Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Reyd sa detatsment: 13 armas, nasamsam ng BHB

ANIM na M16, pitong garan at sarisaring kalibre ng mga bala ang nasamsam ng mga gerilya ng Julito Tiro Command ng BHB-Northern Mindanao nang salakayin nila ang detatsment ng 9th IB sa Sityo Lantaca, Barangay Kibanban, Balingasag, Misamis Oriental bandang alas-9:00 ng umaga nitong Hunyo 3.

Isang sundalo ang napatay at isang elemento ng CAFGU ang nasugatan sa 30 minutong labanan. Halos kasabay namang hinaras ng isa pang yunit ng BHB ang isa pang detatsment ng 9th IB sa sentro ng barangay.

Malugod na binati ni Jorge "Ka Oris" Madlos ang BHB sa matagumpay na taktikal na opensiba. Binati rin niya ang masang sumuporta sa operasyon. Ilan sa kanila ay boluntaryong sumama sa operasyon at tumulong sa paghakot ng mga baril na nasamsam at pag-asikaso sa mga nasugatan. Matagal nang nakaatras ang mga Pulang mandirigma nang dumating ang reimporsment mula sa 2nd at 5th Special Forces Battalion at 2nd Reconnaisance Coy na suportado ng dalawang helikopter na MG-520.

Sundalong sangkot sa pagsalbeyds kina Ka Eden at Ka Eddie, inaresto

INARESTO ng National Bureau of Investigation nitong Hunyo 3 si M/Sgt. Donald Caigas, isa sa mga salarin sa pagpaslang kina Ka Eden Marcellana at Ka Eddie Gumanoy. Si Ka Eden, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-TK at si Ka Eddie, tagapangulo ng Kasama-TK, ay dinukot at sinalbeyds ng mga tauhan ni Col. Jovito Palparan, kumander ng 204th Bde, sa Naujan, Mindoro Oriental noong Abril.

Pagpaslang sa upisyal ng Bayan Muna sa Isabela, kinundena ng BHB

MARIING kinudena ng Fortunato Camus Command (FCC) ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley ang pagpaslang kay Joaquin "Jake" Soriano, tagapangulo ng Bayan Muna sa Jones, Isabela. Si Soriano ay pinatay ng mga sundalo ng AFP sa kanyang bahay noong Mayo 15 sa San Vicente, Jones sa utos ni Gov. Benjamin Dy Jr. ng Isabela. Sa isang pahayag, kinundena rin ni Victor Servidores, tagapagsalita ng FCC, ang malisyosong paratang ng AFP na si Soriano ay pinatay ng BHB.

Laban sa pagtaas ng matrikula, sinimulan na

SINIMULAN na sa pangunguna ng League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan ang kampanya laban sa panibagong pagtaas ng matrikula. Hahantong ito sa malawakang mga aksyong masa pagbukas ng klase sa Hunyo 16.

Anang LFS, may 317 pribadong unibersidad at kolehiyo ang pinahintulutan ng Commission on Higher Education (CHED) na magdagdag ng P22-62 bawat yunit ngayong pasukan. Karaniwang may tatlong yunit ang isang subject at nakaenrol sa lima hanggang walong subject ang isang estudyante sa kolehiyo.

Dahil sa pagtaas na ito, maraming estudyante mula sa mga pribadong paaralan ang naglipatan na sa mga paaralang publiko. Ngunit ayon sa CHED, magtataas na rin ng matrikula ang mga unibersidad ng gubyerno.

39% ng kabataan, hindi nakapag-aral noong 2002 �Anakbayan

TATLUMPU'T siyam na porsyento (39%) o 3.5 milyon sa mga bata at kabataang dapat ay nag-aaral (edad 5-24) ang hindi nakapag-enrol noong 2002, ayon sa pag-aaral na ginawa ng grupong Anakbayan. Karamihan sa kanila ay nasa kanayunan. Ayon din sa pag-aaral, 36% ng 30.2 milyong kabataan (edad 13-35) ang hindi nakapag-aral at walang napasukang trabaho noong isang taon. Ang nakapag-enrol sa hayskul, kolehiyo at kursong bokasyunal ay 21% lamang. Sa mga may hanapbuhay, 22% ay nagtatrabaho sa mga sakahan at 21% sa kalunsuran, na karamiha'y kontraktwal.

