Lantarang pasista at teroristang paghahari ng rehimeng US-Estrada sa Timog Katagalugan
Hindi na kailangang ideklara ng rehimeng US-Estrada ang batas militar dahil umiiral sa Timog Katagalugan ang lantarang pasista at teroristang paghaharing ala-Marcos. Walang patid ang mararahas na pananalakay ng mga pasistang tropang panagupa sa buong Timog Katagalugan. Wala nang inatupag ang siyam na batalyon ng Philippine Army (PA), tatlong batalyon ng Marines, dalawang espesyal na batalyon at Provincial Mobile Group (PMG) ng Philippine National Police (PNP) at ilang kumpanya ng Citizens' Armed Forces Geographical Unit kundi ang magsagawa ng iba't ibang karumaldumal na krimen sa mga mamamayan ng rehiyon. Ang iba't ibang sektor ng masang anakpawis sa kanayunan at kalunsuran at iba pang mamamayan ng rehiyon ay saksi sa arawaraw na lansakang paglabag ng rehimeng US-Estrada sa mga karapatang-tao.
Ang mahabang listahan ng pasistang krimen ng rehimen ay kinatatampukan ng pagmamasaker, pananalbeyds, iligal na pag-aresto, kriminalisasyon sa mga pinaghihinalaang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), blokeyong pang-ekonomya, pambobomba at maramihang pagpapalikas sa mga taumbaryo.
Ang sumusunod ay ilan lamang sa matitingkad na kaso ng teroristang panunupil na inihasik ng rehimen sa rehiyon noong 1999:
Sa Quezon, limang walang kalaban-labang mandirigma ng BHB ang pinagbabaril sa Baryo Calantas, Tayabas noong Agosto 24, ganap na 7:00 ng gabi. Pawang namatay mula sa tama sa likuran sina Melinda de Castro, 36; Juanito Rocafort, 32; Teodoro Gonzales, 34; at Leo Mansit, 18. Si Marlon Cabrerra, 25, na sugatan, ay hinuli at sapilitang dinala sa V. Luna Hospital. Tinakot siya at tinurukan ng kung anu-anong gamot ang kanyang swero. Ibayong kirot at hirap ang naranasan niya bago natagpuan ng kinatawan ng KARAPATAN. Kagagawan ito ng mga tropa ng 76th IB sa pamumuno ni Maj. Emmanuel Mendoza.
Sa Laguna, walang awang pinutol ang paa ng Pulang mandirigmang si "Ka Junard", na nasugatan sa isang labanang naganap sa Balian, Pangil, Laguna noong Mayo 6, 1999. Ayon sa mga doktor ay hindi naman ito kailangang gawin. Nahuli siya habang nagpapagaling na sa isang ospital sa Maynila. Krimen naman ito ng 16th ISU-ISG sa pangunguna ni Capt. Edgardo Cumahig.
Sa Rizal, laganap ang iligal na pang-aaresto, pagtortyur at sapilitang pagpapagiya sa kinaroroonan ng BHB. Noong Marso 5, 1999, tatlong pinaghihinalaang gerilya ang hinuli, walang awang tinortyur at sapilitang ginawang giya. Naunang nahuli si Rocky Pajardo at sumunod sina Cayaon Calapang at Muay Sapiccio. Noon namang Setyembre 16, 1999, iligal na inaresto ang isang sibilyang nagngangalang Corante na taga-San Ysiro, Lunsod ng Antipolo. Tinortyur siya at sapilitang pinagiya para ituro ang kampo ng BHB. Ang mga elemento ng 5th SRC sa pamumuno ni Lt. Eric Lycoco ang sangkot dito.
Sa Batangas, pinaslang si Ireneo Marasigan noong Enero 8, 1999 sa palengke ng Lunsod ng Lipa. Sinundan pa ito ng pagpatay noong Pebrero 15, 1999 kay Lodrigo de Guzman, taga-Abong, San Juan at kasapi ng Partido sa lokalidad.
Minasaker naman noong Mayo 12, 1999 ng 20th Special Forces Company sa pangunguna ni Sergeant Batayola ang apat na sibilyan sa Sityo Malabnig, Balatbat, Lobo. Walang habas na pinaputukan ang bahay ni Flaviano Cortas na ikinasawi niya, ng dalawa niyang anak at ng kanyang bayaw na si Nilo Palalay, 25.
Noong Disyembre 27, 1999, si Naning Hernandez, isang lider magbubukid ng baryo Hukay, Calatagan ay pinatay ng isang bayarang maton na protektado ng militar at ng alkalde ng Calatagan.
Sa Occidental Mindoro, walang awang pinaputukan ang mag-ina ni Roger Aloro na ikinasawi ng kanyang siyam na buwang anak at isang pinaghihinalaang myembro ng BHB sa Sityo Prubinsya Agaton, Tanyag, Calintaan noong Oktubre 26, 1999. Mga elemento ng Regional Mobile Group at 407th PPMG ng PNP sa pamumuno nina P/Col. Rolando Ravara at P/Insp. Victor Jaycees S. Tolentino ang may kagagawan nito.
