Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan

Dito, hindi ginto ang nakadikit sa bato, kundi bato ang nakadikit sa ginto."

Walang halong paghahambog itong sinasambit ng mga taong naninirahan sa kabundukan ng Timog Mindanao. Pinatutunayan din ito ng mismong estadistika ng reaksyunaryong gubyerno na nagsasaad na may nalalabi pang 25,761,066 toneladang reserba ng ginto sa rehiyon. [Katunayan, pumapangalawa ang Pilipinas sa buong mundo sa dami ng gold reserves (4 oz./sq. km.). Pumapangatlo naman ito sa dami ng copper reserves (0.75 oz./sq. km.) at pang-anim sa chromite reserves (0.57 oz./ sq. km.). Sa 76 na lalawigan ng bansa, 56 ang hitik sa iba't ibang uri ng yamang mineral].

Marami na ang naakit dito � mga karaniwang mamamayang nag-iipon ng makakayang kapital, dumadayo at naghuhukay ng mga tunnels upang makabahagi sa kayamanang mineral na nakabaon sa kabundukan.

May mga pinapalad na maka-hit: nakakatagpo ng gold vein na patungo sa malaki-laking mga deposito ng ginto. Mas marami ang naguguhuan ng lupa sa mahihinang tunnels na kanilang ginawa, at nababaon kasabay ng kanilang mga pangarap. Subalit patuloy ang iba sa pakikipagsapalaran, sa pag-asang sila'y mahango sa kahirapan.

Sa kabilang dako, ang malalaking dayuhang minahan na gumagastos ng milyun-milyon para sa imprastruktura at makabagong kagamitan ay di hamak na mas sistematiko. Mas sistematiko ang mga ito sa pagkuha sa yamang mineral mula sa kabundukan � hindi lamang ginto kundi pilak, copper, bakal at iba pa. Subalit bantulot silang gumastos para maibsan ang polusyong likha ng kanilang pagmimina. Kaya't mas sistematiko rin nilang winawasak ang kapaligiran at inilalagay sa peligro ang mamamayan.

Ganito ang karanasan, di lamang sa Timog Mindanao, kundi sa iba pang bahagi ng bansa na dinagit ng mga malalaking minahang kapitalista. Sa Marinduque, pumutok noong 1996 ang balita hinggil sa pagtatapon ng Marcopper Mining ng tone-toneladang toxic waste sa Boac River na ikinamatay ng naturang ilog.

Sa Diwalwal, isang bundok sa Davao del Norte kung saan naganap ang isang gold rush noong dekada '80, nalantad ngayong taon ang dumaraming kaso ng mercury poisoning sa mga residente, bunga ng iresponsableng pagtapon ng naturang kemikal sa mga ilog.

Subalit sa halip na higpitan ang operasyon ng mga naturang minahan, nagluwag pang lalo ang rehimeng Ramos. Ipinasa nito ang RA 7942 o ang Mining Act of 1995 at animo'y ipinagsisigawan sa buong mundo na dumayo rito, hukayin at hakutin ang mala-alamat na likas na yaman ng Pilipinas nang walang mga restriksyong aalalahanin.

Ang pagsasabatas ng Mining Act ay bahagi ng programa ng rehimeng Ramos na buksan ang lahat ng sektor ng ekonomya sa mga dayuhan. Sa pamamagitan daw nito ay makakalikom ng kapital at teknolohiya ang bansa, at mapapabilang sa hanay ng mga newly industrializing countriespagsapit ng taong 2000.

Sari-saring mga insentibo ang ihinanay ng rehimen para makaakit ng lalong maraming dayuhang mamumuhunan. Karamihan sa mga insentibong ito ay pumapawi sa kakarampot na ngang benepisyo at karapatang isinabatas para sa proteksyon ng masang anakpawis at iba pang maliliit na mamamayan. Bagamat pormalidad lamang ang mga batas na ito, ibinasura pa rin ito ng rehimeng Ramos para sa kapanatagang-loob ng mga dayuhan. Partikular sa Mining Act, tampok dito ang prubisyon hinggil sa Financial Technical Assistance Agreement (FTAA), isang kasunduan kung saan pinapayagang magbukas ng kunsensyong aabot sa 80,000 ektarya ang isang dayuhang kumpanya sa minahan, at mag-opereyt nito sa loob ng 50 taon, basta't may maipupuhunan ang kumpanya na halagang hindi bababa sa $50 milyon.