Sobrang paniningil ng Meralco, binatikos

HINDI pa man naibabalik nang buo ang P30 bilyong sobrang siningil ng Meralco sa 3.4 milyong rehistradong mga konsyumer nito, pinayagan na naman ng Energy Regulatory Board na sumingil ng dagdag na P0.08/kwh ang kumpanya. Ito ang inilantad ng People Opposed to Warrantless Electricity Rates (POWER).

Binatikos din ng POWER ang paraan ng Meralco ng unti-unting pagbabalik sa sobrang singil nito. Anang POWER, dapat isauli nang buo, agaran at walang kundisyon ang utang ng Meralco sa lahat ng konsyumer. Dapat din daw bayaran ng kumpanya ang aabot sa P2 bilyong interes sa loob ng walong taong naningil ito nang sobra.

Mga sakahang nakapailalim sa CARL, ipinanukalang magamit bilang kolateral

ANIM na panukalang nakatuon sa pagpapahintulot na gamiting kolateral sa pangungutang ang mga lupang ipinamahagi sa ilalim ng reaksyunaryong reporma sa lupa ang nakahapag ngayon sa kongreso at senado. Kabilang ang mga ito sa mga prayoridad na panukalang batas ng rehimeng Arroyo ayon sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 2002. Kung maisasabatas, magkakaroon ng dagdag na paraan ang mga panginoong maylupa na bawiin ang lupang ipinamahagi na sa ilalim ng CARL at Presidential Decree No. 27. Sa mga panukalang nakahapag sa kongreso, maaaring temporaryong sakahin ng magpapautang ang sakahang kolateral hangga't hindi pa nakapagbabayad ang magsasaka.

Pulong ng G8, sinalubong ng protesta

UMABOT sa 120,000 ang nagprotesta laban sa G8 na nagpulong sa Evian, France nitong Hunyo 1-3. Tinuligsa nila ang globalisasyon at ang pananakop ng US sa Iraq.

Mayo 29 pa lamang ay nag-umpisa nang magprotesta ang libu-libong mamamayan sa lunsod ng Lausanne sa Switzerland. Nagsindi sila ng 50 siga na tinawag nilang "apoy ng protesta" sa paligid ng Lake Geneva sa hangganang France-Switzerland.

Nagsalubong sa bahaging Swiss ng hangganan ang mga martsa mula sa bayan ng Annemasse, France at Geneva, Switzerland at pumasok sa France noong Hunyo 1.

Nagpatuloy ang protesta hanggang sa huling araw ng pulong ng walong pinakamayayamang bansa sa mundo: ang US, Britain, France, Germany, Italy, Canada, Japan at Russia.

Iran, pinag-iinitan ng US

MATAPOS salakayin ang Iraq, pinaghahandaan naman ngayon ng militaristang gubyernong Bush ang "pagpapalit ng rehimen" sa Iran. Inilalatag ngayon ng mga propagandista ng US ang batayan upang pagmukhaing demonyo ang bansa at ang mga lider nito. Ayon sa US, gumagawa at nagmamantine ang Iran ng mga armas nukleyar at kinakanlong nito ang ilang myembro ng al Qaeda na nagsitakas mula sa Afghanistan. Ngunit mismong ang Central Intelligence Agency ay nagpapabulaan sa mga ito.

 


Previous articleBack to top 

07 Hunyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ibayong inaarmasan ng US ang rehimeng Arroyo

Mas malaking palagiang presensyang militar, itinutulak ng US
Sa kabila ng tigil-putukan:
Patuloy ang atake ng AFP sa MILF

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, inaani sa Samar

Sa Ibayong Dagat:
Kasinungalingan sa likod ng gera sa Iraq

Sa Ibayong Dagat:
Bagong planong nukleyar ni Bush

Sa Ibayong Dagat:
Dambuhalang propagandista ng imperyalismo

Sa Ibayong Dagat:
Mga sundalong British, nantortyur ng mga Iraqi

Sa Ibayong Dagat:
Parang pelikulang Rambo

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.