Iligal namang hinuli at tinortyur si Lunching, 26 na taong gulang, isang dating mandirigma ng BHB na taga-Alacaac, Sta. Cruz, Occidental Mindoro. Siya'y kinuryente at halos isang buwang ikinulong ng composite team ng 76th IB na pinamumunuan ni Lt. Felixberto Ama. Sa lugar ding iyon, iligal na inaresto at tinortyur si Violy Alcantara, 40. Tinakot siya at pinaaaming tagakupkop ng BHB.
Sa Marinduque, walang awang pinagbabaril ng mga elemento ng 74th IB ang isang matandang lalaki at ang kanyang tatlong taong gulang na apo sa kabila ng pagmamakaawang sila ay sibilyan. Nakaligtas ang bata dahil pinatakbo ng matanda. Naganap ito noong Abril 2, 1999 sa Mompog, Marinduque.
Sa Palawan, noong Hunyo 21, 1999, nasugatan si Norjury Unggong na may-ari ng bahay na pinangyarihan ng isang labanan sa pagitan ng BHB at Philippine Marines. Sa binti ang tama nito pero pinutol hanggang tuhod ang kanyang paa sa WESCOM Hospital (Western Command). Naganap ang labanan sa Sityo Maligaya, Aramaywan, Narra. Ang 21st Marine Coy ng 1st Marine Battalion Landing Team sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Querubin na nakabase sa Abu-abo, Sofronio Espa�ola, Palawan ang may pakana nito.
Sa Cavite, hinuli noong Hulyo 15, 1999 ang dalawang pinaghihinalaang myembro ng BHB na sina Francisco Morillo, 20, na taga-Kaong, Silang at Francisco Arpia, 46, na taga-Barangay Burgos, Mulanay, Quezon at mula noon ay hindi na nakita. Kasama nilang nabihag si Rolando Torres na nakalaya makalipas ang ilang araw. Naganap ito sa Barangay Talipusngo, Maragondon. Katulad ito ng ginawa nilang paghuli at di pagpapalitaw kina Danilo Caisip, 43 at Jason Nieva 19, noong Disyembre 8, 1998 sa Kaybanban, Cayrilao, Nasugbu. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikita ang kanilang katawan. Ang sangkot dito ay ang mga elemento ng PNP at pribadong armadong grupo ni Mayor Filomeno Maligaya Jr. (dating Sergeant Maligaya na sangkot sa pagpatay kay Ka Lando Olalia at Leonor Alay-ay) ng Magallanes, Cavite. Sangkot din si PPAG Col. Rustico Francisco.
Sa Romblon, noong Setyembre 18, 1999, sa Baryo Matutuna, San Andres ay pinaulanan ng bala ang isang bahay matapos mapaslang si Ka Aljun o Felix Dumalagan ng mga tropa ng 412 PMG ng Romblon sa pamumuno ni Police Chief Inspector de Villa at Police Inspector Miranda. Pinalabas sa bahay na nakataas ang mga kamay, pinahilera, pinasandal sa pader at pinapaghubad ang mga lalaki. Ang mga hinuling sibilyan ay sina Ronnie Fajilagot, Walter Ortega, Virgilio Mani at Rustico Mijares. Dalawa lamang ang mandirigma ng BHB sa mga nahuli (Emma Montoya at Joemari Gusi na malubhang nasugatan sa dibdib) pero ibinilanggo pa rin ang mga sibilyan nang walang taning. Kasunod na sinalbeyds nila ay si Ka Alvin, 18, o Raymond Magbata Manggao sa Barangay Cabulutan, San Agustin, Romblon.
Sa Oriental Mindoro, malubhang pininsala ang pamayanan ng mga Mangyan ng isinagawang strafing operation ng mga tropa ng Alpha Coy ng Recon Bn sa pamumuno ni Captain Pipit at ng Marines sa pamumuno ni Captain Montojo at 1Lt. Coronel sa ilalim ng Task Force Seagull na pinamumunuan ni Col. Carlito Gamit. Naganap ito nitong Enero 20 sa Sityo Tambangan, Barangay San Juan, Bulalacao. Nasira ang kanilang mga ari-arian at tinakot sila na huwag magpapatuloy ng BHB. Pasistang teror sa mga Mangyan ang ibinunga nito.
Duguan ang kamay ng pasistang rehimen. Ang terorismong hasik ng Oplan Makabayan ay ibayong nagpapalala sa hirap nang kabuhayan ng masa sa Timog Katagalugan.
Subalit ang lantarang pasistang pananalakay ng rehimen sa mamamayan ng rehiyon ay utang na pagbabayaran nang mahal ng mga pasista. Ayon sa Melito Glor Command: "Ipagpapatuloy ng lahat ng mga yunit ng BHB sa ilalim ng MGC ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang ipakita sa rehimeng US-Estrada na hindi niya kayang takutin ang mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan. Malinaw na malinaw na sa mga mamamayan ng rehiyon na ang kanilang hinahanap na katarungan sa mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng USEstrada ay makakamit lamang kapag nagtagumpay na ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan."
*Halaw sa pahayag ng Melito Glor Command
|