Gubyernong US, negatibo ang pagtaya sa ekonomya ng Pilipinas
Tatatlong araw lamang pagkatapos ng pagbisita sa Pilipinas ni Pres. George W. Bush ng US, naglabas ang State Department ng US ng negatibong pagtaya sa ekonomya ng Pilipinas. Tanda ito ng lalim ng krisis sa ekonomya na hindi maitanggi maging ng imperyalismong US, mababaw man ang pagsusuri nito sa naturang krisis. Palatandaan din ito ng pagnanais ng US na itulak ang ibayo pang liberalisasyon ng ekonomya.
Ayon sa Philippine Economic Outlook na regular na inilalabas ng embahada ng US tuwing kalahating taon, mababa ang posibilidad na magkaroon ng signipikanteng paglago ang ekonomya sa 2004.
Bukod sa kahinaan ng gubyerno sa pagpapalitaw ng rekurso at sa mabigat na pasaning utang, anito, nagpapatuloy ang pangamba ng mga potensyal na dayuhang mamumuhunan, turista at iba pa tungkol sa mataas na tantos ng krimen, kakulangan ng imprastruktura at korapsyon. Wala rin daw gaanong nagawa si Macapagal-Arroyo para ibsan ang kahirapan o labanan ang korapsyon.
Bukod sa kudeta noong Hulyo, kabilang sa mga tinukoy na salik na nakapagdudulot ng kawalang-katiyakan at kumukubabaw sa anumang "pag-unlad" na natamo ng ekonomya ang mga kasong korapsyon laban kay First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo.
Gayunman, ang mga dahilang ito ay pawang mababaw at hindi tumutukoy sa pinakamalaking salik sa likod ng krisis. Katunayan, ang patuloy na pagsasamantala ng imperyalismong US sa atrasadong ekonomya ng Pilipinas ang pinakamalaking dahilan kung bakit dumaranas ang Pilipinas ng permanenteng krisis.
Ayon mismo sa datos na nakasaad rito, walang inaasahang paglago sa ekonomya sa 2004 dahil ang 6.6% lamang na paglaki ng pambansang badyet tungong P864.8 bilyon ay papawiin kapwa ng 4-5% implasyon at ng 2.36% paglaki ng populasyon.
Hindi na rin magkandatuto rito ang rehimeng Arroyo dahil kung palalakihin pa ang badyet ay lalo pang lolobo ang depisit na umabot na sa P29.1 bilyon para sa buwan ng Setyembre. Ito na ang pinakamataas na inabot nito mula noong Marso. Lampas sa target nang humigit-kumulang P10 bilyon bawat buwan ang gastos ng gubyerno noong Agosto at Setyembre.
Tulad ng inaasahan, inireklamo ng rehimeng Arroyo ang pagtaya ng US embassy�kaya binawi ito makalipas ang dalawang araw at naglabas ng nirebisang dokumento ang embahada. Binawasan ng bagong bersyon ng Philippine Economic Outlook ang negatibong mga kongklusyon sa unang dokumento. Subalit dahil walang pagbabago sa datos na inilahad nito, nananatili ang batayan ng dating pagtaya.
Samantala, sa isang hiwalay na ulat, sinabi ng US at AFP na walang kakayahan ang AFP para epektibong labanan ang mga "internal na bantang panseguridad" ng bansa. Ayon sa Joint Defense Assessment na binuo ng US Pacific Command at AFP, limitado ang kapasidad ng AFP na maglunsad ng napapanahon at epektibong mga operasyong militar. Sinabi rin nitong "buhaghag at hindi gumagana" ang organisasyon ng AFP.
Gamit ang ulat na ito, agad na inirekomenda ng tutang rehimeng Arroyo na ituloy na ang naunsyaming Balikatan 03-1 sa Sulu. Iniatras ang pagsasanay militar noong maagang bahagi ng taon dulot ng malawakang protesta sa paggigiit ng US na sumama ang mga sundalong Amerikano sa mga operasyong pangkombat ng AFP. Ito rin ang ginagamit na batayan ng imperyalismong US upang magbigay ng karagdagang ayudang militar sa AFP.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|