Taliwas sa isinasaad sa mismong saligang batas ng reaksyunaryong estado, maaari nang magmina ang mga kumpanyang 100% pag-aari ng dayuhan sa pamamagitan ng FTAA. Maaari rin nilang iluwas ang 100% ng kanilang tubo at kapital at may tatamasahin din silang lima- hanggang sampung-taong tax holiday kung saan minimal lamang na buwis ang kanilang babayaran.

"Maaaring umabot sa 44% ng teritoryo ng Pilipinas ang saklaw ng mga FTAA."

Bukod rito, binibigyang-karapatan din ang mga FTAA holders na angkinin ang anumang tubig o trosong matatagpuan sa saklaw ng kanilang kunsesyon (water and timber rights). May karapatan pa rin silang magpalayas ng sinumang naninirahan sa FTAA area (easement rights) at umaresto sa sinumang tao sa loob nito na nakalabag sa mga patakarang pinaiiral ng minahan (arbitration rights).

Nitong 1997, may 102 nang aplikasyon para sa FTAA ang isinumite ng iba't ibang minahan. Siyamnapu't anim na porsyento (96%) ng mga naturang aplikasyon ay nagmula sa mga dayuhang kumpanya, na karamihan ay Australyano, Canadian at Amerikano. Saklaw ng naturang mga aplikasyon ang 8.25 milyong ektarya o 27% ng kabuuang teritoryo ng Pilipinas.

Kung idaragdag pa rito ang mahigit 300 pang pending na aplikasyon na may saklaw na 20,000 ektarya bawat isa, aabot na sa 13.3 milyong ektarya o 44% ng kabuuang teritoryo ng Pilipinas ang sasakupin ng mga FTAA.

Karamihan sa mga tinarget na erya ay mga lupaing ninuno (ancestral lands) na tinitirahan ng mga pambansang minorya.

Upang lalo pang makapang-akit ng mga dayuhang minahan at mapalawak ang industriya ng pagmimina sa buong kapuluan, inilunsad ng Montgomery Network sa tulong ng rehimeng Ramos ang isang exhibit at kumperensyang binansagang "Mining Philippines'97". Tampok sa naturang kumperensya ang presentasyon ng mga sosyolohikal na pag-aaral" na kinumisyon ng mga dayuhang minahan upang mabatid nila kung papaano raw magagawang "katanggap-tanggap" sa mga komunidad ng lumad ang aktibidad ng malalaking minahan. Sa madaling salita, mahalagang usapin sa mga dayuhang minahan ang psywar laban sa mga katutubo.

Sa panig ng rehimeng Ramos, walang pakundangan nitong isinasanla ang pambansang patrimonya at nilalabag ang karapatan ng mga pambansang minorya sa kanilang lupaing ninuno, kapalit ng $3 bilyong pamumuhunan na itinatayang papasok sa Pilipinas sa ilalim ng Mining Act.

Sa halagang ito, handang-handa rin ang bangkaroteng gubyerno ni Ramos na magbulagbulagan sa anumang pinsalang idudulot ng mga dayuhang minahan.

"Presidential Prerogative"

Ganito na nga ang naganap sa kaso ng Western Mining Corp. (WMC), isang gahiganteng Australyanong kumpanya (at isa rin sa pinakamalaki sa buong mundo), na siyang kauna-unahang biniyayaan ng FTAA.

