Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

 Read this article in English

Maraming magagandang karanasan ang kilusang masa sa Batangas na nagpapakita ng kahandaan at kakayahan nito sa militanteng paglaban sa militarisasyon kasabay ang masiglang pagtataguyod ng armadong pakikibaka. Pinatutunayan ito sa maraming pagkakataong pursigido, mabilisan at epektibo silang nakapaglunsad ng mga sama-samang pagkilos para ipagtanggol kapwa ang kanilang mga karapatan at ang interes ng rebolusyonaryong kilusan sa kanilang lugar. Sa gayon, napapupurol nila ang pangil ng pasismo at naitataas ang antas ng kanilang tapang.

Mabilisang pagkilos ng masa para palayain ang isang nadakip na kasama.

Sa pamamagitan ng mabilis na reaksyon ng masa, agad na nakalaya ang isang Pulang mandirigma mula sa kamay ng mga pasistang tropa. Noong 9:30 ng umaga ng Abril 12, ipinahuli ni Mayor Cesar Platon si Ka Noli, tubong-Calaca, na inatasan ng Melito Glor Command na maghatid ng imbitasyon kay Platon para makipag-usap sa hukbong bayan sa loob ng sona. Kaagad pagkatanggap ni Platon ng imbitasyon, ipinatawag niya ang mga pulis upang dakpin si Ka Noli. Ngunit noong aarestuhin na siya, agad siyang nakapag-text sa mga kasama gamit ang dala niyang cellphone.

Kaagad kumilos ang mga kasama, kamag-anak at kababayan ni Ka Noli sa Calaca. Kaagad ring naiulat ang pangyayari sa Karapatan, isang samahang nagtataguyod sa karapatang-tao. Napagkaisahan nilang kailangang kaagad na kumilos upang mapigilang iligpit si Ka Noli ng mga pulis at mga tauhan ni Platon at mapalaya siya sa lalong madaling panahon.�

Pagsapit ng 11:00 ng umaga, dumating na sa munisipyo ng Tanauan ang mga kinatawan ng Karapatan. Nalaman nilang inilipat na si Ka Noli sa Camp Malvar sa karatig bayan. Bago mag-alas-2 ng hapon, nakarating na sa Camp Malvar ang mga kamag-anak at kababayan ni Ka Noli, kasama ang mga kinatawan ng Karapatan. Hiningi nilang makita si Ka Noli na buhay at hindi sinaktan. Ngunit hindi pinaharap si Ka Noli sa kanila dahil iniinteroga pa raw siya. Magdamag silang nagbantay sa Camp Malvar.

Kinabukasan, dumating ang iba pang mga kababayan at kaibigan ni Ka Noli at mamamayan mula sa iba't ibang bayan sa kanlurang Batangas. Umabot sa 100 ang nagrali sa mismong tarangkahan ng kampo. Iginiit nilang palayain si Ka Noli.

Para makaiwas ang kampo ng PNP sa rali, iniutos ng PNP provincial commander na ibalik si Ka Noli sa Tanauan at doon kasuhan. Kaagad ring sumunod sa Tanauan ang mga nagrarali.

Natagalan bago nadala doon ng PNP si Ka Noli dahil kinuha pa siya at tinortyur ng mga operatiba ng paniktik mula sa Solcom (Southern Luzon Command) at Batangas Provincial Office ng PNP.

Naghinala ang mga sumusuporta kay Ka Noli sa sobrang pagkaantala ng pagdadala sa kanya sa Tanauan, kaya naglunsad sila ng rali sa harap ng munisipyo. Dahil sa presyur ng mga nagrarali, hindi na nagawang antalain pa ng PNP ang paglilitaw kay Ka Noli.

Pagdating ni Ka Noli sa Tanauan, paspasang inihanda ng PNP ang demanda nang hindi idinaan sa mga nararapat na proseso. Pinatawan siya ng P10,000 pyansa, na agad namang nilikom ng mga nagrarali. Umagang-umaga kinabukasan, binayaran ang pyansa at nagbubunying sinundo at iniuwi si Ka Noli.

Ang naging masigla at determinadong pagkilos ng masa para palayain si Ka Noli at iligtas sa kamatayan ay nagsilbing dagdag na inspirasyon niya para mapagpasyang pangibabawan ang lahat ng mga pagpapahirap na dinanas niya habang nasa kamay ng kaaway. Pagkalaya, kaagad siyang sumanib sa kanyang kinapapaloobang yunit ng hukbong bayan.

Matapang na paglaban ng masa sa pagkakanulo sa kanila

Isang dating mandirigma ng hukbong bayan ang sumuko sa kaaway noong Hunyo 15. Kaagad itong sinamantala ng 20th SF Coy. Naglunsad sila ng operasyong militar sa eryang dati niyang kinikilusan sa Batangas para ipaturo ang mga bahay na alam niyang binabasehan ng BHB sa mga baryo roon. Balak ng SF na takutin at isaywar ang mga tao upang tumigil na sa pagsuporta sa hukbong bayan. Sa bawat pinuntahan nilang baryo, tinipon ng SF ang mga taumbaryo at ipinaharap ang yakag nilang traydor. Ipinakita ng traydor ang kinalalagyan ng isang bangko at sinabi niyang "Hindi ba dito pa ako nagpagupit?" Dinala niya ang mga kasama niyang SF sa isang bahay at sinabi niya sa kanila, "Dito ako naglalagi." May dinampot pa siyang habonera, sabay sabing "Hindi ba't ito pa ang habonera ko?".

