Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Matagumpay na ambus inilunsad sa Davao del Norte

Pitong sundalo ng Philippine Army ang namatay at anim ang sugatan nang ambusin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nitong Pebrero 6 sa Sityo Basak, Barangay Sto. Niño, Talaingod, Davao del Norte ang mga nagpapatrulyang tropa ng 72nd IB. Sa isang pahayag, sinabi ni Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command (MAC) ng BHB sa Timog Mindanao, na ang opensiba ay isinagawa ng 1st Pulang Bagani Company. Aniya, ang ambus ay "pamamarusa sa rehimeng US-Macapagal-Arroyo dahil sa pananalasa ng makinaryang pandigma nito sa kanayunan."

Pinuri ng MAC ang mga Pulang mandirigmang naglunsad ng pananambang dahil sa "ipinakita nilang natatanging talino sa pakikidigma, katapangan at malawak na suportang masa laluna mula sa mga pambansang minorya." Sinabi ng MAC na ang ambus ay parusa rin sa militar dahil sa pwersahan nilang paggamit sa mga minorya sa kanilang kontra-rebolusyonaryong digma. Ang Talaingod ay saklaw ng lupang ninuno ng mga Ata-Manobo.

Nasamsam mula sa ambus ang isang M60 light machine gun, isang M14, apat na M16, tatlong M203 grenade launcher, isang .45 kalibreng pistola, tatlong radyong pangkomunikasyon, isang global positioning system (GPS) at 20 pak ng militar.

Dahil sa kahihiyan, pilit na ikinukubli ng AFP ang kanilang pagkatalo sa pagsasabing ang naganap na opensiba ay hindi isang ambus kundi isang simpleng engwentro lamang.

6 na sundalo patay, 3 sugatan sa Pakikipagsagupaan sa BHB

Dalawang elemento ng 24th IB ang napatay at lima ang sugatan sa engkwentro sa Sityo Kararited, Barangay Cabauatan, Botolan, Zambales noong hapon ng Pebrero 7.

Sa San Luis, Agusan del Sur, tinambangan ng BHB noong Enero 18 ang mga tropa ng Philippine Army na pabalik mula sa isang operasyong militar. Dalawang sundalo ang napatay sa labanan.

Samantala, iniulat ng Silvino Lobina Command ng BHB sa Samar na dalawang ripleng M16 ang naagaw ng mga Pulang mandirigma sa ambus na inilunsad nila noong Disyembre 30 sa bayan ng Catarman, Northern Samar laban sa mga tropa ng 63rd IB. Dalawang sundalo ang napatay at tatlo ang sugatan sa ambus, kabilang ang isang tinyente.

200 kabataan mula Metro Manila, sumapi sa BHB noong 2002

Aabot sa 200 mga kabataang aktibista mula sa kalunsuran ang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan noong taong 2002. Sa isang pahayag na pinirmahan ni Kasamang Dino Kalayaan ng Kabataang Makabayan (KM) sa National Capital Region. Sinabi niya na ito ay tanda ng muling paglaki ng bilang ng mga kabataang tumutungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka. Ayon sa KM, ito ay bunsod ng tumitinding diskuntento nila sa anti-mamamayan at maka-imperyalistang patakaran ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Presyo ng langis, 4 na ulit tumaas

Apat na ulit na itinaas ng mga kumpanya sa langis ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas sa loob lamang ng apat na linggo mula Enero hanggang Pebrero. Itinaas ng Caltex, Shell, Petron at iba pang kumpanya ang kanilang mga presyo noong Enero 3, Enero 18, Enero 24 at Pebrero 3.

Sa kabuuan, tumaas nang aabot sa P1.60 kada litro ng langis ang presyo ng pinakamalalaking kumpanya. Samantala, tinatayang muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo nang 80 sentimo kada litro sa ikatlong linggo ng Pebrero.

Kaugnay nito, muling iginigiit ng Pagkakaisang mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang kanilang pagtutol sa pagtaas ng presyo ng langis at ang petisyon para sa karagdagang piso sa pamasahe sa dyip.

Laban sa operasyon ng mina, pag-iibayuhin pa

Patuloy na naglulunsad ng mga kilos protesta ang mga pambansang minorya, magsasaka, environmentalist at taong simbahan sa Tampakan, South Cotabato laban sa mapaminsalang operasyon ng Tampakan Mining Resource Corp. (TMC). Ang mga kilos protesta ay pinamumunuan ng Tampakan People�s Crusade for Environmental Protection (TAPCEP).

Ang TMC ay pinagkalooban ng gubyerno noong 2000 ng Financial Technical Assistance Agreement (FTAA) o karapatang magmina, sa hangganan ng Sultan Kudarat, South Cotabato at Davao del Sur, na kalakhan ay lupang ninuno ng mga B�laan. Ayon sa mga pagsusuri, mayroon ditong nakadepositong 6.7 bilyong onsa ng ginto at 7.8 milyong metriko tonelada ng tanso � isa sa pinakamayamang deposito ng mineral sa buong mundo.

Unang binigyan ng karapatang magmina sa lugar ang Australyanong kumpanyang Western Mining Corp. (WMC). Subalit umatras ito at ipinagbili umano ang kanilang FTAA sa TMC dahil sa malakas na pagtutol ng mamamayan sa operasyon nito. Napag-alaman kamakailan ng TAPCEP na ang TMC ay "dummy" lamang ng WMC.

Mahigpit ang pagtutol ng mamamayan doon sa operasyon ng mina dahil sa idinudulot nitong mga karamdaman sa mamamayan at polusyon sa mga ilog na sanhi ng pagkamatay ng mga isda at mga tanim.

