Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya

 Read this article in English

Walang duda na wawasakin ng mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina ang kabundukan at natitira pang kagubatan ng bansa upang kamkamin ang likas na yaman nito sa pinakamura at pinakamabilis na paraan. Tahasang iniaalay ng rehimeng Arroyo ang pambansang patrimonya ng Pilipinas sa altar ng mga dayuhang kapitalista para sa pagpapakasasa ng mga ito sa yamang mineral ng bansa. Sa pamamagitan ng Korte Suprema nitong Pebrero, pinal nang ibinasura ng rehimen ang petisyon ng mga pambansang minorya, magsasaka at iba pang mamamayan laban sa Mining Act of 1995. Di ito kataka-taka, lalupa't ang pangunahing isponsor nito sa senado noong 1995 ay walang iba kundi ang noo'y senador na si Gloria Arroyo.

Ayon sa Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), aabot sa halos 75% ng kalupaan ng Pilipinas ang sinasaklaw ng mga aplikasyon para sa FTAA na nakasalang ngayon sa Department of Environment and Natural Resources. Ang FTAA ay isang kasunduan sa pagitan ng gubyerno ng Pilipixnas at kumpanya ng pagmimina na nagpapahintulot sa kumpanya na magmina ng maksimum na 81,000 ektaryang kalupaan sa loob ng 75 taon. Sa ngayon, dalawa pa lamang ang may aprubadong FTAA � ang Climax-Arimco Mining Corporation na nagmimina na sa Dipidio, Nueva Vizcaya at ang Sagittarius Mines, Inc. na may operasyon sa Sultan Kudarat, North at South Cotabato at Davao del Sur.

Nang hindi pa napagtitibay ang ligalidad ng Mining Act, nagkaloob ang DENR ng mga Exploration Permit (EP) sa 16 na kumpanya saklaw ang 55,360 ektarya. Inilusot din muna ng 190 kumpanya ng pagmimina ang kanilang mga operasyon sa mga Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na sumaklaw sa halos 315,000 ektarya sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina sa bansa ang isa sa pinakamalaking banta sa buhay at kabuhayan ng maraming komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya. Lalo nitong pinabibilis ang monopolisasyon ng lupa sa kamay ng mga dayuhan at nilalapastangan ang karapatan ng mga magsasaka at pambansang minorya sa kanilang mga sakahan at lupaing ninuno. At kung nasaan ang mga dayuhang kumpanya, naroon din ang reaksyunaryong militar na umaaktong mga mersenaryong pwersang panseguridad ng mga ito. Palagiang magkatambal ang pagmimina, malawakang militarisasyon at mga programang kontra-rebolusyonaryo.

Hindi magkandaugaga ang rehimen sa pagkukwenta ng inaasahang pagdagsa ng dayuhang kapital sa lokal na industriya ng pagmimina. Magdadagdag umano ito ng P57 bilyon sa buwis pa lamang, habang tinatayang aabot sa $6 bilyon (P330 bilyon) ang kapital na papasok sa bansa. Hindi nito nababanggit na sa katunaya'y mumo lamang ang matitira sa Pilipinas dahil tiyak na ibabalik ng mga dayuhang kumpanya sa kani-kanilang mga bansa ang kanilang mga kita. Kahit ang ipinagmamayabang na kita sa buwis ay barya-barya lamang lalupa't ililibre sa mahabang panahon sa iba't ibang buwis ang mga kumpanya sa pagmimina.

Nais ni Arroyo na lunukin ng mamamayang Pilipino ang pagdagsa ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina. Bilang pansuhol, nangangako itong lumikha ng dagdag na 200,000 bagong trabaho sa mga minahan. Ang hindi nito binabanggit, milyun-milyong mamamayan ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pwersahang pagpapalikas sa buo-buong mga komunidad at pagkawasak ng kanilang kabuhayan, mga lupang agrikultural, mga ilog at kagubatan. Kumpara sa lilikhain nitong empleyo, ilang ulit na mas malaki ang pinsalang idinudulot ng pagmimina sa kabuhayan ng mamamayan sa mga kalapit na lugar. Bukod rito, karamihan ng mga manggagawa sa mga mina ay mga kontraktwal at kaswal. Ang sektor ng pagmimina rin ang may pinakamataas na bilang ng mga pana-panahong manggagawa, labas sa sektor ng agrikultura. Napakababa ng pasahod, walang mga karapatang pangmanggagawa at napakasahol at nakamamatay ang mga kundisyon sa paggawa sa loob ng mga minahan.

Sa harap nito, napakalaking hamon sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang pagpigil sa ganap na pagpapatupad sa Mining Act. Nakasalang dito hindi lamang ang kapakanan at kabuhayan ng mamamayan sa kasalukuyan kundi maging ng mga susunod na salinlahi ng mga Pilipino.

Ilan sa pinakamasasahol na probisyon ng Mining Act:

1) pagpapahintulot sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan ng mga lokal na kumpanya; 2) paggarantiya ng 100% repatriation o pag-uuwi hindi lamang ng kita kundi pati ng puhunan at kagamitan; 3) garantiya laban sa kumpiskasyon ng estado; 4) kalayaan mula sa buwis at pagpapababa ng mga taripa; 5) maaaring ibawas sa netong kita ang anumang pagkalugi; 6) titiyakin ng gubyerno na walang sasagka sa mga operasyon ng mina, kabilang ang mga komunidad at sakahan; 7) maaaring gamitin ng mga kumpanya ang iba pang likas na yaman sa lugar na saklaw ng kanilang operasyon, tulad ng mga natural na watershed at kahoy; at 8) maaaring direktang ibenta ng mga kumpanya ang kanilang naminang ginto sa labas ng bansa, libre sa anumang regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo

Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya
Pagmimina sa Central Luzon
Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko

Mga Ulat Koresponsal:
Rebolusyonaryong patakaran sa Panay hinggil sa kapaligiran

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala

Sa Ibayong Dagat:
Di masusupil ang Maoismo sa China

Sa Ibayong Dagat:
Pagpapalaya sa Auschwitz, ginunita

Sa Ibayong Dagat:
Pagbubuo ng estadong papet ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.