupad ng repormang agraryo at binatikos nila ang lahat ng anyo ng pagpapalubha sa suliranin sa lupa, gayundin ang walang-habas na mga paglabag sa mga karapatang-tao, laluna sa kanayunan.

Napaigting ng kababaihan ang kanilang kampanya laban sa diskriminasyon at pang-aapi sa kasarian, at para sa pagkakapantay-pantay sa kasarian at mga karapatan ng nagtatrabahong mga ina at bata. Nakapaglunsad ng mga welga ang kabataang estudyante laban sa nagtataasang matrikula at sa pagsupil sa mga konseho ng mga mag-aaral at malayang pamamahayag sa kampus. Ang kabataan sa ibang sektor ay naninindigan laban sa disempleyo at lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi. Nailunsad ang pinakamalalaking pambansang malawakang kilos-protesta laban sa iskema para isubasta ang pambansang soberanya at pambansang patrimonya sa pamamagitan ng pagamyenda sa konstitusyon, laban sa burukratikong korupsyon, laban sa mababang pasahod at pagwasak ng mga unyon at laban sa paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis at tumataas na halaga ng pamumuhay (cost of living). Upang pukawin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan, pinalawak ang nagkakaisang prente upang maisama bilang mga hindi pirmihang alyado ang mga konserbatibong institusyon at mga reaksyunaryong tutol sa naghaharing pangkatin. Mayroon ngayong lumalakas na kampanya upang sapilitang pagbitiwin o patalsikin ang naghaharing pangkating Estrada.

Sa labis na pagkakahiwalay ng naghaharing pangkatin, para makakuha ng malawakng suporta ay umaasa na lamang ito sa isang �karismatikong� relihiyosong organisasyon at sa mga programang pangaliw ng mga artista sa pelikula at telebisyon na malapit kay Estrada. Upang biguin ang mga taktika ng rehimen sa larangang ito, ang mga progresibong pwersa ay nagpapaunlad ng isang kilusang nagtutugma ng pambansa-demokratikong linya sa mga panlipunang usapin at adhikain ng mga pangkaraniwang pari at lider at ng malawak na masa ng mga mananampalataya. Nagdaraos sila ng mga programang pangkultura at nagpapalaganap ng mga awit at iba pang palabas pangkultura upang iangat ang diwang rebolusyonaryo ng mamamayan laban sa rehimen at sa naghaharing sistema.

Lumawak at lumakas ang rebolusyonaryong armadong paglaban. Sa kasalukuyan, ang pinakamalalakas na hukbong lumalaban sa kaaway ay ang Bagong Hukbong Bayan at Moro Islamic Liberation Front. Nakapagpanday na sila ng isang pormal na alyansa mula noong huling bahagi ng nakaraang taon at naiangat ang kanilang pagtutulungan at koordinasyon sa isang bago at mas mataas na antas. May matatag na unawaang kailanma�t salakayin ng kumon na kaaway ang isa, kikilos ang isa pa upang bigyang-kaluwagan ang alyado sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba sa sariling mga erya.

Lumalaban din sa kaaway sa Mindanao ang mga pwersa ng Islamic Command Council ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ang Al Harakatul Islamiya (Abu Sayyaf). May umiigting na tensyon sa pagitan ng Moro National Liberation Front at ng gubyerno sa Maynila dahil sa mga napakong pangako ng huli at sa lantad nitong pagdududang ang mga Morong isinanib sa reaksyunaryong hukbo ay mga espiya. Itinakas ng may 1,000 mandirigma ng MNLF ang kanilang mga baril hindi katagalan matapos iisyu sa kanila ang mga ito noong Disyembre.

Bulok sa kaibuturan at nasa proseso ng disintegrasyon ang lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Kaya itong wasakin at palitan ng demokratikong sistemang bayan sa pamamagitan lamang ng matagalang digmang bayan alinsunod sa linya ng bagong-demokratikong rebolusyon. Ipinatutupad ng BHB ang sentral nitong tungkulin ng paglaban at paggapi sa mga pwersang militar, pulisya at paramilitar na naglalayong panatilihin ang di-makatarungang naghaharing sistema.

 


Previous articleBack to topNext article

29 Marso 2000
Edisyong Pilipino


Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
I. Dakilang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan
II. Ang krisis ng imperyalismo at ang proletaryong rebolusyon
III. Mabilis na paglubha ng bulok na naghaharing sistema
IV. Pagkakamit ng tagumpay sa digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.