Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Paghandaan at labanan ang tuluy-tuloy at papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas

 Read this article in English

Lalong lumilinaw na ang tunay na pakay ng imperyalismong US ay ang tuluy-tuloy na presensya ng paparaming bilang ng mga tropang Amerikano sa bansa. Marami nang indikasyon na ang dagsa ng mga tropang US sa bansa, partikular sa Basilan, ay hindi magtatapos sa anim-na-buwang taning ng Balikatan 02-1.

Nitong nakaraang mga buwan, unti-unting inilatag ng US, kakutsaba ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo, ang mga "batayan" para mabigyang-katwiran ang maitim nitong mga pakana.

Sa simula'y isinangkalan ang pagtulong nito sa AFP na sugpuin ang bandidong Abu Sayyaf at iligtas ang dalawang Amerikanong hostage ng mga bandido. Isinangkalan ang mga ito upang mapahupa ang matinding pagtutol sa presensya ng mga tropa ng US sa Pilipinas.

Subalit mag-aanim na buwan na ang mga tropa ng US dito ay hindi pa nadudurog ang Abu Sayyaf o naililigtas ang mga Amerikanong bihag. Nagbukas na rin ang mga upisyal na Amerikano na magbayad ng pantubos.

Nitong Abril, pumasok ang karagdagang 320 tropang Amerikano at sinimulan ang pagtatayo ng mga imprastrukturang militar upang suportahan ang mga gamit militar ng US. Kasabay nito, makailang ulit na ipinahayag ni Macapagal-Arroyo na pabor siya sa ekstensyon ng pananatili ng mga tropang Amerikano sa Basilan.

Sa kabilang panig, palaki nang palaki ang mga "pagsasanay" at "operasyong tulungan" sa pagitan ng mga tropa ng US at ng AFP. Mula Abril 22 hanggang Mayo 6, inilunsad ang Balikatan 02-2 na nilahukan ng 2,500 tropang Amerikano.

Inianunsyo naman ni National Security Adviser Roilo Golez at ni Balikatan co-director Brig. Gen. Emmanuel Teodosio, na aabot sa 5,000 tropang Amerikano ang lalahok sa isa sa mga Balikatan sa 2003. Partikular na layunin ng mga "pagsasanay" na ito ang makamit ang "interoperability" (madulas na pagsasanib ng mga tropa ng Pilipinas sa mga operasyon ng militar ng US).

Ipinahayag din ni Adm. Dennis Blair, hepe ng US Pacific Command, na hangarin ng US na palawakin ang misyon ng mga tropang Amerikano sa Mindanao. Nais ni Blair na direktang lumahok ang mga tropang Amerikano sa mga operasyong pangkombat di lamang sa Basilan kundi sa iba pang bahagi ng Mindanao, lagpas sa kasalukuyang misyon nito ng "pagsasanay".

Iisa lamang ang pakay ng lahat ng ito: Nais ng US at ng papet na rehimeng Macapagal-Arroyo na gawing permanente ang presensya ng mga tropang Amerikano at pataasin pang lalo ang antas ng imperyalistang interbensyon sa Pilipinas. Tungo rito, isinasagawa ang kung anu-anong pakana, maniobrang ligal at baluktot na pangangatwiran.

Sa esensya, ang buong bansa ngayon ay isang base militar ng US. Mas masahol ito sa nagdaan dahil nagagamit ng kahit ilang bilang ng mga tropang Amerikano anumang oras ang anumang bahagi ng Pilipinas para sa kanilang mga layuning pangmilitar. Ibayong pagtitibayin ang ganitong kaayusan sa ipinapakanang mga amyenda sa reaksyunaryong konstitusyon.

Ang planong ito ng US na panatilihin ang permanenteng presensyang militar ay nakapaloob sa reoryentasyon ng pakat militar ng US para tiyakin ang ibayong paghahari nito bilang nag-iisang superpower pagkatapos ng Cold War. Pinalakas lalo ang reoryentasyong ito pagkatapos ng atake sa US noong Setyembre 11, 2001.

