BalitaDEPENSIBA, NAITRANSPORMA SA TAGUMPAY
Sa kabila ng kanilang depensibang kalagayan, nakapangibabaw ang mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nang kubkubin ng kaaway ang kanilang hinihimpilan noong hapon ng Hunyo 16 sa Barangay Dominga, Calinan, Lunsod ng Davao. Pitong sundalo ang napaslang nang lumaban ang mga Pulang mandirigma sa sumalakay na mga elemento ng "Alpha" Coy ng 73rd IB ng Philippine Army. Anim na tropa rin ang sugatan samantalang anim pa ang nagtamo ng iba't ibang pinsala sa katawan.
Ayon sa pahayag ng Merardo Arce Command, agad na nabawian ng buhay ang dalawang Pulang mandirigma nang matunton ng mga militar ang binabasehan ng BHB. Pagkatapos ng unang bugso ng putukan, mabilis na naagaw ng BHB ang paborableng pusisyon at nakapaglunsad ng kontraopensiba. Sa labis na pagkagulantang, ang namuno sa mga sumalakay na tropa na si 2Tin. Dominic Baluga, ay tumalilis at iniwan ang kanyang mga tauhan sa kalagitnaan ng labanan.
MGA AMBUS INILUNSAD SA COMPOSTELA VALLEY
Apat na elemento ng Citizens' Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at isang sundalo ang napatay sa dalawang magkahiwalay na ambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Compostela Valley ngayong Hunyo.
Tatlong CAFGU na kabilang sa isang nagpapatrulyang tim ang napaslang nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Libulon, bayan ng Mabini noong umaga ng Hunyo 27.
Bago nito, isang CAFGU at isang sundalo ang napaslang nang ambusin din ng mga Pulang mandirigma noong Hunyo 1 ang isang nagpapatrulyang composite unit ng Philippine Army at CAFGU sa bayan ng Laac. Pinaputukan ng isang blocking force ng BHB ang mga ipinadalang tropang reinforcement ng kaaway.
PICOP, DETATSMENT NG AFP NIREYD NG BHB
Tatlong magkakasunod na taktikal na opensiba ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Surigao del Sur nitong Mayo. Sinalakay ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng 29th IB sa bayan ng Do�a Carmen noong Mayo 23 at nakakumpiska ng tatlong M16, tatlong karbin at isang handheld radio. Bago nito, nireyd ng BHB ang pabrika ng PICOP Resources Inc. sa kalapit na bayan ng Bislig noong Mayo 19 at sinunog ang ilang makinarya ng kumpanya. Pitong araw bago ang reyd sa pabrika, tinambangan din sa Bislig ng mga gerilya ng BHB ang isang grupong kabilang sa pribadong hukbo ng PICOP. Isang myembro ng PICOP security force ang napatay sa ambus.
Ang PICOP na may 195,000-ektaryang kunsesyon sa hangganan ng apat na prubinsya sa Mindanao ang pinakamalaking korporasyon sa Asya na nagmamanupaktura at nag-eeksport ng plywood at mga produktong papel at nagsasagawa ng industrial tree farming. Ang tatlong taktikal na opensiba ay inilunsad ng BHB bilang pagpaparusa sa korporasyon at sa 29th IB dahil sa marahas nilang paniniil sa karapatan ng mga manggagawa ng PICOP. Noong 1998, nagsabwatan ang PICOP at ang 28th at 29th IB upang supilin ang welga ng mga manggagawa. Ginamit din ng PICOP ang Special Civilian Auxiliary Army na nagsisilbing security force at pribadong hukbo nito at umupa ng mga bayarang mamamatay-tao.
MGA TAKTIKAL NA OPENSIBA, SUMUSULONG SA TIMOG KATAGALUGAN
Limang myembro ng isang private army at apat na sundalo ang napatay samantalang tatlong tropa ang sugatan sa tatlong magkahiwalay na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Timog Katagalugan nitong Mayo at Hunyo.
Limang security guard ng Golden Country Farms Inc. (GCFI) ang napaslang nang tambangan sila ng mga gerilya ng BHB sa Barangay Balansay, Mamburao, Occidental Mindoro nitong Hunyo 10. Ang mga security guard ay nagsisilbing private army ng despotikong panginoong maylupa na si Ricardo Quintos, may-ari ng 7,000-ektaryang GCFI. Si Quintos, sampu ng kanyang mga gwardya ay sangkot sa mga kasong pagpatay, pang-aagaw ng lupa, pananakot at iba pang abuso laban sa masang magsasaka ng Mamburao.
Dalawang tropa naman ang napaslang nang tambangan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo ng 76th IB sa haywey sa Barangay Walay, Padre Burgos, Quezon nitong Mayo 25. Lulan ng isang Kennedy-type na dyip ang mga sundalo nang tumama ang kanilang sasakyan sa land mine na inilatag ng mga gerilya. Dalawang sundalo rin ang nasugatan dito.
Bago nito, isa pang sundalo ang napatay at isa ang nasugatan nang tambangan ng BHB ang isang tim ng 31st IB na nagsasagawa ng combat patrol sa Barangay Biga, Gumaca, Quezon.