Sa halip na matakot, lalo lamang nahamon ang tapang ng masa sa mga inoperasyong baryo. Tinanggihan siya ng lahat ng naroroon at harapang nagpakita ng galit sa kanya at sa mga kasama niyang SF. Matalim siyang tinitigan ng mga tao. Ngunit hindi matiis ng iba na harapan siyang sumbatan.

Isang linggong inoperasyon ng SF ang lugar, pero wala ni isa sa taga-roon ang bumigay, ni nayanig sa mga pagkakanulo sa kanila. Walang anumang nagawa ang SF para mapresyur at matakot ang masa. Sa buong panahong iyon, may isang yunit ng BHB na nasa kalapit lamang. Nanatili itong panatag, bunga ng mataas na pagtitiwala sa lubusang pagsuporta ng masa sa hukbong bayan.

Mabilisang pagkilos ng masa laban sa militarisasyon

Noong alas-2 ng hapon ng Agosto 9, nagkaroon ng labanan sa Lopez Coral, Calaca sa kanlurang Batangas, sa pagitan ng isang yunit ng BHB na nakahimpil doon at isang iskwad ng "Back-to-Basics Class 01-01" na nag-ooperasyon sa Calaca. Ang Class 01-01 ay isang yunit ng Special Forces (SF) ng Philippine Army, na nasa ilalim ng Task Force Banahaw.

Tatlong araw bago ang labanan, may ikinalat ang SF na siyam na seksyon ng Class 01-01 (tig-13-14 katao sa bawat seksyon) sa mas malawak na saklaw ng kanlurang Batangas. Tatlong araw na ring nag-ooperasyon sa mga baryo ng Calaca ang nabanggit na seksyon.

Nang magtanong ng direksyon sa isang magsasaka ang militar, baligtad ang ibinigay ng magsasaka para iligaw ang kaaway palayo sa alam niyang kinalalagyan ng isang yunit ng BHB. Naghinala ang kaaway na inililigaw sila ng moagsasaka, kaya sa kabilang direksyon sila nagpunta. Sa gayon, nasugaga at nakasagupa ng kaaway ang yunit ng BHB na nakahimpil doon. Dalawa ang kaagad nasugatan sa panig ng kaaway samantalang ligtas na nakaatras ang buong yunit ng BHB.

Sa desperasyon, walang habas na nagpaputok sa lahat ng direksyon ang nagsitakbong kaaway. Pati tubong tanim ng masa ay napugutan ng mga bala ng masinggan. Nag-alala nang husto sa buhay nila ang mga nakatira sa paligid. Pinagplanuhan nila ang kanilang mga magiging hakbangin.

Bago pa nito'y mayroon nang ihinahandang pagkilos ang masa laban sa madalas na pagmimilitarisa ng kaaway sa lugar. Ibinaling ngayon ito ng masa sa kagyat na protesta laban sa pamamaril na ginawa ng Class 01-01 sa lugar nila. Kaagad nagdaos ang masa ng rali sa baryo. Humingi rin sila ng tulong mula sa Karapatan. Kinabukasan, may dumating nang fact finding mission sa baryo para siyasatin ang mga iniulat ng masa na pamamaril ng Class 01-01 sa lugar nila.

Itinuloy din nila ang rali sa himpilan ng 401st Mobile Group ng PNP sa Palico, Nasugbu para ireklamo ang operasyon ng Philippine Army. Bunga ng mga nakaraang pagkilos ng masa laban sa militarisasyon at paglabag sa mga karapatang-tao sa lugar, may dati nang kasunduan mula pa 1999 sa pagitan ng masa at PNP sa Calaca na kung mag-ooperasyon ang AFP o PNP ay mag-aabiso muna. Inireklamo ng masa ang pag-ooperasyon ng AFP nang walang koordinasyon sa PNP at walang pagpapaabot sa mga tao. Itinanggi ng 401st MG na may alam sila sa operasyon ng PA at nangakong aaksyunan nila ang reklamo. Kinabuksan ay naitigil na ang operasyon ng Class 01-01 sa lugar.

Marami pang ibang halimbawa ng mabisang pagkilos ng masa sa Batangas kung saan naipakikita ang kanilang kapasyahan, kapangahasan, talino at kakayahan sa pakikipaglaban para sa sariling kapakanan at para sa lumalaking pangangailangan ng rebolusyonaryong kilusan at armadong pakikibaka. Napatutunayan ng mga ito na nakasalalay ang kinabukasan ng rebolusyon sa tatag at tapang ng masa kapwa sa pagsalag at paggapi sa kaaway.

 


Previous articleBack to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya
Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.