Nang isabatas ang RA 7942 noong Marso 6, 1995, inaprubahan ang FTAA ng Western Mining sa buwan ding iyon sa bisa ng "presidential prerogative" ni Ramos. Hawak ang papeles na pirmado ni Executive Secretary Teofisto Guingona, lumusot ang Western Mining nang walang kaukulang environmental impact study o pag-aaral sa maaaring maging epekto ng operasyon nito sa kapaligiran.

Ayon sa nilalaman ng FTAA nito, maaaring mag-explore at magmina ang Western Mining sa 99,400 ektaryang sumasaklaw sa hangganan ng Saranggani, South Cotabato, Davao del Sur, Sultan Kudarat at North Cotabato. Dagdag pa, may pinirmahan ding Mining Percentage Sharing Agreement ang WMC sa tatlong lokal na kumpanya sa South Cotabato � ang Tampacan Mining, Sagittarius Mining at South Cotabato Timber Co. � na nagbibigay karapatan sa Western Mining na makibahagi sa mga mineral na namimina mula sa 10,000 ektaryang saklaw ng mga naturang kumpanya. Samakatwid, may epektibong kontrol ang WMC sa rekursong mineral na matatagpuan sa mahigit 100,000 ektarya.

May tatlong aplikasyon pa para sa FTAA ang Western Mining sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Kung maaaprubahan ito, may madadagdag pang 400,000 ektarya sa mga kunsesyon nito.

Itinatayang $2.7 bilyon ang kikitain ng WMC sa mga operasyon nito sa Pilipinas.

Siyam na bayan na saklaw ng FTAA ng Western Mining ang direktang apektado sa operasyon nito. Ilan dito ang Columbio, Sultan Kudarat; Tampacan, South Cotabato; Makilala, North Cotabato; at Kiblawan, Matan-aw at Magsaysay sa Davao del Sur. Ang bayang mapupuruhan nang husto ay ang Columbio na may 13 baryong (katumbas ng 65% ng erya nito) saklaw ng mining concession.

Malaking bahagi ng apektadong erya ay lupaing ninuno ng mga katutubong B'laan. Apektado rin ang ilang komunidad na tinitirahan ng mga katutubong Manobo at Bagobo. Itinatayang may 240,000 katutubong mapapalayas sa kanilang mga lupain kapag bumwelo na ang operasyon ng WMC.

Lubhang Mapaminsala

Mula 1994, nang lumawak na ang exploration activities ng Western Mining, iba't ibang porma na ng kilos protesta ang nailunsad ng mga B'laan at iba pang mamamayan laban sa WMC. Bukod sa petisyong isinumite sa gubyerno ng mga lider B'laan noong 1994, sumulat din kay Presidente Ramos noong 1995 ang apat na organisasyon (ang Christian-Islamic-B'laans Organization, La Bugal B'laan Association, Tabunaway Makinogon Association at Christian Farmers Association of Columbio, Sultan Kudarat) para igiit ang pagpapatigil sa operasyon ng WMC.

Isa ring serye ng mga fact-finding missions ang binuo. Noong 1994, idineklara ng isang fact-finding mission na kinabilangan ng mga people's organizations, non-governmental organizations (NGO) at mga kinatawan ng lokal na gubyerno na ang operasyon ng WMC ay mapaminsala sa kapaligiran at isang paglabag sa karapatan sa lupa ng mga mamamayang B'laan at magbubukid.

Ang mahigpit na pagtutol ng iba't ibang sektor laban sa operasyon ng Western Mining ay bunsod ng balak nitong magsagawa ng open-pit mining, ang pinakamapaminsalang paraan ng pagmimina. Sa open-pit mining, pinuputol ang lahat ng mga puno at binubungkal ang top soil, na siyang pinakamatabang bahagi ng lupa. Hindi na maaaring pakinabangan sa agrikultura ang anumang lugar na ginawan ng open-pit mining.

"Walang pakundangang isinasanla ng rehimeng Ramos ang pambansang patrimonya at nilalabag ang karapatan sa lupaing ninuno ng mga pambansang minorya kapalit ng $3 bilyong pamumuhunang itinatayang papasok sa bansa sa ilalim ng Mining Act."

