Mga Balita
PAGDAKIP SA HEPE NG PANIKTIK NG SOLCOM, INIHAYAG
Inaresto ng isang espesyal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang hepe ng paniktik ng Southern Luzon Command (Solcom) ng Philippine Army. Ipinahayag nitong Nobyembre ni Gregorio �Ka Roger� Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas, na dinakip ng BHB si Maj. Noel Buan noong Hulyo 6 sa isang espesyal na operasyon dahil sa mga gawaing paniktik nitong nagdulot ng pinsala sa mga mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan at Kabikulan.
Si Buan ay dating upisyal sa paniktik ng 76th IB at itinalaga sa Bikol noong 1989. Inilipat siya sa Timog Katagalugan noong 1990, ibinalik sa Bikol noong 1992 at ibinalik muli sa Timog Katagalugan noong 1998.
Inaresto siya sa Lunsod ng San Pablo sa Laguna sa pamamagitan ng operasyong panlalansi.
HEPE NG PULISYA BINIHAG, 3 SCOUT RANGER PATAY SA QUEZON
Binihag ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan nitong Nobyembre 3 ang hepe ng pulisya ng isang bayan sa Quezon. Si Chief Insp. Abelardo Martin ay inaresto nang lusubin ng mga Pulang mandirigma ang istasyon ng Philippine National Police sa bayan ng Dolores. Lumusob nang 12:30 ng tanghali ang mga gerilya lulan ng dalawang dyip. Tumagal lamang nang 10 minuto ang reyd. Nasamsam din ng mga Pulang mandirigma ang isang M14, limang M16, apat na .38, dalawang 9 mm at isang radyo.
Samantala, tatlong Scout Ranger na kabilang sa isang composite team ng 415th Police Provincial Mobile Group at 9th Scout Rangers Coy ang napatay nang tambangan sila ng BHB nitong Nobyembre 9. Ang mga sundalo na sakay ng isang trak ay kabilang sa mga pwersang sumusuyod sa mga kalapit-bayan ng Dolores upang hanapin si Martin.
PAGSASAWALAMBAHALA NG REHIMEN KINA BUAN AT MARTIN, TINULIGSA
Kinundena ni Gregorio �Ka Roger� Rosal ang kawalang-malasakit ng gubyernong Estrada sa dalawang bihag ng digma, sina Maj. Noel Buan at Chief Insp. Abelardo Martin (tingnan ang mga kaugnay na balita). Ani Ka Roger sa isang pahayag nitong katapusan ng Disyembre, nagmamatigas ang rehimen sa di nito pakikipagnegosasyon para sa pagpapalaya sa dalawa. Bagkus ay tinambakan pa ng 10 batalyon ng militar at pulisya ang Timog Katagalugan.
Sa kabilang banda ay ipinagkakaloob ng Bagong Hukbong Bayan kina Buan at Martin ang kanilang mga karapatan bilang mga bihag ng digma. Si Buan ay nakapagpadala ng voice tape at si Martin, ng sulat sa kani-kanilang pamilya.
KUMPANYANG KOREANO, PINARUSAHAN NG BHB
Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang kumpanyang Koreano noong Oktubre 30 sa Barangay Sta. Rosa, Mulanay, Quezon. Ang reyd na isinagawa laban sa Keangnam Construction Co. ay inilunsad nang 2:45 n.u. Sinunog ng mga gerilyang kaanib ng Maria Teresa de Leon Command sa Timog Quezon ang mga makinarya ng kumpanya na nagkakahalaga ng P25 milyon at kinumpiska ang iba pang gamit tulad ng mga video camera at kompyuter. Ayon sa pahayag ng kumand, pinarusahan ang kumpanya dahil sa hindi nito pagsunod sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagbayad ng buwis. Ito�y sa kabila ng mga operasyon nito sa mga sonang gerilya ng BHB na saklaw ng Pulang kapangyarihan ng mamamayan.
