Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Manggagawa, manguna sa pakikibaka para lubusang ihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo!

 Read this article in English

Sa harap ng lumalalang krisis panlipunan at pagdurusa ng mamamayan bunsod ng walang kapantay na pagpapakatuta at militarismo ng rehimeng Macapagal-Arroyo, palakas nang palakas ang sigaw ng malawak na sambayanan na patalsikin ang naghaharing reaksyunaryong rehimen. Ito ang angkop na kabayaran sa paglapastangan sa pambansang soberanya, todo-todong pagsusubasta ng pambansang patrimonya, pagkait sa makatarungang mga kahilingan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor at napakatinding panunupil laluna sa kanayunan.

Bunsod ng kanilang matinding pagkaapi at pagdurusa, tinitipon ngayon ng mamamayan ang isang makapangyarihang unos na nakatuon laban sa papet, bulok at mapaniil na rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang unos na ito ay binubuo ng malawak na pwersang demokratiko at patriyotiko. Kinakabig nito ang parami nang paraming pwersa at mga indibidwal na nagreresulta sa antas-antas na pagkahiwalay ng naghaharing rehimen.

Upang labanan at ganap na maihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo at biguin ang ambisyon nitong magtagal pa sa poder, kailangang buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Tungkulin ng uring manggagawa na manguna rito.

Tulad ng malawakan at militanteng pagtindig ng masang manggagawang Pilipino laban sa kolonyalismong US noong unang bahagi ng siglo 1900, kinakailangang malawakang kumilos ngayon ang mga manggagawang Pilipino upang biguin ang balak ng US na maglunsad ng mas malaking digma sa Pilipinas. Kailangang matamang subaybayan, batikusin, tutulan at pigilan ang bawat mapanghimasok na hakbang ng imperyalismong US kasabwat ng papet na rehimen, at walang-pagod na labanan ang balak nitong palawakin ang armadong agresyon sa bansa.

Kailangang manguna ang uring manggagawa sa paglalantad at paglaban sa sabwatan nina Bush at Macapagal-Arroyo na gawing target ng pinagsamang operasyon ng mga tropang Amerikano at AFP ang rebolusyonaryong kilusan at ang nakikibakang mamamayan. Magkagayon man, dapat manguna ang proletaryong Pilipino sa paglulunsad ng digma ng pambansang pagpapalaya para patalsikin ang mananakop na tropang Amerikano.

Kailangang ubos-kayang labanan ng mga manggagawa ang rehimeng Macapagal-Arroyo dahil sa pang-aapi nito sa masang manggagawa. Ang rehimen ay di mapasusubaliang pangunahing kaaway sa uri at kaaway ng sambayanang Pilipino. Ang todo-todong pagtataguyod nito sa imperyalistang "globalisasyon" ang pangunahing ugat ng laganap na kawalan ng trabaho, mapang-aliping sahod, malahayop na kalagayan sa paggawa, ng kadusta-dustang pamumuhay ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya at ng sistematikong pag-atake sa mga karapatan at benepisyo na ilang dekadang ipinaglaban ng kilusang paggawa.

Bilang pagtaguyod sa kagalingan ng masang manggagawa, hindi dapat lubayan ang pagsusulong ng makatarungang pakikibaka para sa P125 dagdag sa sahod at laban sa sobra-sobrang pagtataas sa presyo ng langis, kuryente at tubig.

Dapat din nilang puspusang labanan ang mga bagong batas at patakaran na ibayong umaatake sa karapatan sa seguridad sa trabaho at nagpapatibay sa labor-only contracting at mga katulad nitong mapagsamantala at mapanupil na kalakaran. Kailangan din nilang ilantad ang tumitinding panunupil at pagsikil sa kanilang mga karapatan at magpatibay ng hanay upang labanan ito.

Kailangang puspusang ilantad at labanan ng masang manggagawa ang malalang korapsyon na tagus-tagusan sa burukrasyang sibil at militar at sa walang habag na panunupil sa makatarungang paglaban ng mamamayan. Dapat ipadama ng uring manggagawa ang tindi ng kanilang galit sa talamak na burukratikong korapsyon at pagpapakasasa sa luho at pribilehiyo na pinaiiral ng rehimen sa harap ng walang katumbas na paghihirap ng mamamayan.

Dapat ding patuloy na manguna ang uring manggagawa sa paglulunsad ng kolektibong mga pagkilos para mariing kundenahin ang malawak at matinding mga kampanyang mapanupil sa kanayunan at kalunsuran na bumibiktima sa masang magsasaka at tumatarget maging sa mga pwersa sa hayag at progresibong kilusan.

Ang hanay ng kilusang manggagawa ang bumubuo ng pinakamalawak na bahagi ng kilusang masa sa kalunsuran laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang pagdagsa sa lansangan, kung gayon, ng daan-daang libong manggagawa ay nagsisilbing isang napakahalagang salik sa mapagpasyang paghihiwalay sa naghaharing rehimen. Kailangang mahusay na gamitin ng mga manggagawa ang welga at iba pang anyo ng militanteng pagkilos upang isulong ang kanilang interes at ang interes ng buong sambayanan.

 


 Back to topNext article

Abril 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Manggagawa, manguna sa pakikibaka para lubusang ihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo!
1902-30: Maningning na makauri at anti-imperyalistang kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas
DOLE Order 18-02:
Pagtataguyod sa kontraktwalisasyon

Ang pang-aapi ng kontraktwalisasyon sa mga manggagagawa
Kontraktwalisasyon sa SM
Mga anti-manggagawang desisyon ng Korte Suprema
Lumalalang disempleyo
Panghihimasok ng militar ng US
Pandarambong ng mga Marcos, ibinabaon na sa limot
Mga Ulat Koresponsal: Kumpanya pinarusahan, pulis inambus sa Agusan del Norte
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyonaryong kilusan sa Hilagang-Silangang Luzon, nagpupugay sa mga tagumpay
Mga Ulat Koresponsal:
Mga paglabag sa karapatang-tao, lumalala sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Desperadong pag-atake ng Israel sa Palestine
Walang pakundangang terorismo ng Israel sa Palestine
Kinukundena ng buong mundo ang panibagong pananalakay ng Israel sa Palestine
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.