Dagdag pa, tatamaan din ng operasyon ng WMC ang nalalabing virgin forest (aabot sa 10,000 ektarya) sa Dulong Katimugang Mindanao.

Subalit ang pinakamasahol at pinakamasaklaw na pinsalang dulot ng WMC ay ang pagkasira sa mga ilog at sapang pinagmumulan ng tubig ng aabot sa 19 na bayan sa loob at paligid ng kunsesyon. Ito'y dahil ang puno ng mga ilog at sapang ito ay nasa Bundok Amoroc na matatagpuan sa pusod ng eryang saklaw ng FTAA.

Ipinangangamba ng mga B'laan at iba pang mamamayang naninirahan sa mga apektadong lugar, na ang deporestasyon na kaakibat ng anumang operasyon sa pagmimina ay magiging sanhi ng pagbaha ng naturang mga ilog at sapa. Mas malaki pa ang peligro kapag nagtambak na ng mine tailings sa mga ilog ang Western Mining. Bukod sa pagbabaha ay malalason pa ang tubig at lahat ng isda rito. Di maglalaon at mamamatay ang mga ilog na ito.

Matinding Pagtutol

Sa harap ng matinding pagtutol ng maraming sektor sa operasyon nito, nagsasagawa ang WMC ng iba't ibang aktibidad sa layong madisarmahan ang militansya ng mamamayan. Ilan dito ay ang pagpapadala ng mga civac-type missions at pamimigay ng kalabaw at kabayo sa ilang pamilya. Upang mabili ang katapatan ng mga B'laan, may ilan sa kanilang kinukuhang trabahador sa minahan. Marami ring ipinapangako ang WMC: magtatayo raw ito ng mga paaralan at klinika sa tulong ng mga NGO; maglulunsad ng programang pangkabuhayan; mag-oorganisa ng mga palaro at kulturang pagtatanghal; at tutulungan daw ang mga katutubong B'laan na maapruba ang kanilang ancestral domain claim.

Walang ibang pakay ang mga pakanang ito kundi ang wasakin ang pagkakaisang ipinamalas na ng mga B'laan laban sa WMC.

Sa katunayan, sa pangamba ng WMC na tumindi pang lalo ang oposisyon laban dito, itinatago nito sa publiko ang aktwal na antas ng operasyon nito.

Sa pormal, ay nasa exploration stage pa lamang ito. Subalit inilantad ng isang fact-finding mission na binuo kamakailan na mayroon nang tunnelling na ginagawa ang Western Mining, indikasyon na nagsimula na ito sa pagmimina at titindi na ang pinsala sa kapaligiran na ipinangangamba ng mga naninirahan sa erya.

Tanda ng tunay na aktitud ng Western Mining sa mga tumututol sa operasyon nito ang susunsuson nitong seguridad. Bukod sa sarili nitong security force, mayroon itong minamantinang grupo ng mga lumad na tinaguriang "tribal forces" o "assets". Ang mga "assets" na ito, na armado ng matataas na kalibre ng baril tulad ng M16 at M14, karbin at garan, ay nakikipagkoordina sa 75th IB ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na siyang nakatokang magprotekta sa WMC. Kabilang sa mga "tribal forces" ang mga nagsisukong bandido. Pinagpapanggap silang mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan o Moro Islamic Liberation Front, pinasusurender, at saka nirerekluta at inaarmasan ng WMC. Tinutustusan din ng WMC ang pag-aaral ng mga opisyal militar na ipinadadala sa Australya.

Gumagrabe ang militarisasyon sa erya, reaksyon sa tumitindi ring pagtutol ng mga lumad sa WMC. Sa ngayon, dalawang grupo ng mga B'laan ang nagdeklara ng pangayaw o "tribal war" laban sa mga tropa ng 75th IB, at ilang engkwentro na ang naganap. Dalawampu't dalawang datung B'laan din ang nagsandugo (blood compact) at sumumpang lalabanan ang Western Mining.