Planong pagbubuwis sa mga migranteng DH, iniatras

Sa harap ng patuloy at lumalakas na kilos protesta, napilitang ipagpaliban ng gubyernong Hongkong noong ikalawang linggo ng Enero ang balak nitong patawan ng panibagong buwis at kaltasan ang sweldong tinatanggap ng mga katulong (domestic helper o DH).

Bago ito, mga 3,000 DH mula sa Pilipinas, Thailand, Indonesia, Nepal at Sri Lanka ang nagrali noong Enero 12 sa Victoria Park. Mula rito nagmartsa sila patungo sa mga upisina ng gubyerno habang isinisigaw ang mga islogang "No to levy! No to wage cut!" (Tutulan ang buwis! Tutulan ang pagbawas sa sahod!)

Kinabukasan, sa Pilipinas, naglunsad ng piket ang mga kamag-anak at kaibigan ng mga DH sa tapat ng Chinese Embassy sa Maynila bilang suporta sa kanilang pakikibaka. Kasama nila ang mga myembro ng Migrante.

Noong nakaraang Disyembre at Bagong Taon, sunud-sunod ang mga pagkilos ng mga Pilipino sa Hongkong sa pamumuno ng Asian Migrants Coordinating Body at United Filipinos in Hongkong upang labanan ang mga balak na pagbawas sa kanilang mga tinatanggap na sweldo.

Tigil-putukan, idineklara sa Nepal

Nagdeklara kapwa ang gubyerno ng Nepal at ang Partido Komunista ng Nepal (Maoista) ng tigil-putukan noong Enero 29.

Sinabi ni Prachanda, pinuno ng PKN (M), na pumayag ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kahilingang magtigil-putukan pagkatapos bawiin ng gubyerno ang pagtatatak na "terorista" ang PKN, alisin ang alok na premyo para sa kanilang pag-aaresto at bawiin ang mandamyento de aresto ng Interpol (International Police) para sa mga lider ng PKN.

Sa kabilang panig, nagpahayag ng pagsuporta ang punong ministro ng Nepal sa mungkahing magkaroon ng paglipat ng kapangyarihan sa isang halal na gubyerno.

Muling binuo ng PKN ang kanilang tim na makikipagnegosasyon sa gubyerno. Ito ang ikalawang pagkakataong makikipag-usap ang PKN sa gubyerno. Ang una ay sinimulan noong Agosto 2001. Tumigil ang negosasyon sa pangunahing kahingian ng rebolusyonaryong kilusan na buwagin ang gubyernong monarkiya-konstitusyunal. Muling sumiklab ang armadong pakikibaka noong Nobyembre 2001.

Bago magdeklara ng tigil-putukan, dalawang mataas na upisyal ng Armed Police Force (APF) ng Nepal ang napatay nang tambangan sila ng mga mandirigma ng PKN noong Enero 26.

Napatay sina Inspector General Krishna Mohan Shrestha at Assistant Inspector Surya Bahadur sa Lalitpur, sa labas ng Kathmandu, kabisera ng Nepal.

Si Shresthna, na punong kumander ng APF, ang pinakamataas na upisyal ng pulisya na napatay simula noong 1996.

Rasismo sa US, pinangangambahan ng mga Pakistani

Daan-daang mga kabataang Pakistani-American ang dali-daling umalis patungong Canada noong huling linggo ng Enero. Ilang libo pa ang naghihintay sa Buffalo, New York sa hangganan ng US at Canada upang maproseso ang kanilang mga papeles paalis tungong Canada o iba pang bansa. Iniiwasan nila ang bagong panggigipit na ipinatutupad ng Immigration and Naturalization Service (INS).

Ayon sa bagong mga patakaran inilabas noong Disyembre 2002, kinakailangang magparehistro ang mga Pakistani sa INS at tuwi-tuwinang magreport dito matapos na ipabilang ng US State Department ang mamamayang Pakistani sa listahan nito ng mga babantayang nasyunalidad.

Laganap ngayon ang pangamba ng mga Muslim sa US na anumang oras ay aarestuhin at gigipitin dahil sa ipinatutupad na "racial profiling" ng gubyernong Bush. Ang racial profiling ay makaisang panig na hakbang ng US upang bantayan at gipitin ang mga mamamayang kasangkot diumano sa terorismo.

 


Previous articleBack to topNext article

Pebrero 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal: Para sa pagsuporta nito sa pang-uupat ng gera sa Iraq
Pagbayarin ang rehimeng Macapagal-Arroyo!

Malawak ang pandaigdigang pagtutol sa pananalakay sa Iraq
Mga tampok na kilos protesta
Mga kilos-protesta sa Pilipinas laban sa bantang gera ng US sa Iraq, lumalawak
Ang kriminal at kontra-rebolusyonaryong si Romulo Kintanar, pinarusahan
Macapagal-Arroyo, hayagan nang pumabor sa cha-cha
Pandaraya sa mga estadistikang pang-ekonomya, nabunyag
Ang krisis na ikinukubli ng pandirigma ni Bush
Mga Ulat Koresponsal:
Pakikibakang agraryo sa Cagayan at Isabela:
Kampanya sa pagpapataas ng presyo ng mais, tagumpay

Mga Ulat Koresponsal:
Lupang inagaw, binawi ng mga magsasaka sa Isabela

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang magsasaka sa Ilocos Region, lumalawak

Mga Ulat Koresponsal:
Paano binawi ni Mang Ador ang kanyang lupa

Dekada '70: Pelikulang may panlipunang kabuluhan
Balita
Bilang pagtutuwid
Mensahe sa mga manggagawa ng PLDT

Pagtutuwid
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.