HIMPILAN NG KUMPANYA NG PNP, NIREYD SA BOHOL
Tatlong pulis ang napatay nang salakayin ng mga Pulang mandirigma ang himpilan ng 702nd Provincial Mobile Group ng Philippine National Police (PNP) sa Sta. Fe, Danao, Bohol. Ang 702nd Provincial Mobile Group ang pangunahing yunit ng PNP na nagsasagawa ng mga mapanupil na kampanya laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Bohol.
Inilunsad ang reyd noong umaga ng Disyembre 2 ng may 50 gerilya ng Bagong Hukbong Bayan na naka-unipormeng pulis at lulan ng isang trak at 10 motorsiklo. Nakalapit ang mga Pulang mandirigma sa himpilan nang lansihin nila ang mga pulis sa pamamagitan ng pagpapanggap na magdaraos sila ng Christmas party. Para rito, nagdala ang mga gerilya ng dalawang litson, tinapay, kanin at mga inumin.
DETATSMENT NG PNP, NIREYD SA MINDORO
Sinalakay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang istasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Pola, Oriental Mindoro. Ang reyd na isinagawa noong gabi ng Nobyembre 1 ay matagumpay na natapos sa loob lamang ng limang minuto. Sakay ng isang L-300 na van, isang dyip at apat na motorsiklo ang mga sumalakay na Pulang mandirigma. Nasamsam mula sa istasyon ng pulisya ang isang M14, dalawang M16, isang 9 mm, mga bala, isang radio set at mga makinilya.
Samantala, ginawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang isang pusakal na pulis sa Oriental Mindoro nito ring Nobyembre 1. Si SPO4 Ciriaco Manalo, nakatalaga sa Naujan, ay pinarusahan nang alas-5 n.u. sa Sitio Murangan, Barangay Alcate sa bayan ng Victoria. Kinumpiska sa kanya ang isang .38, mga bala at isang hand-held radio.
PULIS, SUNDALO INAMBUS SA EASTERN SAMAR
Anim na pulis at sundalo ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pananambang na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nitong Disyembre sa Samar.
Tatlong pulis na nakatalaga sa himpilan ng Philippine National Police (PNP) sa MacArthur, Eastern Samar ang malubhang nasugatan nang tambangan sila ng mga gerilya ng BHB. Ang mga pulis na lulan ng isang patrol car, ay inambus nitong Disyembre 22 sa Sityo Palanas, Barangay Vigan, MacArthur, Eastern Samar.
Bago nito, isa pang ambus ang inilunsad ng BHB nitong Disyembre 15 laban sa mga elemento ng Philippine Army sa Barangay Lale, Pinabacdao, Samar. Tatlong sundalo ang nasugatan sa naturang pananambang.
MATATAGUMPAY NA AMBUS, INILUNSAD SA SURIGAO DEL SUR AT ABRA
Siyam na elementong paramilitar at sundalo ang napatay sa magkahiwalay na ambus sa Surigao del Sur at Abra.
Pitong elemento ng Citizens� Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang napatay nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma nitong Nobyembre 7 sa San Miguel, Surigao del Sur. Ang pito ay lulan ng isang trak na punung-puno ng mga kasamahan nilang CAFGU.
Samantala, dalawang tropa ng Philippine Army ang namatay nang tambangan ng BHB ang kanilang yunit sa Tubo, Abra noong Oktubre 30. Inambus ang mga sundalo habang tumatawid ang mga ito sa isang hanging bridge.
TIGIL-PUTUKAN SA KAPASKUHAN, IDINEKLARA NG NDF
Isang apat-na-araw na tigil-putukan ang idineklara ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan (BHB) at Pambansang Demokratikong Prente (National Democratic Front o NDF) ngayong Kapaskuhan. Sa isang pahayag, sinabi ni Elias Dipasupil, Pangkalahatang Kalihim ng Pambansang Konseho ng NDF, na may bisa ang tigil-putukan mula hatinggabi ng Disyembre 23 hanggang hatinggabi ng Disyembre 25, at mula hatinggabi ng Disyembre 30 hanggang hatinggabi ng Enero 2. Gayunpaman, inatasan ang lahat ng yunit ng BHB na manatiling alerto laban sa pananalakay ng mga pwersa ng militar at pulisya.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|