Samantala, sinalakay din nitong Mayo ng mga gerilya ng BHB ang isang detatsment ng Philippine Army sa Sityo Ilayang Crossing, Barangay Sayao, Mogpog, Marinduque. Ang reyd ay isa sa mga pinakaunang taktikal na opensiba ng BHB sa lalawigan.
AMBUS, PAGPAPARUSA INILUNSAD SA SARANGGANI AT NORTH COTABATO
Isang abusadong elemento ng Citizens' Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang patay at tatlong sundalo ang sugatan sa tatlong magkahiwalay na taktikal na opensibang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Saranggani at North Cotabato nitong Hunyo.
Malubhang nasugatan ang isang korporal nang tambangan ng mga Pulang mandirigma ang mga elemento ng 25th IB nitong Hunyo 27 sa Barangay Matbol, Maasin, Saranggani. Nagpapatrulya ang mga sundalo nang ambusin sila ng BHB. Isang linggo bago nito, pinadugo na rin ng mga Pulang mandirigma ang naturang batalyon nang masugatan ang dalawa nitong elemento sa isa pang ambus.
Pinarusahan naman ng isang tim ng BHB ang CAFGU na si Rommelson Puig sa Barangay Balite, Magpet, North Cotabato noong Hunyo 20. Sakay si Puig ng isang motorsiklo nang tambangan siya ng mga gerilya ng BHB. Kabilang siya sa 206th Special Forces Team, isang composite group ng mga sundalo at CAFGU na nakatutok sa "counter-insurgency" at responsable sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao.
ESPIYANG PULIS, PINARUSAHAN NG BHB SA MISAMIS ORIENTAL
Pinarusahan ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang elemento ng Philippine National Police (PNP) na aktibo sa paniniktik sa Salay, Misamis Oriental noong Mayo 30. Sa isang operasyong isparo, pinarusahan si SPO2 Antonio Terro Jr., isang intelligence operative ng PNP. Kasama niyang napaslang sa operasyon ang barangay captain ng Barangay Looc, Salay na si Loreto Tagarda. Si Tagarda ay sangkot din sa mga kontra-rebolusyonaryong aktibidad sa Misamis Oriental.
CAFGU TINAMBANGAN, MEYOR, MGA PULIS DINISARMAHAN SA AGUSAN SUR
Limang matataas na kalibreng armas at iba pang gamit militar ang nadagdag sa arsenal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa dalawang magkahiwalay na taktikal na opensiba sa Agusan del Sur nitong Mayo at Hunyo.
Dalawang elemento ng Citizens' Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang napatay nang tambangan ng mga Pulang mandirigma ang isang composite force ng 36th IB at CAFGU sa Barangay Oromica, bayan ng Esperanza nitong Hunyo. Dalawang M14 ang nasamsam sa naturang ambus.
Bago nito, dinisarmahan ng mga gerilya ng BHB ang isang abusadong meyor at dalawang elemento ng Philippine National Police nitong Mayo sa bayan ng La Paz. Dalawang M16, mga bala ng Armalayt, isang .38, isang handheld radio at isang radio base ang nasamsam mula sa bahay ni Meyor Rufino Torralba ng naturang munisipalidad. Nireyd rin ang mga kalapit na bahay nina SPO4 Honorio Campus at SPO2 Jorge Plana at nasamsam ang isa pang M16.
AMBUS, REYD INILUNSAD SA HILAGANG LUZON
Isang sundalo ang patay at tatlo ang sugatan sa ambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa mga elemento ng 22nd Special Forces Coy ng 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army. Ang pananambang ay inilunsad noong Hunyo 21 sa Barangay Mainit, Bontoc, Mountain Province.
Bago nito, nireyd ng BHB nitong Hunyo 10 ang "Pulisya ti Umili No. 5", isang sub-station ng Philippine National Police sa Barangay Pilitan, Tumauini, Isabela. Nakakumpiska ang mga Pulang mandirigma ng dalawang bandolier na puno ng mga bala ng Armalayt, mga unipormeng fatigue at iba pang gamit militar.
DALAWANG PUSAKAL NA PULIS, PINARUSAHAN SA NUEVA ECIJA
Magkasunod na ginawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang dalawang elemento ng Philippine National Police sa Nueva Ecija na may utang na dugo sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa Lingkaw, rebolusyonaryong pahayagang masa sa lalawigan, pinarusahan si SPO1 Jose Ordinario sa Barangay Tayabo, Lunsod ng San Jose noong Marso 15. Bago nito, pinarusahan din si SPO4 Leodegario Maiquez sa Barangay San Pedro, Lupao noong Marso 14. Si Ordinario ay responsable sa pagpaslang sa isang lider magsasaka noong 1990. Samantala, si Maiquez ang pumatay sa dalawang taga-Lupao at sangkot sa pamamaslang sa isa pang taga-Cuyapo. Lider din siya ng "akyat-bahay gang" na nambibiktima sa mamamayan ng hilagang Nueva Ecija at talamak din siyang mangongotong sa mga tindera at mga drayber ng traysikel.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|