Mga anti-mamamayang negosyo ni Dy sa Isabela, poprotektahan ng CAFGU
POPROTEKSYUNAN NG MGA CAFGU ANG MGA ANTI-mamamayang proyekto at negosyo ng pamilyang Dy sa Isabela.
Isang kumpanya ng CAFGU ang nakatakdang magprotekta sa mga kontrobersyal na plantasyon ng kamoteng kahoy, Bt corn testing fields at sa mungkahing pagmimina ng karbon (coal) sa prubinsya.
Inamin mismo ni Defense Sec. Angelo Reyes sa okasyon ng ika-21 anibersaryo ng pagkakatatag ng 5th ID ng Philippine Army noong Mayo 24, na bibigyang proteksyon ng CAFGU ang naturang mga proyekto batay sa kahilingan ng gubernador ng Isabela na si Faustino Dy Jr. Nitong Mayo ay iniulat din na aarmasan ni Dy ang mga alkalde ng anim na bayan sa Isabela para labanan ang BHB at mamamayang tutol sa naturang mga proyekto.
Samantala, mariing tinutulan ng Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela (DAGAMI), isang organisasyon ng magsasaka, ang pagmimina ng coal sapagkat maaapektuhan nito ang mamamayan sa 23 barangay sa mga bayan ng Naguilian at Benito Soliven at sa Cauayan City.
Ayon din sa DAGAMI, ang plantasyon ng kamoteng kahoy at ang Bt corn testing fields, na proyekto ng sabwatang Danding Cojuangco at Dy, ay magpalalayas sa libu-libong magsasaka sa mga bayan ng Quirino, Quezon, Mallig, Sta. Maria, Sto. Tomas, Delfin Albano, Ilagan, Western Cabagan, Burgos, Aurora at Gamu. ###
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|