Sa kalunsuran, isang alyansang multisektoral ang binuo laban sa WMC, na kinabibilangan ng mga organisasyon ng mga lumad, drayber, estudyante, taong simbahan, manggagawa, tindera, maralitang lungsod at kababaihan. Dumadami ang mga kapanalig ng pakikibaka laban sa Western Mining, bunga ng malawakang kampanyang edukasyon at propaganda na inilulunsad hinggil sa isyu.

Sa mga larangang gerilya, madali ring nabibigkis ang masa laban sa WMC at sa Mining Act, at napapalalim ang kanilang pag-unawa sa usaping ito.

Ang mga lokal na sangay ng reaksyunaryong gubyerno ay nagpapahiwatig din ng iba't ibang antas ng pagtutol sa operasyon ng Western Mining. May ilang bayan na ang naglabas ng municipal resolution na tahasang kumukundena at tumututol sa WMC. Kamakailan, idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Saranggani na hindi nito pahihintulutang mag-opereyt ang WMC sa prubinsya kung walang environmental impact study na magpapatunay na hindi magiging peligroso sa kapaligiran ang mga aktibidad nito.

Sa ibang dako ng Mindanao, may pagtutol din ang mamamayan sa mapaminsalang operasyon ng malalaking dayuhang minahan sa kanilang erya. Patuloy ang protesta ng mga katutubong Mansaka at mga settlers sa kanayunan ng Davao sa operasyon ng Kingking Mines, Inc., isang US-Canadian na korporasyon. Ayon sa kanila, ang exploration at drilling operations ng naturang minahan ay nagdudulot ng matinding silting sa Kingking River, na nagiging sanhi ng mga pagbaha at pagdaloy ng putik o mudflows. Ang Kingking Mines, na magmimina ng copper, ay mamumuhunan daw ng halagang P5.3 bilyon sa itatayo nitong copper concentrate project, at may ipinuhunan nang P480 milyon para sa exploration activities sa kalapit na erya.

Sa Zamboanga del Norte, nagpoprotesta rin ang maliliit na kumpanya sa pagmimina laban sa exploration activities ng Tropical Exploration Philippines, Inc. (TEPI), isang malaking Australyanong korporasyon na may 16,200 ektaryang mining claim sa apat na bayan ng naturang prubinsya. Itinatayang 1,850 pamilyang Subano (isang tribu ng mga lumad) ang maaapektuhan sa operasyon ng TEPI. Kinwestyon ng maliliit na minero kung paano nakapag-opereyt ang TEPI gayong hindi pa aprubado ang permit nito mula sa DENR at wala pa itong sertipikasyon mula sa Provincial Environment and Natural Resources Council. Binatikos din ng mga nagpoprotestang minero ang gobernador ng Zamboanga del Norte na si Dalman Roldan sa pagbaliktad nito mula sa binitiwan nitong pangako nang siya�y kumandidato na poprotektahan niya ang kapaligiran. Bukod sa TEPI, tinututulan din ng maliliit na minero ang operasyon sa lalawigan ng Toronto Ventures Inc. ng Canada at ng Philex Mining Corp.

Subalit hindi na nakapagtataka kung nakalusot man ang TEPI, lalo na kung gugunitain ang nauna pang kaso ng Western Mining. Gagawa at gagawa ng paraan ang rehimeng Ramos para maisanla nito ang Pilipinas sa sinumang dayuhang makapaglalagak ng malaking kapital. Gagawin ito ng tutang rehimen kahit na magmistulang disyerto ang kabundukan at malubog sa putik at tubig-baha ang kapatagan. Magpapatuloy ang ginagawa nitong katrayduran sa pambansang interes hangga�t hindi nagwawagi ang pambansa-demokratikong rebolusyon at naitatayo ang isang gubyernong tunay na makabayan at mapagkalinga sa mamamayan at kalikasan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1997
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sumulong sa Ika-30 Anibersaryo!

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!
New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan
Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao

Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan

Balita
Pakikidigmang Gerilya:
Sumusulong sa Buong Kapuluan

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.