Batay sa plano, kailangang maaga pa lamang ay pumwesto na ang mga tropa ng US sa mismong lugar o sa pinakamalapit sa maaaring pagmulan ng anumang banta sa seguridad at interes pampulitika at pang-ekonomya ng US. Ang gayong mga tropang nakapusisyon sa mga estratehikong lugar sa mundo ay panghadlang sa anumang banta (forward deterrent forces) at nagsisilbi ring pwersang mabilisang mamomobilisa at maipapakat upang sugpuin ang anumang atake saanmang bahagi ng mundo ito magmula (forward combat and expeditionary forces).

Upang bigyang-katwiran ang presensya ng US sa Pilipinas, sinasabi ni Bush at ng mga upisyal sa depensa ng US na umiiral ang isang "lambat ng mga terorista" sa Southeast Asia. Kinakailangan diumanong magpakat ng mga tropang Amerikano sa Mindanao upang pilayin ang mga operasyon ng mga "terorista" rito. Balak na ring pagsilbihin itong forward base para abutin ang Indonesia at iba pang bahagi ng Southeast Asia kung saan sinasabing may mga ugnay at base ang mga "terorista". Sa mapang-aping pananaw na ipinalalaganap ng US, ang Mindanao-Indonesia-Malaysia umano ay malaking potensyal na base ng mga "terorista" dahil narito ang pinakamalaking populasyon ng mga Muslim sa mundo.

Ang Southeast Asia ay bahagi ng tinatagurian ng US na malawak na "arc of instability" (hanay ng mga bansang pinagmumulan ng instabilidad) mula Middle East hanggang Northeast Asia. Binibigyan ngayon ng US ng natatanging diin ang pagpapalakas ng mga pwersa nito sa Southeast Asia at iba pang bahagi ng "arc of instability" kung saan nawala o nagkulang ang presensya ng US sa nakaraan at lumalakas ang mga banta sa katatagan ng mga interes ng US. Pinangangambahan ng US ang potensyal na pagsiklab ng kaguluhan bunsod ng malalim na krisis na bumabalot sa mga bansa rito at ng pag-usbong at pagsulong ng mga demokratiko at makabayang pakikibaka ng mga mamamayan dito.

Higit sa lahat, nais ng US na magdeploy ng pwersa sa Pilipinas upang harapin ang isa sa mga bantang pangunahing pinangangambahan nito -- ang pambansa-demokratikong rebolusyonaryong kilusan. Ito at ang nakikibakang mamamayang Moro ang balak gawing target ng susunod na yugto ng mga pinagsamang operasyong militar ng US at AFP sa bansa.

Palaki nang palaki ang posibilidad ng armadong agresyon. Dapat pang pag-ibayuhin ng mga ligal at demokratikong pwersa ang paglalantad, pagbatikos at pagtutol sa ganitong pakana ng imperyalismong US at ng papet nitong rehimen. Dapat pamunuan at pakilusin ang mamamayan upang ipamalas na hindi maaaring tumagal sa poder ang isang pangulong walang-kahihiyang lumalapastangan sa soberanya ng Pilipinas. Dapat ding gawing kongkretong layunin ng gayong mga pagkilos ang pagpapatalsik sa lahat ng mananakop na tropa sa bansa.

Ubos-kaya nating pinagsisikapan na pigilan ang armadong agresyon. Subalit oras na maglunsad ng atake ang mga pinagsanib na tropang Amerikano at AFP sa teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan, daranasin nila ang bigwas ng isang digma ng pambansang pagpapalaya. Dapat ihanda para rito ang pag-iisip at organisasyon ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan.

 


 Back to topNext article

Mayo 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan at labanan ang tuluy-tuloy at papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas
Panghihimasok ng imperyalismong US
Walang habas na paglabag sa karapatang-tao sa Sulu
Usapang pangkapayapaan, isinara ng rehimen
Samantalahin ang tumitinding mga hidwaan ng mga reaksyunaryo
Tungkol sa planong Constitutional Convention
Langis, Kuryente, Tubig:
Protesta ng mamamayan sa pagtataas ng presyo at singil

Pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo iginiit nitong Mayo Uno
Mga pagkilos sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa
Rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Nepal
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.